webnovel

Clouded Feelings (Tagalog)

Ayla Encarquez is a nobody. Can she be a somebody to the man of her life?

_doravella · Urbano
Classificações insuficientes
47 Chs

The Spanish Bread

Kahit nanghihina, pinilit ko ang sarili kong maglakad hanggang sa makaabot ako sa tapat ng shopping center, sa Shell Gasoline Station.

Pagod na pagod na ako. Ubos na ubos na ang buong pagkatao ko. Lahat ng kahihiyan sa buong buhay ko, inubos ko na, sagad na sagad na. Wala na akong ibang makakapitan pa.

Humigpit ang hawak ko sa hawakan ng maleta nang biglang parang niyanig ang mundo ko. Feeling ko lumindol dahil parang umikot talaga ang paningin ko.

"Ayla!"

Bago ko pa man malaman kung kaninong boses ang tumawag sa pangalan ko, bigla nang umitim ang paligid ko.

Nagising ang diwa ko nang may marinig akong iba't-ibang klaseng tunog. Parang may nagsasalita sa paligid ko.

Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko.

Nasaan ba ako?

Bumangon ako para makita nang tuluyan ang paligid ko. Ang unang nakita ng mata ko ay isang kurtinang kulay green.

Ano ba ang nangyari?

"Ayla?"

"S-Shame?" Gulat na sagot ko sa kaniya. Siya ang tumawag sa pangalan ko matapos akong makabangon sa pagkakahiga. "N-Nasaaan ako, Shame? At saka, ano nga palang ginagawa mo rito?"

Nagtataka na ako sa paligid ko. Sa huling pagkakaalala ko, nasa gasolinahan ako kanina, naglalakad, bago dumilim ang paligid ko at hindi ko na alam kung anong nangyari sa akin pagkatapos.

"'Wag ka muna masiyadong gumalaw, tatawagin ko lang si Doc," aniya at muli akong inalalayan para maayos akong maka-upo bago siya umalis ulit.

Nasa hospital ba ako? Anong ginagawa ko rito? Anong oras na ba?

Pinasadahan ko ng tingin ang buong katawan ko. Nakasuot ako nang sa tingin ko ay isang hospital gown, tapos may dextrose na nakakabit sa may kamay ko.

Ano bang nangyari sa akin? Pilit kong inaalala sa utak ko kung ano ba ang nangyari bakit nandito ako ngayon sa hospital pero wala talaga akong maalala, ang naaalala ko lang ay ang mga nangyari ilang oras bago nangyari ang paglalakad kong iyon. 'Yung tinalikuran ako ng lahat.

Maya-maya lang din ay bumalik si Shame at may kasama na siya ngayon. Isang naka-puting coat at may kasamang isang nurse ang kasama ni Shame sa kaniyang pagbabalik.

"Anong nararamdaman mo ngayon, hija?" Agad na tanong no'ng babaeng naka-puting coat. Sinenyasan niya 'yung nurse kaya hindi agad ako nakasagot sa kaniya. May inabot naman ang nurse sa kaniyang parang isang folder.

"Ah, ano po, parang normal naman po. Ano po bang nangyari sa akin, Doc? At saka po, ilang oras po akong tulog?" Lakas-loob na tanong ko. Sinulyapan ko pa si Shame bago nagpatuloy sa pagtatanong.

Lumapit ang nurse sa akin at may pinaggagawa siya.

"I-chi-check ko lang ang BP at temperature mo, Miss, ha?" Magalang na sabi niya bago ikinabit sa akin 'yong instrumentong ginagamit nga sa pagchi-check ng blood pressure at minaniobra ito. "One-twenty over seventy ang BP, Doc, at thirty-six ang body temperature po," sabi ng nurse matapos siya sa mga pagchi-check sa akin.

"Hmmm, good. Pakidala na lang ng result niya sa table ko tapos pakikuha na rin ng resetang para sa kaniya," sabi no'ng Doctor sa nurse.

Nagkaroon ako ng pagkakataong lingunin si Shame. Nakatingin lang siya sa akin. Halata sa mukha niyang gusto niyang magsalita pero mas pinili niyang manahimik muna.

"Miss Ayla Encarquez, right?"

Bumalik ang tingin ko sa Doctor nang marinig kong nagsalita ulit siya at this time, ako naman ang ka-usap niya. Babaeng doctor siya at malawak ang ngiti niya sa akin.

"About your questions kanina, I'll answer it later but let me first congratulate you, Miss Encarquez, you're fourteen weeks pregnant."

Umiwas ako ng tingin sa doctor, hindi ko alam kung ano'ng mararamdaman ko. Gusto kong matuwa pero dahil sa situwasiyon ko ngayon, ni pagngiti ay hindi ko magawa.

Kumpirmado na, buntis nga talaga ako. Eksperto na ang nagsabi, e.

Tumikhim ang doctor sa tabi ko kaya naibalik ko ang tingin sa kaniya.

"You passed out, Miss Encarquez, and you're here for a day. Kahapon ka pa nandito. Nag-bleeding ka rin, Miss Encarquez, kaya kinailangan naming i-admit ka for a day. Mabuti na lang at mahigpit ang kapit ng bata kaya naging okay ka ngayon."

Madaming sinabi ang doctor pero 'yon lang ang naintindihan ko. Muntik na akong makunan. Muntik nang mawala ang batang nasa sinapupunan ko.

Wala sa sarili kong hinawakan ang tiyan ko para pabulong na humingi ng tawad sa anak kong hindi pa nga lumalabas sa mundo, muntik ko ng patayin sa sobrang pag-aalala sa mga taong tinalikuran ako.

Nagbilin ang doctor ng iilang vitamins para ma-inom ko. Marami siyang sinabi pero ayaw lang tanggapin ng utak ko.

Nang makaalis ang doctor, agad kong hinarap si Shame.

"Okay ka lang? 'Wag ka muna masiyadong gumalaw, baka kung mapa'no ang bata," aniya.

"P-Paano ako nakarating ng ospital? Kayo ba 'yung nakakita sa akin?"

Mariin kong tiningnan si Shame, hinihintay kung anong isasagot niya.

"Nakita ka namin sa daan, sa may Shell. Dapat kasi pupuntahan ka namin sa inyo kaso nga nakita ka naming naglalakad sa daan. Tinawag ka namin pero mukhang hindi mo narinig kaya bumaba kami sa sasakyan ni Zeke at doon ka na nga biglang nawalan ng malay. Mabuti na lang at naging mabilis si Zeke, nasalo ka kaagad," kuwento niya.

"Nagaalala kasi talaga ako sa'yo, Ayla, kasi feeling ko talaga buntis ka, e, at saka mas lalong lumakas ang kutob ko nang makita ko ang search bar mo at lahat ng iyon ay tungkol sa pagbubuntis at kung anu-ano pang may connection sa pagbubuntis. Tapos, ano, sinundan kita no'ng hapong maghiwalay na tayo ng daan. Sabi sa'yo may kutob na talaga ako, e, kaya sorry?"

"W-Wala na 'yon, Shame. Buntis na ako," sabi ko na lang.

"Okay ka lang ba talaga? Bakit ka nga pala may dalang maleta? May nangyari ba sa inyo?" Napabuntonghininga ako sa tinanong ni Shame. "Hindi sa nanghihimasok ako, Ayla, ha pero kasi kahapon, pinuntahan namin 'yung bahay n'yo. Sinubukan naming sabihin sa mga magulang mo ang situwasiyon mo ngayon, pero bakit ganoon? Bakit galit na galit ang tatay mo? Bakit ang sinasabi niya, wala na siyang pakialam sa'yo? Nag-away ba kayo? Kaya ka ba may maletang dala? Umalis ka ba sa inyo?"

Wow. Wala akong masabi sa sinabi ni Shame. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Masiyado nang namanhid ang buong pagkatao ko.

Nagda-dalawang isip akong sabihin kay Shame ang kalagayan ko ngayon kasi nahihiya ako pero wala na talaga akong ibang matakbuhan pa. Tinalikuran na ako ng pamilya ko, pati ng mga taong tinuring kong kaibigan. Kung pati siya, tatalikuran ako, saka na ako susuko. Sana naman at matulungan ako ni Shame, kakapalan ko na talaga ang mukha ko.

Pinagsalikop ko ang dalawang kamay ko at nilakasan ang loob.

"Oo, Shame, pinalayas ako sa amin dahil nalaman nilang buntis ako. Hindi tanggap ni Tatay ang pagbubuntis kong ito. Wala na akong matakbuhan, Shame, kasi pati ang matalik kong kaibigan ay tinalikuran na rin ako," hindi ako nangahas na tingnan siya sa kaniyang mga mata para ma-iwasan ang lungkot at simpatiya ng ibang tao.

"H-Ha?"

At sa kauna-unahang pagkakataon, nailabas ko ang lahat ng hinanakit ko sa buhay sa isang tao. Bumigay ako sa harapan ng isang taong ilang buwan ko pa lang nakikilala, sa isang taong hindi man alam ang nakaraan at ang buong pagkatao ko, pinakinggan ang bawat salitang sinasabi ko.

"Anong plano mo ngayon? Saan ka muna titira?" Nang matapos ang kuwento ko, agad tinanong ni Shame 'yon.

"Hindi ko alam. Hindi ko na alam kung anong mangyayari sa buhay ko, Shame."

Hinawakan ni Shame ang dalawa kong kamay na nakapatong lang sa ibabaw ng binti ko. Marahan niya akong tiningnan.

"Ayla, alam kong co-worker mo lang ako pero nandito lang ako, ha? Willing akong tulongan ka, kami nina Zeke at Sir J, kaya 'wag kang mawawalan ng pag-asa ha? Pag-isipan mo nang mabuti kung ano ang magiging hakbang mo, nandito lang kami para suportahan at tulongan ka, 'wag mong kalilimutan 'yan."

Naluluha ako sa mga pinagsasabi ni Shame ngayon sa akin. Kung sino pa ang kakakilala mo lang, sila pa ang handang tumulong sa'yo sa gitna ng kagipitan.

Nang hapon ding iyon, na-discharge ako sa ospital. Nakakahiya man pero tinulungan ako ni Sir Johnson sa pinansyal na aspeto. Siya ang nagbayad ng mga bayarin ko sa ospital. Sina Shame at Ezekiel naman ang nagbayad sa pambili ng gamot na kakailanganin ko. Nakakahiya nga, e, pero wala na raw magagawa ang pagtanggi ko.

"Mabuti na lang talaga at may natitira pang space dito sa dorm namin," sabi ni Ezekiel sabay lapag ng maleta kong siya ang nagdala. "Pasensiya ka na, Ayla, at maliit lang 'tong kuwartong ito. 'Wag kang mag-alala, aalis na rin naman 'yung isang boarders namin sa susunod na linggo kaya tiis-tiis ka muna rito, ha, ililipat din kita sa kuwartong 'yon."

"Ezekiel, ano ka ba! Okay lang 'to, mabuti na nga 'to kesa sa wala, e. At saka, nakita mo naman 'yong bahay namin 'di ba? Kasing liit lang 'yon nito, mas malaki pa nga 'to kesa sa kuwarto ko roon, e," agad na tanggi ko sa mga pinagsasabi niya. "Maraming Salamat talaga sa tulong n'yo. Sobrang nakakahiya na," dagdag ko pa.

Nagkatinginan silang dalawa ni Shame at parehong natawa.

"Alam mo, Ayla, kahapon ka pa ganiyan ha? Sabing okay nga lang. Maliit na tulong nga lang 'tong ginagawa namin, e, at saka, kung puwede ka lang sa bahay talaga, do'n na kita pinatira, e, nang hindi ka na mangupahan dito kina Zeke."

"Mas nakakahiya na talaga 'yon, Shame. Okay na ako rito sa kuwartong ito. May kaonting ipon naman ako para bayaran ito ng ilang buwan pa."

"Wala ka bang balak sabihin sa ama ng dinadala mo ang situwasiyon mo ngayon, Ayla?"

"Zeke!"

Natigil ang kamay kong aabutin na sana ang isang bag ko dahil sa sinabi ni Ezekiel.

"Hindi sa nanghihimasok ako, Ayla, ha, pero sobrang gago naman ng lalaking gumawa n'yan sa'yo? Binuntis ka tapos hindi niya man lang pinandigan? Iniwan ka pa sa ere at hinayaang magkagalit kayo ng mga magulang mo? Kung totoong lalaki siya, hindi ka niya tatalikuran at ihaharap niya ang sarili niya sa mga magulang mo para panindigan ang ginawa niya sa'yo."

"Ezekiel, ano ba!"

"Hindi, Shame, e, alam mo naman kung gaano ako kagalit sa mga lalaking ganiyan, 'di ba? Kaya nasisira ang reputasyon ng mga lalaki nang dahil sa ganiyang klaseng lalaki, e. Nasisira ang reputasyon namin dahil sa mga lalaking duwag na harapin ang responsibilidad ng pagiging ama nila! Imbes na harapin, tinatakbuhan pa kasi nga naduduwag. Gumagawa ng sarap, hindi man lang masamahan sa hirap ang babaeng ginawan nila ng sarap."

Sunod-sunod na paglunok ang nagawa ko dahil sa mga pinagsasabi ni Ezekiel. Tumataas na ang boses niya at mukhang galit na nga siya.

"P-Pagpasensiyahan mo na si Zeke, Ayla, may pinang—"

"Hindi niya alam."

Pinutol ko ang gustong sabihin ni Shame dahilan para manahimik silang dalawa at parang dinaanan ng isang anghel ang loob ng kuwarto sa sobrang tahimik ng paligid. Itinigil ko ang gagawin ko sana at hinarap silang dalawa. Pero hindi ko pa rin kayang tingnan sila sa mata.

"Hindi niya alam na buntis ako."

"Ano?"

"Ha? Bakit?"

"Masiyadong kumplikado ang situwasiyon naming dalawa kaya mas pinili kong hindi sabihin sa kaniya ang tungkol sa pagbubuntis ko," pinagsalikop ko ang dalawang kamay ko at napayuko na lang dahil sa kaba… at sakit.

"B-Bakit hindi mo sinabi? Kailangan niyang malaman 'yan, Ayla, kasi karapatan niya 'yon bilang ama ng dinadala mo! At saka may chansang matulongan ka niya sa pinapasan mong problema ngayon. Bakit mo naman hindi sinabi?" Sabi ni Shame.

Wala akong binanggit sa kanila tungkol sa ama ng dinadala ko. Hindi rin sila nagtanong. Ngayon nga lang namin napag-usapan 'to matapos akong makalabas ng ospital kaninang umaga lang.

"Mukhang may gusto naman sa'yo 'yon, bakit hindi mo sinabi? Sigurado akong 'pag sinabi mo, agad kang papanagutan no'n," dagdag na sabi ni Shame.

At doon ako napatingin sa mga mata ni Shame. Anong ibig niyang sabihin?

Kunot ang noo at naguguluhan, tinanong ko siya.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Ha? Hindi ba 'yung nagpadala ng bulaklak sa'yo ang ama ng dinadala mo? 'Yong si Fabio Varca? Siya, 'di ba?"

Ano? Anak ng baboy!

"H-Hindi… hindi si Fabio ang ama," agad na tanggi ko sa sinabi niya.

Hangga't maaari, ayaw ko nang idamay ang pangalan ni Fabio sa situwasiyon ko ngayon.

"Ha?"

"E, sino?"

"Hindi kayo maniniwala kapag sinabi ko kung sino ang ama. Masiyadong kumplikado ang situwasiyon namin kaya kung maaari ay hindi na niya kailangang malaman pa ito."

Nagkatinginan silang dalawa at sabay pa na nagbuntonghininga.

Dumating ang panibagong linggo. Pumasok na ako sa opisina, Lunes, matapos akong makalipat sa bagong tinitirhan ko. Grabe 'yong naging adjustment ko sa unang araw na pagtulog ko sa isang boarding house. Masiyado akong nasanay tumira sa bahay-kubo namin kaya ngayon ay namamahay ako.

Alam kong sinabi ng doctor na 'wag akong ma-stress o magpaka-stress man lang at baka maapektuhan ang bata. Malakas nga ang kapit niya sa akin pero wala raw kasiguraduhan 'yon na lalakas pa ang kapit niya sa mga susunod na linggo. Kaya kung maaari raw ay umiwas ako sa malalaking problema na magpapadagdag sa pinapasan ko.

Pero anong magagawa ko, e, sobrang laki na ng problema ko ngayon?

Anak, kung naririnig mo man ako ngayon, please lang, kumapit ka lang kay Mama, ha? Kapit lang nang mahigpit. Pangako, paglabas mo, magiging magaan na ang mundong gagalawan mo. 'Yan lang ang masisigurado ko sa'yo.

"I.T. pips, merienda na naman sa office ni Engineer."

Sabay-sabay kaming lumingon na tatlo sa pintuan ng opisina nang may kumatok, bumukas ng pinto, at dumungaw si Rad. Malawak ang kaniyang ngiti at itinuro niya pa ang direksyon ng katabing opisina.

Umiwas agad ako ng tingin nang marinig ang sinabi niya at pa-simpleng nagbuntonghininga.

Ilang linggo na ang nakararaan at araw-araw nang nagpapatawag ng merienda ang kabilang opisina. Dati, mga thrice a week lang ang merienda, pero matapos no'ng makalipat na ako ng tirahan, naging araw-araw na ang pag-aaya ng merienda ng kabila.

"Halika na, Ayla," tinapik ni Shame ang balikat ko pero nanatili akong nakaupo sa swivel chair at napatitig na lang sa monitor na nasa harapan ko.

"Kayo na lang, wala akong ganang kumain," agad na tanggi ko.

Natigilan silang dalawa sa paglalakad kaya naibalik ko ang tingin sa kanila.

"Hoy, anong walang gana? Halika na! Hindi puwedeng wala kang gana. May pinapakain ka sa loob mo, baka gutom na 'yan. Halika na," at marahang kinuha ni Shame ang kamay ko para hatakin ako.

Kahit ayoko, nagpadala pa rin ako sa kaniya.

"Alam mo, napansin ko lang, bakit parang umiismid kaagad ang mukha mo sa tuwing tinatawag tayo ng kabilang opisina para sa merienda? May iniiwasan ka ba sa staff ni Engineer?" Natatawang sabi pa niya habang naglalakad na kami palabas ng opisina.

"W-Wala, hindi, ano, 'wag mo na lang akong alalahanin."

"Ilang linggo ka nang ganiyan ha, baka may pinaglilihian ka sa kabilang opisina," inangkla niya ang braso niya sa braso ko. "O baka naman si Engineer ang pinaglilihian mo? Pero sabagay, guwapo nga namang tunay si Engineer kaya puwedeng-puwedeng paglihian. Maski ako, kung magkaka-anak man ako, paglilihian ko talaga ang mga Lizares."

Sinubukan kong lunukin ang sariling laway ko dahil sa sinabi ni Shame pero dahil sa kaba parang may kung anong nakabara sa lalamunan ko't nahihirapan akong lunukin iyon.

Kung puwede nga lang na paglihian ko siya, e, mas madali siguro kesa malamang siya ang ama ng dinadala ko ngayon.

Hindi ko na sinagot ang sinabi ni Shame dahil nakarating na kami sa opisina ni Engr. Sonny. Nang makapasok, agad napako ang tingin ko sa pagkaing nasa lamesa.

Wala sa sarili akong napakagat sa pang-ibabang labi ko at pinigilan ang sariling hablutin agad ang pagkaing nakikita ko.

Spanish bread at Pepperoni Pizza. Anak ng baboy naman, o, sa lahat talaga ng pagkain, 'yong pinaglilihian ko pa?

"Mabuti na lang talaga at sumama ka, tingnan mo ang pagkain, o, pinaglilihian mo," bulong sa akin ni Shame matapos niyang batiin ang staff ni Engr. Sonny at si Engr. Sonny mismo na prenteng nakaupo sa kaniyang swivel chair na nakatingin sa amin. Umiwas na ako ng tingin kasi hindi ko malabanan ang malalalim niyang tingin.

"Ayla, o," sabay abot ni Ezekiel sa akin no'ng isang platito ng pepperoni pizza at dalawang pirasong Spanish bread. "Sabihin mo lang sa akin kung kulang ha?" dagdag niya.

Tinanggap ko ang inabot niya at walang pagdadalawang-isip na nilantakan ito. Walang pakialam kung makita man ng iba kung gaano ako katakaw.

Sa ilang minuto lang yata ay agad kong naubos ang ibinigay na pagkain ni Ezekiel sa akin.

Anak naman, 'wag masiyadong matakaw, baka lumaki kang matakaw.

Isang mahinang tawa ang nagpatigil sa akin sa pagkain sa huling subo ng Spanish bread na hawak ko. Otomatikong lumingon ang ulo ko sa table ni Engr. Sonny.

Naka-crossed arms siya at nakangising nakatingin sa akin.

"Ibigay n'yo na kay Ayla ang natitirang tinapay, mukhang nasarapan siya," aniya.

Itinigil ko ang pagsubo at agad na umiwas ng tingin sa kaniya, nahihiya.

"H-Hindi na po, busog na po ako," agad na tanggi ko at dahan-dahang sinubo ang huling slice ng tinapay.

Labag sa loob ko ang sinabi ko dahil kulang na kulang talaga ang unang ibinigay ni Ezekiel sa akin.

Anak naman, 'wag muna tayong kumain ng marami ngayon, ha? Please, mamayang uwian na lang, bibilhan talaga kita ng isang plastic ng Spanish bread at isang box ng pepperoni pizza. Please 'wag sa harapan niya, anak.

"Kung ayaw mo, ako na lang ang kakain. I'm full and I'm done but after seeing you ate like that, parang nakaka-engganyong kumain ulit. Ang cute mo kasing tingnan."

Please, stop. Just please.

Kumabog ng malakas ang puso ko at wala sa oras na napainom ako sa tubig na nasa harapan ko. B-in-ottoms up ko ang tubig at ngayon ay punong-puno na ng awkwardness ang buong sistema ko. Nahihiya dahil sa sinabi ni Engr. Sonny.

Bakit ba siya ganiyan? Bakit ba ganiyan ang tatay mo, anak? Gusto ko nang kalimutan ang nararamdaman ko sa kaniya pero paano ko magagawa 'yon kung ganito siyang makitungo sa akin?

Hindi ko na pinatulan ang sinabi ni Engr. Sonny and just minded my own business kahit na sobrang laking epekto no'ng ginawa niya kanina.

"Alam mo, Ayla, kung hindi ko lang talaga alam na ikakasal itong si Engineer Sonny kay MJ Osmeña, baka isipin kong trip ka niya. Iba makatingin, e, at saka, iba rin ang banat pagdating sa'yo."

Sabado, walang pasok, nandito kami ngayon sa apartment na tinitirhan ko. Nandito si Shame kasi nag-offer siya na tulongan ako sa paglalaba kahit kaya ko naman. Nag-uusap kami nang kung anu-ano kanina hanggang sa 'yon na nga biglang nasabi niya.

Napatigil ako sa pagsasampay ng mga tapos na naming labhang damit ko nang sabihin n'ya 'yon.

"Ano ba 'yang pinagsasabi mo, Shame, ang imposible naman no'n. Namamalikmata ka lang," sabi ko na lang para hindi na umakyat sa ulo ko ang sinabi niya. Ayoko nang umasa ulit, handa na akong alagaan ang bata nang mag-isa.

"'Di, totoo talaga. Matagal ko nang napapansin 'yang si Engineer, e. Magiliw 'yan sa mga tao, mahilig makipag-usap 'yan, pero pagdating talaga sa'yo, ibang-iba, e, ibang-iba 'yung ngiti, ibang-iba ang kislap ng mata. Parang pa-ilalim kung makatingin, parang ganoon, e. Pero sabagay, si MJ Osmeña nga pala ang matagal na gusto niya. Siguro nga namamalikmata lang ako."

Tumigil ako sa pagsasampay at tuluyang hinarap si Shame na siya namang nagbabanlaw ng mga nilabhan namin kanina. Patuloy siya sa ginagawa.

"Maniniwala ka ba sa akin kapag sinabi ko kung sino ang ama ng dinadala ko?" Biglang sabi ko dahilan para matigilan siya sa kaniyang ginagawa.

Nag-angat siya ng tingin sa akin at kunot na kunot pa ang kaniyang noo, siguro naguguluhan sa sinabi ko.

"Aba, siyempre. Sa'yo na manggagaling, e, hindi ko pa paniniwalaan? Bukod tanging ikaw lang ang nakakaalam kung sino ang ama ng dinadala mo at saka para na rin mabatukan ko kung sino man 'yang gagong 'yan." Nagpatuloy siya sa kaniyang ginagawang pagbabanlaw no'ng natitirang pantalon ko.

Sinubukan kong tingnan sa mga mata niya si Shame para may lakas ng loob akong sabihin sa kaniya. Kahit siya lang, baka kumampante ang loob ko.

"Maniniwala ka ba kapag sinabi kong si Engineer Sonny ang ama?"

Isang lagapak ng pantalong nahulog sa tubig ang namutawing ingay galing sa kaniya. Seryoso siyang napatingin at mukhang hindi makapaniwala sa kaniyang narinig.

"Ha?"

~