Lubos na nagtaka si Valtor nang mangibabaw ang katahimikan sa paligid at ang inaasahan niyang mga patalim na babaon sa sariling katawan ay 'di niya naramdaman. Habang mahigpit silang nagyayakapan ni Renie ay nakarinig siya ng kalansing ng mga metal na nagtatamaan, kung kaya't dahil sa kuryusidad ay agad silang bumuwag mula sa pagkakayakap at napatingin sa paligid. At hindi makapaniwala si Valtor nang may nakikitang siyang manipis na puwersang pumapaligid sa kanila na kailanman hindi pa niya nakita; mistulang isang tubig ito na marahang gumagalaw at umaalon na nakakaaliw tignan; nasa loob sila nito animo'y kinukulong. Nang muli siyang nakarinig ng kalansing ng bakal ay nabaling ang kaniyang tingin sa isang bahagi na matatantiya niyang isang metro lang ang layo. Mas lalo siyang 'di makapaniwala nang makitang naroon ang mga patalim na muntikan na sanang kikitil sa buhay nila; nakadikit ito sa mala-force field na pumuprotekta sa kanila at sunod-sunod pang nagsidikit yung ibang metal na nasa paligid.
"N-Nakikita mo ba 'to Renie?" aniya patungkol sa nakapaligid na pumuprotekta sa kanila laban sa hinahagis ng lalakeng mga patalim.
"A-Ang alin?" nagtatakang tanong nito na 'di niya inaasahang reaksyon ng lalake.
"Iyang nakapaligid sa 'tin na parang force field, 'di mo ba nakikita o naaaninag?"
"W-Wala talaga," tanggi nito na seryosong nakatingin sa kawalan, "Ano ba 'yan?"
"Isa 'yang electromagnetic field na gawa mo Valtor, naging isa kang magnet at lahat ng metal ay nahihila mo papalapit." Narinig niyang sagot ni Arlette na hindi siya halos makapaniwala.
"P-Paano?"
"Ikaw lang ang makakasagot niyan dahil ikaw lang din naman ang may-gawa." tanging sagot nito.
Nakumpirma nga niyang isang electromagnetic field ito nang walang-tigil na nahihila at dumidikit ang mga metal mula sa paligid patungo sa kaniya, parami ito nang parami na para bang tintakpan sila. Napagtano naman niyang isa ito sa mga kakayahan niya bilang electrokinetic, kung kaya't siya lang din ang may kakayahang makita, manipulahin, at gamitin ngayong napakahigpit na ng sitwasyon. Ramdam niyang may kung anong puwersa na umaalon mula sa katawan niya't tumatatak o sumikdu-sikdo ito sa paligid, at may isang mainit na bagay na nangibabaw sa kaibuturan ng katawan niya na ngayon lang niya naramdaman.
Sa kabilang dako naman, sa labas ng field ay roon niya natanaw si Vinceo iilang metro rin ang layo mula sa kanila na ginugulo't kinukuha ang pansin ng natirang kalaban; kitang-kita niyang gumagamit ito ng pana at walang-habas na pinapaulanan ng mga palaso ang lalakeng psychokinetic. Sa ipinapakitang kilos nito ay mahahalatang nag-uumapaw ang galit ni Vinceo lalo pa't hindi pa niya nasasagip si Myceana na kanina pa nasa hukay at natambakan ng mga bato. Bawat pagpapakawala ng lalake ng matutulis na palaso ay may kalakip naman itong kakaibang tunog ng patalim na pumupunit sa hangin, ngunit, sa kasamaang-palad, kahit gaano pa ito kabilis at kalakas ang inilalaang lakas ay nasasalo pa rin ito ng lalake, at ang mas malala pa'y walang kahirap-hirap na binabaluktot nito ang palaso saka hinahagis sa tabi.
Hindi pa ito gumaganti o nanlalaban, sa halip ay malalaki ang hakbang itong naglakad patungo kay Vinceo habang tangan-tangan ang isang patalim. Sa kabilang dako rin naman ay 'di nagpatinag ang lalake at nanatili ito sa kinatatayuan habang walang-tigil sa pagpapakawala ng palaso. Dahil dito'y lubusang nangamba si Valtor sa tanawing nagpapabaya naman si Vinceo at hindi na nag-iisip ng tamang gagawin, kung kaya't agad niyang itinigil ang paggawa ng electromagnetic field at dali-daling nagpakawala ng isang hibla ng kuryente patungo sa nag-iisang kalaban. Hindi rin tumunganga si Renie at nagpakawala ito ng hibla ng mainit na liwanag. Ngunit dahil sa natunugan nito ang kanilang pag-atake ay madaling nakagawa ng pangharang ang lalake gamit ang lupa, at sa isang kurap lang ay sumabog ito at napuno ng alikabok ang paligid.
"Valtor!"
Sa 'di inaasahang pagkakataon ay nakaramdam na lang si Valtor ng puwersang biglang sumakal sa kaniya, lubos siyang nagimbal nang lumutang na lang siya sa ere at nahihirapan sa paghinga. Hindi rin naman mapalagay si Renie at pilit siyang hinihila nito pabalik, subalit sadyang mas malakas talaga ang puwersang sumasakal sa kaniya't humihila. At nasaksihan na lang niya kung paano gumuho ang kinatatayuan ni Renie, sa bilis ng pangyayari ay 'di na ito nakalayo pa at nahulog ito sa malalim na hukay habang sumisigaw ng saklolo. Sa galit ni Valtor ay marahas siyang pagpupumiglas at nagpapakawala ng kuryente tungo sa salarin, ngunit kahit anong gawin niya'y hindi talaga siya nakakawala, hanggang sa nagulantang na lang siya nang biglang lumipad ang sariling katawan at bumulusok patungo sa pyschokinetic na duguan. Huli na nang namalayan niyang nasa harap na niya ito at galit na galit na nakatingin sa kaniya animo'y pinagpaplanuhan na ang kamatayan niya.
Habang unti-unting humihigpit ang pagkakasakal sa kaniya ay nahagip pa ng kaniyang tingin si Vinceo na hindi pa rin umaawat sa pag-aasinta ng pana sa kalaban, pero gaya ng inaasahan nila'y walang kahirap-hirap nitong hinahawi papalayo ang palaso. Hanggang sa hindi na rin nakatiis pa ang lalake, sa sobrang inis nito ay sinakal din nito si Vinceo na tinatantiyang dalawampung metro ang layo at mabilis na hinila papalapit. Kung kaya't ilang segundo lang ay dalawa na silang nasa harap ng psychokinetic at kapuwa nagpupumiglas sa humihigpit na pagkakasakal.
"Dahan-dahan ko rin kayong papatayin," pagbabanta nito sa kanila.
Ngunit sadyang 'di kayang tanggapin ni Valtor ang hatol nito, kung kaya't agad siyang gumawa ng elecromagnetic field sa paligid ng magkabilang-kamay niyang pinagdikit. Habang pilit na sumisinghap ng hangin ay hinayaan niyang umiikot-ikot o pumulupot ang hibla ng kuryente sa kaniyang braso patungo sa kamay na pangunahing kailangan upang makagawa ng field; inilaan niya ang natitirang puwersa at nanalig sa sariling kakayahan at pinaplano. Samantalang si Vinceo naman ay desperado at gustong kontrolin ang mga metal sa paligid, ngunit dahil sa kinakapos na siya ng hangin at nag-aagaw na ang liwanag at dilim sa harap ng kaniyang paningin ay hindi niya talaga magawa; pumapalya na siya at gano'n na rin ang sariling sistema.
Hanggang sa biglang gumuhit ang sindak sa mukha ng psychokinetic nang biglang nakaramdam ng matinding sakit; huli na nang mapayuko ito at lubusang nagimbal ang lalake nang makitang may limang metal na patalim na nakabaon sa tiyan niya't tumagos pa talaga ito. Ang dulong matulis ay hawak-hawak ni Valtor matapos itong hilain gamit ang kakayahan at pawang may bahid ang limang patalim ng malapot na dugong tumatagas pa sa lupa. Agad na nawala ang puwersang sumasakal sa kanilang dalawa nang saktong napaluhod din ang lalake na dumadaing at nanginginig na hawak-hawak ang patalim sa sariling katawan; nang tuluyang nakalapag at bumagsak ay agad silang gumapang papalayo habang mabilis na sumisinghap ng hangin. Saglit namang lumingon si Vinceo at kitang-kita niya ang paghihirap ng psychokinetic na altred na sapo-sapo ang sikmura animo'y pinipigilang tumagas ang sariling dugo.
Buhat ng galit na namumuo sa kaniyang kaloob-looban ay buong-lakas na pinilit ni Vinceo ang sarili na bumangon; tiniis lamang niya ang pananakit ng leeg, at saka marahang at malalim na sumisinghap ng hangin upang ibalik sa tamang ritmo ang paghinga. Upang gumanti ay dali-dali niyang pinulot mula sa tabi ang nabaluktot niyang palaso at saka ito ay kaniyang hinango at ibinalik sa normal at tuwid na palaso. Paika-ika man ay dahan-dahan siyang lumapit sa altered na dumudura ng dugo na hindi na halos makagalaw. Nang tuluyang nakalapit ay mahigpit niyang hinawakan ang patalim at saka malakas na bumuwelo, at sa hudyat ay diretso niyang sinaksak ang lalake sa ilalim ng panga nito na diretsong tumagos sa ibabaw ng ulo, kung kaya't nang bitawan niya ang patalim ay 'di na nakagalaw pa ang lalake at walang kabuhay-buhay na humandusay sa lupa.
"V-Valtor, tulungan mo si Renie at tutulungan k-ko rin si Myceana."