webnovel

Kabanata Labing-Tatlo [1]

"Arlette, walang hiya ka! Ba't mo iniwanan si Beth!" bulyaw ni Digit at agad na sinugod ang babae, ngunit siya nakalapit dito dahil sa pinigilan siya ni Valtor at mahigpit na niyakap pabalik.

Ngunit hindi natinag si Arlette sa matinding galit ni Digit bagkus ay kalmadong hinarap nito ang babae, "Wala na akong magagawa pa, siya lang ang makakasara sa lagusan kaya kailangang siya ang huling papasok. Pasensya na kung 'di ko na siya nasagip pa." pahayag nito, "Pero isipin na lang natin na hindi nasawi si Beth para sa wala, may silbi rin ang kamatayan niya at malaking kontribusyon nito sa plano nito natin." Dagdag nito na ikinasindak ng lahat, bigla na lang silang nailang sa babae at napailing sa pagkadismaya.

"Isa kang mamamatay-tao!" muling bulyaw ni Digit muling nagpumiglas; pulang-pula na ito at parang puputok na ang ugat nito sa leeg sa tindi ng galit.

"S-Sana may sumagip kay B-Beth. Hindi ko lubos maisip ang paghihirap na dadanasin niya sa loob ng bahay na nilalamon ng apoy." Nag-aalalang saad ni Cyan na lubusang nakokonsensya sa kamatayan ng babae.

"Paniguradong sunog na rin siya ngayon." dugtong pa ni Renie nang maalala ang pyrokinetic na altered.

"Isa kang mamamatay-tao, Arlette." Pag-uulit ni Digit at marahas na hinawi ang nakapulupot na braso ni Valtor sa kaniyang tiyan; nangangalaiti man sa galit ay pinili niyang kumalma na lang, hindi na siya sumugod sa babae, sa halip ay napasandal na lang siya puting pader ng pasilyo.

"Hindi lang ako mamamatay-tao rito Digit." ganti ni Arlette na ikinatahimik ng babae, "Narito tayo para sa pinakamalaking misyon natin, ang wasakin ito at sagipin ang lahat ng altered na narito at naghihirap. At napag-usapan na natin noon pang nakaraang linggo na maraming bagay ang maisasakripisyo natin para sa pagkamit nito, gaya nga ng ipinangako n'yo ay tatanggapin n'yo ito ng buo at gagawin ang lahat ng makakaya upang magtagumpay tayo. Paninindigan n'yo pa rin ba ang ipinangako n'yo ngayon na 'di kayo mapalagay sa kamatayan ni Beth?! Tatanungin ko ulit kayo kung Itutuloy pa ba natin ito?!" malakas na tanong niya na umalingawngaw sa buong pasilyo, "Kung hindi natin susundin ang plano ay paniguradong marami pang gaya ni Beth na masasawi, at ang mas malala ay buong buhay tayong magtatago."

"Marami pang pasilidad sila Arlette---" Singit ni Myceana ngunit pinutol siya ni Arlette.

"Kaya tayo pinagtago at nilipon Myceana dahil parte tayo ng magiging kasaysayan, tayo ang tatapos sa karahasan ng Herozoan."

Sa huling sinabi ni Arlette ay mistulang nagising ang grupo at lahat sila'y napatingin sa babae at sinalubong ang titig ng mga mata nitong may malalim na kahulugan. Ang mga titigan nila'y nagtagal ng iilang segundo animo'y nag-uusap sila sa paraang gano'n, hanggang sa unang bumuwag si Cyan at marahang napailing at napasinghap ng hangin.

"P-Pasensya na Arlette." Paghingi ng paumanhin ni Digit at tumango na lang si Arlette bilang pagtanggap nito.

"At paano natin 'to sisimulan?" tanong ni Valtor at napatingin sa ibang kasamahan.

"Teka, ligtas ba tayo sa mga surveillance cameras dito?"

"Ibang feed ang nakikita nila sa ngayon kaya hindi pa nila natutunugan ang pagdating natin." Sagot ni Digit na panandaliang kontrolado ang surveillance cameras.

"Nasaang bahagi ba tayo ng pasilidad Digit?"

Agad namang inilabas nito ang piramideng palaging dala-dala at mabilis na binuksan, mula sa gitnang bilog nito'y roon lumitaw ang ilang hibla ng liwanag na nabuo at naging isang blueprint o estruktura ng pasilidad. At isang maliit at pulang bilog sa baba ng estruktura ang kumuha sa kanilang pansin, bago pa man may nagtanong ay agad na sinagot ni Digit ang nagtatakang tingin ng mga kasama, pinagdikit niya ang hintuturo at hinlalaki saka ito'y binuwag. Kung kaya't sa isang simpleng galaw na yun ay biglang lumaki ag holographic image at tuluyang tumambad sa kanilang paningin ang pasilyo kung saan sila nakatayo.

"Nasa sublevel 5 tayo at narito sa likod ng pader na ito nakakulong ang mga altered." Aniya sa grupo.

"Kaya pala ang hirap tumakas dito, tignan n'yo, wala talagang siwang na mababakas sa pader. Hindi mahahalatang may nakakulong sa kabilang bahagi nito."

"Nasaan ang main server ng pasilidad?"

"Sublevel 3 at saka naroon sa Sublevel 2 ang laboratoryo nila."

"Sige, gano'n pa rin ang gagawin natin; Myceana samahan mo ako sa laboratory upang kunin ang lahat ng research samples at mga eskperimento nila. Kayo naman Digit, Valtor at Renie ay puntahan n'yo main server at i-disable n'yo ang security system nila, lalong-lalo na yung inhibitor ng bawat altered, pero bago 'yan ay kailangan kong kunin mo lahat ng data ng Herozoan Digit, kaya ba?"

"May 1.5 petabytes pa ang private cloud storage ko, kayang-kaya pa."

"Vinceo at Cyan, gusto kong maiwan kayo rito upang ikontamina ang lahat ng altered." Bilin ni Arlette, "Hangga't makakaya ay hindi dapat sila madadawit sa labanang ito, lalo na't hindi na gagana ang inhibitor nila. Mas malaking gulo yun."

"Kami na ang bahala ni Cyan," saad ni Vinceo at muling kinapa sa loob ng bulsa ang gagamitin niya.

"Tara na," hudyat ni Arlette nanguna sa grupo.

"Myceana," akmang aalis na sana ang babae nang mapatigil ito nang marinig siyang tinawag ni Vinceo, "K-Kaya mo ba? Wala bang masakit sa katawan mo?" nag-aalalang tanong ng lalake.

"Wala naman," nakangiting sagot nito, "Ang totoo'y ramdam kong parang lumakas ang kakayahan ko, masigla na ako Vinceo at wala kang dapat ipag-alala. Salamat."

"Sigurado ka ba rito?"

"Gustong-gusto kong gawin ito, kailanman ay hindi ako ganito ka determinadong gawin ang misyong ito." Paliwanag ng babae na ikinatango na lang niya.

"Mag-ingat ka, may dinner date pa tayo matapos ito." Paalala niya rito.

"Ikaw rin." Huling saad ng babae at tuluyan na itong umalis upang humabol kila Arlette.

Walang magawa si Vinceo kung hindi ang sundan ng tingin si Myceana na naglalakad papalayo, patungo sa dulo. Sa katahimikan ng buong kahabaan ng pasilyo ay umaalingawngaw sa kaniyang pandinig ang boses ni Myceana mula sa naaalala niyang mga pagsasama nila. Walang ibang tumatakbo sa kaniyang isipan kung hindi ang kaligtasan ng babae, umaasang sana'y walang masamang maidudulot ang Enhancement drug na itinurok niya sa buong katawan nito. Hanggang sa namalayan na lang niyang nagsipasok na rin sina Arlette sa loob ng elevator, muling nagtagpo ang tingin nila ni Myceana hanggang sa tuluyan na itong nawala nang sumara at umangat ang elevator.

"Mahal mo talaga siya Vinceo, kahit 'di mo sasabihin, nababasa ko yun sa mga mata mo." Biglang saad ni Cyan na bumagsak sa katahimikang namamagitan sa kanila.

"Oo,"aniya binalingan ng tingin ang babaeng nakahalukipkip at nakasandal sa puting pader.

"Nasabi mo na ba sa kaniya?"

"H-Hindi pa,"

"Pero balisa ka ata? Bakit ba?"

"Kinakabahan ako ngayon dahil masama ang kutob ko sa mga susunod na mangyayari. Nangangamba ako na baka hindi ko yun masasabi sa kaniya."

"May dinner date kayo 'di ba?"

"Oo, bakit?"

"Pasensya na, malabong mangyayari yun." at biglang nawala ang babae sa kaniyang paningin.

Nagimbal si Vinceo sa sinabi nito at akmang tatakbo na sana papalayo. Ngunit bago pa man siya nakahakbang ay agad siyan0g tumilapon at nabatbat sa pader nang makaramdam ng malakas na sipa sa sikmura. Huli na nang bumulagta siya't habol ang sariling hininga sa tindi ng sakit, 'di na siya nakagalaw pa't tuluyang sinakop ng dilim ang kaniyang paningin.

XN:

1 petabyte is equal to 1,000,000 gigabytes.

XenontheReapercreators' thoughts