webnovel

Kabanata Labing-Dalawa [3]

"M-Myceana, h'wag mo akong iwan." bulong ni Vinceo sa babaeng walang malay at nanlalanta sa kaniyang mga bisig habang buhat-buhat ito papasok sa bahay na pinagtataguan ng iba pang kasamahan, "Myceana," aniya muli rito. Buti na lang talaga at may pulso at humihinga pa ito sa kabila ng natamo, dahil kung hindi ay ikakasira talaga ito ng bait niya.

"Anong nangyari?" tanong ni Arlette nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ni Myceana, ngunit nanatili lang ito sa likod ni Beth at 'di bumitaw sa pagkakahawak ng sentido nito, gano'n na rin sina Digit at Cyan na hindi umaalis sa pagkakahawak ng braso ng babae.

"Inilibing siya ng buhay at tinambakan ng marami at naglalakihang mga bato." Sagot niya at marahang inilapag ang babae sa semento kahit na ito'y napakalikabok.

Hindi siya umalis sa tabi ni Myceana at mahigpit na hinawakan ang kamay nitong maraming gasgas, gamit ang malayang kamay ay nanginginig niya ring hinawi ang buhok nitong nakaharang sa sugatang mukha ng babae; pinahid niya rin paalis alikabok at nanunuyong dugo nito habang taimtim na nananalig na magiging maayos din ito. Ang makita ang babae sa kalunos-lunos na kalagayan ay parang pinupunit ang kaniyang puso, kahit malabo pa ay hinihiling niyang siya na lang sana itong nasa posisyon ni Myceana upang 'di ito maghirap.

"Vinceo, tignan mo 'to."

Habang hawak-hawak ang babae ay nalipat ang kaniyang atensyon kay Valtor na tumabi sa kaniya, kasunod naman nito ay si Renie na kakapasok lang at nag-aalalang nakatingin sa walang-malay na si Myceana. At isang babasaging vial kalakip ang seringgilya ang ipinakita ng lalake ang kumuha sa kaniyang pansin, tinitigan niya ito ng maigi ngunit hindi siya pamilyar sa kung anong klaseng kemikal itong pulang likido na laman.

"Saan mo 'to nakuha?" tanong niya't tinanggap ang vial at seringgilya mula kay Valtor.

"Mula ro'n sa isang bangkay ng altered, nakalabas ito mula sa kaniyang bulsa." Sagot nito patungkol sa lalakeng may kakayahang mawala sa paningin nila, "Hindi ko rin alam 'yan, pero sigurado akong ikaw lang ang makakatukoy kung anong kemikal 'yan at bakit nasa kamay ito altered. Hindi naman siguro bitbit nila 'yan kung walang silbi o hindi importante."

"Mayroon din bang ganito yung iba?"

"Yung psychokinetic mayroon, heto." ipinakita naman ni Renie ang isa pang vial, "Pero yung pyrokinetic hindi ko natignan ang bulsa niya. Nariyan na kasi ang mga bombero at pulis." Tanggi nito at babala sa grupo.

"Kailangan na nating umalis, paniguradong narito sila sa biglaang pagsiklab ng apoy sa factory." Suhestyon ni Cyan.

"Susuriin ko ito, saglit lang." pahayag ni Vinceo.

"Hindi na kailangan pa," pigil ni Arlette sa kaniya.

"Bakit Arlette?"

"Alam ko 'yan," sabi nito at tuluyan nang bumitaw kay Beth, saka nilapitan si Renie upang tignan ang vial na hawak-hawak nito, "Isa itong droga, n-nakita ko na ito noon sa isipan nina Trevor matapos mapabagsak ang force field."

"Isa 'yang enhancement drug,"

Lahat sila'y napalingon kay Digit na nakatulala't nakatingin sa kawalan, nanatili pa rin itong nakahawak kay Beth ngunit ang mga mata naman nito'y mabilis na gumagalaw animo'y may binabasa sa ere.

"Papaanong isang enhancement drug ito?" tanong ni Vinceo na hindi pa rin nasusuri ang kemikal.

"Ayon dito sa nabasa kong mga files ng Herozoan, nitong mga nakaraang buwan lang ay bumubuo sila ng enhancement drug na layuning pupuntiryahin ang utak ng isang altered, diretso itong pumapasok sa Millum gland, ang gland na pangunahing dahilan ba't tayo may kakayahan upang doblehin ang paggawa nito milluxine. Ito ang dahilan ba't napakalakas ng mga nakakalaban natin, doble at iba na ang milluxine na gumagapang sa katawan nila." Paliwanag ni Digit na patuloy na binabasa ang dokumentong nakalap, "Tinatawag nila itong The Enhancement Program at mangilan-ngilang altered ang narito na matagumpay na naging bahagi ng programa."

"Titignan nating kung gagana nga ba," biglang sabi ni Arlette at bumalik kay Beth na bitbit ang 'di umano'y enhancement drug at seringgilya.

"Arlette, ano na naman ang binabalak mo?" nag-aalalang tanong ni Vinceo.

"Kung enhancement drug nga ito, ang drogang ito na lang ang natitirang pag-asa natin upang tumakas. Pumalya si Beth, hindi na niya kayang gumawa ng portal."

"Arlette, hindi na maganda 'yang mga ginagawa mo. Hindi ka ba naaawa kay Beth? Hindi pa natin nakukumpirma kung isang enhancement nga 'yan." Tutol ni Valtor.

"Kailangan ko pang suriin 'yan."

"Kung gusto n'yong manatili rito, pigilan n'yo 'ko. Lalo na't hindi magtatagal ay mamatay rin naman tayo dahil sa buhay pa ang pyrokinetic at ngayo'y tinutusta na niya ang mga pulis at bomberong sumugod, ginamit niya ang enhancement drug." Saad niya na ikinagimbal nilang lahat, "Wala na tayong oras pa."

Wala nang nakapagsalita pa, wala nang tumutol kay Arlette at hinayaan lamang ito ng grupo na isagawa ang sariling plano. Wala namang inaksayang pagkakataon ang babae at mabilis na isinalin ang droga mula sa vial patungo sa seringgila. Saglit niyang sinulyapan si Vinceo at agad na itinurok ang karayom sa leeg ni Beth, saka hinayaang pumasok ang droga sa katawan nito. Naghari pa rin ang katahimikan sa loob nang  maubos ang laman na droga ng seringgilya nang itapon ng babae sa tabi ito ay nag-abang na lang sila sa susunod na mangyayari, ni isa'y walang kumilos maliban kay Arlette na muling inilapat ang magkabilang kamay sa sentido ni Beth.

Hanggang sa biglang dumilat si Beth at tulalang napatitig sa kawalan, hindi na ito nanlalaban pa kila Cyan at Digit kung kaya't bumitaw na ang mga ito. Walang mababakas na emosyon sa mukha ng babae at ang kaninang dumadaing at nagpupumiglas ay wala na; sa halip ay naging kalmado na ito at sumusunod sa gusto ni Arlette.

"Maghanda na kayo, kailangan na nating umalis sapagkat papunta na rito ang pyrokinetic." Anunsyo ni Arlette na sinunod naman ng lahat.

Sa parte naman ni Vinceo, kahit labag sa kalooban niya dahil sa hindi pa niya nasusuri ang kemikal ay wala na siyang ibang magagawa pa lalo na't hanggang ngayo'y wala pa ring malay si Myceana at bumabagal na rin ang tibok ng puso nito. Napuna niya na itong hawak-hawak niyang droga ang natitirang solusyon upang iligtas si Myceana ngayong may malaking labanan pa silang haharapin; ito na lang ang tutulong kay Myceana gano'n na rin sa tsansa ng grupo. Kung kaya't isinalin na lang niya ang droga at inilipat sa seringgilya, sa hudyat niya'y itinurok niya ito sa leeg ng babae at malakas na diniidin ang kabilang dulo nito upang ibuhos at itulak ng diretso ang lamang droga.

At sa isang kurap lang ay nakuha ang pansin ni Vinceo nang biglang bumukas ang portal sa gitna ng ere, at kumpara kanina'y mas maayos na ito at malaki. Sa kabilang dako naman ay kitang-kita na ni Arlette ang kabilang bahagi at sadyang malakas ang puwersang humihila sa kanila papasok. Kasunod nito ay ang pagdilat din ng mga mata ni Myceana at malakas na napasinghap ng hangin, nang magtagpo ang mga mata nila ni Vinceo ay agad siyang napayakap sa lalakeng katabi at hinalikan ang tiyan nito. Sa 'di maipaliwanag na dahilan ay naiyak si Myceana sa labis na tuwa at mas hinigpitan pa ang pagkakayakap.

"Tara na!" sigaw ni Arlette nang makitang biglang sumiklab ang apoy sa bubong ng bahay.

Dahil sa alam nilang hindi na magtatagal ang bahay at guguho na rin ito ay wala nang inaksaya pang oras sina Cyan at Digit; agad silang tumawid sa lagusan na gawa ni Beth, gano'n na rin sina Valtor at Renie na dali-daling sumunod. Upang makaalis na rin ay tinulungan ni Vinceo si Myceana na tumayo at sabay silang naglakad patungo sa lagusan, hinarap nila ito at nakita nila sa loob ng bilugang lagusan ang kabilang bahagi; ang pamilyar na puting pasilyo na naghatid ng nakakakilabot na nakaraan. Sa hudyat ni Myceana ay agad silang humakbang papasok, hanggang sa tuluyan na silang nakaapak sa malamig na sahig ng mahabang pasilyo.

Hindi rin nagtagal pa si Arlette at agad na tumakbo't tumalon papasok sa lagusan. Saktong nakapasok na siya sa Herozoan nang sa isang kurap ay lahat sila'y nangilabot nang makitang biglang bumigay ang bahay na pinagmulan at bumagsak sa katawan ni Beth. Kasabay nito ay ang pagkalusaw ng lagusan at tuluyan nilang nakita ang kabilang bahagi ng pasilyo na walang katao-tao at napakatahimik.

"S-Si Beth."