webnovel

Ang Prinsesa at ang Basurero (COMPLETED)

TaongSorbetes · Fantasia
Classificações insuficientes
24 Chs

Final Chapter

Final Chapter: Ang Dalawang Prinsesa

NAGANAP nga ang kasalan kinabukasan sa kaharian ng Florania. Hindi man ito napaghandaan, ay masasabi engrande pa rin ito. Bukod kasi sa maraming pagkain ay napakarami pa ng dumalo. Halos lahat yata ng Floranians ay sumali sa pagdiriwang. Sa tulong ng mga diwata, ang ilan sa mga kaibigang kaharian ng Florania at Armenia ay nakarating din doon.

Ang kasalang iyon na ang pinakamasayang nangyari kina Ruby at Richard. Sa harap ng marami, at sa harap din ng Bathala ng mundong iyon... silang dalawa ay nagpalitan ng sumpaan. Nagsumpaan na mamahalin ang isa't isa habambuhay. Na kahit may mga pagsubok na dumating, ay hinding-hindi nila bibitawan ang isa't isa. Patuloy silang magmamahalan, kahit hanggang sa kabilang buhay.

Limang araw pa ang itinagal nila Richard sa Florania. Bago sila umalis ni Ruby papuntang Armenia ay kinausap muna si Richard ng ama nito.

"Willchard, ikaw na ang bahala sa aking prinsesa. Alagaan mo siya," wika ni haring Alberto habang masayang nakatingin sa malayo.

"Huwag po kayong mag-alala. Mahal na mahal ko po siya at aalagaan ko siya ng higit pa sa aking sarili," tugon naman ni Richard.

Tiningnan siya ni haring Alberto at pagkatapos ay ngumiti. Isang munting pagyakap ang iginawad nito kay Richard.

"Maraming salamat. May tiwala ako sa 'yo." Pagkatapos no'n ay tinapik pa nito sa balikat si Richard. Tinungo na nito ang karwaheng sasakyan pabalik ng Armenia. Naroon na rin si Ruby na nakapagpaalam na rin sa ama. Mangiyak-ngiyak pa nga ito matapos iyon.

"Nais ko ng maraming apo!" pahabol pa ng hari kay Richard at tumango ang ito.

Masaya si haring Alberto dahil sa wakas ay muling sumaya ang kanyang prinsesa. Naalala nito ang mga araw na palagi itong mag-isa. Ang kasungitan nito sa iba. Ang kawalang-galang at pagpapahalaga sa marami... Lahat ng iyon ay nawala na dahil nakilala nito si Richard. Pag-ibig ang nakapagpabago sa prinsesa... at reyalidad.

LUMIPAS ang maraming buwan at sa gano'n katagal pa lang na paninirahan ng reyna na si Ruby sa Armenia, ay agad siyang minahal ng mga naninirahan dito. Gawain kasi ni Ruby ang makipagkwentuhan at makisalamuha sa mga mamamayan. Madalas niya ring alamin ang mga suliranin ng ilan na kung minsan ay siya na rin ang gumagawa ng paraan upang masolusyunan iyon.

Napansin naman ni Richard na tila tumakaw ang kanyang kabiyak. Palagi itong nagyayakag na kumain sa isang kainan sa Armenia na may malaking bubuyog. Tama! Isang fastfood chain na ginawa rin ni Richard sa kanyang kaharian. Iyon ay dahil isa iyon sa mga paborito ng kanyang asawa. Kasama rin doon ay ang pagkakaroon ng mga tindahan ng ice cream at cotton candy sa sentro ng komersyo ng kinasasakupan nito.

Bukod sa kaligayan ni Ruby, nakadagdag hanapbuhay rin iyon sa mga mamamayan. Isa pa, tinangkilik din iyon ng mga Armenians dahil bago iyon sa kanilang panlasa.

"Richard, gising! Nagugutom ako. Tayo sa malaking bubuyog!" ungot ni Ruby habang niyuyugyog ang katawan ng natutulog na si Richard. Nasa kahimbingan ng pagtulog ang hari nang mga oras na iyon. Ngunit kahit gaano kahimbing pa iyon ay hindi niya matatalo ang kanyang asawa na naglilihi.

Napamulat si Richard at napakamot sa ulo.

"A-ang lalim na ng gabi...Hindi ka ba nabusog kanina? Ang dami na ng kinain mo, ah," sambit ni Richard na nagtaklob ng kumot.

"Matulog na tayo... Ilang gabi na akong kulang sa tulog dahil d'yan sa katakawan mo..."

Ngunit wala rin namang magagawa si Richard. Nagbunga na ang maraming gabi nilang pakikidigma sa isa't isa sa ilalim ng kumot. Wala siyang magagawa dahil ang pinakamamahal niyang asawa ang humihiling.

Bumangon si Richard at tiningnan ang asawa na nakanguso sa kanya. Napailing siya at ngumiti.

"Mag-ayos ka na mahal kong prinsesa... kakain tayo sa gusto mo!"

"Ay... lab... yu!" pilit na bigkas naman ni Ruby na ikinangiti ng asawa nito.

SA paglipas ng mga buwan ay unti-unti nang lumaki ang tiyan ni Ruby.  Lagi na ring binabantayan ni Richard ang asawa dahil ayon kay Reyna Leonora, kambal ang magiging anak nila.

"Ilang anak ang gusto mo?" tanong ni Richard sa asawa na hinahaplos ang malaking tiyan nito. Hinihintay nito na muling sumipa ang mga anak nila.

"Ahmm... Sapat na siguro itong dalawa," natatawang tugon ni Ruby at pinisil sa pisngi si Richard.

"Ang kaunti naman. Hindi ba pwedeng mahigit sa lima?" biro naman ni Richard at napatawa ang dalawa.

"Lapastangan ka! Ang bigat mo kasi 'pag tayo'y natatapos," ani ni Ruby at pinisil uli sa pisngi ang asawa.

"Ginagawa mo pa akong tulugan."

"Gano'n ba? Sige, okay lang. Kung ano'ng gusto mo... doon na rin ako," sabi ni Richard na kunwari ay nalungkot pero pinipigil ang tawa.

Kinurot ni Ruby sa dibdib si Richard at tumawa.

"Sira! Kung ilan ang nais mo'y ayos lang sa akin. Batid kong 'di ka naman makakapagpigil."

"Basta sa susunod... ako na sa ibabaw..." dagdag pa ni Ruby at sabay silang tumawa.

"Ayun!" sabay pang nasambit ng mag-asawa nang biglang gumalaw ang tiyan ni Ruby.

Pareho silang napangiti.

"Tama na nga ang pinag-uusapan natin. Baka marinig ng ating mga anak," sabi ni Richard at bumangon ito upang halikan ang tiyan ng asawa. Hinalikan din nito sa noo ang asawa at nginitian.

"Matulog na tayo..."

DUMATING na nga ang araw na hinihintay ng Armenia. Ang araw ng kapanganakan ng kanilang reyna. Nakahiga ang mag-asawa no'n nang biglang humilab ang tiyan ni Ruby. Tumawag kaagad ng komadrona ang hari. Nagsi-ilaw rin ang mga kabahayan sa buong kaharian dahil narinig nila ang balita.

Maraming Armenians ang humangos patungo sa harapan ng palasyo. Mabilis na na napuno ang lugar. Lahat sila'y mukhang hihintaying manganak ang kanilang reyna. Maging ang kasarian ng magiging anak ay kinasasabikan na rin nilang malaman. Nagtakda na rin sila ng isang linggong pagdiriwang para rito.

Samantala, sa loob naman ng palasyo... Kinakabahan ang haring si Richard nang makitang hirap na hirap sa panganganak ang asawang si Ruby. Ganoon pala raw 'pag babae, para tuloy natakot siya na sundan ang mga anak. Para makayanan ni Ruby, hinawakan niya ang kaliwang kamay nito nang mahigpit.

"Kaya mo 'yan," sabi ni Richard sa isip habang pinagmamasdan si Ruby. Pawisan na rin siya. Hanggang sa matagumpay na mailabas ang kanilang mga anak.

"Mahal na hari, pareho pong babae ang anak n'yo!" wika ng komadrona at umalingawngaw ang iyak ng dalawang sanggol sa loob ng silid. Inihiga nila ito sa tabi ng reyna habang nababalot ng tela.

Napangiti si Richard habang pinagmamasdan ang mga anak. Kamukhang-kamukha ni Ruby. Napatingin pa siya sa asawa na nakangiti habang nakatingin sa kanya.

"A-ano'ng ipapangalan natin sa kanila?" tanong naman ni Ruby habang hinihipo ang pisngi ng isa  nilang anak na nasa kanan nito.

Ngumiti si Richard. "Gaya ng ating napag-usapan 'pag babae ang mga naging anak natin..."

"Roselca ang panganay," sabi nito, sabay tingin sa nasa kaliwang sanggol.

"Rosellia naman sa pangalawa."

"Ang mga prinsesa ng Armenia...Si Prinsesa Roselca at Prinsesa Rosellia!"

"Tiyak na matutuwa si nanay at si Cherry 'pag nakita nila ang mga anak namin," sambit pa ni Richard habang pinagmamasdan ang kambal na anak. Napatingin sa malayo.

Parang kailan lang, isa pa siyang basurero. Hanggang sa magising siya na katabi ang isang babaeng tila may sira ang ulo. Doon na nga nagsimula ang maingay niyang mundo. At natapos sa isang masayang buhay sa piling nito.

[WAKAS]

follow me on Dreame and Wattpad. may mga stories din ako riyan. salamat.

username: TaongSorbetes