webnovel

Chapter 19

Nakaawa...

Nakakalungkot...

Hindi lubos maisip ni Elysia kung paano pa nabubuhay ang mga tao sa bayang iyon. Sa dahan-dahang pagpasok ng kanilang parada sa bayan ay panaka-nakang nakakasilay si Elysia ng mga taong nagbubukas ng kanilang mga bintana at pinto. Marurungis silang tingnan dahil sa mga damit nilang animo'y kakulay ng abo at putik, ngunit makikita naman sa mga balat nila ang kalinisan kahit pa ang mga paa nila at mga daliri ay nangingitim sa hindi nila malamang kadahilanan.

Nang marating nila ang pinakasentro ng bayan ay sinalubong sila ng isang may katandaang lalaki, bumabaluktot na ang likod nito dahil sa katandaan. Payat ang pangangatawan ngunit bakas sa mata nito ang determinasyong mabuhay. 

"Maligayang pagdatal sa aming bayan, ako pala si Hector—tumatayong lider sa bayan ng Muntivor nawa'y naging maayos ang inyong paglalakbay patungo rito." wika nito sa garalgal na boses.

Inilibot ni Elysia ang kaniyang mga mata sa buong paligid at kitang-kita niya ang kalunos-lunos na sitwasyon ng bayang iyon. Mabato, maputik ang mga bahay ay sira-sira mula sa dingding na gawa lamang sa maninipis na pawid hanggang sa bubong na animo'y gawa lamang sa dahon ng kung anong halaman. Kabaliktaran ito ng bayang kinagisnan niya, bagama't salat rin ay hindi naman ganito.

"Saan po kami maaaring manatili rito, kahit na malawak na espasyo lamang ho sa loob ng bayan na pagtatayuan ng aming pansamantalang tutuluyan." Tanong ni Elysia at napailing ang matanda.

"May isang lumang mansyon sa dulo ng bayan, ngunit hindi na iyon napupuntahan. Wala ring nagtangkang pasukin iyon dahil matagal na naming pinaniniwalaan na walang kahit sino sa amin ang may karapatang pasukin ang lugar maliban sa mga taong maharlika at mg alagad ng hari." Buong pagpakumbaba nitong wika habang nakayuko. Hindi nito magawang tumingin sa kanila na animo'y natatakot o nag-aalangan.

Malakas na napabuntong-hininga si Elysia at tinapik ang balikat ng matanda.

"Hindi ko pa po pala nasasabi ang aking pangalan, ako si Elysia at ito ang aking grupo na ipinadala sa ngalan ni Haring Vladimir ng Nosteria. Kinagagalak ko po kayong makilala. Maaari niyo bang ituro sa amin ang daan patungo sa sinasabi niyong mansyon nang sa gayon ay makapagpahinga na ang aking mga kasamahan at makapaghanda." tanong ni Elysia. Mabilis na tumango ang matanda at agad silang pinasunod.

Habang tinatahak nila ang daan patungo sa mansyon ay hindi maiwasan ni Elysia ang hindi mapailing.

"Loreen, napakarami ng dapat na ayusin sa bayan. Nakita mo ba ang mga tao, halos lahat ay payat, parang salat na salat sila sa pagkain. Kapag nakapag-ayos na tayo sa mansyon, magsimula na tayong mag luto para sa kanila. Alam kong hindi ito sapat para ibalik ang dati nilang lakas at katawan pero kahit paano makakakain sila ng masarap." suhestiyon ni Elysia.

"Sa ganitong paraan mo ba sila nais himuking pumasailalim sa kapangyarihan ni Haring Vladimir?" tanong ni Loreen at umiling ang dalaga.

"Ang desisyong iyon ay mananatiling kanila. Tutulong tayo sa abot ng ating makakakaya. Nasa kanila kung aanib sila sa atin, hindi natin sila pipilitin. Tao ako at alam kong ayaw nilang pinipilit sila. Hayaan nating sila ang mismong magkusang-loob na banggitin ang bagay na iyan. Ayaw ko silang pangunahan at ayaw kong isipin nila na ang lahat ng ito ay pakitang-tao lamang at isa pa—hindi nabanggit ni Vlad sa akin na himukin sila. Ang nais lang niya ay tulungan at mailagay sa ayos ang bayan. Alam kong matatagalan tayo, pero tiwala akong magagawa natin ito." mahabang tugon ni Elysia at hindi maiwasan ni Loreen ang hindi mapangiti.

Sa kanilang pagdating sa lugar ay napaangat ang kilay ni Elysia. Malaki ang mansyong iyon, may malawak na espasyo sa harap hanggang sa likurang bahagi. Bahagyang may sira na rin ang mga dingding dahil sa kalumaan ngunit ang ibang bahagi ay maayos pa naman. Pinasira ni Elysia ang lumang bakod na nakapalibot sa mansyon upang maging bukas ito at mas maging malawak ang lugar na siyang pagpaparkehan nila ng kanilang mga karwahe.

Malugod silang nagpasalamat sa matanda at nagbilin dito na bumalik kinabukasan sa unang pagtunog ng kampana na patutunugin nila. Bumakas sa mukha ng matanda ang pagtataka sa narinig ngunit sa halip na magtanong ay tumango na lang ito at uugod-ugod na umalis sa harapan nila.

Nang mapasok na nila ang mansyon ay doon nila mas napatunayan na mas malaki pa ito sa kanilang inaakala. Maayos pa sa mga gamit sa loob at ang tanging problema lang ay balot na balot ito ng alikabok. Agad namang nag-utos si Loreen na linisin ang lugar at maging ang mga kuwartong naroroon. Ang mga kawal namang magbabantay sa kanila ay nagtayo ng malalaking tent sa labas bilang kanilang pansamantalang pahingahan.

Nang tuluyan na ngang malinis ang buong mansyon ay nagsimula na silang mag-ayos ng kanilang mga gamit upang makapagpahinga. Magkasama sa isang kuwarto si Loreen at Elysia. Nasa magkabilang silid naman si Luvan kasama ang ilan sa mga tao niya at si Florin kasama ang dalawa pang elf na isinama nito. Sinigurado rin nila na nakapalibot sa buong mansyon ang mga kawal upang hindi sila malusutan kapag nagkataong matunugan sila ng mga alagad ni Vincent.

Kinagabihan, bukod sa mga kawal na bampira ay nagpahinga na ang iba. Mahimbing na nakatulog si Elysia dahil sa sobrang pagod. Bago pa man sumapit ang bukang liwayway ay muli na silang nagising nang maaga.

Inilabas nila ang dala nilang mga kasangkapan sa pagluluto. Katuwang ang mga elf at ang iba pa nilang kasama ay naghanda sila ng makakain para sa lahat.

May mga karne silang iniluto,ga tinapay na inihanda, at kung ano-ano pa. Sinigurado nilang sasapat ang mga pagkaing iyon para sa kanila at sa mga taong naninirahan sa bayan.

Mataas na ang sikat ng araw nang tuluyan silang makatapos. Ang mga bampirang tumulong pa sa kanila ay paisa-isa na ring nagpahinga sa kani-kanilang mga tent.

Pinatunog naman ni Luvan ang kampanang dala nila. Umalingawngaw ang tunog nito sa buong bayan. At tulad ng napag-usapan ay dinala ni Tandang Hector ang mga tao roon. Hindi rin naman sila karamihan, at natatayang nasa mahigit limampu lamang ang lahat ng naroroon kasama na ang mga bata at matatanda.

"Magandang umaga po Lolo Hector, naghanda po kami ng munting salo-salo para sa lahat. Halina po kayo at nang makakain. Huwag po kayong mahihiya." Masayang alok ni Elysia at marahang inalalayan ang matanda patungo sa mahabang mesa na ginawa pa ng mga kawal.

Hindi naman makapaniwala ang mga taumbayan sa kanilang nakikita. Napakaraming mga pagkain sa harapan nila at lahat masasarap. May iilan pa ngang hindi napigilan ang sariling hindi umiyak at ang iba hagulgol sa sobrang kagalakan. Ang mga bata naman ay tila mga sabik na lumapit sa mesa at nagsimula nang lantakan ang mga pagkain naroroon. Sumunod na rin ang mga kababaihan at kalalakihan at nahuli ang matatanda na nagbigay pasasalamat pa bago kumain.

Maluha-luhang humarap naman sa kanila si Tandang Hector, hindi nito magawang magsalita at nanginginig ang mga labing napapahikbi na rin.

"Kumain na muna tayo Lolo, mamaya na tayo mag-usap. Masama ang pinaghihintay amg grasya." Tuluyan na nga nilang pinagsaluhan ang mga pagkain. Natutuwa naman ang puso ni Elysia dahil kitang-kita niya ang kasiyahan sa mga mukha ng mga tao.

"Ganito pala ang pakiramdam ng nakakatulong. Dati pangarap ko lang ang makagawa ng maganda para sa kapwa ko. Ngayon nakakaya ko na." Wika ni Elysia habang nangingiting nakatingin sa mga masasayang bata na walang tigil sa pagkain.

Matapos ang pagkain nila ay tumulong naman ang mga tao sa paglilinis. Ang mga kalalakihan ay tumulong na magtayo ng pansamantalang mga kubo para sa mga kawal habang ang mga babae naman ang tumulong na maghugas ng mga kasangkapang ginamit nila.

Dahil sa naging suhestiyon ni Elysia, ay naging magaan ang pagtanggap sa kanila ng mga taong naroroon. Ang kaguluhang inaasahan nila ay hindi nangyari. Masunurin at hindi magugulo ang mga tao roon taliwas sa naunang balitang natanggap nila.

Maayos at disiplinado ang bawat galaw nila na animo'y alam kung saan sila dapat lulugar. Labis naman itong ikinatuwa ni Elysia at masinsinan na nilang kinausap ang matanda.

"Hindi kami ang may gawa ng kaguluhan kun'di ang mga taong tumaliwas na sa aming paniniwala. Kung napapansin niyo hindi na kami ganoon karami rito. Ilan sa mga kasama namin noon ang umalis at nanirahan di kalayuan dito, ngunit paminsan-minsan ay bumababa sila upang manggulo. Nang makatanggap ako ng liham mula sa hari ng Nosteria ay nag-alala ako na baka matambangan kayo ng grupong iyon." Salaysay ni Tandang Hector.

"Hindi naman, basta-basta matatalo ang grupo namin Lolo. Hindi tao ang mga kasama ko at bawat isa sa kanila ay malalakas. Tao lamang sila, anong magagawa nila laban sa mga bampira, elf at mga mystic na kasama ko sa grupo?"

"Naisip ko rin iyan, subalit, hindi mo pa rin maiaalis sa akin ang mag-alala. Paano kung napahamak kayo? Madadamay ang bayan namin kahit wala kaming kasalanan dahil ang mga taong iyon ay dito nanggaling. " Umiiling na wika ng matanda.

"Tama si Tandang Hector, mapupunta ang sisi sa kanila dahil sila ang nandito sa bayan, sila ang mapagbubuntunan ng galit ng hari kapag nagkataon. Normal na mangamba siya sa kaligtasan ng bayan at buhay ng mga taong nasasakupan niya." Sang-ayon naman ni Florin.