"Thea, ikaw pala. Kanina ka pa ba riyan?" tanong ni Elysia.
"Oo naman, nakita kasi kita, kaya pinanood ko muna ang gagawin mo. GRabe, saan mo natutuhan ang estilong iyon? Hindi ako maalam sa paggamit ng mga sandata, ngunit malakas din naman ako kapag nasa anyong lobo ako, at mabilis rin. Pero isa kang tao, Elysia, normal na tao, kaya nakakamangha ang ipinakita mo.," namamangha pa ring wika ni Galathea.
Napangiti ng tipid si Elysia at tila nahihiyang nagkibit-balikat muna. Dinampot niya ang espada at ibinalik iyon sa kung saan man niya ito kinuha kanina bago muling hinarap si Galathea.
"May nagturo lang sa akin, isang manunugis," tugon niya at napatango naman si Galathea. Agad na humawak si Galathea sa braso niya at hinatak na siya pabalik sa loob ng palasyo, pero bago iyon dumaan muna sila sa gilid ng lawa para pagmasdan ang papalubog na araw.
Sumapit na ang araw ng byernes, tanghali nang dumating ang karwaheng sumundo sa pamilya ni Elysia. Kasalukuyan silang nasa hardin ni Galathea nang huminto ang karwahe at kitang-kita ni Elysia ang pagbaba roon ni Alicia, Elena at Roman. Taas-noo pa ang mga ito na animo'y sila ang nagmamay-ari ng lugar, maging ang pakikitungo nito sa taong inutusan ni Alastair ay parang basahan.
"Kilala mo ba ang mga 'yan Ely?" tanong ni Galathea nang mapatingin sila sa karwahe.
"Hindi lang kilala, kilalang-kilala. Sa katunayan kadugo ko sila," tugon ni Elysia at mapait na ngumiti.
"Kadugo? Bakit parang hindi mo naman sila kamukha o kaamoy man lang Ely?" nagtatakang tanong ni Galathea habang matamang tinititigan ang mga bagong dating na panauhin.
Nagkibit-balikat lang din si Elysia at marahas na bumuntong-hininga nang makitang papalapit sa kinaroroonan nila si Alicia na animo'y isang prinsesa. Nakataas pa ang kilay nito habang nakatingin sa kanila na para silang mas mababang uri kaysa sa kaniya.
"Elysia, akala mo siguro mapapasayo na ang posisyong nararapat na para sa akin, ano. Nagulat ka ba? Ako ang tunay na alay kaya ako ang dapat na tumatamasa ng mga bagay na tinatamasa mo ngayon," mayabang na wika ni Alicia.
Napairap lang naman si Elysia at akmang tatalikuran ito nang marahas siyang pigilan ng dalaga sa braso. Mariin itong nakahawak sa braso niya at ramdam niya ang mga kuko nitong, halos tumusok na sa kaniyang kalamnan. Napangiwi si Elysia at pilit na kumawala sa pagkakahawak nito. Mabilis niyang iwinaksi ang kamay nito at sa lakas niya ay kamuntikan pa itong mawalan ng balanse.
"Baka nakakalimutan mo, wala ka sa bahay Alicia, hindi ikaw ang sinusunod rito, wala kang karapatang pigilan ako o pasunurin sa mga gusto niyo," saad ni Elysia na may kasamang gigil.
Nanlaki naman ang mata ng mag-anak dahil sa inasal niya. Ito ang unang beses na harap-harapan siyang lumaban sa kanila. Nagpupuyos sa galit si Elena nang makita na muntik nang matumba ang kaniyang anak kaya naman ito na ang sumugod kay Elysia. Subalit bago pa man siya makalapit at humarang naman sa kaniya si Galathea.
"Hindi ka dapat nangingialam, manatili ka sa kinatatayuan mo kung ayaw mong humalo sa lupang inaapakan mo ang iyong malansang dug*," banta ni Galathea na nagpatigil naman sa ginang.
"Sino ka ba, wala kang karapatan na pigilan ako, didisiplinahin ko lang 'yang walang kuwentang pamangkin ko!" singhal pa ni Elena at muling napaangat ang isang kilay ni Galathea. Kinabahan naman si Elysia dahil baka madamay pa si Galathea sa hidwaan nila ng pamilya niya.
Mabilis niyang hinatak si Galathea palayo sa kaniyang tiyahin at masamang tinitigan ang mga ito.
"Alalahanin niyo sana kung nasaan kayo, hindi kayo ang masusunod sa lugar na ito. Kung ako sa inyo, mag-iingat ako sa mga taong makakaharap niyo rito, baka magsisi kayo ng wala sa oras." Saad pa ni Elysia at mabilis nang hinatak si Galathea papasok ng palasyo.
Nagpasalamat na lamang siya nang magpatianod na sa kaniya ang dalaga. Huminto lang sila nang marating na nila ang silid ni Elysia.
"Sino sila sa akala nila, akala mo naman sila ang may karapatan, bakit ba nandito ang mga 'yan. Sa tingin ko naman sa kanila ay hindi sila gagawa ng mabuti, lalo na sa'yo," naiinis na wika ni Galathea nang makaupo na ito sa kaniyang kama.
"Hindi ko rin alam, pero desisyon kasi ni Vlad na dalhin sila rito. Alam din naman niya na ayaw sa akin ng pamilya kung 'yon." tugon ni Elysia at dito na siya nagsimulang mapakuwento. Nagpupuyos namansa galit si Galathea dahil sa narinig. Magkahalong awa at galit ang nababanaag ni Elysia sa mukha ng bagong kaibigan. Napangiti na lang siya at hinaplos ang likod nito upang pakalmahin.
"Tapos na 'yon. Siguro naman hindi sila dinala rito ni Vlad para pahirapan ako. Malay mo makabawi na ako sa pagkakataong ito. Hinihintay ko lang naman na sabihan ako ni Vlad na maaari kung gawin ang kahit anong nais ko sa kanila. Hindi rin naman ako santa. Sa tagal ng pagtitiis ko sa poder nila, ngayong nabago na ang buhay ko, hindi na ako papayag na muli nila apakan ang pagkatao ko. Nagtiis lang naman ako noon dahil hawak nila ang mga bagay na iniwan sa akin ng aking mga magulang, pero ngayong nasa akin na ang lahat, wala na akong dapat ikatakot." Nakangiting wika ni Elysia at lumapad na rin ang ngiti sa labi ni Galarthea.
"Dapat lang! At syempre babawi rin ako sa pagsigaw ng matandang babaeng 'yon sa akin. Hindi nga ako sinisigawan ni Caled, tapos siya ganoon na lang kung ako ay tratuhin, ano ba siya, siya ba ang dyosa ng buwan? Hindi ko siya ina para sigawan lang ako." Naikuyom lang ni Galathea ang kamao habang sinasabi iyon. Nangingiti naman si Elysia at napatango.
"Oo babawi tayo, dahan-dahan pero hindi nila malilimutan." Nag-apir pa ang dalawa at nagkatawanan. Mayamaya pa ay isang katok ang kanilang narinig, bumukas ang pinto at iniluwa nito si Loreen.
"Elysia, pinapatawag ka ni Haring Vlad." Naglalakad ito papalapit sa kaniya, bitbit ang isanag manipis na balabal na kakulay ng palaging suot ni Vladimir. Maingat nitong ipinatong sa kaniyang balikat at maayos na ikinabit sa kaniyang damit s pamamagitan ng dalawang uri ng bato na hindi niya mawari. Kumikislap pa iyon sa ilalim ng sinag ng ilaw at naglilikha iyon ng mala-bahagharing repleksiyon.
"Para saan ito, Loreen? Sa Bulwagan lang naman tayo ng trono pupunta, hindi ba?" nagtatakang tanong niya at ngumiti si Loreen, marahang hinaplos nito ang kaniyang mahabang buhok at inayos ang pagkakalugay nito.
"Mahalaga ang oras na ito, may panauhing kasama ang hari at bilang reyna niya, responsibilidad mo ang magpakita doon nang maayos at presentable. Ang balabal na ito ang magiging simbolo ng mataas na posisyon mo sa hari," paliwanag ni Loreen at napatango naman si Elysia. Hindi na siya nagtanong pang muli dahil alam niyang ang kaniyang mga kamag-anak ang tinutukoy nitong panauhin.
"Sasama ka ba Galathea?" tanong ni Elysia sa kaibigan.
"Oo naman, kapag hindi ka pinagtanggol ni Vlad sa mga taong 'yon, kakalmutin ko siya." gigil na wika ni Galathea at natawa naman si Elysia. Ramdam niya talaga ang gigil nito at labis na inis sa kaniyang tiyahin at mga pinsan.
Nang marating niya ang bulwagan ng trono ni Vlad ay agad niyang nakitang nakaupo ang dalawa niyang pinsan at tiyahin sa upuan nakahanda roon. Komportable pa ang mga ito na tila ba habang umiinom ng kung ano mula sa hawak nilang baso.
"Sige na, lumapit ka na kay Vlad." Itinulak nang marahan ni Galathea si Elysia at wala nang nagawa ang dalaga kun'di ang lumapit dito. Nakita naman niyang ngumiti si Vlad nang makita siya kaya naman nawala ang pag-aalinlangan sa puso niya. taas-noo siyang lumapit sa binata at ginagap naman ni Vladimir ang kaniyang kamay at agad na umusod ito upang bigyan ng espasyo si Elysia uapang makaupo sa tabi niya. Malapag ang upuan ng trono ni Vlad, at halos maluwag pa ito sa kanilang dalawa.
Halos madurog naman sa kamay ni alicia ang hawak niyang babasaging baso nang makita si Elysia na nakaupo sa tabi ni Vladimir. Kagat-labi siyang nakatingin ng masama sa pinsan na hindi naman nakaligtas sa mga mata ni Elysia. Nang magtama ang kanilang mata ay agad niyang nginisihan si Alicia.
"Anong karapatan mo na maupo sa tabi ng hari!" galit na sigaw ni Alicia na tila hindi na nakapagtimpi pa. Napatayo ito at kung hindi lang dahil sa mga bampirang nakatayo sa bawat sulok ng bulwagang iyon ay marahil kanina pa niya nasunggaban si Elysia ay nahatak palayo sa binata.
Kitang-kita ni Elysia ang nag-uumapaw na inggit at galit sa mga mata ng pinsan niya.
"Elysia, ano ba'ng ginagawa mo diyan. Hindi ka na nahiya, umalis ka riyan, hindi ka nababagay sa hari." Singhal naman ni Elena sa pamangkin. Pagkuwa'y hinarap naman nito si Vladimir at buong tamis na ngumiti.
"Haring Vladimir, ipagpaumanhin niyo ang kalapastanganan naming lokohin ka, hindi talaga si Elysia ang alay kun'di itong anak kong si Alicia. Labing anim na taon pa lamang si Elysia, samantalang ang anak kong si Alicia ay labingwalo na." Mahinahon niyang wika na animo'y kinukumbinsi si Vladimir.
Napangisi naman ang binata habang nakatingin sa ginang. Ang mga kamay naman niya ay nilalaro ang mga daliri ni Elysia at marahang pinipisil ang mga 'yon.
"Ano sa palagay mo Elysia?" Malambing na tanong ni Vlad bago kinintalan ng halik ang palad ng dalaga.
"Palagay ko? Hindi ko alam, pero parang pinalalabas ng tiya ko na madali kang mauto," tugon niya