webnovel

Ang Prinsesa at ang Basurero (COMPLETED)

TaongSorbetes · Fantasia
Classificações insuficientes
24 Chs

Chapter 6

Chapter 6: Siping-kuno

KINAHAPUNAN, pagkatapos ng maghapong pagbabasura ni Richard. Naisipan muna niyang dumaan sa bilihan ng manok.

"Manang... Kalahating kilong manok po."

Simula ng dumating si Ruby sa bahay niya, bihira na silang mag-ulam ng hindi masarap lalo na 'pag malaki ang kita ng binata sa basura. Mahigit kalahati ng kinikita niya araw-araw ay sa pagkain napupunta. Matakaw kasing kumain ang dalaga niyang kasama.

"Limang piraso nga pong orange..." Napadaan din si Richard sa tindahan ng prutas. Mahilig din kasi si Ruby rito. Ayaw na ayaw na hindi makakakain ng kahit isang prutas sa loob ng isang araw. Kahit iniisip ng binatang magtipid ay hindi naman niya magawa.

Pasipol-sipol ang binata habang naglalakad sa palengke nang biglang may kumulbit sa likod niya nang hindi inaasahan.

"Richard?" Nagulat pa siya kaya nilingon niya kaagad iyon.

"C-camille?" Nabigla nang bahagya ang binata. Si Camille na dati niyang niligawan. Nakaputi ito at mukhang kakagaling lang sa school.

"A-ah... K-kumus... Kumusta na? L-long time no see..." Medyo nautal pa si Richard dahil sa kaba.

"Gaya pa rin siya ng dati, cute pa rin," isip-isip na lang ng binata.

Nginitian siya ng dalaga. "Okay lang naman. Eh ikaw? Balita ko..."

Napayuko si Camille.

"M-may kalive-in ka na..." Parang naging sila lang ang tao sa palengke nang mga sandaling iyon. Natahimik si Richard, pero agad ding ngumiti. Natawa.

"Wala akong ka-live in. Kaibigan ko lang iyon..." Walang maisip na dahilan ang binata. Paano, babae nga naman ang kasama niya sa iisang bubong. Automatic na live in partner niya ang iisipin ng marami.

"B-basta! Wala 'yon." Tumawa pa si Richard.

"Ngiti ka na..." pahabol pa ng binata. Napangiti naman agad ang dalaga.

"R-richard, uuwi ka na ba?" tanong ni Camille na parang nahihiya.

"O-oo e. Lulutuin ko pa 'to." Sabay angat ng binata sa dala niyang manok na nasa supot.

"A-ahmmm... B-bukas, after ng school ko. P'wede bang magkita tayo? Sa dati pa rin... Alam mo na 'yon." Namula ang pisngi ni Camille. Nginitian pa niya ang binata.

Napaisip naman nang bahagya si Richard. Biglang sumagi sa isip niya ang nakaraan. Nang minsang makita niya ang dalaga na kahalikan ang mayamang karibal niya. Sa araw na sinabing sasagutin na raw siya nito.

"Baka magalit ang boyfriend mo?" mapait na tanong ng binata. Parang nailang naman si Camille. Alam kasi niya kung bakit iyon naitanong ng binata.

"B-basta Richard... Hihintayin kita. May importante akong sasabihin sa 'yo..." Isang matamis na ngiti ang ibinigay pa ni Camille. Nagulat naman si Richard nang bigla siyang niyakap ng dalaga.

"Sige! Bye!" Pahabol pa ng dalaga at dali-dali itong umalis. Parang tuon naman ang binata na kinawayan ito.

*****

NAABUTAN ni Richard na natutulog Ruby nang maka-uwi na siya. Napailing na lang siya nang makita ang itsura ng dalaga habang natutulog. Nakasuot ng over sized na Tshirt at wala pang suot na shorts. Pati bra, wala. Tapos, basta lang ang pagkakahiga.

"Konte na lang Ruby..." biro na lang ni Richard sa sarili habang kinukumutan ang dalaga. Pagkatapos noon ay tiningnan naman niya ang kaldero. May saing nang kanin. Maayos din ang pagkakaluto.

"Ayos ah. Marunong na siyang magsaing." Napasulyap pa si Richard sa dalagang natutulog.

Nang makapagpalit na ng damit si Richard ay inumpisahan na niyang lutuin ang dala niyang manok. Kumakanta pa nga siya nang bahagya habang nagluluto. Bigla tuloy niyang naalala si Camille.

"Nami-miss ko rin naman siya..." bulong pa ng binata. Tinikman na niya rin ang sabaw ng niluluto niya.

Inayos na ni Richard ang mga kalat sa maliit nilang mesa. Naghanda na rin siya para sa hapunan. Madilim na rin kaya naisipan niyang gisingin na si Ruby.

"Ruby, kakain na tayo!" Paulit-ulit iyong sinabi ng binata. Pero, himbing na himbing pa rin ang dalaga.

"Mahal na prinsesa!" Nilakasan ni Richard. Niyugyog din niya ang balikat ng dalaga. Kaso, walang nangyari.

Umupo si Richard sa tabi ng natutulog na prinsesa. Pinagmasdan niya ang itsura nito. Napatingin siya sa mapupulang labi nito.

"Hahalikan kita kapag hindi ka gumising!" Malakas ang pagkakasabi ni Richard. Pagkatapos ay yumuko siya. Seryoso iyon.

Kabado na ang binata, isang pulgada na lang ang layo ng mga labi nila. Naisipan na rin niyang halikan na nga talaga ang dalaga. Parang nahipnotismo siya ng labi nito.

ISANG malutong na sampal ang tumama sa kaliwang pisngi ni Richard. Namumulang bumangon si Ruby.

"Lapastangan! Balak mo ba akong pagsamantalahan? Hindi ko hahayaan ang balak mo!" malakas na sabi ni Ruby habang nakatingin kay Richard.

Hiyang-hiya naman ang binata. "Sorry... Ba't kasi hindi ka kaagad bumangon..." sabi pa niya habang hinahaplos ang kanyang pisngi.

"Palalampasin ko ito. Tayo na kumain!" Agad ding umupo si Ruby sa harapan ng mesa. Napailing na lang si Richard. Halata kasi niyang pinlano ito ng dalaga.

"Hmm... Manok!" Ngiting-ngiti agad si Ruby nang simulan nilang kumain. Ganadong-ganado. Ang bilis kumain at nakabulos agad ng kanin.

"Dahan-dahan. Kumakain din ako, magtira ka naman," biro na lang ni Richard.

"Ang sarap mong magluto! Ang s'werte ng magiging kabiyak mo." Napainom si Richard ng tubig nang marinig niya iyon.

"Kumain ka na nga lang..." mahinang sabi ng binata.

"Sana, katulad mo ang mapangasawa ko. Iyong lulutuan din ako," sabi naman ni Ruby na parang nag-i-imagine ng kung ano.

"Sus... Isa lang ang sigurado. Malas ng lalaking iyon," pasaring naman ni Richard.

"A-ano?" tanong ni Ruby.

"W-wala! Kumain na lang tayo." Pasimple na lang na napangiti ang binata.

SI Richard ang laging naghuhugas ng kanilang mga pinagkainan. Pero ngayon, biglang nakimali-mali si Ruby.

"Ako nang bahala rito. 'Wag ka nang magulo," sabi ng binata sa dalaga na nakikihugas din ng plato. Pilit pa ngang inilalayo ni Richard si Ruby gamit ang kanyang tagiliran.

Pero mapilit ang dalaga. "Ayaw ko nga! Gusto ko ring makatulong." Inirapan pa niya ang binata at nilagyan ng bula sa mukha.

Tumawa pa si Ruby at inasar si Richard. "Bagay sa 'yo!"

"Sira ka!" Nilagyan din ni Richard ng bula sa mukha ang dalaga. Tinawanan niya rin ito.

"Ayan. Pareho na tayo!" sabi pa ng binata. Kaso nainis si Ruby. Inihilamos niya sa binata ang basa niyang kamay.

"Buti nga!" banat pa ni Ruby. Inilabas pa niya ang kanyang dila para mang-asar. Pagkatapos noon ay tumakbo siya palayo.

"Loka-loka!" Hinabol naman ito ni Richard. Naghabulan sila sa loob ng maliit nilang bahay na parang mga bata. Napayapos na siya sa dalaga, makabawi lang.

"S-suko na ako!" Tumawa nang tumawa si Ruby habang hinihingal nang mga oras na iyon. Pati si Richard ay natawa sa mga itsura nila.

"Ituloy na natin ang paghuhugas," sabi ni Richard at sabay silang pumunta sa hugasan. Nagpunas na rin sila ng kanilang mga mukha. Kaso bigla uli siyang nilagyan sa mukha ni Ruby. Tatakbo na sana uli ang dalaga, kaso nahuli niya agad ito. Nakapitan niya agad sa magkabilang tagiliran. Hinila ito ni Richard kaya napaatras ang dalaga. Aksidenteng nagdikit ang mga katawan nila. Napasandal ang nakatalikod na dalaga sa kanyang harapan. Napasandal naman ang binata sa hugasan.

Pareho silang natigilan. Unti-unting lumayo si Ruby sa binata. Nagkahiyaan silang dalawa.

"Tatapusin ko na ang paghuhugas," mahinang sabi ni Richard. Tumango naman si Ruby at naupo.

"Richard..." Napalingon ang binata nang tawagin siya ni Ruby.

"Bakit?"

"Ang saya ko," sabi ng dalaga at nagkangitian sila. Pareho silang gumaan ang pakiramdam at hindi rin nila maipaliwanag kung bakit masayang-masaya sila.

NANG matapos ni Richard ang paghuhugas ng plato, napansin niyang ang tahimik ni Ruby. Nakatulala at parang ang lalim ng iniisip.

"May problema?" tanong ng binata. Bahagya namang nagulat ang dalaga.

"W-wala. Matutulog ka na ba?" sagot naman ni Ruby.

Umupo si Richard sa kabila ng mesa. Tumingin siya sa dalaga nang bahagya.

"Oo. Pagod ako e. Ikaw? Matutulog ka na ba?" sabi ng binata. Umiling naman ang dalaga.

"Mahaba ang tulog ko kanina." Sumulyap naman si Ruby sa binata. Napabuntong-hininga.

"Sa higaan ka muna matulog. Gigisingin na lang kita kapag tutulog ako." Nabigla si Richard sa kanyang narinig. Ni minsan kasi ay hindi siya pinapahiga ng dalaga sa higaan nito.

"Sabihin mo. Nagbibiro ka lang, tama?" Natatawa tuloy ang binata.

"Seryoso ako!" pagalit namang sagot ng dalaga. Dali-dali namang humiga si Richard doon at natulog. Na-miss niya rin kasi kahit papaano ang humiga nang tuwid.

*****

NAALIMPUNGATAN si Richard nang may mabigat na naramdaman sa dibdib niya. Kinapa niya iyon. Nagulat siya at napamulat. Si Ruby, nakahiga sa dibdib niya. Nakadantay pa sa hita niya ang isang binti nito at nasa ilalim ang kalahati nilang katawan sa iisang kumot.

"R-ruby! G-gising!" Maging si Richard ay naguguluhan. Tinapik-tapik niya si Ruby na nasa kahimbingan pa yata ng pagtulog.

Nagising nga ang dalaga. Napamulat at parang nakakita ng multo nang makita si Richard. Kinapa-kapa pa niya ang hinihigaan niya, hindi iyon unan, dibdib iyon ng binata.

"Ihhh! Lapastangan ka! Pinagsamantalahan mo ako!" Mabilis na lumayo si Ruby na nakabalot ng kumot ang katawan. Pero ang totoo, may suot naman siyang damit.

"Sinipingan mo ako! I-ibig sabihin, maaaring..." Napakapa ang dalaga sa isang bagay na mahalaga sa kanya.

"H-hindi na ako birhen!"

"Itigil mo nga 'yan! Ang OA mo. Wala akong maalala na may ginawa tayo!" Pilit namang inalala ni Richard ang mga nangyari kagabi. Hindi naman siya lasing. Ang naalala niya ay pinayagan siyang matulog ni Ruby sa higaan.

"T-teka! 'Di ba sabi mo, gigisingin mo ako kapag tutulog ka na?" biglang sabi ni Richard. Namula naman ang dalaga.

"A-ano kasi... S-sinubukan ko lang..." natatawang sabi ni Ruby. Napahawak naman sa noo ang binata.

"Nasisiraan ka na!" Napailing si Richard. Hindi niya alam kung matutuwa ba o hindi. No'ng isang gabi lang, first kiss, tapos kagabi... unang pagtatabi sa pagtulog.

"Baka sa sunod, first sex... tapos, first baby..." isip-isip din ni Richard habang tinitingnan ang dalaga.

Bago umalis si Richard nang umagang iyon ay sinabihan niya si Ruby na hindi siya makakauwi ng tanghali. Kailangan niya kasing makarami, lalo pa't may lakad siya mamayang gabi. Pinaalalahanan niya nang paulit-ulit ang dalaga na huwag aalis ng bahay. May pagkain na rin siyang iniwan kaya kampante siya.

"Oo na! Umalis ka na! Ako nang bahala sa pangit mong bahay." Pinagsupladahan pa ng dalaga si Richard.

Sandaling napasulyap ang binata sa labi ni Ruby. Napangisi siya.

"Pahalik nga..." sabi ng binata kaso biglang iniharang ng dalaga ang kamao niya.

"Kamao ko? Gusto mong halikan?" sabi ni Ruby.

"Biro lang mahal na prinsesa..." Natawa si Richard. Pagkatapos noon ay ginulo niya ang bagong suklay na buhok ng dalaga. Nagtatakbo rin siya kaagad palayo.

"Ihhh! Kakasuklay ko lang sa buhok ko! Lapastangan ka! Lagot ka sa akin mamaya!" sigaw na lang ni Ruby. Tumawa naman nang tumawa si Richard habang kinakawayan ang dalaga.