webnovel

Chapter 12

"Bakit naman kaya naisipan ni Haring Vlad na patuluyin pa rito ang magpapamilyang iyon, hindi ba't malaki ang atraso ng mga taong 'yon sa kaniyang magiging reyna?"

"Oo nga, hindi ko talaga minsan masundan ang pag-iisip ng ating hari. Pero hayaan mo na, sundin na lamang natin ang utos niya. Sa tingin ko ay may magandang rason naman ang ating hari sa kaniyang naging desisyon."

Tahimik na napabuntong-hininga na lamang si Elysia sa narinig, maging siya ay hindi niya alam kung bakit ganoon na lamang ang naging desisyon nila ni Alastair. Gayunpaman, hindi na niya ito masyadong pinagtuunan pa ng pansin. Matapos niyang maghapunan, ay tinungo naman niya ang silid ng trono ni Vladimir. Doon ay nakita niya itong prente pa ring nakaupo sa luklukan at tulad ng dati, may hawak itong gintong kopita.

"Narinig kong sinang-ayunan mo ang desisyon ni Alastair. Vlad, alam mo naman siguro kung paano nila ako tratuhin 'di ba?" tanong niya at marahang ibinaba ni Vlad ang baso niya sa mesang gawa sa kristal. Lumikha iyon ng mahinang tunog. Tumingin si Vlad sa dalaga at iminuwestra ang kamay nito para lumapit siya. Walang pagdadalawang-isip naman siyang lumapit ngunit nahigit niya ang hininga nang bigla siyang hapitin ng binata sa kaniyang beywang dahilan para mabura ang anomang distansya na naglalayo sa kanila kanina.

"Vlad, ano ba!" singhal niya at pilit na kumakawala sa binata ngunit tila ba hindi siya nito naririnig. Doon lang niya napansing ang dating ginto mata nito ay may bahid ng pula, tanda na nasa estado ito ng pagiging bampira nito. Iniangat niya ang kaniyang kamay at tinakpan ang mga mata ng binata at ubod ng hinang binulungan ito para huminahon. Marahil ay gawa iyon ng dugong iniinom nito o nang bilog na buwan sa labas ng palasyo.

Nagreregudon sa kaba ang kaniyang dibdib dahil sa sobrang lapit nilang dalawa ay anomang oras ay maaari siyang makagat ni Vladimir. Pilit niyang pinahinahon ang kaniyang nagwawalang puso at marahang kinausap ang binata.

"Vlad, ako to si Elysia. Maaari mo bang alisin ang pagkakahawak mo sa beywang ko, nasasaktan na ako," Mahinang utos niya, pilit niyang pinalambot ang kaniyang tinig upang kahit papaano ay hindi ito magwala o kung ano man. Sa kabutihang-palad ay tila naintindihan naman nito at naramdaman na lang niya ang pagginhawa ng kaniyang pakiramdam, subalit hindi pa rin nito tinanggal ang pagkakayakap sa kaniya. 

Lihim na napabuntong-hininga lang si Elysia at nakita niya ang pagdausdos ng ulo ng binata pababa sa kaniyang balikat. Ganoon na lamang ang pamumula ng mukha niya nang mapansin ang kanilang posisyong dalawa. Nakaupo siya sa mga binti nito habang nakayapos naman ang dalawang braso nito sa kaniyang beywang habang nakahilig naman sa kaniyang balikat nito ang ulo ng binata. Para siyang niyayakap ng binata na animo'y normal na lamang ito sa kanila. dumoble ang kabang kaniyang nararamdaman na hindi niya mawari kung bakit. Ito ang unang beses na mangyari ito sa kaniya at hindi niya alam kung normal na rekasiyon lang ba ito o hindi na.

Napapitlag pa siya nang bumukas ang pinto ng silid at nakita niyang pumasok si Alastair. Kapansin-pansin pa sa mukha ng lalaki ang pagkagulat.

"Alastair, tulungan mo akong makaalis rito," Utos niya ngunit napailing lang si Alastair. Ngumiti ito at inilagay sa bibig ang hintuturo.

"Hayaan mo munang makapagpahinga ang hari. Mahigit nang isang linggo siyang walang pahinga simula noong magpunta kayo sa bayan ng mga manunugis. MAbuti at nakatulog na siya. Elysia, bilang magiging kabiyak niya, hayaan mo muna siya. Marahil ay nakaramdam siya ng kapanatagan sa'yo kaya nakatulog siya agad. Pasensiya na, pero hindi kita matutulungan diyan, hindi ka niya sasaktan. Magpahinga ka na rin," wika pa ni Alastair at dali-daling lumabas ng silid. Hindi nakaligtas sa mapanuri niyang mata ang nakakalokong ngisi nito. Napasimangot naman siya at mariing kinurot ang tagiliran ng binata. Isang ung*l ang pinakawalan nito ngunit hindi man lang ito na tinag.

"Nakakainis ka talaga Vlad. Humanda ka sa akin bukas," banta pa niya bago siya marahang gumalaw upang humanap ng komportableng posisyon. Hindi nagtagal ay hindi na rin niya namalayanag nakatulog na siya. Sa kaniyang muling paggising ay natagpuan niya ang sarili sa malapad na trono ni Vladimir, nakaupo siya habang nakahilig ang ulo sa sandalan. Nakakumot naman sa kaniya ang damit ng binata na lagi nitong suot-suot. Akma sana siyang bababa nang marinig niya ang isang tinig ng babae.

"Gising ka na, ikaw ba ang magiging asawa ni Vladimir?" tanong nito at napalingon siya sa kaniyang kaliwa. Doon, nakita niya ang isang babae na sa pakiwari niya ay kasing-edad lang niya o mas matanda lang sa kaniya ng ilang taon. Mahaba ang bahagyang kulot nitong buhok at nakasuot ito ng kulay berdeng bestida na lagpas sa tuhod nito. Nagliliwanag sa dilim ang mga mata nito habang may matamis na ngiti ang nakapaskil sa mga labi ng babae.

"Sino ka, paano ka nakapasok rito?" tanong niya at lalong lumapad ang ngiti sa kaniyang mga labi.

"Paumanhin kung hindi agad ako nagpakilala, ako si Galathea, maaari mo akong tawaging Thea tulad ng iba, kung nahahabaan ka sa pangalan ko. Sabi sa akin ng aking ina, iyon daw ang pinangalan niya sa akin dahil kasing-puti ko raw ang gatas. Ikaw ano'ng pangalan mo?" tanong nito matapos ang mahabang paliwanag.

"Elysia, ang dami mong sinabi pero hindi mo pa nasasagot ang tanong ko kung sino ka at paano ka nakapasok rito." saad pa niya at mahinang tumawa ang babae. Mabilis itong lumapit sa kaniya at inamoy ang buhok niya. Bahagya pa siyang lumayo dahil sa gulat sa ginawa nito.

"Ang bango mo naman Elysia, isa kang tao pero may naaamoy pa akong kakaiba sa'yo. Ako ng pala ang kapareha ni Alpha Caled, isa akong taong lobo mula sa Crimson Crescent Pack, matalik na kaibigan ni Vladimin si Alpha Caled, pasensiya na kung naistorbo namin ang pamamahinga niyo." Nakangiting wika ni Galathea.

Nanlaki naman ang mata ni Elysia sa narinig. Lobo? Ibig sabihina ay hindi rin ito tao, pero sa unang tingin ay tila normal na tao lang naman ito. Maliban siguro sa berdeng-berde nitong mga mata na nagliliwanag pa sa dilim.

"Hindi ka tao?" tanong niya at muling natawa ang babae.

"Tao din naman ako, hindi nga lang normal. Mukhang mabait ka naman, kaya simula ngayon magkaibigan na tayo. Wala kasi ako masyadong kaibigan, bukod sayo, hindi ko kasundo ang mga babaeng nasa angkan ni Caled. Pakiramdam kasi nila, inagaw ko sa kanila ang pinakamamahal nilang pinuno. Alam mo na. Ikaw, kamusta naman ang relasyon mo sa hari ng mga bampira? Pero tingin ko mukhang okay naman, unang beses na nakita ko si Vlad na naging maalaga sa isang babae." saad nito at napapanganga na lamang siya sa sobrang kadaldalan nito.

Halos hindi na siya nakasagot dahil nagsimula na itong magreklamo sa kaniya tungkol sa mga babaeng nagkakandarapa sa kaniyang nobyo. Maging ang mga pagtutol sa kaniya ng mga ito ay naikuwento na rin niya. Sadyang wala lang talagang pakialam ang nobyo nitong si Caled sa mga sinasabi ng iba at pilit pa rin siyang ginawang katipan sa kabila ng mga tutol ng buong angkan nito.

Nasa kalagitnaan ng pagdaldal si Galathea nang bumukas ang pinto ng silid. Nahigit ang kaniyang hininga nang makita ang isang matangkad na lalaki na may matipunong pangangatawan. Maikli ang buhok nitong kulay itim habang naniningkit ang mga mata nitong kakulay ng mata ni Vladimir.

"Gising ka na." 

Napabaling naman ang mata niya nang magsalita si Vladimir, Dali-dali itong lumapit sa kaniya at inayos ang kaniyang damit sa balikat niya. Napatingin naman si Elysia sa binata at bahagyang ngumiti.

"Kagigising ko lang, may bisita ka pala," wika ni Elysia at bahagya pang tinapunan ng tingin si Caled na lumalapit kay Galathea. Pinamulahan pa siya nang makitang hinalikan nito ang babae sa labi at halos mapataas naman ang kilay niya sa nakita.

Nagulat pa siya nang bigla naman siyang nakawan ng halik ni Vladimir sa pisngi. Nanlalaki ang mga mata niyang napatingin sa binata at nakita niya ang malapad na ngiti nito sa kaniyang labi.

"Para hindi ka na mainggit sa kanila. Huwag mong pansinin ang mga yan," bulong pa ni Vladimir bago mahinang humalakhak.

"Sino naman ang may sabi na naiinggit ako?" tanong ni Elysia at lalong sumilay ang magandang ngiti sa labi ng binata.

"Hindi ba? Kakaiba kasi ang ekspresyon ng mukha mo kanina, kaya akala ko naiinggit ka." Pabulong pang wika ni Vladimir.

Isang tikhim naman ang nagpahiwalay sa kanilang dalawa, at lalong namula ang pisngi ni Elysia nang makita ang makahulugang ngisi ni Galathea at ang nanunuksong mga titig naman ni Caled.

"Siya na ba, mukhang bata pa ang napili mo, hindi ko alam kung malulungkot ako o matatawa sayo. Ilang taon ka na at ilang taon na siya?" tanong ni Caled at napakunot naman ang noo ni Vladimir sa narinig. 

"Isang normal na tao, maikli lang ang buhay nila, ano ang plano mo, gagawin mo rin ba siyang kagaya mo?" muling tanong ni Caled at napatingin naman si Elysia kay Vladimir. Napuno ng kuryosidad ang buong pagkatao ni Elysia, maging siya ay nais niyang marinig ang magiging sagot ni Vladimir sa tanong na 'yon.