webnovel

Kabanata Labing-Lima [1]

TAHIMIK AT WALANG KAEMO-EMOSYONG pinahid paalis ni Valtor ang luha na namumuo sa kaniyang mga mata at saka tinignan ang babaeng kaharap. Hindi rin ito nagsalita, sa halip ay ibinaba nito si Renie sa sahig nang makuha ang sagot na nais nito mula sa kanilang dalawa. Sandaling naghari ang katahimikan sa pagitan nilang tatlo hanggang sa nabasag ito nang mapatingin sila sa kanang bahagi kung saan doon lumitaw sa kanilang paningin ang dinidinig na tao, tahimik lamang sila at nginitian ito sa galak at pasasalamat.

"Magaling Myceana, hindi nga ako nagkakamali sa 'yo." Papuri nito.

"Salamat,"

"P-Pasensya na kung 'di agad kami naniwala." nakayukong pahayag ni Valtor, "Bilang kapalit ay pagsisilbihan ka namin hanggang sa aming kamatayan."

"Salamat, pero ang katawan n'yo lang ang kailangan ko. Maaari n'yo nang gawin ang gusto n'yo kahit kailan, kahit saan."

"Ano na ang plano natin ngayon?"

"Nawawala sina Cyan at Vinceo, batid kong kinuha sila ng isang altered na nakatakas, si Erindel. Gusto kong patayin mo ang lalake at dalhin n'yo sa 'kin ang kasamahan n'yo sapagkat kailangan na rin nilang lumaya." utos nito, "Alam n'yo kung nasaan ako." Huling sabi nito at saka biglang nawala.

"Kailangan n'yo ito." Sabi ni Myceana at pinalutang ang dalawang seringgilya patungo sa dalawa.

Kaniya-kaniya namang tinanggap ng mga lalake ang seringgilyang puno ng enhancement drug, hindi nila ito tinanggihan sa halip ay sabik na sabik nilang inalis ang takip nito saka walang pag-aalinlangan itinurok ito sa kaniyang braso kung saan litaw na litaw ang linya ng mga sugat. Nang maubos ito kalaunan ay itinapon lang nila ang seringgilya sa tabi at kapuwa napatingin kay Myceana habang dinadama ang epekto ng droga sa kanilang sistema.

Nagkatinginan lang silang tatlo at nagsitanguan bilang hudyat, sa pangunguna ni Myceana ay sabay nilang tinahak ang pasilyo at nilagpasan ang bangkay ni Digit at iba pang mga nasawi na sundalo upang tunguhin ang elevator. Sa ibabaw ng kanang palad ni Myceana ay naroon nakalutang ang mga maliliit na piraso ng mga bubog na pawang matutulis, marahan itong umiikot animo'y pinaglalaruan niya. Samantalang si Valtor naman ay ramdam ang malakas na boltaheng nasa kaloob-looban niya't gumagapang animo'y isang dugo sa kaniyang mga ugat at kalamnan. Habang si Renie ay gustong-gustong pasabugin ang liwanag mula sa loob niya na lubusang nagwawala, sa 'di mapilaiwanag na dahilan ay gusto niyang sunugin at gawing abo ang sinumang magtatangka sa kanila.

▪▪▪

NANG MARATING NILA ANG sublevel 2 ay mabilis na sumilip si Avira upang tignan ang loob ng buong palapag, nang makitang walang tao rito ay nauna siyang lumabas at tahimik na nanguna upang hagilapin kung may ibang presensya pa ba na nakaligtaan niya. Habang maingat na humahakbang at nilalagpasan ang nagkalat na bangkay ay sumisenyas din siya sa kopya ni Erindel na humabol sa kaniya, kung kaya't sunod na lumabas ang orihinal na lalake kasunod ang lima pa niyang kopya na masusi ring binabantayan ang paligid sa potensyal na banta na nag-aabang.

Tatlong metro ang pagitan ng babae sa kaniyang kasamahan at lakas-loob niyang pinangunahan ang grupo sa paghahanap ng lagusan palapabas. Habang pilit inaaninag ang paligid ay todo-iwas naman siya sa mga pira-piraso ng mga bato at bubog na nagkalat, pati na rin sa mga bangkay upang 'di siya makagawa ng ingay na maaaring mapagkuhanan ng atensyon. Matapos tahakin ang mahabang pasilyo ay narating na rin nila ang dulo kung saan nahahati sa tatlong daan ang pasilyo; mayroon sa harap, sa kaliwa, at kanan. Madilim sa harap at halatang sira na ang mga emergency lights, samantalang sa kaliwa naman niya ay naroon sa dulo ang mga duguang bangkay na binagsakan ng malalaking bloke ng semento mula sa kisame. At sa kanan naman niya ay mayroon pa ring mga bangkay ang pasilyo, ngunit sa bahaging ito niya natagpuan ang isang silid na purong salamin—ang laboratoryo na iilang metro lang ang layo mula sa kinalulugaran niya. At sa dulo nito ay naaaninagan na niya ang elevator na diretsong maghahatid sa kanila palabas, ang natatanging daan nila upang makatakas.

Hindi siya nagsalita, sa halip ay sumenyas siya kay Erindel na tunguhin at pasukin ang pasilyo sa harap nila upang magtago muna sa dilim habang kukumpirmahin niya kung narito pa rin ba si Arlette. Pinauna niya ang lalake at ang mga kopya nito habang siya naman ay balisang nagmamasid sa kung saan-saang direksyon na maaaring pagsulputan ng mga kalaban. Ilang saglit pa, nang masigurong nakatago na ito ay roon na siya humakbang at tinahak ang kanang pasilyo. Ilang hakban lang kalaunan, bago niya narating ang bahagi ng laboratoryo ay dahan-dahan muna siyang sumilip sa loob nito upang kumpirmahin ang kaniyang hinala.

At tama nga siya, nasa loob pa rin ng laboratoryo si Arlette at mahimbing itong natutulog sa isang reclining chair bed habang pinapaligiran ng mga doktor na abalang-abala sa pinaggagawa nito sa babae. Kung kaya't napabuntong-hininga na lang siya at napasandal pabalik sa pader, sa puntong ito ay 'di na siya puwedeng magnilay-nilay para sa plano sapagkat wala rin naman itong silbi kung mawawala na ang bisa ng blockers. Muli siyang napasinghap ng hangin at saka hinayaan ang sarili na magpalit-anyo; sa hudyat niya ay biglang sumabog ang makapal na alikabook paalis sa katawan niya at sa isang iglap lang naman ay bumalik ito sa kaniyang katawan. At mula sa tunay niyang anyo, ngayon ay ay suot-suot na niya ang katawan ng babaeng pinakamatagal niyang nakopya.

Wala na siyang inaksaya pang pagkakataon at dali-daling nagpatuloy, tinahak niya ang pasilyong duguan animo'y nagkaroon ng malaking digmaan habang iniiwasang maapakan ang mga nagkalat na katawan. Habang naglalakad ay maya't maya siyang napapatingin sa loob ng laboratoryo, mabuti na lang at wala pang nakakapansin sa kaniya at natuon ang buong atensyon ng bawat doktor kay Arlette. Kung kaya't dahil dito'y nabigyan niya ang sarili ng pagkakataon upang maghanda at mag-isip ng nararapat na gagawin kung sakaling matutuon na sa kaniya ang atensyon ng lahat. At bago niya pinasok ang laboratoryo ay pinulot naman niya ang basag sa salamin sa sahig na mukhang patalim saka ito'y ibinulsa.

Nang saktong humakbang siya papasok ay napalingon kaagad ang mga doktor sa kaniyang gawi, kasunod nito ay ang biglaang pagdilat ng mga mata ni Arlette na hindi niya inaasahan; agad itong napalingon sa kaniyang gawi at nagtatakang napatingin sa kaniya. Habang papalapit siya nang papalapit ay kalmado siyang umakto upang 'di matunugan, nagsitabi naman ang doktor kung kaya't kitang-kita na niya si Arlette na napaupo mula sa kinahihigaan nito at seryosong napatingin sa kaniya.

"Cyan?" tanong nito, "Hindi, hindi ka si Cyan." Bawi nito.

Hindi siya nagsalita sa halip ay agad niyang sinugod ito upang paslangin, ngunit bago pa man niya mahawakan ito ay naramdaman na lang niya ang mga braso ng dalawang lalakeng doktor na hinila siya't pinagtulungang pabagsakin. Kahit na anong pagpupumiglas niya ay 'di nita talaga nalalamangan ang lakas ng dalawang lalake, kung kaya't napadaing na lang siya sa sakit ng napakahigpit na hawak nito hanggang sa tuluyan din siyang ipinako sa sahig at ramdam niya ang iilang bubog doon na tumatagos sa suot-suot damit na maraha ding kumakalmot sa balat niya.

"Sino ka at nasaan si Cyan?" tanong ni Arlette na nanatili pa rin sa kinauupuan nito.

"Patay na," aniya at nginitian si Arlette.

"Hindi ko nababasa ang isipan niya, patayin n'yo siya." Utos ng babae sa dokor.

Bilang pagtugon ay agad namang pinulot ng babaeng doktor mula sa tabi ang scalpel, habang ang lalake naman ay mas lalong humigpit ang kapit sa kaniya. Akmang may hahawak na sana sa binti niya ngunit 'di ito natuloy nang sinubukan niya ulit na manlaban, buong-lakas niyang sinipa ang mukha ng nito at nakita niyang agad na humandusay sa sahig ang lalake matapos mabali ang sariling leeg. Hindi rin naman siya tumigil at mabilis na hinampas ang sariling ulo sa lalakeng nasa kanang bahagi at nakahawak sa kaniyang kanang braso, sa lakas ng pagkakauntog niya ay mabilis itong napabitaw at nahihilong umatras. Habang malaya pa ang kaniyang kanang kamay ay agad niyang hinugot ang bubog sa bulsa at ito'y mabilis na isinaksak sa leeg ng lalakeng susuntukin na sana siya, napabitaw naman ito sa kaniyang braso kung kaya't mabilis siyang gumulong papalayo nang muntikan na siyang saksakin ng babae gamit ang scalpel.

Hinihingal man ay maliksi niyang pinulot ang isang matulis na tipak ng salamin sa tabi at hinagis ito patungo sa babaeng may hawak ng scalpel; sapul naman ito sa ilong at nakita niyang bumaon talaga ang patalim bago ito napaluhod at bumulagta. At sa 'di inaasahang pagkakataon ay biglang dumating si Erindel na may bitbit na mahaba at mabigat na baril, sa bilis ng pangyayari ay napayuko't napatakip na lang ng tainga si Avira nang paulanan ng lalake ng bala si Arlette.