Sa impluwensya ng kakayahan ni Myceana ay tuluyang bumulusok patungo sa kaniyang gawi ang mga naglalakihang tipak ng salamin na pawang matutulis. Dahil sa kontrolado rin ng babae ang katawan niya ay 'di siya nakagalaw animo'y nanigas na sa kinalulugaran niya. Pero sa kabila nito ay buong-tapang niyang hinanda ang sarili na papalapit na kamatayan, bagkus ay malalim siyang napasinghap ng hangin at mariing napapikit. Ngunit, bago pa man niya naramdaman ang sakit ng matutulis bubog na pupunit sa kaniyang laman ay isang malakas na puwersa ang kumawala sa kaniyang katawan na nagdulot ng malakas na pagyanig. Pagdilat niya ay nakita na lang niya ang puwersang umaalon na nagpatalsik kila Myceana at Arlette papalayo, natangay rin nito ang mga bangkay sa paligid niya at nag-iwan ng mga bitak-bitak sa sahig.
Dahil sa nabatbat sa pader si Myceana ay nawalan ito ng konsentrasyon at nabitawan siya, maayos naman siyang lumapag at 'di siya makapaniwala sa dinulot na pinsala, animo'y isang malakas na lindol ang yumanig sa buong laboratoryo sapagkat basag na ang lahat ng salamin. At nang mapatingin siya sa kaniyang katawan ay roon niya napagtantong nakopya na niya pala si Myceana, mahirap mang paniwalaan pero ramdam niyang nakopya niya rin pati kakayahan nito. Kung kaya't upang kumpirmahin ito ay sinubukan niyang kontrolin ang isang bangkay at nang makitang lumutang ito ay lubusan siyang natuwa nang malamang tama nga ang hinala niya, lalo na't ramdam niya rin ang puwersang bumabalot sa bangkay nito.
Habang wala pa ring malay ang dalawa ay dali-dali niyang kinontrol papalapit ang mga vial na nagkalat sa isang sulok na hindi nabasag, nang dumikit ito sa kaniyang palad ay mabilis niya itong ibinulsa saka tumakbo palabas ng laboratoryo habang suot-suot pa rin ang anyo ni Myceana. At mula sa kaliwang bahagi ng pasilyo ay roon niya namataan sina Valtor at Renie na akay-akay si Erindel na duguan at nanlalanta, pati na rin si Vinceo na wala pa ring kamalay-malay, kung kaya't agad siyang umaksyon.
"Bitawan n'yo na sila. Ako na ang bahala sa kanila, utos ni Arlette." Aniya gamit ang boses ni Myceana at nagpatuloy sa paghakbang papalapit sa mga lalake.
Ngunit hindi ito sumagot o bumitaw man lang, sa halip ay nakita niyang biglang nagpakawala ng isang hibla ng kuryente si Valtor sa kaniyang direksyon. Buti na lang at naging maliksi siya't mabilis na nahila at ginawang pansalag ang bangkay ng isang sundalo, at sa lakas naman ng puwersang boltahe nito ay marahan siyang napaatras kasama ang bangkay na natusta. Bago pa man masundan ang atake ay agad niyang hinawi at ibinagsak sa tabi ang bangkay saka walang pag-aalinlangangang gumanti; gamit ang kakayahang nakopya, sa isang kurap lang ay sabay niyang kinontrol ang dalawa saka ito'y malakas na pinatalsik. Paulit-ulit naman niyang binatbat ang mga ito sa kalapit na pader habang walang kahirap-hirap na ginagawang pansalag ulit ang iba pang mga bangkay sa walang-tigil at sunod-sunod na atake ng dalawa.
Sa galit at inis niya, habang nanghihina pa ang dalawa ay ibinagsak niya ito sa sahig at ipinako roon; nilaanan niya rin ito ng malakas na puwersang pumipigil sa kanila na kumilos. Hangga't may pagkakataon pa ay mabilis niyang kinontrol papalapit sina Erindel at Vinceo, papalayo sa dalawa. Nang masigurong ligtas na ang dalawa sa kaniyang paanan ay buong-lakas at nanggigigil niyang kinaladkad at hinagis ang mga katawan nina Renie at Valtor sa pinakadulong pasilyo kung saan napakadilim at tambak din ang mga bangkay at malalaking tipak ng bato.
Dali-dali naman niyang tinulungan at sinupurtahang tumayo si Erindel, kahit hinang-hina ito ay pursigido namang tumayo ang lalake. Dahil sa malabong mabubuhat pa ng lalake si Vinceo ay ginamit na lang niya ang sariling kakayahan at pinalutang ito sa kaniyang tabi. Habang wala pang banta sa paligid ay napagpasyahan nilang tumalikod at tinahak ang pasilyo patungo sa nag-aabang na elevator. Ngunit nang mapansin niyang pika-ikang naglakad si Erindel ay napuna niyang matatagalan pa sila nito, kung kaya't kinotrol na lang niya ito at pinalutang sa tabi. Saglit siyang lumingon upang siguruhin ito at saka marahan niyang kinontrol ang dalawang katawan ng mga lalake at pinalipad patungo sa nakabukas na elevator, samantalang siya naman ay malalaki ang hakbang at sinabayan ang paglutang nito, maya't maya naman siyang napapalingon sa takot at mas binibilisan pa ang paglalakad sa kagustuhang makapasok na sa elevator at makalayo.
Iilang hakbang lang ay lubusan siyang nagimbal nang makaramdam ng puwersang sumakal sa kaniya at humila pabalik; sa lakas nito nito at dahil sa 'di inaasahang pagkakataon ay nagulantang na lang siya nang mahampas ang mukha niya sa sahig na yumanig sa kaniyang mundo. Habang dinudugo ang kaniyang labi ay saglit siyang tumingala, namataan kaagad niya na nagsibagsakan din sina Erindel na malakas na dumadaing at si Vinceo na wala pa ring kamalay-malay. Pero bago pa man niya mabalingan ng tingin ang umatake sa kaniya ay naramdaman na lang niya ang mahigpit na puwersang muling pumulupot sa kaniyang binti at walang kahirap-hirap siyang hinila pabalik. Kung kaya't sa lakas nito ay napadaing na lang siya nang mabatbat siya sa pader at muling napaungol nang bumagsak siya sa sahig na tadtad ng mga bubog. Sa kaniyang pagbagsak ay agad siyang sumabog at nagbalik sa orihinal na anyo, ngunit sa pagkakataong ito, bago pa man siya nakontrol ni Myceana ay nagbalat-kayo siya't nawala sa paningin nina Arlette.
"Pakiramdaman mo siya Myceana,"
Mabilis siyang bumangon at ininda ang sakit, habang hindi pa siya nararamdaman ni Myceana ay dali-dali niya itong inatake; binangga niya ito at ibinatbat sa kalapit na pader, ngunit sa kasamaang-palad ay nakaganti naman kaagad ito at pinatamaan siya ng malakas na puwersa na nagpatalsik sa kaniya papalayo. Muli siyang bumagsak sa sahig na hinihingal, habang sumisinghap siya para sa hangin ay naramdaman niyang nawala ang kaniyang pagbabalat-kayo, unti-unting nabunyag ang totoong anyo niya at nakikita na rin siya ng kalaban.
Saglit niyang sinulyapan sina Erindel at laking pasasalamat niya nang makitang nakapasok na ito sa loob ng elevator kasama si Vinceo na wala pa ring kamalay-malay. Sinenyasan din naman niya itong umalis na hangga't may pagkakataon pa, pero laking-dismaya na lang niya nang makitang umiiling ito at ayaw talaga siyang iwan. Hinayaan na lang niya ito at sinubukan ulit na bumangon upang lumaban, ngunit 'di na niya ito nagawa nang maramdamang may sumasakal ulit sa kaniya at malakas siyang idiniin sa pader. Habang dinadaing ang higpit ng pagkakasakal ay nakita niya ang seryosong mukha ni Myceana na marahang pinapalutang ang mga nabasag na salamin na pawang matutulis, itinutok ito ng babae sa kaniyang gawi at naghihintay na lang ng tamang hudyat.