Ika-21 ng Nobyembre, 2018
8:19 am
Nakaramdam kaagad ng pangangalay at pananakit ng braso ni Myceana nang magising siya't idinilat ang sariling mata. Napabagon siya mula sa pagkakahiga at iginala ang paningin sa paligid, kasabay ng pagkirot ng sariling ulo ay napansin niya kaagad ang simpleng kabuoan na disenyo at estruktura ng silid ni Valtor.
Nangingibabaw ang kulay puti at itim sa kaniyang paningin; mula sa kisame pababa sa sahig. Wala itong mamahaling gamit, sa simple ng trabaho ng lalake sa diner ay nabatid niyang sapat lang din ito upang tustusan ang pang-araw-araw niyang pangangailangan at bayarin ng apartment.
Nakakamangha lang na nagawang magkaroon ni Valtor ng maayos na buhay matapos ang trahedya sa Herozoan. Dahil dito'y nakaramdam kaagad ng inggit si Myceana sa kung paano nabuo ng lalake ang sariling buhay na parang hindi man lang nahirapan sa sinapit---bagkus ay tinanggap talaga nito ang kapalaran.
Napatingin siya sa dalawang katabi at napangiti siya nang makitang mahimbing na natutulog sina Arlette at Cyan. Mapayapang-mapayapa ang mga mukha nito animo'y walang mabigat na problemang pasan-pasan. Laking-pasasalamat niya na makilala ang dalawa, hindi niya alam kung paano susuklian ang kabutihan at tulong nito upang itayo ang sarili muli, sa konting panahon ay pinunan nila ang ang kawalan na nararamdaman niya sa loob.
Ilang saglit pa ay nakaramdam naman siya ng gutom, kung kaya't dahan-dahan siyang umalis sa kinahihigaan upang 'di magising ang dalawa at napagpasyahang makialam sa kusina kung anong maaaring kainin. Inilapat niya ang sariling paa sa malamig na sahig at saka isinuot ang sapatos niyang naitabi na napakarumi. Matapos maitali ang sintas ng sapatos ay tahimik niyang tinahak ang daan papalabas hanggang sa marating niya ang pinto.
Pagbukas niya ng pintuan ay naabutan niya sa salas ang dalawang lalake na magkayakap at nagkasya sa isang sopa, isang bagay na ikinagulat niya. Hindi niya inaasahang masasaksihan ang ganitong tanawin ngayong umaga lalo pa't kagabi lang nagkakilala ang dalawa.
Pero sa kabila nito'y napangiti na lang siya't binalewala ang dalawa, bagkus ay tinungo niya ang kusina ng apartment at doon nakialam sa kung anong maaari niyang lutuin para sa umagahan.
Binuksan niya ang refrigerator ng kusina at naabutan niyang mangilan-ngilang pagkain lang ang naroon na puwede niyang lutuin para sa sarili at pati na rin sa kasamahan. Saglit siyang napatigil at nag-isip muna kung anong ihahanda niya.
Makalipas ang ilang sandali ng pamimili ay napagpasyahan niyang magluto na lang ng itlog, marami-rami rin naman ang nakaimbak na umaabot din ng isang dosena kung kaya't natantiya niyang sapat na ito para sa grupo. Isa pa'y madali lang itong lutuin kaya mabilis din niyang matutugunan ang gutom.
Gamit ang sariling kakayahan ay sabay-sabay niyang kinontrol ang labing-dalawang itlog at inilabas ito sa lalagyan. Nang masara ang pintuan ng ref ay inilapag niya ang mga itlog sa nag-iisang gawa sa kahoy, at kwadradong mesa ng silid, doon pinanatili at kinontrol niya ito upang 'di gumulong paalis.
Kalaunan, isang malaki at babasaging mangkok naman ang lumipad patungo sa kaniyang kinatayayuan. Bago pa man siya matamaan ay agad niyang nasalo ito gamit ang kanang kamay at mahigpit na hinawakan, saka inilapag ito sa mesa at itinabi sa mga itlog.
Wala na siyang pinatagal pa at isa-isa niyang biniyak ang mga itlog gamit ang tinidor. Ang laman naman nito ay ibinuhos niya sa mangkok, pinagsama-sama muna bilang paghahanda.
Ilang sandali ang lumipas, habang nangangalahati pa lang siya sa pagbiyak at abalang-abala pa ay biglang sumulpot si Valtor na kakapasok lang sa silid ng kusina. Saglit lang niyang binalingan ng tingin ang lalake at napansin kaagad niya na namumula pa ang mga mata nito at magulo ang may kahabaan at makapal na buhok.
"Valtor,"
"Myceana, ang aga mo namang nagising." pambungad nito.
"Pasado alas otso na Val, medyo nagugutom na rin ako." aniya habang patuloy sa pagbiyak ng itlog, "Kaya magluluto na lang ako ng agahan para sa 'tin."
"Tutulungan na kita," presenta nito.
"Sige, salamat."
▪ ▪ ▪
Tahimik, walang nagsasalita sa grupo nang pagsalu-saluhan nila ang nakahain na pagkain. Halatang gutom na gutom ang mga ito dahil sa natuon talaga ang kaniya-kaniyang atensyon sa kinakain, at tanging tunog lang ng nagbabanggaang kutsara at babasaging pinggan ang nadirinig ng lahat.
Huling subo ni Myceana sa isang kutsara ng kanin at ulam ay napasandal siya kinauupuan nang makuntento. Habang nginunguya niya ang natitirang pagkain ay napatingin siya sa kaniyang mga kasamahan na kain pa rin nang kain, ngunit sa lahat ay kila Valtor at Renie siya napatigil at napatitig.
Napansin niyang may kakaibang ugnayan ang dalawang magkatabi. Minsanan lang silang napapatingin sa isa't isa at hindi gaaanong nagkikibuan, bagay na sadyang kataka-taka sapagkat iba ang pakikitungo nila sa ibang kaysa sa isa't isa.
"Arlette?" tanong niya sa isipan lang, umaasang maririnig ito.
"Bakit?"
"Anong mayroon kila Valtor at Renie?"
"May namamagitan sa dalawa," tipid na sagot ni Arlette na sapat na upang maintindihan niya ang lahat.
Napangiti na lang siya't muling napatingin sa gawi ng mga lalake, ramdam niya ang ilang na namamagitan at ang 'di masabing mga salita na pilit kinukubli sa likod ng kaniya-kaniyang isipan.
Hinayaan na lang niya ito, sa halip ay napatayo siya sa kinauupuan at tinungo ang lababo, nang makadalo ay binuhay niya kaagad ang gripo at naghugas ng kamay. Dinama niya ang lamig ng tubig at hinayaan itong haplusin ang kamay niyang puno ng mumunting gasgas at pasa.
"Anong problema, Cyan?"
Napalingon siya sa kinalulugaran ng mga kaibigan at lubos siyang nagtaka nang makitang may kung anong ingay at kaguluhang nagaganap. Pagtingin niya kay Cyan ay tinamaan na naman siya ng kaba nang makitang nakapikit na ito, bagay na nagsasabing sinusuyod nito ang kapaligiran upang alamin kung may potensyal ba na banta.
"Anong mayroon?"
Pagdilat ni Cyan ay napatingin ito sa kanila, labis na namumutla at halatang may pangambang nananalaytay sa sistema.
"Kailangan na nating kumilos." aniya, "May dalawang altered sa labas ng gusaling ito at napapaligiran na naman tayo ng mga armadong kalalakihan." bunyag niya na nagbigay kilabot sa lahat ng panauhin.
Sa isang kurap lang ay kaniya-kaniyang nagsikilos ang mga binatilyo at pinulot ang kinakailangang kagamitan. Walang nagsasalita, sa halip ay mas binilisan nila ang kilos at dire-diretsong nagsitungo sa gawi ng pintuan upang lumikas hangga't may pagkakataon pa.
Sa pangunguna ni Valtor ay maingat nilang tinahak ang mahabang pasilyo ng kinalulugarang pan
gatlong palapag, patungo sa hagdanan. Ngunit, sa kalagitnaan ng kanilang pagtakas ay bigla silang napatigil at napakapit sa isa't isa nang biglang yumanig ang kanilang kinatatayuan.
Bahagya silang napayuko at nanigas sa kaniya-kaniyang puwesto, maingat na nakikiramdam sa paligid sa takot na baka biglang bibigay ang gusaling kinalalagyan nila.
"Hindi 'to isang lindol lang," komento ni Arlette sa isipan ng kaniyang mga kasamahan, "Gawa 'to ng isang altered."
"Delikado tayo rito ngayon." nangangambang saad ni Valtor na hindi pa rin makagalaw, "Maaaring matatambakan tayo ng kasunod na palapag."
Lahat sila'y na-estatuwa sa puwesto at bahagya nang nakakaramdam ng hilo. Sa tindi ng kanilang pagpigil ng sarili na h'wag bumagsak ay ramdam na nila ang pangangatog ng sariling tuhod, pangangalay ng binti at unti-unti na itong nanghihina.
"Tara na, hindi puwedeng matagal tayo rito." pahayag ni Myceana na hilong-hilo at todo-kapit kay Valtor, "Takbo lang nang takbo, ako na ang hahawi sa mga babagsak at magbibigay proteksyon sa inyo." aniya.