PAGDILAT NG MGA MATA NI MYCEANA ay natagpuan niya ang sarili sa loob ng puting silid; nakatali sa isang bakal at malamig na upuan habang kaharap ang isang matanda at lalakeng doktor na seryosong nakatitig sa kaniya at isang parisukat na mesa lamang ang mamagitan sa kanila. Balak na sana niyang gamitin ang kakayahan nang sa 'di inaasahang pagkakataon ay bigla siyang nanginig sa tindi ng sakit at sa pangunguryente ng kaniyang ulo. Dahil dito'y mas lalo siyang nagimbal nang mapagtantong nadakip ulit siya ng Herozoan at ang kinatatakutan niyang panahon ay dumating na rin; hindi na niya nagagamit pa ang sariling kakayahan dahil sa nakakabit na inhibitor at muli siyang napasailalim sa malupit na kamay ng kaniyang kalaban. Nais niya ring hagilapin ang presensya ng mga kaibigan upang humingi ng saklolo, ngunit wala ito, kung kaya't mas lalo siyang nag-alala sa ideyang nadakip din ang mga ito at pumalya sila.
Hanggang sa agad siyang napatingin sa kaniyang sikmura nang maalala ang kaganapan bago itong kasalukuyan, sumagi sa kaniyang isipan ang pagkikita ni Zoea at ang nakakahindik na ginawa nito sa kaniya. Pero wala siyang nakikitang dugo rito at wala rin siyang nararamdaman sakit, sa halip ay napansin niyang suot-suot na naman niya ang ang manipis at maluwang na uniporme ng Herozoan para sa kanilang mga altered. Dumako ang kaniyang tingin sa kanang manggas ng puting damit at roon niya nabasa ang pinaka-ayaw niyang marinig na pangalan na tinatawag sa kaniya.
"Host-004, kailangan nating mag-usap." Pahayag ng matandang doktor na ikinagalit niya ng lubos.
"Pakawalan n'yo ko, mga hayop---."
Ngunit bago pa man siya nakapagwala ay bigla siyang kinuryente nito; malakas siyang napasigaw at kagat-labing ininda ang tindi ng 'di mawaring sakit sa kaniyang sistema, mariin siyang napapikit habang dama niyang unti-unti siyang nauubusan ng lakas at ramdam niyang parang tatakasan na siya ng malay-tao. Makalipas ang ilang segundo na pangunguryente ay nanlalanta siyang napasandal sa kinauupuan, hindi na niya nagawang patingalahin ang ulong mabigat habang walang-tigil sa pag-agos ang kaniyang luha; nanginginig niyang ibinuka ang bibig at ramdam niya ang naiwang hapdi sa labi nang bumaon ang ngipin dito, nalalasahan niya ang dugo sa kaniyang bibig habang sumisinghap siya ng hangin.
"Kakausapin lang kita ng matino Host-004 kung handa ka nang makinig sa nais kong ipahayag." Kalmadong saad nito at de-kuwatrong napaupo.
"P-Pakawalan m-mo 'ko…" utos niya rito ngunit umiling lang ito.
"Malabong mangyayari 'yan, ayokong bumalik ka roon sa labas at papatayin mo na naman ang mga altered at sundalo ko." Tiim-bagang na sabi ng doktor na lubusang nanghinayang sa nalagas niyang puwersa, "Kaya kailangan kong makipagkasundo sa 'yo kung gusto mong makamit ang tunay na kalayaan at matigil na itong paghihirap mo."
"A-Ano ang g-gusto mo?"
"Ikaw mismo."
At habang tinitigan niya ang doktor ay bigla itong nagbagong anyo, mistulang damit na napunit at nahubad ang balat at laman nito hanggang sa tuluyang naging isang babae ang dating matandang doktor. Hindi siya nakapagsalita sa nakita, sa halip ay may kung anong bumibikig sa kaniyang lalamunan at tanging pag-iyak at hikbi na lang ang kaniyang nagagawa.
"Myceana, b-bakit mo 'ko pinatay?"
"Zoea, p-pagod na ako. Tama na." tanging nasabi niya buhat ng matinding konsensya sa babae, "Nahihirapan na ako. P-Patawarin mo ako."
"Matagal na kitang napatawad Myceana. Alam kong mas karapat-dapat kang mabuhay, tignan mo ang 'yong sarili ngayon. Ang lakas-lakas mo na."
"Tama na, h'wag mong gamitin si Zoea para pahirapan ako! Hayop ka! papatayin ko kayo!" muling asik niya at buong-lakas na nagwala, pero bigla naman siyang nanginig nang kuryentihin ulit siya nito.
Kahit nanlalabo ang paningin dahil sa luhang humaharang ay kitang-kita kung paano nagbagong-anyo si Zoea, muli ay naging matandang doktor ito na seryosong nakatingin sa kaniya habang walang-tigil siyang kinukuryente. Sa 'di mawaring sakit na nangibabaw sa sitema niya ay namilipit na lang siya upang indahin ito, ngunit sadyang hindi lang pisikal na sakit ang nararamdaman niya, lubusan din siyang naghihirap nang muling naalala ang ginawa niya sa matalik na kaibigan. Lubos siyang pinagsisihan kung bakit niya kinitil ang buhay nito alang-alang sa pansariling kapakanan, napahanga nga niya at nakuha ang loob ng doktor noon, pero ginagambala naman siya ng kaniyang konsensya.
"Tama na! ayoko n-na! Tigilan n'yo na ako!"
"Sumuko ka na Myceana, ibibigay ko ang nais mo. Pangako, hindi ka na makakaramdam pa ng sakit, aalisin ko ang paghihirap mo at lubusan mong matamasa ang tunay na kalayaan at galak."
"A-Ayoko!" pagmamatigas niya.
"Susuko ka? O papatayin ko si Vinceo?"
"Myceana!"
▪▪▪
NANG MATUSTA LAHAT NG sundalong kararating lang ay hinihingal na pinahid ni Valtor ang tumatagaktak na pawis sa mukha niya na gumagapang pababa. Nang mabaling ang kaniyang tingin kay Renie ay nakita iyang humahangos din ito sa pagod. Nang magkatinginan sila ay tipid niyang nginitian ito at saka nilapitan, habang wala pang mga sundalo ay pinahid niya rin paalis ang pawis sa noo ng lalake at marahang hinawakan ang mukha nito gamit ang magkabilang kamay.
"Okay ka lang ba Renie?"
"Oo, i-ikaw ba? Kaya mo pa ba?" tanong naman nito sa kaniya habang titig na titig sila sa isa't isa.
"Kakayanin, para sa kinabukasan natin." Sagot niya.
"Guys kailangan nating balikan sina Cyan at Vinceo," aya ni Digit sa kanila, "ang tagal na nila roon sa baba, baka napano na si---."
Ngunit, 'di na natapos pa ni Digit ang nais na sasabihin nang sa 'di inaasahang pagkakataon ay may biglang humila sa babae paatras, at sa pangamba ng banta na nabatid nila ay agad namang sumugod sina Valtor at Renie upang saklolohan ang kasama sumisigaw sa sakit na nadarama. Akmang magpapakawala na sana ang lalake ng hibla ng kuryente sa taong nasa likod ng pag-atake pero 'di niya ito nagawa nang makita ang isang babaeng seryosong-seryoso na humakbang papalapit sa kanila; hindi na niya ito lubos makilala dahil sa wala na itong kaemo-emosyong humarap sa kanila na may kakaibang pinapahiwatig ang tingin nito.
"M-Myceana, anong problema?" kinakabahang tanong ni Renie na napaatras kasama si Valtor.
"Gusto ko lang sabihin sa inyo na may sulusyon na ako para sa kaguluhang ito." sagot ng babae habang kontrolado pa rin si Digit na umiiyak at nakalutang sa tabi niya, "Gusto n'yo ng kalayaan 'di ba? Gusto n'yong mamuhay ng mapayapa. May mas madaling paraaan para makamit yun. Malaya na ako Valtor, Renie." Pahayag nito na hindi nila lubos maintindihan.
"Ibaba mo si Digit, mag-usap tayo ng maayos Myceana. Diringgin ka namin, pangako."
"Sagutin n'yo muna ako." Matigas na saad nito, "Gusto n'yo bang maging malaya? Gusto n'yo bang mawala na itong paghihirap natin?" tanong nito at dahan-dahang humakbang papalapit sa kanila samantalang silang mga lalake naman ay umaatras.
"Oo, siyempre. Gusto na rin naming mamuhay ng walang inaalalang problema." mabilis na sagot ni Renie.
"Myceana anong ginawa nila sa 'yo? S-Sino---."
"Tinulungan nila ako Valtor, mas maganda pa sa plano ni Arlette."
"Myceana hindi kita naiintindihan."
"Gusto ko lang na sumuko na kayo sa kanila at sabay nating tatamasain ang tunay na kalayan. Sumuko na kayo bago pa mahuli ang lahat."
"Project Void," biglang usal ni Renie na ikinatakot ni Valtor sapagkat tama nga ang hinala niyang hindi na si Myceana itong kaharap niya ngayon.
"Hindi ba kayo napapagod makipaglaban sa Herozoan gayong sila naman pala ang susi sa lahat ng ito? Samahan n'yo ako, 'di na tayo makakaramdam pa ng sakit at paghihirap. Hindi na tayo magbubuwis-buhay pa." panghihikayat nito at muli nilang nakita ang kakaibang galak sa mukha ng babae.
"I-Ibaba mo muna si Digit, pakiusap."
"Gusto n'yo ba talaga o hindi?!" asik nito na ikinagimbal nila.
"H'wag Valtor! Hindi na si Myceana 'to!" iyak ni Digit.
At sa 'di inaasahang pagkakataon ay biglang umikot ang ulo ni Digit, bagay na lalong ikinasindak nila sapagkat hindi sila makapaniwalang gagawin ito ni Myceana. Hindi makagalaw sina Valtor dulot ng pagkabigla at tulala na lang silang napatingin sa katawan ni Digit na bumulagta sa sahig kasama ang ibang bangkay. Hanggang sa huli na nang kontrolin ng babae si Renie at hinila papalapit, mas lalo siyang nanghina nang makitang lumutang lalake habang may malaki ta matulis na bubog na nakatutok sa dibdib nito.
"Ngayon Valtor, tatanungin ulit kita. Susuko ka na ba? O hindi pa rin?" tanong nito habang may matamis na ngiti sa labi.