webnovel

Clouded Feelings (Tagalog)

Ayla Encarquez is a nobody. Can she be a somebody to the man of her life?

_doravella · Urbano
Classificações insuficientes
47 Chs

The Story

"I knew you're here."

Hindi pa man nakaka-recover sa gulat na aking naramdaman nang makita ko siya, bigla niya akong tinabihan at inilapag ang isang basket ng bulaklak at isang mukhang espesyal na kandila.

Speaking of bulaklak! Oo nga pala!

"N-Naaalala mo pa siya," sabi ko habang kinukuha ang palumpon ng mga rosas na ibibigay ko nga pala kay Ate.

"Of course. I never forgot her. Though ngayon lang ako nakadalaw sa mismong death anniversary niya. I always visit kasi during her birthday. Never on her death anniversary. Ngayon lang."

Inilapag ko ang mga bulaklak katabi ng bulaklak na dinala niya.

"Wow, red roses. That's kind of unusual but okay..." puna niya sa mga bulaklak na ibinigay ko.

"B-Bigay ng mga kaklase ko. Ibibigay ko sa kaniya kaysa naman malanta lang sa bahay."

Nagsimula na namang kumabog ang dibdib ko. Mas dumoble yata kasi masiyado siyang malapit sa akin.

"Baka naman bigay 'yan ng manliligaw mo," may multo ng tawa ang kaniyang sinabi kaya panandalian ko siyang tiningnan.

"W-Wala akong manliligaw... parte kasi 'yan ng eighteen roses."

Anak ng baboy! Bakit ba ako nag-i-explain?

"Eighteen roses?" nagtatakang tanong niya. Kaya nilingon ko siya ulit.

Pero 'yong pagtataka niya ay unti-unting napalitan ng ekspresiyon sa mukha na parang may naalala. Tumingin siya sa may itaas ng puntod ni Ate at no'ng makita ang cake, ibinalik niya sa akin ang tingin.

"It's your birthday," hindi 'yon tanong kundi isang pangungusap. "Oo nga pala, yeah, yeah, I remembered. It is your birthday."

Umiwas ako ng tingin sa kaniya at balak na sanang tumayo nang bigla ulit siyang magsalita.

"Do... Do you still blame yourself?"

Anak ng baboy.

Napatagal ang titig ko sa kaniya at no'ng desidido na akong sumagot, dahan-dahan akong tumayo.

"Habang buhay kong sisisihin ang sarili ko sa nangyari sa kaniya."

Tumayo na rin siya pero ako, abala ako sa pagkuha ng mga dadalhin ko. Nagpapasalamat na nabawasan ang papasanin ko pauwi.

"You know you shouldn't."

Napabuntonghininga ako 'tsaka ko siya dahan-dahang nilingon.

"Parang hindi ganiyan ang sinabi mo sa akin noon, ah?" seryosong tanong ko habang nilalabanan ang kaniyang tingin.

Napabuntonghininga na rin siya at umiwas ng tingin.

"What I said to you that time... dala lang ng sakit 'yon. Hindi ko sinasadya iyon. Hindi mo kasalanan. Walang may kasalanan kasi aksidente ang lahat ng nangyari."

Umiwas na rin ako ng tingin at pagod siyang tinawanan kahit wala namang nakakatawa.

"Kahit saang anggulo mo tingnan, Sir Vad, may kasalanan talaga ako."

Kahit masikip ang daan paalis sa kaniya, pinilit ko ang sarili kong makipagsiksikan sa mga puntod para lang makaalis.

"Uuwi ka na ba? Ihahatid na kita."

Kusang napatigil ang paa ko sa paghakbang sa nitsong nasa harapan ko nang magsalita ulit siya.

"Hindi na kailangan, Sir Vad, kaya ko na ang sarili ko." Pinagpatuloy ko ang paghakbang sa nitso pero sa tuwing magsasalita talaga siya, kusang natitigil ang mga paa ko, e. Anak ng baboy!

"Malapit ng gumabi, I know delikado na ang daan papunta sa inyo. So please, Ayla? Let me?"

Napabuntonghininga ulit ako at hindi ko malaman kung pang-ilang beses na.

"Okay..." Mapilit ka, e.

Anak ng baboy, Ayla? Nagpumilit na ba iyon?

Alam ko... mali itong ginagawa ko pero bakit may mga pangyayari na alam mong mali pero gusto mo pa ring mangyari kasi pakiramdam mo parang tama? Mukhang tanga 'di ba?

May nobya 'yong tao at one sided lang itong nararamdaman ko sa kaniya, hindi niya nga alam pero bakit ganito? Bakit patuloy pa rin ako kahit alam ko namang patuloy din akong masasaktan?

Mahigpit ang naging hawak ko sa paper bag at sa kahon ng cake habang nag-aantay kung kailan kami makakarating sa bahay ko.

Sobrang tahimik naming dalawa, ni-musika galing sa kaniyang sasakyan ay hindi naandar. Tanging ang tahimik na andar ng makina lang ang naririnig ko lalo na no'ng malapit na sa amin.

"S-Sa may kanto na lang ako bababa. H-Hindi mo na kailangang ipasok pa hanggang sa looban." Nilakasan ko ang loob ko para masambit lang ang pangungusap na iyon.

"No, it's fine. Pupuntahan ko rin naman si MJ kaya rito na ako dadaan sa may kanto niyo."

Oo nga pala. Sa dulo ng daan malapit sa bahay namin, makikita mo na ang malaking bahay ng pamilya ni MJ Osmeña. Oo nga pala. Bakit nga ba hindi ko agad naisip 'yon? Oo nga pala, Ayla!

"G-Ganoon ba..." mahinang sambit ko, medyo nahiya sa ginawang pagtanggi kanina.

Bakit kasi, Ayla, hindi mo inaalam agad.

Lumiko nga si Vad sa may kantong papasok sa bahay namin. Ilang taon na ang nakalipas, alam niya pa rin ang bahay namin. Sabagay, no'ng nakaburol pa lang si Ate, halos araw-araw siyang pumupunta no'n sa bahay na umabot na sa puntong hindi na ako nagpapakita sa kaniya kasi mga titig niya pa lang ng panahong iyon, alam mo ng sinisisi ka niya sa lahat ng nangyari.

Hindi ko naman masisi sina Nanay, Tatay, Vad, at iba pang tao na nagmamahal sa kaniya kung ako ang pararatangan nila. Kasalanan ko naman talaga.

"D-Dito na lang..."

Huminto ang kaniyang kotse sa mismong tapat ng bakod ng bahay. Inayos ko ang mga dadalhin ko.

"S-Salamat sa paghatid," nakayukong sabi ko.

"No worries, along the way naman kasi. Send my regards to Tito Boyet and Tita Helen and happy birthday na rin, Ayla."

Pahapyaw akong ngumiti at tuluyan na talagang lumabas ng kaniyang sasakyan. Umatras ako ng isang beses at hinintay na makaalis ang sasakyan niya.

Napabuntonghininga na lang ako habang pinagmamasdan na umalis ang kaniyang sasakyan.

Kaarawan ko ngayon at ang matagal kong hinihintay na pagkakataon ay nangyari na nga pero sa hindi inaasahan na pangyayari. Alam kong mali, maling-mali ito, sobra.

Anak ng baboy!

Isang kalabog galing sa loob ng bahay ang narinig ko kaya napatigil agad ako sa pagtingin sa lumalayong sasakyan ni Vad.

Anong nangyayari?

Agad na kumabog ang aking puso at dali-daling pumasok sa loob ng bakod para alamin kung ano ang kalabog na iyon.

"Taun-taon na lang ba tayong ganito, Boyet?"

Nakasilip pa lang ako sa maliliit na siwang ng kawayang dingding ay narinig ko na ang sinabi ni Nanay. Hindi ako tuluyang pumasok sa loob dahil baka tama ang hinala ko na nag-aaway na naman ang magulang ko.

"Alam mo sa sarili mong kahit anong gawin natin, Boyet, hindi na maibabalik ang buhay ni Aylen. Tanggapin na natin na habang-buhay na siyang wala."

Umiwas ako ng tingin nang makita ko si Nanay na umiiyak na sa loob ng bahay. Si Tatay ay nakasalampak sa sahig at nakayuko, mukhang katulad ni Nanay, umiiyak na rin.

Inilapag ko ang mga dala ko at dahan-dahang naupo sa lupa at saka sumandal sa kahoy na haligi ng aming bahay.

Masikip pa rin ang dibdib ko, pero hindi na dahil sa kaba kundi sa sakit. At kahit anong sabihin ko sa utak ko na 'wag akong iiyak, mukhang may sariling buhay ang aking mga luha para kusa silang bumagsak. Napayuko na lang ako at pinakinggan ang susunod na sasabihin nila.

"Nagkandaleche-leche lang naman ang buhay natin, Helen, simula no'ng mawala si Aylen, e. Kung hindi lang dahil kay Ayla, sana buhay pa 'yong panganay natin, Helen! Sana nandito siya, kasama natin, at namumuhay sana tayo nang maayos ngayon, kompleto at masaya! Kasalanan lahat ni Ayla 'to, e. Kung sana si Ayla na lang-"

"Ano? Sana si Ayla na lang ang namatay? Sana si Ayla na lang ang nahulog sa punong iyon? Sana si Ayla na lang, Boyet, ganoon ba?"

Pumikit ako ng mariin, baka sakaling mapigilan ko ang sunod-sunod na pagluha ko. Pero hindi talaga, e, masakit talaga.

"Anong klase kang ama kung ganiyan ang iniisip mo? Anak nating pareho si Aylen at Ayla! Kung may mawala man sa isa sa kanila, alam kong pareho nating ikalulugmok 'yon. Kesyo si Aylen o Ayla ang nahulog sa puno at namatay, pareho nating hindi matatanggap iyon. Magpasalamat na lang tayo, Boyet, na naiwan pa sa atin si Ayla. Kasi hindi ko kakayanin kung pati siya mawawala rin."

Taun-taon silang ganito. Taun-taon simula no'ng mamatay si Ate. Taun-taon silang nag-aaway. Taun-taong naglalasing si Tatay. Taun-taon na akala ko ngayong taon ay hindi na ako maaapektuhan sa kung ano man ang sasabihin ni Tatay tungkol sa akin, na akala ko mapipigilan ko na ang mga luha ko pero hindi pa rin pala. Kung gaano kasakit nang una kong marinig ang mga salitang iyon sa kanila, ganoon pa rin hanggang ngayon.

"Kung ipagtanggol mo si Ayla parang hindi ikaw ang unang nambintang sa kaniya, ah? 'Wag kang magmalinis, Helena, pareho nating gusto noon na sana si Ayla na lang ang nawala."

Wow.

Tinanggal ko sa katawan ko ang bag na nakasukbit sa aking balikat at umalis. Tumakbo ako hanggang sa makakaya ko. Kahit madilim na, tumakbo ako nang tumakbo hanggang sa makarating ako sa isang maliit na burol, hindi kalayuan sa amin.

Hingal na hingal, sunod-sunod kong pinalis ang luhang kanina pang bumabagsak sa aking pisnge. Masakit, kung ako ang inyong tatanungin. Sinong anak ba ang hindi masasaktan kapag narinig mo iyon mula sa magulang mo? Na pailalim pala silang nananalangin na sana ikaw na lang pala ang namatay kaysa sa kapatid mo. Sinong hindi?

Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa makarating ako sa nag-iisang puno na nandito sa maliit na burol. Umupo ako at padarag na sinandal ang aking likod sa malaking katawan ng puno. Itinaas ko ang isang tuhod ko, ipinatong doon ang kaliwang siko ko, at tinanaw ang kabiserang barangay ng aming bayan.

At doon, sa madilim na parte ng mundo, pinagpatuloy ko ang pag-iyak at ang pagdamdam ng sakit.

Apat na taon... pero bakit hindi ko magawang magtanim ng galit sa mga magulang ko? Bakit kahit anong paratang ang ibato nila sa akin, malugod kong tinatanggap? Siguro sa katotohanang... kasalanan ko nga.

Itinukod ko ang aking noo sa palad ko at pumikit ng mariin. Masakit na ang mata ko dahil sa pag-iyak, masakit na ang puso ko sa sobrang sikip nito, masakit na ang buong pagkatao ko dahil sa hanggang ngayon, buhay pa rin ako.

Sa totoo lang, gusto ko ng mamatay pero natatakot ako. Natatakot ako sa lahat ng puwedeng mangyari kapag nawala ako. Paano na lang si Nanay, si Tatay? Ano na lang ang mangyayari sa kanila kapag pati ako nawala? Kahit alam kong gusto nilang sana ako na lang ang nawala, hindi ko naman maatim na iwan silang dalawa. Sino na ang mag-aalaga sa kanila? Walang iba kundi ako.

"Whatever it is that's bothering you... you're doing it right, just cry."

"Anak ng baboy?"

Anak ng baboy talaga!

Agad akong nag-angat ng tingin at iginala ang mata sa paligid. Nasa kalagitnaan ako ng katahimikan ko nang may narinig akong isang boses ng lalaki. Sigurado akong nasa malapit lang pero bakit wala akong makita.

"I'm not a pig, not even a ghost or a maligno. Kaya bago ka pa magulat d'yan sa pabigla-bigla kong pagsasalita, gusto kong sabihin na tao ako and I'm leaning in the bark of this big acacia tree adjacent to yours."

Awtomatiko akong napaayos sa aking pagkakaupo lalo na no'ng marinig ko ulit ang boses na iyon. Ngayon, medyo kumalma ako sa kaniyang sinabi pero may kaonting kaba pa rin naman kaya para makompirma kung tama nga ang sinabi niya, dahan-dahan akong sumilip sa kabilang parte ng punong sinasandalan ko ngayon.

May tao nga... una ko kasing nakita ay ang sapatos ng kung sinong lalaki man ito.

Humugot ako ng isang malalim na hininga. Pakiramdam ko kasi nakalimutan kong huminga kanina nang marinig kong may nagsalita. At mukha nga'ng nagpigil ako ng hininga.

"Just continue crying. I won't mind and I won't judge you. Every person in this world has the right to cry. Go on, I won't mind."

Paano ako makakaiyak ulit, e, kusang tumigil sa pagpatak ang mga luha ko nang marinig ko ang boses.

Humugot ako ng isang malalim na hininga at tuluyang isinandal ang aking likod sa katawan ng punong ito. Pumikit na rin para maibsan kahit papaano ang bigat sa aking puso.

Gusto kong mapag-isa pero hindi naman siguro masama kung minsan ay hayaan ko ang isang estranghero na samahan ako ngayon, kahit ngayon lang.

"Base sa buntonghininga mo, mukhang malalim 'yang pinagdadaanan mo. Gusto mo ba ng kuwento?"

Anak ng baboy!

Mahina akong natawa dahil sa biglang sinabi niya.

"Kuwento? Anong klaseng kuwento naman?"

Minsan, ang sarap ding balibagin ng buhay ko. Saka lang ako nagiging madaldal kapag estranghero ang kausap ko.

"Do you know Tungkung Langit and Alunsina?"

Huh?

"Tung-Ano? Sino 'yon? Taga-rito ba 'yan sa bayan natin?"

Sino 'yon?

Isang mahinang tawa ang una kong narinig mula sa kaniya. Gusto ko mang makita ang mukha ng kung sinong lalaking ito, nilabanan ko ang sarili ko dahil baka hindi na ako makapagsalita kapag nakita ko ang mukha niya. Baka kilala ko pa talaga ito, edi napahiya ako. Pero so far, hindi naman pamilyar ang boses niya. At saka, gusto ko ring marinig 'yong kuwento niya.

"Nah-uh, they're not from here. Tungkung Langit and Alunsina were one of the Visayan deities o 'yong mga diwata rito sa Visayas."

Deities? Diwata? Visayas? Visayan? Huh?

"Visayan? Ibig mong sabihin dito sa atin? May ganoon ba? Akala ko greek mythology lang 'yon?"

Ngayon ko lang kasi nalaman ang tungkol doon. Napag-usapan ba namin 'to sa paaralan? Bakit parang hindi ko narinig? Tulog ba ako? Umalis, lumabas, absent? Hindi ko alam.

"Yes, we do have that here and dini-discuss din ito sa lessons sa school. Haven't you heard about it? Philippine Mythology."

Ang talas mag-english nitong kausap ko ha.

"The Philippine Mythology is divided into three kinds: The Deities in Luzon, The Deities in Visayas, and The Deities in Mindanao. But anyways, gusto mo bang marinig ang story nilang dalawa?"

"Sige, ano ba 'yon?"

Kahit pinapasok ko pa sa utak ko ang tungkol sa bagong nalaman mula sa kaniya, hinanda ko ang sarili ko para makinig sa kung anong kuwento niya. Gawa-gawa niya man 'to o hindi, wala akong pakialam. Baka makatulong ang kuwento niya sa pinagdadaanan ko ngayon.

"Tungkung Langit and Alunsina are the chief gods of the upper world. Tungkung Langit means the pillar of the skies and considered as the supreme god or highest-ranking deity. While Alunsina is the goddess of the eastern skies and the most powerful diwata. In short, they got married and decided to settle down in heaven..."

"Um..." tumikhim ako nang sumingit ako sa kaniyang pagsasalita. "Puwede tagalog?"

Isang mahinang tawa na naman ang narinig ko mula sa kaniya, mahina nga pero malakulog pa rin ang dating.

"Just as I expected. Okay, magtatagalog na."

Tumikhim din siya at mukhang hinanda ang sarili para sa susunod na sasabihin.

"Pagkatapos magpakasal ng dalawa, naging abala si Tungkung Langit sa pag-aayos and pagpu-put into order sa noo'y hindi pa buo na mundo. In other words, naging workaholic siya. Tungkung Langit was once described as a loving, hard-working god at si Alunsina was also described as a lazy, jealous, and selfish goddess. See the difference? Si Tungkung Langit, masipag. Si Alunsina, tamad. Si Tungkung Langit, mapagmahal na asawa. Si Alunsina, selosa na nga madamot pa."

Pero bakit kaya pinakasalan ni Tung-Ano? Si ano, si Alunisa? Alusina? Aloe vera? Ha? Ah basta, bakit kaya?

"Isang araw, umalis si Tungkung Langit sa upper world para bumaba sa lupa to fulfill his duty as the high-ranking deity. And Alunsina, being the jealous type, ay inutusan ang hangin na bantayan, sundan, at manmanan ang bawat galaw ng kaniyang asawa. E, agad nalaman ni Tungkung Langit ang ginawa ni Alunsina kaya nag-away sila. Isang mahaba, seryoso, at mapanakit na away sa pagitan nilang mag-asawa. In fact, sa sobrang sakit ng naramdaman ni Alunsina, naisipan niyang umalis at iwan si Tungkung Langit sa upper world. Umalis siya nang walang pasabi kung saan man siya pupunta. Tungkung Langit regretted that kaya hinanap niya sa kung saang sulok ng mundo: upper world, middle world, underworld, at sa kung saan-saan pa pero hindi niya nakita si Alunsina. Tungkung Langit, that time, was so desperate to find his wife. So kinuha niya ang lahat ng alahas ni Alunsina at isinaboy niya sa kalangitan. Baka sakali raw na makita ni Alunsina at bumalik sa kaniya. Pero hindi na bumalik si Alunsina sa kaniya kahit kailan."

Anak ng baboy! Muntik pa akong makatulog dahil sa kuwento niya, mabuti na lang at narinig ko nang buo.

Bigla siyang natahimik, naghintay ako ng ilang segundo pero hindi na nasundan ang kuwento niya. Tapos na ba?

"So what can you say about Alunsina and Tungkung Langit's story?"

Ay tapos na nga.

Tumikhim ako para ayusin ang boses ko.

"Um... tama lang 'yong ginawa ni Alunsina."

"Tama? In what means? I mean, paki-elaborate raw?"

Umayos ako sa pagkakaupo ko rito sa lupa at hinanda ang sarili ko.

"Base sa kuwento mo, masiyado nang mapanakit ang away nilang dalawa. Hindi na maganda kay Alunsina kaya tama lang na umalis siya sa puder ni Tungkung Langit. Sino ba naman kasing babae ang magtitiis sa ganoong klaseng away? Kapag hindi na maganda, kapag nagkakasakitan na kayong dalawa, tama lang na tumiwalag ka na."

Lumalabas na naman words of wisdom mo, Ayla.

"Hm, point taken. Pero kasalanan ni Alunsina kung bakit nag-away silang dalawa ni Tungkung Langit. Kung hindi niya pinasundan ito sa gitna ng kaniyang pagtatrabaho, edi sana walang away na nangyari between the two of them. Like what I said, Alunsina is a lazy, jealous, selfish kind of woman."

"Edi pareho silang may mali," agad na sagot ko sa kaniyang sinabi. "Nasobrahan sa pagtatrabaho si Tungkung Langit kaya siguro naubusan siya ng oras kay Alunsina. Ang gusto lang ni Alunsina ay ang atensiyon galing sa kaniyang asawa. Kaya pareho silang mali: si Tungkung Langit bilang sa pagiging sobra niya sa trabaho at si Alunsina na walang tiwala sa kaniyang asawa. Kasi 'di ba sa relasyon, dapat dalawa 'yan? Dalawa kayong may control sa lahat. It takes two to tango, sabi nga nila. Kasi kung mag-isa ka lang, paniguradong lulubog ka, masisira lahat ng pinaghirapan niyong pundasyon ng pagmamahalan. Partnership, wika nga nila. Walang relasyong matatawag kung mag-isa ka lang na lumalaban."

Na-ikuyom ko ang aking kamao nang maalala ang one sided love ko kay Vad. Galing pa talaga sa akin 'yon, ano?

"Wow... based on experience?" may multo ng tawa akong narinig mula sa kaniya.

"Based on experience my ass. Wala ako n'yan."

"You're a good listener and you're also a good love guru. I just thought marami ka ng experience."

"Wika nga nila, mas maraming nasasabi ang isang taong single kaysa sa isang taong may karelasyon."

Pareho kaming natahimik bigla. Naririnig ko na ang kuliglig at nagpapasalamat na rin ako na bilog ang buwan ngayong gabi, kahit papaano'y nadagdagan ang ilaw na nandito sa maliit na burol na dagdagan pa ng nag-iisang poste na may maliit na ilaw.

"There's an additional part of that story. A part that you will feel Tungkung Langit's love to Alunsina," biglang sabi niya matapos ang katahimikan.

"Ano naman 'yon?"

"Ayon sa kuwentong iyon, ang araw, buwan, at ang mga bituin sa langit daw ay ang korona, suklay, at ang kuwintas ni Alunsina. Parte ng mga alahas na isinaboy ni Tungkung Langit sa kalangitan para lang makita si Alunsina. At saka 'yong ulan at kulog? Luha at boses raw ni Tungkung Langit 'yon, na desperadong tinatawag ang kaniyang asawa at dinadamdam ang sakit ng kaniyang pagkawala. See? That's how he loves Alunsina 'cause up until now, nararamdaman pa rin natin ang kulog at ulan kaya ibig sabihin umiiyak pa rin si Tungkung Langit sa pagkawala ni Alunsina."

Napabuntonghininga ako at napatingala sa malawak at madilim na kalangitan.

"Sana nga totoo ang istoryang iyan, na may ganiyang klaseng lalaki na kayang magmahal ng isang babae na tamad, selosa, at madamot. Pero mitolohiya 'yan, totoong mundo ito, imposibleng mangyari 'yan sa totoong buhay."

"You don't know, baka mangyari sa 'yo ang ganiyang klaseng istorya."

"Imposible..." bulong ko.

"Anyways... I hope you're feeling better now."

Nakarinig ako ng kaluskos galing sa banda niya pero hindi ko na masiyadong pinansin.

"Medyo..."

"That's good to hear. At least medyo, kaysa hindi, kasi iiwan na kita rito. May kailangan pa kasi akong puntahan. Don't worry, it's safe here naman and no one's gonna harm you pero babae ka, 'wag ka na sanang masiyadong magtagal dito. Thanks for listening to that story. Have a good night, Miss."

Oh? Aalis na siya?

"Salamat din..." nasabi ko na lang bago ako nakarinig ng yapak paalis sa punong kinaluluguran ko. Mukhang sa kabilang banda ng burol siya dadaan.

Bumuntonghininga muna ako bago ko nilakasan ang loob kong silipin ang daang dinaanan niya.

Isang lalaki nga ang naglalakad paalis sa puwesto ko pero no'ng tumapat ang kaniyang katawan sa maliit na poste na nandito sa burol biglang nanlamig ang buong kalamnan ko... ang buong buhay ko mismo.

Napasapo ako sa bibig ko at dahan-dahang tumayo para tahakin ang daan pauwi sa amin. Halos takbuhin ko na ito sa sobrang pagmamadali.

Nang makarating sa tapat ng bahay namin, sunod-sunod ang naging paghinga ko pero nanatiling nakasapo sa aking bibig ang kaliwang palad.

Si Tungkung Langit 'yong nakita ko ay este si boy tingkoy ay este si Sonny Lizares pala!

Oo, si Sonny Lizares 'yon, sigurado ako! May buhok sa batok! Siya lang ang may ganoong klaseng buhok sa batok. Hindi ako puwedeng magkamali, si boy tingkoy nga iyon!

Kung puwede ko lang ilabas itong mata ko dahil sa gulat baka kanina ko na ginawa.

Ang dami naming napag-usapan! At sa lahat ng puwedeng tumambay doon, bakit siya pa? Bakit siya? Nakita niya ba ako? Kilala niya ba ako? Ano na!

"Ayla? Okay ka lang? Saan ka galing?"

Anak ng baboy! Realidad, Ayla!

Agad akong napaayos ng tayo nang tumumbad sa akin ang mukha ni Nanay. Ngayon ko lang napansin, nasa tapat na mismo ako ng pinto ng bahay.

"Saan ka galing, Ayla?"

"P-Po? K-Kay Tiya Judy po, 'Nay."

"Nakita ko 'yong mga gamit mo sa labas ng bahay kanina. Iniwan mo lang?" Tuluyan akong pinapasok ni Nanay sa loob ng bahay at ang unang tumumbad sa akin ay si Tatay na nakahiga na sa kaniyang higaan dito sa salas. "Tulog na. Mabuti nga at maagang natulog," sabi ni Nanay sabay muwestra sa puwesto ni Tatay.

"N-Nagmamadali po kasi ako, 'Nay, kaya hindi ko na naipasok ang mga gamit ko." Paparusahan talaga ako ng langit sa pagsisinungaling kong ito. Pero mabuti na iyon, kaysa naman malaman ni Nanay na kaya ako biglang umalis ay para takbuhan na naman ang mabibigat na salitang ibinabato nila sa akin.

Hinawakan ni Nanay ang kanang braso ko at marahan itong pinisil.

"Happy birthday nga pala, Ayla. Pasensiya ka na at hindi ako nakapaghanda."

Pagak akong ngumiti kay Nanay pero agad ding umiling.

"Okay lang po, 'Nay. May dala po akong cake, galing sa mga kaklase ko. At saka iilang tira ng handa namin kanina."

Nilapitan ko ang lamesa namin at nakita ko nga roon na maayos nang nakalatag ang mga pagkain na dala ko galing sa Christmas party namin kanina.

"Dumaan ka ba sa kaniya bago ka umuwi kanina?"

Agad akong tumango sa naging tanong ni Nanay.

"Kain na tayo?"

Kahit tulog si Tatay, pinagsaluhan namin ni Nanay ang tirang cake at ang kaonting pagkain na aking dala.

Nang matapos sa pagkain at pagliligpit, sa wakas ay makakahilata na ako sa aking kama.

Katatapos ko lang magbihis ng pambahay at handa na sanang humilata sa aking kama nang biglang mahinang tumunog ang aking cell phone. Hinanap ko pa ito sa aking bag at agad sinagot ang tawag.

Fabio Menandro Varca is calling...

"Hi Ayla..."

"Hm, magandang gabi Fabio, napatawag ka?"

"Kumusta, Ayla? Itatanong ko lang sana kung nagustuhan mo ang binigay ko?"

Nangunot ang noo ko nang marinig ang sinabi ni Fabio.

"Binigay? May binigay ka sa akin?"

Bigla siyang natawa sa kabilang linya.

"Ayla talaga, masiyadong makakalimutin. 'Yong regalong binigay ko sa 'yo kanina?"

Anak ng baboy! Oo nga pala!

Habang nasa tenga ko pa ang cell phone ko, hinanap ko sa isinantabi kong gamit kanina ang regalong sinasabi ni Fabio. Ipinasok ko nga pala sa paper bag na dala ko kanina ang regalong iyon kaya akala ko nabuksan ko na, alam ko na kasi ang laman ng paper bag kaya kumpiyansa lang ako.

"Hindi mo pa nabubuksan 'no?" natatawa pa ring sabi niya mula sa kabilang linya. "Sige, buksan mo, makikinig ako sa magiging reaksiyon mo."

Agad kong kinuha ang kahon na iyon at inilapag sa aking kama. Habang naka-on call pa rin si Fabio, inilapag ko ang cell phone katabi ng kahon at pinagtoonan ito ng pansin.

Maganda ang pagkakabalot nito, kulay rosas. Kaya may parte sa akin na parang ayaw kong sirain ang balot. Sobrang ganda kasi talaga.

Napailing na lang ako at dahan-dahang binuksan ang regalong iyon.

Anak ng baboy!

Nang makita kung ano ang ibinigay ni Fabio sa akin, walang pagdadalawang-isip kong kinuha ang cell phone ko para makausap siya ulit.

"Nagustuhan mo?"

"Fabio!" pabulong pero may diin kong sabi. Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko para pigilan ang sarili. "Fabio, hindi ko matatanggap 'to!"

Halos ayaw kong hawakan ang ibinigay ni Fabio sa akin. Hindi ko talaga matatanggap 'to.

"Ayla, okay, relax ka lang. Alam kong hindi mo talaga tatanggapin 'yan pero alam ko, kailangan mo 'yan. At saka, 'wag kang mag-alala, mukha lang bago 'yan pero hindi bago 'yan. 'Yan 'yong pinaglumaan ko. Binilhan kasi ako ng bago kaya naisipan kong ibigay sa 'yo ang lumang cell phone ko. Sakto rin kasing sinabi ni Zubby sa akin na sira na raw ang screen ng cell phone mo kaya sa 'yo na 'yan. Alam kong magrereklamo ka pero please tanggapin mo na 'yan. Please 'wag mong ibabalik sa akin 'yan, magtatampo talaga ako sa 'yo. Ilang tulong at regalo ko na ang tinanggihan mo, ha."

Sinapo ko ang noo ko at unti-unting hinilamosan ang aking mukha dahil sa hindi makapaniwala sa pinaggagawa ni Fabio.

"Hindi ko naman kasi kailangan 'to, Fab, e. Alam mo namang hindi ako tumatanggap ng tulong kapag hindi ko hiningi 'di ba?"

Parang gusto kong umiyak.

"Tanggapin mo na 'yan, Ayla. Mahal naman ki-"

Parang nag-glitch 'yong boses ni Fabio kaya hindi ko masiyadong narinig ang huling sinabi niya.

"Ha? Ano 'yon, Fab?"

"H-Ha? A-Ang sabi ko... Hindi naman mahal 'yan kaya tanggapin mo na."

Mas lalo yatang dumagan sa akin ang mundo.

"Anong hindi mahal? Iphone 'to, Fab, siyempre mahal 'to."

"Hindi 'yan mahal. Obsolete na 'yang Iphone six. At saka, napaglumaan ko na 'yan, remember? Iphone eleven pro max na ang gamit ko ngayon. Mas bago, mas high-tech."

Napabuntonghininga na lang ako dahil sa mga pinagsasabi ni Fabio.

"Siya, siya, may magagawa pa ba ako?"

"Yown! Sabi na tatanggapin mo rin, e."

"Last na 'to, Fab, please? Ang dami ko ng utang sa 'yo."

"Mahal ka n'yan!"

"Ha?"

May kasama ba si Fabio? Parang may sumisigaw kasi sa kabilang linya.

"W-Wala 'yon, Ayla. 'Wag kang makikinig sa kanila. Sige, magkita na lang tayo kapag magkikita kayo ni Zubby ha? Bye. Happy birthday ulit."

"Sala-"

Napakamot na lang ako sa aking ulo nang bigla akong binabaan ni Fabio.

Napabuntonghininga ulit ako. Sinipat ko ng tingin ang cell phone na ibinigay niya sa akin. Sa kaniya nga ito. 'Yong dating ginagamit niya.

In-on ko ang cell phone na iyon at nang tuluyang magbukas, unang tumumbad sa akin ang mukha naming dalawa. Naka-selfie, kaming dalawa, siya ang may hawak. Nakalimutan ko na kung kailan 'yon pero base sa suot naming damit, paniguradong sa paaralan lang iyon dahil pareho kaming naka-uniporme. Napabuntonghininga ulit ako. Bukas ko na lang kakalikutin ang cell phone na ito.

Isinantabi ko muna ito at tuluyang humiga sa aking kama.

Ang daming nangyari ngayong araw.

Pero... matino rin palang kausap si boy tingkoy, ano?

Sinabunotan ko ang aking sarili! Anak ng baboy!

Sobrang nakakahiya! Sa lahat ng puwedeng kausapin, bakit talaga siya pa?

Pero...wala sa pagkatao niyang may alam siyang ganoong istorya pero nakaka-amaze, matino rin pala siyang kausap. Puwede na.

~