webnovel

Camino de Regreso a Ti

Si Juliet ay isang mag-aaral ng medisina sa kasulukuyang panahon at magtatapos na sana sa susunod na taon nang madawit siya nang hindi inaasahan sa paglalakbay ng isang misteryosong lalaki. Napunta siya sa mundong malayo sa mundong kaniyang kinagisnan. Makabalik pa kaya siya sa sarili niyang mundo o matututunan na rin niyang mahalin ang bagong mundong kabibilangan niya?

PlayfulEros · História
Classificações insuficientes
98 Chs

LXXXIX

Huminga nang malalim si Niño habang nakadapa sa lupa, kasama ang mga kapwa sundalo at mga manggagawang piniling sumama sa kanilang laban para sa bayan. Hinihintay nila ngayon ang senyas ng kanilang mga kasamahan sa loob na nagpapanggap na sa panig ni Heneral Emilio Aguinaldo.

Tumatakas na ngayon pa-norte ang Señor Presidente kasama ang ilan sa kaniyang mga heneral kabilang na si Heneral Gregorio del Pilar. Naubos na ni Heneral Niño Enriquez ang kaniyang mga heneral at sundalo pagkatapos ng ilang linggong puros pakikipaglaban. Ilan dito ay napatay ngunit marami rin ang piniling umanib sa batang rebolusyonaryong heneral upang tapusin na ang mapang-abusong pamumuno ng kanilang Señor Presidente at lumaban para sa kalayaan ng Inang Bayan mula sa pananakop ng mga Amerikano.

Andito sila ngayon upang dakipin ang Presidente. Malabong magapi nila ang pwersa mga Amerikano lalo pa't nahahati ang katapatan ng mga sundalong Pilipino kaya naman nais ni Niño na magkaisa ang lahat upang makamit ang tunay na kalayaan.

"Niño," Napalingon si Niño kay Fernan na tumawag sa kaniya, pati na ang ilang sundalong nakarinig sa pagtawag ng koronel na katabi lang ng kanilang heneral.

"Huwag mong pairalin ang puso mo sa ating gagawin maya-maya." Bilin ng koronel sa kaibigan.

Kilala si Niño na may mapagpatawad na puso. Hindi niya magawang magtanim ng galit kahit pa maka-ilang ulit na siyang tinangkang patayin ng kaniyang mga kapwa sundalo. Noong unti-unti nilang ginagapi ang pwersa ni Heneral Aguinaldo ay 'di niya magawang kalabitin ang gatilyo ng kaniyang baril sa oras na nagpahayag na ng pagsuko ang kalaban kaya naman marami ang piniling sumuko at umanib sa rebolusyonaryong heneral.

Ito ang katangian ni Niño Enriquez na lubos na hinahanggan at kinaiinisan ng karamihan. Magandang bagay na madaling magpatawad ang binatang ito ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan mong magpatawad, wika nga ni Fernan. Ngunit kahit ilang beses pang pagsabihan ang heneral ay sadyang malambot ang puso nito para sa lahat. Nagkaroon na nga ng kasabihan ang kaniyang mga sundalo na, 'labis na kabaitan ang papatay kay Heneral Niño' na siya namang tinatawanan lang ng batang heneral tuwing naririnig niya.

Hinawakan ng heneral ang balikat ng kaibigan, tila ba sinisiguro niya rito na ayos lang ang lahat at alam niya ang kaniyang ginagawa.

"Para saan pa't nagkaroon tayo ng puso kung utak lang lagi ang mananaig?" Nakangiting wika ng heneral sa kaibigan at inayos ang pagkakasuot ng kaniyang puting sumbrero. Napailing-iling nalang si Fernan pati na Andong at iba pang mga sundalong nakarinig sa sinagot ng kanilang heneral. Hindi rin sila makapaniwala sa kanilang sarili na ito ang kanilang heneral, isang binatang may labis na pagmamahal sa bayan at kaniyang kapwa.

Sumenyas na ang kasamahan nilang nasa loob, hudyat na maaari nang lumusob ang mga sundalong nagtatago sa labas ng pansamantalang tinutuluyan ng presidente at mga sundalo nito.

Agad namang kumilos ang mga sundalo sa pangunguna ni Niño. Nang makita sila ng mga sundalo ni Aguinaldo ay agad na nagsimula ang mga palitan ng putok ng baril. Ilang sandali rin itong nagtagal bago nila ito tuluyang nagapi sa tulong ng mga sundalong matagal na nilang kakampi na nagmula sa loob.

"Heneral Del Pilar,"

Hindi nagpatinag ang batang heneral ng Señor Presidente nang tawagin ito ni Niño. Nanatili lang siyang nakatingin nang diretso kay Niño habang nakaluhod sa lapag kasama ang ilan pang mga kasamahang sundalo. Mahigit dalawang buwan lamang ang pagitan ng edad ng dalawang heneral kaya naman hindi nagkakalayo ang kanilang edad.

"Lumaban ka kasama namin, Heneral Del Pilar." Wika ni Niño kaya napahilamos nalang sa kaniyang mukha si Fernan sa narinig mula sa kaibigan.

Sa lahat ng heneral ni Presidente Aguinaldo, isa si Heneral Del Pilar sa mga mas pipiliin pang mamatay kaysa ipagkanulo ang kanilang Señor Presidente kaya naman napakamot nalang din ang iba pang mga sundalong nakakaalam sa katotohanang ito nang marinig ang sinabi ng kanilang Heneral Enriquez at ang iba'y napatanong pa, 'Nag-iisip ba ang heneral naming ito?'

"Hindi ako lalaban para sa isang traydor." Matigas na sagot ni Heneral Del Pilar.

"Ang hindi lumalaban para sa kalayaan ang traydor sa bayang ito, Goyo." Sambit ni Niño na dahilan upang mapatingin sa kaniya ang lahat.

"Hindi ka lalaban para sa kung kanino. Lalaban ka para sa ating bayan, para sa Pilipinas. Dahil ang mga patuloy na nagsusunud-sunuran sa kanilang mga sinasantong tao ay alipin lamang ng kanilang sarili, mga walang ibang kahahantungan kundi kamatayan na walang katuturan."

"Hindi tayo lumalaban para sa iisang tao kundi para sa ating bayan at sa ating mga mamamayan." Yumuko si Niño upang makapantay ang mukha ng heneral na kausap.

"Huwag kang lumaban para sa iyong idolo, Goyo. Lumaban ka para sa bayan." Natigilan si Del Pilar nang marinig ang mga lumabas mula sa labi ng rebolusyonaryong heneral.

Siya si Heneral Gregorio del Pilar, siya ang agila. Simula nang siya'y maging heneral ay sinusunod niya lahat ng utos ng Señor Presidente at kung ano ang makabubuti rito. Ito ay dahil buong akala niya'y sa paglilingkod sa presidente ay siya na ring paglilingkod niya sa bayan. Tiningala niya ang presidente kung paano niya nais tingalain ang kaniyang bayan kapag malaya na ito. Lumaban siya para sa presidente sapagkat ito ang namumuno sa rebolusyon, ito ang kanilang presidente na kumakatawan sa buong Pilipinas. Ngunit ngayon lang niya napagtanto na kahit wala si Aguinaldo bilang presidente, nandito pa rin ang Pilipinas. Mapapalitan si Aguinaldo ngunit kailanman ay hindi mawawala ang Pilipinas hangga't lumalaban sila para rito. 

"Bibigyan kita ng panahon upang mag-isip katulad ng iba pang mga heneral." Sabi ni Niño at sinenyasan nang dalhin na ang mga sundalong nahuli.

"Paano ang Señor Presidente, Heneral?" Napalingon si Niño kay Emilio Aguinaldo na ngayo'y hawak ng kaniyang mga sundalo.

"Ikulong siya mag-isa. Malayo sa kaniyang pamilya, malayo sa ibang mga sundalo." Sagot ni Niño at magpapatuloy na sana sa paglalakad nang marinig at maramdaman ang protesta ng kaniyang mga sundalo.

"Heneral, sangkot siya sa pagkamatay ng magkapatid na Bonifacio at ni Luna, maka-ilang beses ka rin niyang pinagtangkaang patayin, inabuso niya ang kaniyang kapangyarihan, at ngayon ay tatakas siya sa mga Amerikano, handang abandunahin ang kaniyang mga sundalo't kapwa mamamayang Pilipino." Galit na sabi ng isang sundalong anumang oras ay handang kalabitin ang gatilyo ng kaniyang baril upang patayin si Aguinaldo.

"Wala pang napapatunayan. Kahit pa napakaraming pagkakamali ng Señor Presidente, hindi natin maipagkakaila ang kaniyang mga nagawa para sa bayan lalo na noong nasa ilalim pa tayo ng pamamalakad ng mga kastila. Ang kaniyang mga pagkakamali ay patunay lang na isa rin siyang taong nagkakamali katulad nating lahat." Sagot ni Niño. Akmang magrereklamo pa ang iba kaya nagsalita muli si Niño.

"Walang perpekto. Lahat tayo ay may mga nagawang pagkakamali sa ating buhay. Halimbawa nalang si Heneral Luna. Naalala niyo ba noong nais ni Ginoong Rizal na si Heneral Luna ang maging heneral ng rebolusyon sapagkat maalam siya sa digmaang militar? Pinakausap siya kay Ginoong Valenzuela ngunit tumanggi siya at sinabing hindi siya sasama. At noong nahuli siya ng mga kastila, hindi ba't tinuro niya si Ginoong Rizal at iba pa nating mga kasamahan? At lahat ng tinuro niya? Namatay silang lahat, kasama na si Ginoong Rizal." Pagpapaalala ni Niño sa mga kasamahan kaya naman natahimik na ang ilan sa mga ito.

"Hindi ko pinaalala lahat ng ito upang maging masama ang tingin natin kay Heneral Luna. Sinasabi ko lahat ng ito upang ipaunawa sa inyo na lahat tayo ay nagkakamali at maaari pang matuto mula sa mga ito. Hindi ba't matapos makawala mula sa pagkakakulong ay pumunta si Luna sa Europa upang mag-aral pa tungkol sa digmaang militar? At sa kaniyang pagbabalik sa ating bayan ay sumama na siya sa atin." Paliwanag ni Niño. Sandaling natahimik ang lahat nang maunawaan ang nais ipahiwatig ng kanilang heneral. Ngayon ay kahit papaano'y nauunawaan na nila kung bakit mapagpatawad ito.

Ito ay dahil alam niyang lahat tayo ay mga tao lamang, nagkakamali at natututo. Hindi kailanman matututo ang tao kung sa unang pagkakamali palang nito ay papatayin mo na ito, kung sa unang pagkakamali nito ay huhusgahan mo na ito, at kung sa kaniyang mga pagkakamali mo titimbangin ang kaniyang pagkatao.

Ito ang nangyari pagkatapos tumakas nila Niño at ayun nga, yung next chapter ay continuation na ulit ng previous chapter. Baka kasi nalilito kayo.

Gusto ko rin pala ipaalala na fiction ang istoryang ito PERO totoo ang sinabi ni Niño tungkol kay Heneral Luna. Sa mga gustong basahin ang article tungkol dito, iiwan ko sa baba ang link.

Link: https://news.abs-cbn.com/focus/09/28/15/hero-or-traitor-historian-weighs-aguinaldo-luna

Maraming salamat sa pagbabasa!

- E

PlayfulEroscreators' thoughts