webnovel

Kabanata Labing-Dalawa [1]

AGAD NA TUMALSIK SI MYCEANA nang mawalan siya ng konsentrasyon sa lalake matapos tulungan niya si Renie, ang namalayan na lang niya ay ang malakas na suntok nito sa kaniyang ulo kung kaya't diretso siyang tumilapon at hinang-hina na nagpagulong-gulong sa lupa. Hilong-hilo siyang napahawak sa ulo na lubusang kumikirot at iniinda ang 'di mawaring sakit nito; daing siya nang daing umaasang mawawala ang sakit nito habang gumagawa ng puwersang pansalag sa anuman o sinumang aatake. Habang hirap siyang inaaninag ang paligid dulot ng nag-aagaw na dilim at liwanag ay naramdaman niyang biglang gumuho ang kaniyang kinahihigaan, kasama siyang bumaon dito kasunod ang pagdagan ng mga bloke-blokeng bato na iniipit ang katawan niya na para bang dudurugin ang kaniyang buto at laman.

"Arlette! Kailangan ko ng tulong!" sigaw niya sa babae habang iniinda ang sakit at hapdi ng matutulis na batong dumadagan na pabigat nang pabigat.

Pero hindi ito sumagot, sa halip ay nangibabaw sa kaniyang isipan ang tindi ng sakit ng mga sugat na natamo niya mula sa iba't ibang bahagi ng katawan na pawang dulot ng mga matutulis na bato na bumabaon sa balat niya. Sa paglipas ng sandali ay unti-unting tumitindi ang sakit at nahihirapan na rin iya sa paghinga lalo pa't may mabigat ding bato na nakatakip sa buong mukha niya; langhap na langhap niya ang purong alikabok na napakahapdi sa lalamunan at ilong. Nais man niyang gamitin ang sariling kakayahan ay 'di na niya magawa pa dahil sa naubusan na siya ng lakas; hindi na niya ramdam pa ang sariling katawan animo'y naparalisa na siya sa karahasan ng lalake. Hanggang sa ang bigat ng mga bato'y mas lalong tumindi, 'di na niya nakayanan pa ang sakit nito kung kaya't diretsong lumukob ang kadiliman sa kaniyang paningin kasabay ang pagkawala ng kamalayan niya sa paligid.

HABANG PINIPILIT NA PINATATAMAAN ng kuryente ang lalakeng malayang lumulutang sa ere gamit ang apoy na kakayahan ay nahagip ng kaniyang paningin si Myceana na binabaon ng buhay ng ibang altered at dinadagan ng naglalakihang mga bato mula sa pader na gumuho. Lubos siyang nagimbal sa karahasang ginawa ng lalake lalong-lalo na't nakita niya ang ngiti sa labi nito habang iniipit ang kakilalang babae, mababakas sa mukha nito ang kagustuhang pumatay ng tao sapagkat walang kaawa-awa nitong dinurog nito ang katawan ng babae.

"Arlette, kailangan ni Myceana ng tulong!" sigaw niya sa isipan sa kagustuhang marinig ito ng babae.

Sa tindi ng poot na nadarama niya ay mabilis siyang nagpakawala ng kuryente at pinatama ito sa lalakeng hindi pa rin tumitigil sa pagdurog kay Myceana, at saka mabilis na gumulong papalayo upang makaiwas nang nagpakawala na naman ng nagwawalang apoy ang lalakeng katunggali. Nang sulyapan niya ang kabilang panig ay nakita niyang tumilapon yung lalake sa malayo; marahan itong nanginginig at saka may malaking sugat sa braso dulot ng matinding boltahe na natanggap. Nang muli siyang inatake ng sariling katunggali ay muli siyang umiwas sa takot na baka matusta nito, dali-dali siyang sumugod kay Renie at hinihingal na tinabihan ito habang napako ang tingin sa lalakeng nag-aapoy ang mga kamay na lumapag sa lupa.

"Papunta na si Vinceo riyan." Narinig niyang sagot ni Arlette na ikinagaan ng loob niya.

"Valtor anong gagawin natin?" tanong ni Renie na duguan, humahangos, at nangangamba para sa kalaban niyang bigla-biglang nawala, "M-Malapit nang sumuko ang katawan ko."

"Palit tayo, ngayon na!" sigaw niya't umikot upang pagtuonan ng pansin ang biglaang lumitaw na lalake, samantalang si Renie naman ay agad na nagpakawala ng hibla ng mainit na liwanag na diretsong tumama sa dibdib ng lalakeng umaapoy.

Sa kabilang dako naman ay matagumpay niyang natamaan ng isang hibla ng kuryente ang lalakeng akmang mawawala na sana, saktong tinamaan ito sa dibdib kung kaya't hindi na ito nakatakas pa't agad na bumagsak sa lupa. Hindi naman siya makuntento at gamit ang malayang kamay ay nagpakawala pa siya ng isang hibla na ipinatama ulit sa lalake. Umalingawngaw sa paligid ang nakakabinging palahaw nito matapos maramdaman ang 'di mawaring sakit sa katawan; kitang-kita ni Valtor mula sa kaniyang kinatatayuan kung paano unti-unting nabibiyak ang braso nito at dibdib kalakip ang pagdanak ng dugo, sa galit niya'y mas lalo niyang itinodo ang pagpapakawala ng kuryente ngayong alam niyang mas nakakalamang siya rito.

Samantalang si Renie naman ay maliksing umiiwas sa mga hinahagis na apoy ng lalake habang 'di itinitigil o pinuputol ang pagapakawala ng liwanag na tumutusta sa dibdib ng lalakeng pilit ding umiiwas. Nanatili siya sa kaniyang konsentrasyon at hindi talaga tinitigil ang pagtutusta, bagkus ay inilipat niya ito sa mata ng lalake nang sa gayon ay mabubulag ito. Kung kaya't natigil din ang lalake sa pagpapakawala ng naglalagablab na apoy, sa halip ay napatakip ito ng mata at dali-daling umiwas at tumalikod. Iyak ito nang iyak, sumisigaw habang hinahawakan ang nanhahapding mga mata.

Pero sa kalagitnaan ng kanilang pakikipaglaban ay nagulantang sina Valtor at Renie nang bigla silang hampasin ng malaking bloke ng semento; natangay sila nito at kapuwa tumalsik papalayo dahil sa lakas ng puwersa. Buti na lang at nakagulong pa sila papalayo nang sila'y bumagsak, sapagkat kung hindi ay paniguradong madadaganan sila nito at lulumpuhin dahil sa laki. Nang balingan nila ng tingin ang salarin nito ay nagimbal sila nang makita ang lalakeng duguan ang braso na maayos na nakatayo; kinukontrol nito at pinapalutang papalapit ang mga patalim na nakabaon mula sa katawan ng nagkalat na bangkay, nilipon niya ito sa ibabaw ng kanang kamay at itinutok sa kanilang gawi ang matulis na dulo nito.

"Renie, tara na!"

"Arlette!"

Sa nakikita'y alam ni Valtor na hindi niya maiiwasan ito lalo pa't may kakayahan itong kagaya kay Myceana, kung kaya't hangga't may pagkakataon pa, wala na siyang inaksayang segundo at dali-daling dinaluhan si Renie na pilit tumatayo. Ininda niya ang pananakit ng sariling katawan at binuhat at inalalayan ang lalake, saka niya hinila ito upang tumakas papasok sa umaapoy factory na iilang metro na lang ang layo. Binulag na siya ng takot at wala na siyang naiisip pang paraan upang iligtas ang sariling buhay, paika-ika silang tumatakbo hanggang sa nang sulyapan niya ang lalakeng altered ay mas lalo siyang nangilabot nang makitang bumulusok na patungo sa kanilang gawi ang mga nagtataasang patalim. Kung kaya't nang matantiya niyang hindi na sila aabot pa sa nasusunog na factory, nang matantiyang segundo na lang ang buhay nila ay tumigil na lang si Valtor at niyakap ng mahigpit si Renie.

"Hindi kita iiwanan." Bulong niya't isang patak ng luha ang dumaloy pababa sa kaniyang pisngi.