webnovel

Call Center Ghost Stories (Tagalog)

Mga Call Centers. Matao. Maliwanag. Maingay. Hindi mo iisipin na ang mga lugar na ito, na puno ng makabagong teknolohiya, ay pinamamahayan pala ng mga kaluluwa. Mga kaluluwang ligaw. Mga kaluluwang puno ng galit. Mga kaluluwang nais manakit. Halika at samahan ninyo ako at bisitahin ang mga call center at tuklasin ang hiwaga at misteryo ng mga lugar na ito. All characters appearing in this work are fictitious. Any resemblance to real persons, living or dead, is purely coincidental.

MT_See · Terror
Classificações insuficientes
11 Chs

Saan Ba Nanggaling ang mga Kuwentong Ito?

Matagal tagal na rin mula ng magsimula akong magsulat ng mga kuwentong katatakutan. Naaalala ko pa ang araw na makakita ako ng isang lumang notebook sa aking kuwarto, at ng buksan ko ito ay wala pa halos itong kasulat-sulat. Kaya't naisipan kong dalhin ito sa call center na pinapasukan ko para gawing scratch paper. Medyo nakakabagot kasi ang aming trabaho lalo na't graveyard shift ako. Kaya upang hindi antukin ay sinubukan kong mag-drawing at magsulat ng kung anu-anong bagay.

Hindi ko namalayan na nakapagsulat na pala ako ng ilang mga horror stories. Noon ay pansarili ko lamang ang aking mga kuwento at hindi pumasok sa isip ko na i-post ang mga ito. Nakakahiya rin naman dahil hindi naman ako nag-aral ng pagsusulat o literatura. Tiyak pagtatawanan lamang ang aking mga isinulat.

Buti na lamang at pinalakas ng aking butihing asawa ang aking loob. Siya lamang kasi ang pinababasa ko ng aking mga akda. Palagi niyang sinasabi kung nagustuhan niya ang aking kuwento, at kung hindi niya nagustuhan o naguluhan siya. Minsan ay pinagkukuwentuhan namin ang mga istorya ko at inaayos ang ilang mga detalye.

Isang araw ay napagpasyahan ko na lang na gumawa ng isang blog at ipost ang aking mga sinulat. Bahala na kung hindi man magustuhan ng mga mambabasa. Dito isinilang ang aking blog na Sabi Nila - Pinoy Horror Stories (kuwentonghorror.wordpress.com). Karamihan ng aking kuwento ay tungkol sa mga pamahiin nating mga Pinoy. Naging maganda naman ang reaksyon ng mga nakabasa kaya't lalong lumakas ang aking loob sa pagsulat.

Dito ko napagpasyahan na magsulat ng mga horror stories sa mga call centers. Matagal na akong nagtatrabaho sa call center noon at marami na akong narinig na mga kuwento-kuwento tungkol sa mga multo at pagpaparamdam. Naisip ko na gumawa ng kuwento tungkol sa ilan sa mga narinig kong ito.

Heto't nakabuo na ako ng isang aklat na tungkol sa kuwentong katatakutan sa mga call centers.

Noong isang araw lamang ay naisip kong basahin ang mga kuwento dito at natuwa ako dahil matagal ko na ring hindi nabibisita ang mga istoryang ito. Bumalik tuloy sa alaala ko kung paano ko naisip ang mga kuwentong ito. Kaya't napagpasyahan ko na ibahagi sa inyo ang pinagmulan ng mga akdang ito. Sana ay magustuhan ninyo.

ANG BABAENG NAKAPUTI

Ang kuwentong ito ay isa sa mga huling kuwentong naisulat ko sa koleksyong ito. Medyo nahirapan akong isulat ito dahil wala naman akong maisip na istorya. Gusto ko lang na makagawa ng kuwento na parang magiging introduction na koleksyong ito. Ang naisip ko ay isang lalaking may third eye na nahihirapang magtrabaho dahil may nakikita siyang multo (meron akong katrabaho noon na meron daw siyang third eye at nakakakita raw siya ng multo). Hindi ko talaga alam ang mangyayari sa kuwento. Basta't ang naisip ko ay magiging dalawang part ang kuwentong ito. Ang ikalawang part ay ang magiging huling kuwento sa koleksyong ito kung saan kukumprontahin ng lalaki ang multong humahabol sa kanya. Sa kasamaang palad ay hindi ko na ito naisulat. Ito ang pinaka hindi ko paboritong kuwento sa koleksyong ito.

SA ELEVATOR

Madalas ay nakakakuha ako ng ideya sa aking mga kuwento sa mga simpleng bagay at eksena. Tinatawag ko ang mga ideyang ito na "SEEDS". Kung baga isang maliit na buto na nabuo sa isipan ko na aalagaan ko para tumubo at magbunga (narinig ko konseptong ito kay Michael V. sa paggawa niya ng komedy). Nakuha ko ang seed sa kuwentong ito ng may makasabay ako sa elevator na isang lalaking pumipito (hindi po siya multo, tao po talaga). Noong araw na iyon ay hindi maalis sa isipan ko ang image ng isang lalaking pumipito sa loob ng elevator habang naghihintay na marating ang floor niya. Sa aking lumang notebook ay nakalista ang ilan sa mga seeds ko kaya't isinulat ko doon ang "Lalaking pumipito sa elevator".

Makalipas ang ilang araw ay naisip ko, paano kung ang lalaking pumipito ay isa palang multo? Paano kung paglabas mo ng elevator ay biglang titigil ang pagpito at paglingon mo ay wala ng laman ang elevator? Hindi ba't nakakapanindig balahibo kung iisipin? Ganito ako mag-isip ng kuwento. Madalas ay nagsisimula sa seed at pagkatapos ay nag-iisip ako ng magandang ending ng kuwento. Pagkatapos ay saka ako mag-iisip ng simula at gitna.

Sinimulan kong isulat ang kuwento at naging madali naman ang pagsulat ko dito. Madalas, kapag nagsimula ang kuwento ko sa isang seed o isang maliit na ideya ay mas madali ko itong naisusulat. Kalimitan ay isang upuan ko lamang natatapos ang isang maiksing istorya.

Isa ito sa mga paborito kong kuwento dito. Bitin nga lang. Para sa iba ay walang ending. Ngunit para sa akin ay tamang tama lamang. Gusto ko kasi ay medyo mag-iisip ang readers ko.

STATION 10566

Ito ang pinakapaborito kong kuwento dito at ito marahil ang pinakagusto ko sa lahat ng short stories na isinulat ko. Naisip ko ang istoryang ito ng kumalat sa office namin ang balita tungkol sa isang agent mula sa isang call center (walang makapagsabi kung saang call center) na nagdurugo na pala ang utak (brain hemorrhage) habang nagca-calls. Hindi na siya umabot sa ospital. Siyempre, nahintakutan kaming lahat dahil mga call center agents din kami. Naimagine ko na kung namatay ang agent na iyon sa kanyang station, sino kaya ang maglalakas-loob na maupo doon at mag-calls?

Sinubukan kong hanapin ang balitang ito ngunit wala akong nakita. Hindi ko tuloy alam kung totoo ito o tsismis lang. Kung alam niyo ang balitang ito, send niyo naman sa akin ang link.

Mabilis ang pagsulat ko sa kuwentong ito, isang upuan lang. Sinulat kamay ko pa nga ito sa aking lumang notebook. Minsan talaga ay may mga istoryang dumarating sa iyo na kumpleto na, wala ka ng kailangang idagdag o palita. Isa ito sa mga istoryang iyon.

At oo, ang 10566 ay 666(1 + 0 + 5 = 6 66 = 666).

MANONG GUARD

Isa rin ito sa mga seeds ko, isang guwardiya na nagbabantay sa may lobby ng isang call center. Madalas kasi sa mga call center, paglabas mo ng elevator ay mayroon na kagad naka-station na guard.

Medyo matagal sa akin ang seed na ito. Wala kasi akong maisip na magandang storya na iikot sa isang guwardiya. Alam ko na may makikita siyang multo, ngunit paano ko ipapakita na nakakatakot at medyo bago naman. Ang naisip ko ipakita ang perspektibo ng isang guwardya na na-assign sa isang environment na bago sa kanya. Siyempre, may multo pero hindi niya alam. Alam ng mga kasamahan niya na mayroon nagmumulto pero ayaw namang sabihin sa kanya. Hanggang sa maranasan niya ito.

Paborito ko ang mga kuwentong tungkol sa multo na sa una ay hindi alam ng mga karakter na multo pala ang mga iyon. Sa tingin ko kasi ay ganoon talaga sa totoong buhay. Hindi pa ako nakakakita ng multo o anumang ispirito pero sa palagay ko ay kapag nakakita ako ay hindi ko iisipin na multo pala iyon. Baka isang tao lamang na walang magawa kaya't naglalakad ng nakabaligtad sa kisame.

Gusto ko ipinapakita ang mga multo sa mga kakaibang sitwasyon. Maaaring hindi natin maintindihan sapagkat hindi naman natin sila makausap. Wala tayong komunikasyon sa kanila. Kaya karamihan ng mga istorya ko ay hindi ipinapaliwanag kung sino o ano ang multo. Ang focus ng mga istorya ko ay ang experience ng mga taong buhay na nakaengkuwentro ng mga mahirap ipaliwanag.

ANG APLIKANTE

Ito ang isa sa mga kuwento na nagpapakita ng pagiging mahirap ipaliwanag ng mga multo. Alam kong sikat na sikat ang mga kuwento sa librong True Philippine Ghost Story at mga katulad nito kung saan ang mga karakter ay makakaranas mga kababalaghan at pagkatapos ay ipapaliwanag ang origin ng mga multo. May na-rape at pinatay. May naaksidente. May hindi maka-move on.

Maganda ang ganitong mga kuwento pero para sa akin ay hindi palagi. Para sa akin ay mas maganda kung iisipin ng mambabasa kung sino at saan nanggaling ang mga multo. Kung may tatlong mambabasa na nakabuo ng tatlong magkakaibang konklusyon matapos basahin ang kuwento ko, masaya na ako noon. Hindi ako mahilig sa mga kuwentong ibinibigay ang lahat sa mambabasa ang lahat ng detalye.

Nabuo ko sa isipan ang kuwentong ito habang papauwi ako at nakasakay sa bus. Naimagine ko, paano kaya kung iniiterview ka sa isang call center pagkatapos ay puro weird ang mga tanong sa iyo? Tapos kapag sumagot ka, iba rin ang sagot sa iyo ng kausap mo? Siyempre, hindi mo alam ang nangyayari. Siyempre, ikaw ang mag-aadjust dahil ikaw ang nag-aapply, hindi ba? Hindi mo naman kaagad iisipin na multo ang kausap mo

Pero sino nga ba ang multo sa kuwentong ito? Suriin natin ang ilang detalye. Ang unang senyales na may mali sa nag-iinterview ay ng tanungin niya ang aplikante kung gusto nito ang magagandang babae. Saan ka naman nakakita ng ganon di ba? Pagkatapos ay tinanong siya kung nakapatay na ba siya. Paano mo sasagutin ang ganoong tanong. May mali sa sitwasyong iyon.

Pagkatapos ay tinawag pa niyang sinungaling ang aplikante ng sabihin nitong trustworthy siya. Pagkatapos ay tuluyan ng nagalit ang babae.

"I'm gonna kill you!" sigaw pa nung nag-iinterview sabay sunggab sa aplikante. Pagkatapos ay naglaho ang babae.

Sa pagkakataong iyon ay alam natin na isang multo ang babae. Sino ang babae kung gayon? Kung titingnan ang reaksyon ng isa sa mga empleyado, kilala niya ang nag-interview. Si Jane. Ibig sabihin ay maaaring dating nagta-trabaho doon si Jane. At marahil ay nangyari na ang ganoong sitwasyon dahil isang tingin pa lang niya sa aplikante ay alam na niya na nagpakita sa kanya ang babaeng multo.

Bakit namatay si Jane? Bakit siya nagmumulto? Kung pag-aaralan ang mga sinabi ni Jane, marami tayong makukuhang konklusyon. Una, galit siya sa mga lalaki. Malalaman ito ng sinabi niyang "All of you are the same" at "I hate you all". So, bakit kaya galit ang babaeng ito sa lahat ng lalaki? Ano kaya ang posibleng dahilan bakit magiging manhater ang isang babae? Malamang ay niloko siya ng kanyang boyfriend o asawa. Mapapansin na sinabihan niya ng "Liar" ang aplikante ng sabihin nitong trustworthy siya. So, may problema sa pagtitiwala ang multong ito.

Paano siya namatay? Obviously, pinatay siya. Sinabi niya sa aplikante, "I'm gonna kill you! I'm gonna do what you did to me!" Marahil, nagkaroon ng matinding pag-aaway ang babae at ang kanyang nobyo o asawa at sa kainitan ay napatay ng lalaki ang babae. Maaari ring nagpakamatay ang babae dahil sa ginawang panloloko sa kanya ng lalaki.

Bakit siya nagmumulto? Bakit ba nagmumulto ang mga multo? Tanungin mo ito sa sampung tao at malamang ay makakakuha ka ng sampung magkakaibang sagot. Gaya ng nabanggit ko kanina, wala naman tayong koneksyon sa mga multo o espiritu kaya't hindi natin 100% alam kung bakit sila nananatili sa ating mundo. May mga taong nagsasabing nakakausap nila ang mga patay pero pasensya na, hindi ako naniniwala sa kanila. Kung talagang nakakausap nila ang mga lumipas na ay bakit wala pang nalulutas na krimen ang mga taong ito? Tatanggapin ba sa korte ang testimonya nila? Hearsay yun kung sinabi lang sa kanila ng isang kaluluwa.

Ang hula mo kung bakit nagmumulto si Jane ay katulad din lamang ng hula ko. Pareho tayong tama. Para sa akin, hindi na mahalaga kung bakit siya nagmumulto. Hindi naman niya ito kuwento. Ito ay kuwento ng aplikante.

TEAM BUILDING

Ang kuwentong ito ay isinulat ko para sa aking mga team mates. Lahat ng characters dito ay mga tunay kong team mates. Pati si Aldo.

Ang aming team ay mayroong logbook kung saan nagsusulat kami ng kung anu-ano. Mga tsismis, jokes, lyrics ng kanta, tula, pagbati, at kung anu-ano pa. Minsan ay naisip kong magsulat ng kuwento kung saan ang mga katrabaho ko ang bida. Ilang linggo lamang ang nakakalipas ay nagresign ang isa naming kateam mate, si Aldo. Halos dalawang buwan lang ata ang itinagal ni Aldo at bigla na lamang siyang nagresign. Medyo may pagkaweird kasi siya kaya hindi namin masyadong naging ka-close. Isa ako sa mga tenured agents sa team kaya lagi kong sinisikap na mapalapit sa mga bagong agents at hindi sila ma out of place. Ngunit talagang mahirap sakyan si Aldo. Minsan ay may sinasabi siyang hindi ko maintindihan. Mukha rin namang mas gusto niyang mapag-isa.

Nang magresign siya ay bigla kong naisip ang kwentong ito. Bakit ba ang weird ni Aldo? Bakit lagi siyang nag-iisa? Meron ba siyang nakikitang hindi namin nakikita?

Mga totoong tao po ang characters dito pero fictional po ang kuwentong ito. Hindi ko alam kung nakakakita ba talaga ng mga kaluluwa ni Aldo. Imbento ko lang po iyon.

Marami pala ang nagtatanong kung ano ang ibig sabihin ng ending ng kuwento. Sa elevator, inaalok ni Aldo ang kamay niya kay Sam (ako yun). Bakit? Dahil gustong ipakita ni Aldo ang nakikita niya kay Sam. Kung babalikan natin ang nangyari noong gabi ng team building, nakita lamang ni Sam ang mga multo ng hawakan niya ang balikat ni Aldo. Ibig sabihin ay kung hahawakan mo si Aldo ay makikita mo rin ang mga nakikita niya. Kaya siguro laging nag-iisa si Aldo, dahil ayaw niyang mapadikit sa ibang tao. Kung hinawakan ni Sam ang kamay ni Aldo sa elevator, ano kaya ang makikita niya? Buti na lang at bumukas na ang pinto ng elevator.

Bakit hindi na pumasok si Aldo sa trabaho? Marahil ay naisip niya na mahihirapan lamang siya pati na ang mga tao sa paligid niya dahil sa kanyang kakaibang kakayahan. O baka naman nadisappoint siya kay Sam dahil hindi niya hinawakan ang kamay niya? Na baka isang freak na ang tingin sa kanya nito at layuan na siya ng tuluyan. Kayo, ano ang naisip niyo?

ANG BABAE SA TRAINING ROOM

Isa sa mga popular na kuwento sa mga call center ay ang multong nagpapakita sa training room. May narinig ako na isang babae daw, sa iba naman ay isang bata. Meron namang nagkuwento sa akin na mayroon daw isang babaeng multo na laging sumasama kapag nagpipicture sa training room. Ito ang pinagbasihan ko ng kuwentong ito.

Tanong ng mga mambabasa? Bakit daw galit ang multo sa trainees? Well, alam natin na hindi trainee ang multo. Isa siyang trainer. At ang sabi niya ay hindi siya nagpakamatay. Pagkatapos ay nagalit siya ng mabanggit niya ang mga trainees. Pansinin na ang sinabi niya ay "And THOSE trainees..."

Ibig sabihin ay ibang mga trainees ang tinutukoy niya at hindi ang batch ng ating bida. Ngayon, isipin natin. Kung ang isang tao ay biglang nagalit ng mabanggit ang isa tao o grupo ng mga tao, malamang ay may nagawang hindi maganda sa kanya ang mga iyon. At dahil isa na siyang multo, at hindi siya nagpakamatay, marahil ay naaksidente o pinatay siya. Kung ikaw ay nagmumulto at ikaw ay galit, malamang ay galit ka sa mga pumatay sa iyo. So maaaring ang trainer ay pinatay ng kanyang mga trainees noon. Dahil nagpapakita lamang siya tuwing graduation ng mga trainees, maaaring napatay siya noong graduation din ng mga trainee niya. Nakita ng ating bida na putikan ang babae. Hindi kaya ginahasa ang ating multo bago pinatay? Baka nagparty ang mga trainee at inimbitahan nila ang kanilang trainer. Dahil lasing na ay nakagawa sila ng hindi maganda.

Kung iisipin ay maaaring hindi naman talaga galit ang multong ito sa mga trainees. Nagpapapicture pa nga siya sa mga ito tuwing graduation. Baka naman namimiss lamang niya ang pagtuturo.

Ano sa tingin niyo?

TL LEO

Ang karakter na ito ay base sa totoong tao. TL siya sa call center na pinapasukan ko dati. At katulad ng sa kuwento, maangas siya at nagpa-power trip. Sa mga kabarkada niya ay mabait siya at cool, pero sa iba, mayabang, bastos, at kulang sa pansin.

Minsan nagca-calls ako malapit sa station niya at narinig ko na pinapagalitan niya ang isa sa kanyang mga agents para sa isang minor mistake. Sa ibang TL, siyempre kailangang i-correct ang mistakes pero sa maayos at propesyunal na paraan. Ang TL na ito ay talagang namamahiya, ipinaparinig pa sa iba. Marami din siyang hindi niregular na mga agents kahit maayos naman ang trabaho nila. Ang tawag nga sa kanya ay The Terminator.

So naisip ko paano kung ang isang agent na pinahirapan niya ay nagpakamatay at nagmulto (sa kabutihang palad, wala namang nangyaring ganito sa totoong buhay)? Parang ang sarap gumanti, hindi ba?

Sa mga nagtatanong kung bakit hindi na pumasok si TL Leo, konting imagination naman po. Kayo ba ay papasok pa kung may multo na umiiyak sa ilalim ng table niyo? Kahit sabihin mo sa iba ay tiyak walang maniniwala sa iyo. Mas mabuti pang magresign, hindi ba?

HUWAG MAG-CR NG MAG-ISA

Isa ito sa mga kuwentong naisip ko na buo na kagad, from start to finish. Halos ilang minuto ko lamang itong isinulat. Alam ko na kaagad kung ano ang mangyayari, sino ang mga bida, at ano ang kanilang mga sasabihin. Isa rin ito sa mga paborito ko.

Napansin niyo ba na kapag nag-cr ang mga babae, laging nagyayaya ng kasama? Ewan ko ba kung bakit kelangan pa ng kasama? Hindi naman siguro sila maliligaw sa loob, hindi ba?

Naisip ko rin na paano kung bago ka sa isang company at may mga unwritten rules sila na wala namang explanation kung bakit mo kailangang sundin. Katulad ng isang rule sa isa sa mga pinasukan ko dati. Sa building namin ay may tatlong entrance, isa sa harapan, at tig-isa sa magkabilang gilid. Sa di maipaliwanag na kadahilanan, bawal gamitin ang entrance sa left side ng building kahit bukas naman ito at may guwardiya pa. Sa tinagal ko sa kompanyang iyon ay wala akong nakitang pumasok o lumabas sa pintong iyon. Kung susubukin mong pumasok ay haharangan ka ng guwardya. May sumpa ba kapag pumasok o lumabas sa side na iyon?

Sa kuwentong ito, naexperience ng ating bida ang mangyayari kapag hindi mo sinunod ang mga unwritten rules na ito.

ANG LOCKER

Isang araw, habang may kausap na caller ay naimagine ko ang aking spill-proof mug na naiwan sa loob ng aking locker. Lumipas ang mga taon at inalikabok na ang mug sa loob. Ito ang naging seed ng kuwentong ito. Naisip ko, bakit may mug sa loob ng locker? Kanino iyon? Ano ang mangyayari kung aalisin mo ang mug na iyon?

Biglang naimagine ko ang mga taong gumamit ng locker ko bago ito naibigay sa akin. Ano kayang klaseng tao sila? Ano kayang mga bagay ang inilalagay nila sa locker na locker ko na ngayon? May mga importanteng bagay kaya silang inilalagay doon?

Noong panahon na iyon ay anim na taon na ata akong nagtatrabaho sa call center na iyon at anim na taon ko na ring gamit ang locker ko. Para sa akin, akin na talaga iyon. Ni hindi ko maimagine na maibibigay sa iba ang locker na iyon. Ang dami ko kayang mga personal na gamit doon.

Paano kung ganoon din mag-isip ang mga multo?

Alright! Sana ay nagustuhan niyo ang pagbabalik-tanaw na ito. Sana rin ay medyo naintindihan niyo na ang ilan sa mga kuwentong ito. Kung na-enjoy niyo ay magcomment kayo para gagawan ko rin ng ganito ang iba pang naisulat ko.

Maraming salamat sa inyong oras!