webnovel

Chapter 25: Kilabot sa Kakaibang Nilalang

Kinahapunan ay dinala ni Mina si Christy sa likod ng kanilang bahay. Ang likod na parte ng bahay kasi nila ay isang malawak na hardin kung saan samo't saring bulaklak at halaman ang nakatanim na inaalagaan ni Manag Celia. May malaking puno ng mangga din doon na halos kasing tanda na ng kanilang bahay. 

"Mina, matanong ko lang. Paano mo nakakausap ang mga nilalang na hindi nakikita ngmga tulad namin?" seryosong tanong ni Christy.

"Hindi ko rin po alam, sabi ni Kuya Sinag buhat ng ipinanganak ako kakambal ko na ang kakayahang ito. Noong una sobrang takot ko dahil may mga nilalang akong nakikita na hindi ko maintindihan ang itsura. Ngunit meron din naman mamamangha ka dahil sa sobrang ganda. Ngunit tulad ng sa tao, hindi mo maaring husgahan ang kanilang ugali base lamang sa kanilang itsura. May mga nilalang kasi na maaayos ang itsura ngunit masama pala at meron din naman may wangis ng demonyo ngunit mababait." wika ni Mina. 

Nang marating na nila ang malaking puno ng mangga ay nagsimula nang mag-usal ng pantawag si Mina. Doon kasi pansamantalang namamahay ang mga engkantong nagpaiwan sa bahay ni Manong Ricardo. Lubos kasing ikinatutuwa ng mga nilalang ang magandang tanawin doon.

Ilang sandali pa ay unti-unting nakaramdam ng malamig na hangin ni Christy na tila umiihip sa paligid nila. Buong pagtataka naman siyang napapalingon dahil wala naman hangin na umiihip nang mga oras na iyon. Nang ibaling niya ang tingin pabalik sa puno ng mangga ay gulat na gulat siya ng masipat ang isang maitim na nilalang na halos kasinglaki na ng punong iyon. Maitim at mabalahibo ang buong katawan nito at may kagat-kagat pa itong tabako sa bunganga nito. Napaatras si Christy ngunit mabilis siyang pinigilan ni Mina.

"Huminahon ka Ate, ito si Ukol siya ang Kapreng nagbabantay sa inyong bahay. Isa rin siya sa mga kaibigan kung nagpaiwan dito para bantayan kayo. Mabait si Ukol." wika ni Mina. Napahinga naman ng malalim si Christy at nanginginig na inabot dito ang kanyang kamay.

"Ako si Christy, kinagagalak kitang makilala Ukol." Wika ni Christy na hindi maitatago ang takot sa nilalang. Natuwa naman ang kapre at marahang hinawakan ang kamay ng dalaga.

"Sa akin ang karangalan, kaibigan ng itinakda." wika ng kapre sa malaki nitong boses. Dahil sa pagwiwika nito ay naibsan ang takot na nararamdaman ng dalaga at napangiti ito. Maya-maya pa ay isa-isa nang nagsisulputan ang mga nilalang sa kanilang harapan upang makipagkamay kay Christy na lubhang ikinagulat nito na halos mawalan siya ng malay sa dami ng mga nilalang.

Tatawa-tawa naman si Mina sa reaksiyon ni Christy. Naalala niya kasi noong unang beses niyang makilala ang mga ito. Halos ikahimatay niya rin iyon kung hindi lang dahil sa pag-agapay ng kaniyang ina.

"Ako si Marikit, ako ang tagapangalaga ng kagubatan." wika ng engkantadang may berdeng kasuotan. Iyon din ang engkantadang kinausap ni Mina noong nagkasakit si Christy. Namangha si Christy nang masilayan ang kagandahan nito. Tunay ngang nakakahumaling ang wangis nito ayon na din sa deskripsiyon ng kanyang ama. Matapos ang pagpapakilala ay isa-isa nang naglaho ang mga ito at bumalik na sa kani-kanilang pwesto. Hanggang sa matapos ang tagpong iyon at makabalik na sila sa loob ng bahay ay tila lutang si Christy habang nakangiti. Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga nakita niya kanina. Pakiramdam niya ay nananagainip pa siya hanggang ngayon. Ngunit mabilis din nawala ang isiping iyon nang makita niya ang isang bulaklak na kakaiba na ibinigay sa kanya ng kapreng si Ukol.

"Ah, Mina, para saan ang bulaklak na ito? Ang sabi ng kapre ay ilagay ko daw ito sa aking kwarto." Tanong ni Christy habang maiging tinititigan ang bulaklak. Kakaiba iyon dahil para itong rosas ngunit mapino ang mga talululot nito. Napakabango din iyon at kulay dilaw iyon na animo'y umiilaw kahit sa dilim.

"Mutya iyan sa wangis ng isang bulaklak. Marahil ay natuwa sayo ang kapre kaya iyan ibinigay sa iyo. Sa pagkakaalam ko, mabisang pantaboy iyan ng masasamang elemento. Lalo kapag nasa kahimbingan ka ng iyong pagtulog. Sundin mo lang ang bilin ng kaibigan nating kapre." wika naman niya.

"Eh, hindi ba ito malalanta. Paano ko ito aalagaan?" Tanong ulit ni Christy.

"Hindi yan malalanta, hanggat nabubuhay pa ang kapreng nagbigay ng bulaklak na iyan ay patuloy din itong mabubuhay." wika ni Sinag na noo'y nakatayo sa hamba ng pinto kasama si Isagani.

"Sinag, buti naman nadalaw ka. Salamat nga pala sa paggamot mo sa akin." Nakangiting wika ni Christy at napangiti na din ang binata.

"Walang anuman. Sinusundo lang namin si Mina, oras na kasi ng uwian." wika ni Sinag at napatango lang si Christy.

"Sige na Mina umuwi na kayo. Bukas naman tayo mag-usap." wika nito sa dalaga na agaran din naman sinunod ni Mina. Nang makapagpaalam na sila sa dalaga ay agad na silang bumalik sa knilang tahanan. 

Tulad ng dati ay nakaabang na si Manong Celso sa kanila, naghihintay upang sabay sabay silang makapaghapunan. Lumipas pa ang mga araw, linggo at buwan ay naging payapa ang kanilang buhay. Panaka-nakang tinutungo ni Isagani ang bundok ng Sarong sa kalaliman ng gabi upang magmasid doon. Tulad ng una niyang punta ay wala siyang napapansing kakaiba roon. Nagpatuloy ang ganoong resulta sa kanyang pagmamasid hanggang sa tuluyan na ngang lumipas ang isang taong pananatili nila sa Bayan ng Lombis. 

Naging mas malapit pa sila noon sa pamilya ni Manong Ricardo dahil sa ginawa nilang pagliligtas kay Christy. Naging takbuhan naman ng mga may sakit na tauhan ni Manong Ricardo si Sinag na hindi naman niya tinatanggihan. Hanggang sa tuluyan na ngang nakilala siya sa bayan ng Lombis na isang magaling na manggagamot. Kahit ang mga karatig bayan ay dumadayo pa para makapagpagamot lang sa kaniya. Hindi naman iyon ipinagdamot ni Manong Ricardo dahil kahit ito ay natutuwa sa mga pangyayari. Dahil sa katanyagan ni Sinag ay ipinagpagawa niya ito ng maliit na bahay tanggapan upang doon niya isagawa ang kanyang panggagamot. 

Isang gabi habang nagmamasid si Isagani ay may nasipat siyang kaduda-dudang nilalang na pumasok sa kasukalan ng kagubatan. Wala itong dalang kahit na anong magbibigay ng liwanag sa kanya ngunit kapansin-pansin ang maayos nitong paglalakad sa kadiliman. Animo'y wala itong problema sa pagtahak ng landas kahit pa walang kaliwa-liwanag sa lugar. Wala ding buwan ng gabing iyon kaya naman malakas ang kutob niya na ang nilalang na iyon ay hindi ordinaryo. Patuloy lamang siyang nagmasid at hindi gumalaw sa pinagkukublian niyang puno hanggang sa makita niya ulit itong lumabas mula sa masukal na parte ng gubat na iyon. Sa pagkakataong iyon ay may dala-dala na itong sako sa kanyang likod. Habang sinisipat niya ang bitbit nitong sako ay nakapagtatakang tila ang mga mata niya ay hindi niya maialis doon. Tila ba nahuhimaling siya sa hindi maipaliwanag na dahilan. Nang mawala na ito sa kanyang paningin ay noon lamang bumalik ang kanyang huwisyo. Nagmasid pa siya ng ilan pang oras hanggang sa sumapit ang alas tres ng madaling araw at napagdesisyunan niya nang bumalik sa bahay upang makapagpahinga. 

Hanggang sa makauwi siya at makahiga sa kanyang higaan ay tila ba hindi mawaglit sa kanyang isip ang sakong bitbit ng nilalang. 

'Ano kaya ang bagay na iyon?' tanong niya sa sarili habang nakatingin sa kisame ng bahay nila. Paulit-ulit siyang binabagabag ng kanyang isipan hanggang sa tuluyan na niya itong makatulugan. Paggising niya kinaumagahan ay agad niya itong isinangguni kay Sinag. Hindi naman nakapagbigay ng positibong opinyon si Sinag dahil ito man ay naguguluhan sa nakita ni Isagani.

At hindi din nila mawari kung anong klase ang nilalang na iyon. Ayon sa deskripsiyon ni Isagani ay isa iyong matandang tila uugod-ugod. Ngunit may kalakasan din iyon. Nakatalukbong iyon ng kulay lupang balabal na halos ikubli ang buong pagkakakilanlan nito. Hindi din niya gaanong namukhaan iyon at ang amoy naman nito ay katulad ng sa tao. Hindi iyon isang aswang dahil hindi mabaho ang amoy nito. Wala rin siyang naamoy na mga insekto o langis dito na kaaraniwang naamoy niya sa isang mambabarang o di kaya naman ay mangkukulam. 

Dahil doon hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kanila kung anong klaseng nilalang iyon at kung ano ang nilalaman ng sako na nanghuhumaling kay Isagani. 

Muling sumapit ang gabi kaya naman ay muling nagmasid si Isagani sa lugar. Katulad noong nagdaang gabi ay muli niyang nasilayan ang nilalang. Sa pagkakataong iyon ay may hatak-hatak itong bangkay ng isang babae. Nakagapos iyon at putok ang ulo nito. Nakadilat din ang mata nito na puno ng takot, na kahit sa kamatayan ay tila ba dala-dala nito ang takot sa kanyang pagkamatay. 

Tahimik niya itong pinagmasdan habang walang kahirap-hirap nitong hinahatak ang bangkay ng babae. Paghinto nito sa isang puno ay agad niyang kinuha ang sundang na nakatago sa kanyang balabal at agaran ding tinapyas ang ulo nito. Nagpagulong-gulong pa ang ulo nito sa lupa hanggang sa tumama iyon sa katawan ng puno. Walang anu-ano'y may lumitaw na isang grupo ng mga kabataan na kakaiba ang presensya. Nang makita ng mga ito ang bangkay ng babae ay walang pag-aatubili nila itong sinunggaban at nilantakan. Hinayaan lang naman iyon ng matanda at pinulot na lamang ang putok na ulo ng babae. Biniyak niya iyon at dinukot mula roon ang utak nito. Nanlaki ang mga mata ni Isagani nang biglang bumuka ang bunganga nito na halos kaya nitong lumulon ng isang buong tao. Walang pagdadalawang isip nitong nilulon ang utak ng babae kasabay ng biyak nitong ulo. 

Kinilabutan ng matindi si Isagani sa kanyang nakita. Hindi iyon isang aswang pero kumakain iyon ng tao. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdamang kilabot sa nilalang. Pakiramdam niya ay hindi ito ordinaryo at kung magkakaharapan sila sa laban ay panigurado na ang kamatayan niya. At ang mas nakakakilabot ay ang mga batang nilalang na animo'y pinapalaki niya. Marahil ay mga supling niya iyon o di kaya naman ay supling ng uri niya. Sa tantiya ni Isagani ay nasa lima ang mga batang iyon. Magkakaparehas din ang wangis mg mga ito. Pare-pareho silang may mga matang tila sa pusa. Nagniningas na pula ang kulay nito habang kumakain sila, nanlilisik din iyon na animo'y alerto sa lahat ng oras. Payat ang pangangatawan nito na halos magsilabasan na ang kanilang mga buto sa katawan. Wala din silang saplot na pang-itaas at tanging maliit na kulay lupang tela lamang ang nakapulupot sa kanilang pang-ibabang parte ng katawan. 

"Sige lang kain lang kayo, darating ang panahong makakalabas din kayo ng malaya dito at mararanasan niyo na rin ang manghuli ng sarili niyong pagkain." Sambit ng matanda sa garalgal nitong boses. Nagsitaasan ang balahibo ni Isagani at kamuntikan na siyang umangil nang marinig ang nakakakilabot nitong boses. Mabuti na lamang at napigilan niya ang sarili at mabilis na nilisan ang lugar. Hindi na siya nagsayang mag oras at lumipad na siya ng mabilis sa himapapawid upang makalayo roon. Wala siyang pakialam kung maramdaman man siya ng mga ito ang mahalaga ay makalayo siya doon at maalis niya ang presenya niya upang hindi siya masundan ng mga ito. 

"Ramdam ko ang takot mo tao. " Wika ni Adlaw sa kaniyang isipan, habang nasa himapapawid siya. 

"Anong klaseng nilalang iyon? Ngayon lamang ako nakasugpong ng katulad niya. Pakiramdam ko ay hindi siya tulad ng mga batang iyon." 

"Tama ka tao. Ang nilalang na iyon ay hindi tulad ng mga batang nakita mo. Bagkus ay isa iyong diablong naggaling pa sa kailaliman ng impyerno. Maging ako ay nagulat sa kanyang pag-iral dito sa lupa. Maghanda kayo dahil ang pagdating niya dito sa mundo ng mga tao ay nangangahulugang malapit nang bumangon ang hari ng impyerno. " Wika ni Adlaw na hindi lubos maintindihan ni Isagani.