webnovel

CHAPTER 1

Isang digmaan ang sumibol sa lupain ng Wendlock sa pagitan ng Moonatoria at ng Thallerion. Madugo ang labanang iyon kaya't maraming napaslang na mga kawal. Lahat sila ay mga liping mandirigma at magigiting na pamahalaan. Dugo sila ng mga matatapang na lahi, walang inuurungan bagkus sasalungatin ang sinumang bansang may planong manakop sa kanila.

Doon sa pinangyarihan ng digmaan, makikita ang napakaraming uri ng punong kahoy, may matataas at meron ding mayayabong ang mga dahoon, kung kaya't walang sinuman ang nakakasaksi sa labang iyon, maging ang sikat ng araw ay walang ulirat sa nangyari ngunit dahil sa lakas ng mga kalansing ng ispada at kalantog ng mga matitibay na kalasag kaya't mismo ang katahimikan ang lumihis at namilipit sa takot sa pangambang makita ang mga buhay na mawawasak dulot ng digmaan, ang bawat kawal ay natutong magbuwis ng buhay at ipagtanggol ang sariling lahi upang ipaglaban ang kani-kanilang kaharian laban sa mga kalaban, makamit lamang ang inaasam na tagumpay at kayamanan.

Natalo ng mga Moonatoria ang hari ng Thallerion, sa pamumuno ng ama ni Haroothor ay napabagsak nila ang kapangyarihan. Napasailalim ng Moonatoria ang lahi ng Thallerion at ginawang alipin sa loob ng pitong taon ngunit noong namuno na si Prinsipe Xerxez ay napalaya niya ang sarili niyang lahi sa kamay ni Haring Hedromus. Napaslang niya ang hari dahil sa kanyang kahusayan at kagitingan sa pakikipagdigma, dahil sa kasunduan nila na kung matatalo niya ang hari, mapapalaya ang lipi niya ngunit kung hindi naman, habang-buhay ng mapapasakamay ng Moonatoria ang lahat ng ari- arian ng Thallerion mula sa mga nasasakupang tao, sa mga alagang hayop at maging ang lupain nila. Bagama't nawagi niya ang labang ito, nahimuk niya ang tagumpay kaya't masaya ang lahat at naibalik nga niya ang lahat ng inagaw ng mga Moonatoria. Sa huli, hinirang na hari si Xerxez at pinalakas niya ang hukbo ng sandata at lakas ng mga kawal. Di nagtagal naging bantog na pinuno siya.

Marami ng natalo si Haring Xerxez, isa na rito ang mga Thartherus, ang Vhorlandrus, Peronicas at ang Latherus. Sa halip na kanya itong gawing alipin, ginawa niyang kaibigan at naging kakampi pa. Hindi layunin ni Xerxez na guluhin ang buhay ng ibang lahi kundi nais lamang niyang mapalawak ang pagkakaisa ng bawat lipi na naninirahan sa buong sanlibutan. Pinapaintindi niya sa kapwa hari na ang pagkakaroon ng kapayapaan at pagtanggap, ang magiging tulay upang maibsan na ang awayan, bangayan at sigalot sa bawat magkatunggali. Sapamamagitan ng kanyang katapangan, napalawak niya ang kaharian ng mga Thallerion, bukod sa kanyang katapangan ay isa rin siyang mapitagan sa kapwa, mapagmahal sa mga mahihirap at may malasakit sa kanyang mga kawal at lalo na sa kanyang mamamayan.

Sa lupain ng Peronicas ay nakilala niya ang isang dalaginding na prinsesa na anak ni reyna Pyramia dahil sa kanyang pakikipagsapalaran sa buong lungsod na kanyang nasasakupan. Nakilala niya ito sa isang batis kasama ang ibang kababaihan na nagtatampisaw at naliligo sa malinis na tubig, dahil sa kanyang pakikipagsapalaran sa labas ng Thallerion doon sa karatig na lupain ay nahulog ang loob ng prinsesa sa hari dahil sa kapitagan nito sa kababaihan. Ang pangalan niya ay si Perlend, isang magiliw na babae at mapagmahal na anak nina Pyramia. Simula ng makita niya ang lalaki lage na siyang nagtatampisaw sa ilog na karugtong lang ng Cirtax.

Isang araw noon, nanaog si Xerxez sa kabayo para makapaghugas ng kamay sa ilog ngunit nakita niya ang dalaga na nagtatampisaw at umaawit na para bang malambing na huni ng ibon. Sapagkakataong iyon, lubos na nakilala ni Xerxez ang dalaga lalo na ng malaman niyang wala itong asawa, ngunit nagsinungaling ang dalaga ng tanungin siya ni Xerxez kung may mga magulang pa ito. Natakot kasi si Perlend na baka ang mga magulang pa niya ang maging hadlang. Lalo't Hindi siya hinihintulotang magkanobya sapagkat may sakit siya, hindi pwede sa kanya ang makaranas ng matinding pagod gaya ng ginagawa ng normal na babae o ng isang ina. Malawak ang lupain ng Peronicas subali't pag-ibig ang dumugtong sa landas nila para sila ay pagtagpuin. Kapwa sila nabighani, kaya't wala ng makakapigil sa kanilang pagmamahalan. Tuwing dumadaan si Xerxez sa batis ay napapansin niya ito palagi lalo na sa manipis na damit na ginagamit ni Perlend sa pagligo.

Nakakabighani ang katawan ng dalaga kaya't natutukso siyang pagmasdan ito, kaya't agad na niligawan niya ang prinsesa ng walang pagdadalawang-isip sapagkat mahal na mahal na niya ito. Walang tanggi para sa dalaga na tanggapin ang panliligaw ng hari dahil alam niyang liligaya siyang tunay kapag sa piling siya ng hari. Napakasaya ng hari sa mga oras na'yon, kaya't pag-uwi niya sa Thallerion ay isinama na niya ito subali't ang ginawa nila ay parang pagtatanan narin sapagkat hindi niya isinangguni sa mga magulang ni Perlend ang pag-iisang dibdib nila at pinitas niya ito ng walang paalam na tila ninakaw sa akit, sapagkat ang alam lang ni Xerxez ay ulila na ito kaya't hindi na siya nangusisa sa buhay ng dalaga basta't para sa kanya ay mapapangasawa niya ito.

Pag-uwi nila sa kaharian ay agad na inutusan niya ang lahat ng mga kababaihan na magsihanda para sa pagpupugay at sa kanilang kasal. Nagbigay siya ng mga imbetasyon sa lahat ng nasasakupan ng Thallerion. Kinabukasan ay nagsimula na ang mga tugtugan, sa mga sandaling iyon sinimulan na ang kasalan. Lahat ng tao ay nagbunyi at nagdiwang para sa kanilang kasal at sa pag-iisang dibdib nila.

Masaya ang lahat, lalo na kay Xerxez, pakiramdam niya ay bumukas ang kalangitan para siya ay buhusan ng kaligayahan at magandang kapalaran. Makalipas ang buwan, ang kanyang sinisintang si Perlend ay nagdadalang-tao na, kaya't masaya niyang ipinamalita sa buong lupain ng Thallerion at maging sa mga kakilala niya, ang pagbubuntis ng kanyang asawa.

Di nagtagal, ipinanganak nito ang malusog na sanggol, lalaki ang sanggol kaya tuwang-tuwa ang hari sa kanyang pagkakakita. Biyaya ito sa kanila kung kaya't pinangalanan ito ni Xerxez bilang si 'Pyramus' na sumisimbulo sa kanyang maalab na katapangan at sa kanyang kahusayan sa pakikipaglaban. Masaya din si Perlend kasama ang kanyang mag-ama, ngunit ang hindi alam ni Xerxez ay may sakit pala na dinaramdam si Perlend at matagal na niya itong tinatago, tanging ang nakakalam lang ay ang kanyang magulang dahil sa takot ni Perlend na baka siya ay hiwalayan ni Xerxez ay nanahimik na lamang siya at tiniis ang karamdaman subalit ng makalipas ang mga taon ay nahahalata ng humihina na si Perlend.

Umuwi si Perlend sa tahanan ng kanyang mga magulang, ngunit laking gulat ni Pyramia ng makita niya ito, dahil ngayon lamang ito nagparamdam sa loob ng anim na taon na ang pagkakaakala nila'y patay na ito, kaya't sa sobrang lungkot at pangungulila ng ama sa nag-iisang anak ay namatay ito, na asawa ni Pyramia.

Nagkaroon ng masidhing lungkot sa puso ni Perlend nang mabalitaan niya ang kinahinatnan ng ama niya. Parehong may malungkot na balita sila kaya't ng umamin si Perlend na lumalala na ang sakit niya ay napaluha si Pyramia, na tila unti-unting tinutusok ang puso niya sa sakit dahil hindi niya matanggap ang kalagayan ng anak niyang prinsesa. Mismo si Pyramia na lang ang nagsabi kay Xerxez na matagal ng may inililihim ang anak niya. Sa loob ng kanilang pagsasama ay doon palang niya nalaman na malubha na pala ang sakit nito, doon siya nag-alala at nalungkot dahil nagawa nitong ilihim ang lahat ng sakit na kanyang dinaranas. Gusto man niyang sisihin si Perlend ngunit, baka ikasasama pa ito sa kalagayan.

Wala ng magawa si Xerxez sapagkat malubha na ang sakit niya, ngunit kahit lubosan ng lubog sa banig ang kanyang asawa ay hindi parin siya nawawalan ng pag-asa. Doon din natanto ni Perlend ang kanyang kamalian kung hindi sana niya ito itinago baka ngayon ay naagapan pa, nalaman din niyang tunay ang pagmamahal ng hari sa kanya kaya'y sinisi niya ang kanyang sarili, ngunit magkagayo'y huli narin ang lahat para magsisi.

Naghanap si Xerxez ng mga dalubhasang manggagamot at maging ang mga misteryosong bagay ay ginamit nila ngunit wala paring nangyari, lalo tuloy lumala ang karamdaman ni Perlend, tuwing nag-uusap sina Xerxez ay lagi niyang naririnig sa bibig ni Perlend na huwag na raw siya mag-aksaya ng panahon para magamot pa ang sakit niya dahil huli na daw ang lahat, lagi din siya humihingi ng paumanhin kung bakit inilihim niya ito sa kanya.

Umabot sa anim na taon ang paghihirap ni Perlend dahil sa sakit na hindi malulunasan, dahil sa pagsusumikap ni Xerxez ay nadagdagan pa ang buhay ng asawa niya. Ngunit, kalaunan din nanaig parin ang kamatayan at ito'y lubusang namaiwan kaya't tanging ang alaala nalang ng asawa ang hindi namamatay, ito'y laging nananatili't kumikintil hanggang wakas. Anim na taong gulang palamang si Pyramus ng lumisan ang kanyang ina, siya'y walang tigil na umiyak.

Malaki ang pananaghoy at paghihinagpis ng kanyang ama dahil sa pagkamatay ng kanyang minamahal na asawa. Maging ang ina nitong si Pyramia ay lubosang nagsusumamo sa pagyao ng kanyang anak sa mundo, sapagkat nag-iisa na lamang siya, iniwanan na siya ng asawa at pati ng nag-iisa niyang anak ay lahat sila'y patay na.. Mabigat man sa damdamin ni Xerxez, wala na siyang magagawa pa kundi ang tanggapin ang kapanglawan ng buhay.

Sa huling hantungan ni Perlend ay inilagay nila ang labi nito sa lumulutang na balsa at nilagyan ng mga bulaklak at pinaanod sa karagatan, pagkatapos ay sinilyaban ng apoy hanggang sa maging abo ito. Napadpad ito sa malayo hanggang sa lumubog pailalim ng katubigan. Pagkatapos ng mga pangyayari, tila nawala si Xerxez sa kanyang sarili, nagpaka-lasing siya sa mga alak hanggang sa nakaliktaan na niya ang kanyang mga tungkulin maging ang kanyang anak na si Pyramus at pati ng kaharian niya, ngunit mabuti nalang at nan'dyan si Matheros, kapatid niya sa ama, kung wala ay malulugmok ang kaharian nila.

Sa sobrang lungkot ni Xerxez ay nakalimutan niya na may anak pa pala siya na dapat bigyang pansin; sa tuwing nakikita ni Pyramus ang kanyang ama ay palagi niya itong nakikitang nagwawala at wala sa katinuan.

Nararamdaman ni Pyramus na parang galit ang kanyang ama sa nangyari, dulot ng kalasingan ay lagi itong umiiyak sa tabi ng kanyang silid. Hindi niya matanggap ang kamatayan ng kanyang asawa, kaya't dinadaan na lang niya ito sa paglalasing at pagkukulong sa sarili. Naaawa talaga si Pyramus sa labis na panlulupaypay, gusto niyang tulungan ang ama ngunit wala siyang magagawa kundi ang pagmasdan na lamang ang kanyang ama, ibig man niyang makapiling ang ama ngunit iniisip niyang hindi siya mahal ng kanyang ama dahil pinabayaan siya nito.

Tuwing gabi, kapag dinadalaw niya ang kanyang ama sa silid nito ay madalas nakikita niya itong tulala at malayo ang iniisip. Nalulungkot si Pyramus at lumuluha siyang lumapit, hindi iyon napansin ni Xerxez, sa kanyang paglapit, agad na yinakap niya ang kanyang ama. Umiyak ng umiyak si Pyramus habang nakayakap ito ng mahigpit. Ang kanyang mga iyak at tinig ay para bang nagsasabing, 'gising na ama'. Dulot sa mga iyak ni Pyramus, si Xerxez ay nagising at natantu niyang may malaki siyang mali na nagawa iyon ay dahil napabayaan niya ang kanyang anak.

"Anak, paumanhin dahil sa akin, hindi mo naramdaman na may ama na nagmamahal sa'yo."

Lumuha si Xerxez nang makita niya ang mukha ni Pyramus at nariyan pa pala para sa kanya. Hinaplos niya ang mukha nito at minasdan ng maige, napangiti siya ng masilayang malaki na ang kanyang anak na lalaki. Walang ibang magawa si Xerxez kundi ang yakapin ng mahigpit ang kanyang anak at hinalikan sa nuo.

Naging masaya ulit si Pyramus dahil naramdaman na niya ang tunay na pagmamahal ng kanyang ama. Kaya't tuwing gabi, magkatabi na sila matulog. Pinatawad ni Xerxez ang kanyang sarili at bumalik siya sa paglilingkod sa kaharian niya. Bumalik na rin ang tiwala ng mga hari sa kanya at ginawa siyang pinuno upang pamunuan ang mga nasasakopang lahi ng Thallerion.