webnovel

Alchemic Chaos: Fate

ANG MGA ALKEMISTA ang tinaguriang 'magiting' at makapangyarihan sa buong kontinente ng Azalea. Pinaniniwalaang iginawad ng Diyos ang kanilang taglay na lakas. Lakas na nararapat na gamitin sa kabutihan at sa paglaban ng masama. Ngunit hangga't namamayani ang inggit at kapangyarihan ay magagamit ito sa hindi nararapat-sa kasamaan. Ang mabuti laban sa masama. . . Isang kapalaran. At doon nagsimula ang unang digmaan ng kapangyarihan. *** Isang gabi, isang pangyayaring hindi inasahan. Isang pangyayaring labis na pinagsisihan ang nagpayanig sa takbo ng buhay ni Kira - ang pamosong binibining heneral ng Titania. Trinaydor ng kaibigan at iniwang mamatay sa kamay ng isang halimaw. At ang isang bagay na hindi niya matatakasan. Mahika. Tentasyon ng kasalanan. Responsibilidad. Digmaan. "Kaya mo bang tanggapin ang kapalarang kaakibat ng pagiging alkemista? " -

LaSolaPythia_ · Fantasia
Classificações insuficientes
34 Chs

Kabanata Nuebe: Ang silip sa nakaraan ni Xerxes

HINDI lubos maisip ni Xerxes na walang sukdulan ang lakas na taglay ni Kira. Kahit lumalakad pa lang ito sa entablado ay ramdam na niya ang pag-agos ng kapangyarihan sa katawan nito. Kung tutuusi'y swerte siya na siya ang nakahanap sa binibining ito—dahil mararamdaman niya ito ng malapitan at magagamit niya ito laban sa kahariang nagpahirap sa kaniya kahit na siya'y may hawak na posisyon doon.

Ngunit nagpapasalamat pa rin siya sa Titania dahil sa ginawa nitong kahayupan sa kaniya ay bumukas ang kaniyang natatagong lakas, nagawa niyang gawin ang gubat na ito bilang kaniyang proteksyon dahil hanggang ngayon ay tinutugis pa rin siya ng mga Titania.

At dahil sa Titania ay nakita niyang muli si Kira. Hindi man maalala ng dalaga ay isa siya sa mga bilango na natulungan nito.

Rinig niya ang mga papalapit na yabag ni Kira na nagpabalik sa kaniyang wisyo. Tiningnan niya ang dalaga na ngayon ay matalim pa rin siyang tinitingnan habang mahigpit na hinahawakan ang espada.

Pumalakpak si Xerxes at itinaas ang hawak na espada, naghahanda sa maaring gawin ng dilag na ngayo'y nagsimulang tumakbo papunta sa entablado at agad na sumugod.

Sinalubungan nang talim ng kaniyang espada ang talim ng kay Kira. Sunod-sunod ang pagbanga ng kani-kanilang mga espada sa isa't-isa, tanging tunog lamang ng sumasalubong na metal ang naririnig at ang kanilang paghinga.

"Gustong-gusto mo talaga akong saktan agad?" Sinalubungan niyang muli ang pag-atake ni Kira. "Pero sa aking nakikita ngayon ay hindi ka pa rin hasa sa paghawak ng espada---at mahina ka pa rin," kutya niya sa dalaga na sa narinig ay mas lalong bumilis ang kilos at ang mga ginagawang pag-atake.

Nang makahanap ng tiyempo si Xerxes ay sinipa niya ang tiyan ng dalaga dahilan kung bakit ito'y napatumba sa gilid ng entablado, hindi pa siya tumigil at lumapit pa sa dalaga at sinipa ang espada nito pagkaraa'y pinagtatadyak ang tiyan ng dalaga, hindi tumigil hanggang sa hindi bumulwak ang dugo sa bibig ni Kira.

"Iyan lang ba ang kaya mo?" Tinadyakan niyang muli ang dilag at siya ay nakarinig ng daing at sigaw nito. "Sa tingin mo malala na itong ginagawa ko sa gagawin sa iyo ng Titania? Pwes! Mali ka, kung ganito ka kahina, mamatay ka lang!" Tatadyakan niya pa sana itong muli ng mahawakan nito ang kaniyang paa at hinila hanggang siya ay matumba.

Dahil sa bilis nang pangyayari ay hindi agad naka-isip ng gagawin o gumalaw si Xerxes na agad na naging pagkakataon ni Kira upang mahinang lumuhod at sinakal ang nakahigang binata gamit ang isang kamay.

Puno nang pagkamuhi ang mga titig nito sa kaniyang sinasakal. "Ano ba ang alam mo, hah? Hindi ako mahina! Hindi ako mahina!" wika ng dilag at pinagsusuntok ang mukha ni Xerxes, walang pakialam kahit na ang ginagawa ay babasag sa suot na maskara ng binata.

Habang ang binata nama'y hindi lumalaban at nagawa pang tumawa. Maya-maya pa ay lumabas ang berdeng ilaw sa binata at ang ilaw ay unti-unting naging matitinik na halaman at gumapos sa katawan ni Kira. Itinaas nito sa ere si Kira na ngayo'y nagpupumiglas maka-alis sa halaman.

Unti-unting tumayo si Xerxes at dumura ng dugo. Sapo-sapo ang namamagang mukha at ramdam ang baling buto sa may mukha. Parang ayaw niya munang manalamin pagkatapos nito dahil hindi niya nanaisin ang repleksyong makikita niya. Sunod ay hinawakan ang maskara upang masiguradong walang biyak na parte pagkatapos ay tumingala sa nagpupumiglas na dalaga.

"Bitawan mo ako! Papatayin kita!" Sinusuntok-suntok ni Kira ang halaman kahit alam niyang masusugatan siya sa dala nitong mga tinik, bumabaon ang bawat tinik sa kaniyang balat at parang gripo kung umagos ang dugo sa kaniyang mga sugat.

Malamig na tiningnan ng binata ang dilag. "Isipin mong ang galit mo ang mga tinik na iyan at ang iyong balat ang iyong puso. Maganda nga ang galit sa paghihiganti pero hindi ko nanaising makasama ang isang halimaw na minsan ko nang iniligtas. " Itinaas ng binata ang kaniyang kamay at mas lalong dumiin ang mga tinik sa balat ng dalaga.

"Mahina ka pa rin... Dahil ang sobrang galit na nagpapabulag sa iyo sa nais mong hustisya sa iyong sarili ay mas lalong magiging dahilan ng pagkasawi mo. Habangbuhay kang mahina!" sigaw ng binata at tumutulo nang sagana ang dugo ni Kira na nagpa-kulay pula na sa halaman hanggang sa sahig.

Humikbi ang dalaga, pagkaraa'y sumigaw—isang palahaw mula sa isang pinahirapang kaluluwa. "A-Ayoko nang maging mahina! A-Ayoko na..." hikbi nitong muli.

Ang salitang binitiwan ng dalaga at mga hikbi nito ay nagawang haplusin ang puso ng binata at pumasok sa kaniyang alaala na minsa'y inilabas din ng kaniyang bibig ang parehong mga salita.

Isang katorse anyos na batang lalaki ang walang tigil sa kasisigaw habang dumadapo sa kaniyang balat ang hagupit ng latigo sa isang malaking silid na ginawang kaniyang kulungan. Naka-kadena ang kaniyang mga kamay at paa sa isang krus. Hindi na makilala ang kaniyang mukha dahil sa mga sugat at dugo, pati na rin ang kaniyang katawan na maraming latay at mga sugat. Halos sumama na ang kaniyang balat sa bawat hagupit ng latigo na ipinapataw sa kaniya. Ilang buto na rin ang nabali at halos mabulag na siya sa kaiiyak at sa sugat sa kaniyang mata.

"Ito ang napapala mo!" wika ng isang lalaki habang patuloy na nilalatigo ang batang lalaki.

"A-Ama! T-Tama na!" Hinang-hinang ani ng bata ngunit hindi itinigil ng lalaki ang panlalatigo.

"Wala akong anak na traydor! Dahil sa iyo mabubuko na sana ang aking mga ginagawa! Isa kang pagkakamali!" wika ng lalaki at ibinaba ang latigo sa may mesa at kinuha ang kandelabra pagkatapos ay itinapat ang apoy ng kandila sa katawan ng bata at sinimulang pasuin ito.

Patuloy na dumaing ang bata, patuloy ang pagmamakaawa pero walang tumulong dahil kahit ang mga kawal ay nagawa pang siya ay pagtawanan.

Apat na oras pa ng impyerno sa kamay ng ama ang tiniis ng bata hanggang sa umalis ang ama aka'y-akay ang isang magandang babae. Napatingin lamang ang bata at tila nawawalan na nang pag-asa habang sineserado ang pintuan ng kaniyang kulungan.

Paulit-ulit siyang umuubo ng dugo at napatingin sa kawalan. "A-Ayoko nang maging mahina! A-Ayoko na!" hikbi niya pagkatapos ay malakas na sumigaw hanggang sa nakita niya ang kadiliman.

Hindi namalayan ni Xerxes na tumulo na pala ang mga luha sa kaniyang mga mata.

'Ilang taon na ba nang siya'y huling umiyak?'

Isang tanong ang pumasok sa kaniyang isip na sa kabila ng luha sa kaniyang mga mata ay nagawa niyang tumawa nang mapakla.

Ibinaba niya sa sahig ang nagdurugo at mahinang katawan ng dilag. Tuluyan na itong nawalan ng malay dahil sa kakulangan ng dugo nito, lumapit siya dito at hinawi ang buhok pagkaraa'y inilapit ang bibig sa tenga ng dilag at bumulong.

"Isa ka sa mga dahilan kung bakit ako nakaligtas sa impyernong iyon...Iisipin mo mang ginagamit lang kita sa ngayon at kahit hindi mo maalala na mas malaki ang utang na loob ko kaysa sa utang na loob mo sa akin. Patawad. Ngunit, tutulungan kitang lumakas kahit kamumuhian mo ako."

Lumiwanag ang kaniyang kamay at itinapat sa balat ng dalaga, pumikit siya at nagpakawala ng mahiwagang salita. "Lihim na paraan ng panggamot: Sangré Libero!" wika niya.

Maya-maya pa ay lumabas ang tila kulay pulang singaw sa kaniyang katawan at lumipat sa dilag, unti-unting sumerado at nawala ang mga sugat ng dilag at natuyo ang mga dugo.

Ngumisi ang binata bago tuluyang manghina at kainin ng kadiliman ang paningin.

Samantala, blanko lang nakatingin ang batang si Violet sa mga naganap at sa dalawang katawan ni Xerxes at Kira na nakahilata sa sahig ng entablado. Mahigpit niyang niyakap ang lumang libro na ngayo'y nagliliwanag.

Biglang nawala ang bata sa pulang upuan at lumitaw sa harapan ng dalawang nakahandusay sa sahig. Umalis sa yakap ng bata ang libro at lumutang sa ere pagkaraa'y bumuklat ito ng mag-isa ang nagliliwanag na aklat. Lumitaw sa mga pahina ang mga kakaibang simbolo at iskripto at lumabas sa aklat, nagsimulang magsayawan tila ba isang ballerina sa isang palabas sa teatro.

Hindi maaring magtagal sa pagkaka-himbing ang dalawa.

Dahil alam pareho ni Violet at ng aklat at darating na panganib na ngayo'y nagmamartsa palapit sa kagubatan ng kamatayan.

—palapit sa kanilang kinaroroonan.