webnovel

Kabanata Tatlo [1]

"Ano?"

"Kakaiba ang tingkad ng kulay ng katawan niya. Isa siya sa mga produkto ng Herozoan."

Nabaling ang tingin nilang apat sa gawi ng lalakeng nagbabasa, sinuri nila ito at pilit pino-proseso ang ibinunyag ni Cyan. Sa kabilang dako naman ay nakiramdam lang ang lalake sapagkat alam niya na pinag-uusapan siya ng mga sugatang kustomer. Hindi nga lang niya alam kung anong tinatalakay nito, pero may parte sa kaniyang isipan na nagsasabing maaaring alam nito ang tunay niyang pagkatao. Dahil dito ay 'di niya maiwasang hindi mangamba para sa sarili, sa nagdaang mga buwan ay hindi niya inaakalang ganito kabilis siyang mabubuking matapos ang ginawa niyang pagpapanggap.

Sa mesa nina Arlette ay tahimik na nagpaplano ang apat kung papaano nila lalapitan ang lalake na hindi magdudulot ng kaguluhan. Alam nilang may katangi-tangi itong kakayahan na maaaring delikado para sa kanilang kaligtasan, at delikado na baka magiging dahilan ito upang sila ay matunton ng mga sundalo ng Herozoan.

Sa pangunguna ni Arlette ay nagkaroon ng diskusyon silang apat sa isipan lamang upang 'di gaanong kahila-hinala sa lalake, lahat sila'y nagbalik sa pinagkakaabalahang paggamot ng sugat at pagkakape habang maingat na pinapakinggan ang usapan. Hanggang sa kalaunan ay nauwi silang apat sa iisang desisyon.

"Cyan, ikaw ang may may nakakawili at nakakalugod na ugali sa 'ting apat. Ikaw na ang bahalang lumapit sa lalake upang kausapin ito, samantalang sina Myceana at Renie naman ang tutulong sa 'yo kung hindi natin makokontrol ang kaganapan. At ako naman magpapahayag sa inyo kung sakaling may maririnig akong masamang balak mula sa kaniya." Desisyon ni Arlette na sinang-ayunan ng lahat.

Tumango si Cyan at matipid na ngumiti saka tumayo. Iniwanan niya ang nangangalahating kapeng mainit sa mesa at wala nang inaksaya pang oras, diretso niyang tinungo ang counter kung saan nakikita niyang nagbabasa pa rin ang lalake ng libro. Agad namang napatingin ito kay Cyan at nagsalubong ang kanilang tingin, bahagya naman siyang nakaramdam ng kaba at pagkaasiwa dahil sa may halong talim ang titig nito sa kaniya.

"Magpatuloy ka lang Cyan at umayos ka. Binabasa't sinusuri ka lang niya." Pahayag ni Arlette sa kaniyang isipan.

"Sig—"

"Dapa!"

Ngunit, dalawang hakbang pa lang ay nagulantang si Cyan nang biglang sumigaw si Myceana, sigaw na puno ng kilabot at pangamba. Sa takot niya ay agad siyang napayuko sabay dapa sa maruming sahig, at namalayan na lang niya na ang kasunod nito ay ang sunod-sunod na nakakabinging putukan ng baril. Napatakip siya sa sariling tenga at binalingan ng tingin ang naiwang kasamahan, namataan naman kaagad niya ang mga ito na nakadapa na, maliban kay Myceana na nakatayo't pilit na pinipigilan ang mga umuulang bala na tumagos papasok sa diner.

Hinihingal si Myceana habang pinapanatili ang depensa laban sa umuulang bala, hindi niya mabilang kung ilan ang mga armadong kalalakihan na nagpapaputok, ngunit natitiyak niyang sumusobra sa dalawampu ang sundalo ng Herozoan na nakapaligid. Hindi nagtagal ay nakaramdam siya ng pananakit ng ulo, pero hindi ito alintana at binalewala muna hangga't wala pa silang plano; nagpatuloy siya sa pagpigil ng mga bala at kinunsulta ang kasamahan.

"Hindi ko na 'to kakayanin! Arlette ano na ang plano?!" Sigaw ni Myceana sa kabila ng nakakabinging putukan.

"Subukan mong atakehin sila," suhestiyon ni Arlette.

"W-Wala na akong lakas pa; sumasakit na ang ulo ko't likod, tanging depensa n-na lang ang magagawa ko." Reklamo niya sa babae habang dumadaing.

Habang tumatagal ay ramdam na ni Myceana ang matinding pagod. Unti-unti siyang nanghihina at ang paningin niya'y bahagyang nandidilim animo'y isang pundidong ilaw na patay-sindi. Batid niyang hindi na siya magtatagal pa't agad siyang mawawalan ng ulirat sa proseso.

"Isang minuto, sa hudyat ko ay kailangang nakalabas na tayo rito!" Sigaw ni Renie na halatang may pinaplano, "Cyan, gumapang ka papunta sa emergency exit dito at siguruhing ligtas doon. Myceana, depensahan mo muna saglit!"

Maliban kay Arlette ay wala silang kaide-ideya sa pinaplano ni Renie, pero dahil nasa pagitan na sila ng napakahigpit na sitwasyon ay wala silang magawa kung hindi ang sumabay rito. Papalapit na ang mga armadong sundalo ng Herozoan at hindi pa ito nauubusan ng bala, labis na ring nananakit ang ulo ni Myceana at ramdam niyang parang hinahampas na ito ng malaking maso, kung hindi sila gagawa kaagad ng aksyon ay tiyak magiging madugo ang gabing ito para sa grupo.

"Pumikit kayo ng mariin!" Pahabol na utos ni Arlette sa lahat matapos mabasa ang isipan ng lalake.

Kaniya-kaniyang napapikit silang lahat maliban kay Renie matapos malaman ang binabalak nito. Nang masiguro ito ng lalake ay 'yun na ang naging hudyat sa kaniya upang siya ay kumilos kaagad, walang kahirap-hirap siyang nagpakawala ng nakakasilaw na liwanag mula sa buong katawan na kumalat sa malawak na kapaligiran.

Lahat ng sundalo ay napasigaw nang mabulag sila sa liwanag nito at naramdamang parang tinutusta ang kanilang mga mata sa hapdi. Natigil sila sa pagpapaputok at kaniya-kaniyang napadaing sa nananakit na mata; nabitawan nila ang sariling armas at mapahawak sa matang nanhahapdi.

Doon na rin bumigay si Myceana at napaluhod ito sa pagod habang hinihingal, hindi na niya nakayanan pa at diretso siyang bumagsak sa sahig habang nakapikit pa rin. Napahawak rin siya kaniyang sentido at hinilot ito upang ibsan ang nananakit na ulo.

"Tumakbo na kayo!" Sigaw ni Renie nang matigil siya sa pagpapakawala ng matingkad na liwanag.

Hirap man ay agad na dumilat si Myceana at dali-daling bumangon. Nawawalan naman siya ng balanse at ramdam niyang walang lakas ang kaniyang mga binti, pero pilit siyang nagkukumahog patungo sa emergency exit ng diner na ngayo'y nakabukas na.

Buti na lang at naroon si Renie at agad siyang dinaluhan. Tinabihan siya nito at inalalayan sa pagtakbo; hinawakan at hinila ng lalake kaniyang braso at isinablay sa sariling balikat nito, at hinawakan siya sa bewang bilang suporta. Sa tulong ni Renie ay sabay na nilang pinasok ang emergency exit at ito'y kaagad na sinarhan bago pa sila masundan ng mga sundalo.

Tinahak nila ang madilim at makipot na eskinita na paika-ika, mabilis naman ang kanilang hakbang at walang nag-abala pang lumingon. Ilang saglit pa, saktong pagdating nila sa dulo ng eskinita ay natagpuan kaagad nila sina Arlette at Cyan na kapwa nakatingin sa isang direksyon at hindi gumagalaw.

Sa 'di maipaliwanag na dahilan ay nagtaka sina Myceana at Renie sa kalagayan ng dalawa, kung titignan ang mga ito ay kapwa parang estatwa sina Arlette at Cyan sa gitna ng kalsada.

"Arlette?" Tawag niya sa kaibigan nang lapitan niya ito.

Lubos siyang naguluhan nang makitang dilat na dilat ang mga mata nila ni Cyan at hindi man lang kumukurap kahit na lumuluha na ito at labis na namumula. Sinubukan nilang yugyugin ang dalawa upang ayain na tumakas sa takot na biglang susulpot na naman 'yung mga sundalo at pagbabarilin na naman sila. Pero hindi, kahit anong yugyog at sigaw nila sa harapan nito ay hindi talaga sumasagot at tumutugon ang dalawa.

Akmang yuyugyugin ulit ni Myceana ito nang bigla siyang nakaramdam ng kakaiba sa sariling katawan. Nagkatinginan sila ni Renie at kapwa sila nagimbal nang malamang pareho sila ng nararamdaman. Namalayan nilang hindi na nila kontrolado ang sariling katawan; nagsimula itong manigas mula sa binti at unti-unting gumagapang paakyat animo'y dahan-dahan silang pinaparalisa.