webnovel

Kabanata 20

Kabanata 20

"Oh, tawagin n'yo na si Zeus," sabi ni Ma'am Helen pagkaupo pa lang niya sa upuan niya.

"E, Ma'am, ayan na po siya, e."

Sabay-sabay kaming napaangat ng tingin nang sabihin 'yon ni Monet. Tumambad nga sa aming harapan si Sir Zeus. Napaawang naman ang labi ko at masayang inilapag ang plato sa tapat ng upuan niya. Mukhang dininig yata ng langit ang dasal ko kagabi.

"Oh, Zeus! Mabuti naman," bati ni Ma'am Helen sa kanya. Tumayo ito at lumapit sa anak para bumeso. "Good morning."

"Good morning, Ma," bati ni Sir Zeus pabalik. At hindi ko napigilan ang paglundag ng puso ko nang makita ang ngiti niya. Bago siya tuluyang maupo ay bumati rin siya sa kuya niya.

"Good morning, prince of mood swings," bati naman pabalik ni Sir Apollo. Good morning at prince lang ang naintindihan ko. Kaya 'di ko alam kung bakit napatawa doon si Sir Zeus.

"Ano, Zeus? Ayos na ba kayo ni Marquita? Nakipagbati ka na ba sa kanya?" sunod-sunod na tanong ni Ma'am Helen habang umuupong muli. Inayos pa nito ang sapin sa hita niya.

"Ma, sino ba talaga sa aming dalawa ni Marquita ang anak mo?" biro naman ni Sir Zeus. "Hayaan mo na siya, Ma. What's important is okay na ako."

"But, Son, I'm just worried dahil kaibigan mo siya," paliwanag naman ni Ma'am Helen.

"Basta, Ma. I'm okay," sabi pa ni Sir Zeus at ngumiti. "Now, let's eat! Kailangan ko ring bumawi."

Napabuntong-hininga na lang si Ma'am Helen at kinuha ang kutsara't tinidor niya. "Fine! Whatever."

"Naku! Mabuti naman at okay na uli si Sir Zeus! Nakakatakot siya 'pag masungit, e," bulong ni Monet, pero dahil magkakalapit kami ay narinig din namin.

"E, ang tanong, okay na kaya sila ni Marquita?" sabi naman ni Manang. "Naku, sayang naman sila."

"Ano ka ba, Manang? Si Sir Zeus ang alaga natin, hindi si Ma'am Marquita," sabi naman ni Ate Bella sa kanya.

"Ang mahalaga ngayon, e, mababawasan na ang stress ni Ma'am Helen.

"Ya, pahingi namang juice," sambit ni Ma'am Helen, kaya lumapit na ako sa mesa at nilagyan ng juice ang baso niya.

Pagkatapos nilang kumain ay pumasok na sa trabaho si Ma'am Helen at Sir Apollo. Si Sir Zeus naman ay nanatili na lang muna sa sala nila at nanood ng laro ng basketball sa TV. Ngayon naman, dahil kakatapos lang naming kumain, ay naglilinis kami ni Danica ng kusina.

"Hmm. Baka matunaw 'yan," sabi ni Danica sa akin. Noon ko lang din napansin na kanina ko pa pala pinagmamasdan si Sir Zeus na nakaupo sa sofa nila at nanonood ng TV.

"Danica naman. . ." sambit ko na lang.

"Edi tumibok-tibok ang puso mo kanina? Nakita mo uli ang ngiti niya!" sabi pa niya.

Natawa naman ako at napailing. "Danica talaga."

"Uy! Aminin!" panunudyo pa niya.

Natawa naman ako. "Oo na nga!"

"Hmm. Kunwari ka pa ha," sabi pa niya sabay tusok sa tagiliran ko. Muli ay natawa ako.

"Ikaw rin naman kaya!" ganti ko naman.

"Oh, ba't naman nalipat sa'kin ang usapan?" tanong pa niya.

"Pero naiisip ko lang, ano na kaya ang nangyari sa kanila ni Marquita?" bulong ko sa kanya.

Napasulyap naman siya kay Sir Zeus, kaya napagaya na rin ako. Pagkatapos ay nagsalita siya, "Alam mo ikaw—" Napatingin siya sa akin. "Bakit ba palagi mo ring iniisip si Marquita?"

"Naiisip ko lang naman kasi," sabi ko na lang.

"Alam mo? Kung ako ha, wala akong pakialam sa Marquita Maldita na 'yan. Tignan mo nga! Ang mahalaga, masaya na ang Sir Zeus natin," sabi niya sabay tingin ulit kay Sir Zeus.

Maging ako ay napatingin din ulit. Nakapatong ang dalawa niyang kamay sa sandalan ng sofa nila. Mukhang tuwang-tuwa rin siya sa pinapanood niya. Napangiti ako. Siguro nga tama si Danica. Ang isipin ko na lang, masaya na si Sir Zeus. Hindi ko na dapat problemahin pa kung nagkabati na ba sila ni Marquita o hindi.

Pagkaraan ng ilang araw, wala nang nangyari pang pag-aaway sa pagitan ni Ma'am Helen at ni Sir Zeus. Hindi na ulit kinulit ni Ma'am Helen si Sir tungkol kay Marquita. Hindi na rin ulit nagsungit si Sir Zeus, at mas ayos na ako doon. Unti-unti na ring nawala sa isip ko kung ano na bang nangyari sa kanila ni Marquita.

Sa isip ko, hinayaan ko na lang din. Kung may problema man sila na 'di ko alam, problema na ni Marquita 'yon. Tsaka, isa pa, hindi na rin naman siya nagpupunta dito, e. Kaya inisip ko na lang na baka ayos na sila.

"Oh, Maureen! Danica!" bati sa amin ni Jacob. "Wala kayong ginagawa?"

"Ano ka ba, Jacob? Kita mong may hawak kaming planggana at laundry basket oh!" Itinaas naman ni Danica ang laundry basket na dala niya. "Kakatapos lang kaya naming magsampay!"

"Gano'n ba? Magpapatulong sana 'ko sa inyo, e. Lilinisn ko kasi 'yung pool," sabi ni Jacob at pumameywang pa siya.

"Kayang-kaya mo na 'yon!" sabi naman ni Danica, pagkatapos ay hinablot ang braso ko. "Halika na nga, Mau! Magpahinga na tayo."

"Teka, saglit!" Pagpigil ni Jacob sa amin. "E, gusto ko lang din naman kasing makamusta at makausap kayo."

Napaharap naman ako kay Jacob, pero itong kasama ko, pusong bato yata talaga. O baka naman nagkukunwari lang? Napangisi ako.

"Bakit, Jacob? Nami-miss mo na ba si Danica?" tanong ko kay Jacob.

"Oo. Kayong dalawa," sagot naman nito.

Napangisi ako. "Miss ka na rin daw ni Danica!"

Noon ay napaharap si Danica na gulat na gulat sa sinabi ko. "Hoy, anong— hindi 'no! Tsaka anong mangangamusta? Hoy, nasa oras pa rin tayo ng trabaho!"

"E, kayo nga ni Maureen, laging nagchichismisan, e," katwiran naman ni Jacob.

"E. . ." Para namang nawalan ng sasabihin si Danica. "Basta!"

"Hay naku, Danica." Hinila ko si Danica papunta sa harapan ko, para mas mailapit siya kay Jacob. "Samahan mo na si Jacob doon sa pool."

"Ano?!" inis na reaksyon niya. Natawa na lang ako.

"Teka, Maureen, hindi ka sasama?" takang tanong naman ni Jacob.

"Ahm. . ." Napakamot ako sa ulo ko. "Ano. . . Tinatamad ako, e. Grabe! Nakakapagod pa lang maglaba?" Umarte-arte pa ako na parang pagod na pagod ako.

"Hoy? Bakit umaarte ka nang ganyan, Mau?" reklamo naman sa akin ni Danica.

"Sige ha! Enjoy!" sabi ko na lang na hindi pinapansin ang pagrereklamo ni Danica sa akin.

Natawa na lang ako habang papasok sa mansyon. Sila naman, doon sila dadaan sa may gilid ng garden. Napangiti na lang ako ng malawak. Tagumpay ako!

Ilang saglit pa lang akong nasa loob ng mansyon ay nakarinig na ako ng tunog ng door bell. Napakamot na lang akong muli sa ulo ko.

"Ba 'yan! Nag-e-enjoy pa 'ko dito, e," bulong ko na lang sa sarili ko.

Pero, wala naman akong magagawa. Lumabas na lamang ako sa mansyon at mabilis na tinungo ang gate. Tumambad naman sa akin si Sir Blake na sakay ng motor niya.

"Ah—Sir Blake? Naku, teka po!" Mabilis kong tinanggal ang lock ng malaking gate at binuksan 'yon. "Pasok po kayo!"

Kaagad naman siyang pumasok sa loob. At nang tuluyan na siyang makapasok ay isinarado ko na kaagad ang gate. Pagkatapos noon ay pinanood ko lang siya habang maayos niyang ipina-park ang motor niya.

Habang nakatingin ako sa kanya ay para bang nabalot ng kaba ang dibdib ko. Hindi ko alam ang dahilan. Pero pakiramdam ko, may masama siyang pakay dito. Lalo akong kinabahan nang muli siyang tumingin sa akin. Doon ko nakita ang madilim niyang ekspresyon. Parang galit.

"S-Sir. . . A-Ano hong kailangan n'yo?" tanong ko sa kanya. Gusto ko nga sanang batukan ang sarili ko. Bakit naman ngayon ko lang naisip tanungin 'yon? Kung kailan napapasok ko na siya.

Ang tanga-tanga mo talaga, Maureen!

"Tawagin mo si Zeus. Sabihin mo nandito ako," mariing sabi niya sa akin.

Nataranta ako kaya napatango-tango ako. "S-Sige po!"

At mabilis akong naglakad papasok ng mansyon. Kaagad ko ring tinungo ang kwarto ni Sir Zeus at kumatok ng ilang beses. Hindi ko na mabilang kung ilan. Natataranta kasi ako, e.

"Maureen," sambit niya pagkabukas niya ng pinto. "What's that?"

"Ah, ano, Sir, may naghahanap po sa inyo sa labas. Si ano po eh. . . Si Sir Blake po," tarantang sabi ko.

Kitang-kita ko ang pagkabigla sa hitsura niya. Bahagyang umawang ang mga labi niya at halos manlaki ang mga mata niya. Mayamaya pa'y nagmamadali siyang bumaba. At ewan ko ba kung ano ang pumasok sa isip ko at sinundan ko siya. Mukha namang hindi na niya napansin.

Pagkalabas sa mansyon ay naabutan namin doon malapit sa gate si Blake na nakapameywang at hinihintay siya. Lumapit si Zeus sa kanya, pero ako ay nanatili na lang sa malayo, pero tanaw pa rin sila.

"Blake, what are you doing here?"

Imbis na tumugon si Blake ay kaagad niyang binigyan ng isang napakalakas na suntok si Sir Zeus.

"Gago!" Minura pa niya ito.

"Sir Zeus!" napasigaw naman ako at dali-daling tumakbo upang daluhan si Sir Zeus.

"Sir! Sir, ayos ka lang?" nag-aalalang tanong ko habang tinitulungan ko siyang tumayo. Pagkatapos ay nilingon ko naman si Blake.

"Bakit mo naman po ginawa 'yon kay Sir Zeus?!" tanong ko sa kanya na halos sigawan ko na siya. Hindi ko na kasi napigilan ang emosyon ko noon. Halos maiyak na rin ako. Ewan ko! Naaawa ako kay Sir Zeus.

"Hoy ikaw!" Dinuro ako ni Blake at saka sinigawan,"Wag kang pakielamera ha? Katulong ka lang!"

Sasagot na sana ako nang maramdaman ko ang paghawak ni Sir Zeus sa braso ko. Ilang sandali pa ay nasa likuran na niya ako. Hinarangan niya ako mula kay Blake. Pagkatapos ay lumingon siya nang bahagya sa akin.

"Maureen, pumasok ka na. 'Wag ka nang makigulo dito," mahinahong sabi niya sa akin.

"P-Pero, Sir. . ." Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko noon. Ni hindi ako makagalaw. Nakikita ko pa ang dugo sa gilid ng labi niya.

"Pumasok ka na!" mariing sabi pa niya.

Kaya wala na lang akong nagawa kung hindi ang tumalikod at lumayo sa kanila. Pero hindi ko siya sinunod. Hindi ako pumasok sa loob ng mansyon. Nagtago ako sa malapit sa pinto, kung saan kita pa sila. May malaking vase na may halaman kasi bago makarating sa pinto ng mansyon.

"Blake, 'wag kang manggulo dito," sabi ni Sir Zeus kay Blake.

"Ikaw ang gumawa ng gulo, Zeus!" Tinulak pa ni Blake si Sir Zeus, pero mabuti at hindi natumba si Sir. Napaatras lang siya nang kaunti. "Alam mo, hindi ko maintindihan sa'yo, e! Bakit gano'n, ha? Pinaasa mo pa si Marquita!"

Pinaasa? Anong pinaasa?

"Huh." Nakita kong napahawak sa beywang niya si Sir Zeus at napailing. "So, nagsumbong sa'yo si Marquita? Akala ko ba lalayuan mo na siya?"

"Oo! 'Yon naman talaga ang gagawin ko, Zeus! Magpaparaya na sana ako! Kaso gago ka, e!" sumbat pa ni Blake sa kanya.

Ngayon naman ay hinawakan nito nang mariin sa balikat si Sir Zeus. Ang mga mata niya ay nanlalaki din dahil sa galit. Ang mga ngipin niya ay parang sa isang asong handang kumagat ano mang sandali. Nakakatakot siya.

Napakunot ang noo ko at napaisip. Ano kayang nangyari? Bakit si Blake naman ang galit na galit ngayon? Hindi ba at siya ang may kasalanan kaya nagkagalit si Marquita at si Sir Zeus?

"Blake, wala kang alam," narinig kong sabi ni Sir Zeus. May diin ang boses niya, pero halata na pinipilit lang niyang maging kalmado.

Napatakip naman ako ng bibig nang makita kong hinila ni Blake ang kwelyo ng damit ni Sir Zeus. "Bakit, Zeus? Ha? Bakit?! Bakit ginawa mo pa lahat nang 'yon kung hindi mo naman pala mahal si Marquita!"

Nagulat ako nang halos matumbang muli si Sir Zeus nang bitawan ni Blake ang damit niya. Pero mas nagulat ako sa narinig ko. Hindi mahal ni Sir Zeus si Marquita? Bakit nagkaganoon?

"You wanna know why? Dahil gusto kong pilitin ang sarili kong mahalin si Marquita," sagot ni Sir Zeus na lalo ko pang ikinagulat. Hindi ko na maitikom pa ang bibig ko dahil sa labas na gulat.

"E, gago ka pala talaga, e!" Akmang susuntukin muli ni Blake si Sir Zeus, pero napigilan niya ito kaagad.

"Pero alam mo? Kahit anong pilit ko, hindi ko magawa! Dahil nandito. . . Nandito mismo ang taong mahal ko," sambit ni Sir Zeus.

N-Nandito mismo? Dito ba sa mansyon? Sino? Naguguluhan na ako sa mga naririnig ko, kaya 'di ko namalayang pinagsusuntok na ni Blake si Sir Zeus.

Parang nawala bigla ang lahat ng kaguluhan sa isip ko nang makita ko ang eksenang 'yon. Wala akong naisip kung hindi ang kawawang si Sir Zeus.

"Sir Zeus!" sigaw ko at kaagad na lumabas sa pinagtataguan ko.

Dahil sa sigaw ko na 'yon ay natigil si Blake, at basta na lang niyang itinulak si Sir Zeus, kaya napahiga pa itong muli sa sahig. Lumayo naman si Blake at sinundan ako ng tingin.

Hindi ko na siya pinansin at kaagad na tinignan kung ayos lang si Sir Zeus.

"Sir Zeus. . . Ang dami mong sugat at pasa!"

Halos manginig at maiyak na ako habang pinagmamasdan ko ang kalagayan niya ngayon. Wala akong magawa kung hindi ang hawakan ang kamay niya at haplusin ang mga pisngi niya. Dahil sa mga oras na 'yon, hindi ko na talaga alam kung ano ang gagawin at iisipin.

"Ito ba? Ito ba ang mahal mo?" dinig kong sabi ni Blake, kaya napatingin ako sa kanya nang masama. Ngumisi naman siya sa akin at muling bumaling kay Sir Zeus. "Pagsisihan mong sinaktan mo si Marquita!"

"Umalis ka na!" sigaw ko kay Blake habang unti-unti nang tumutulo ang luha ko. Naisipan ko ring humingi na ng tulong. "Junard! Jacob! Tulong!"

Unti-unti namang nakatayo si Sir Zeus, kaya tumayo na rin ako mula sa pagkakaluhod sa tabi niya.

"Tandaan mo ang araw na 'to, Zeus. Dahil simula ngayon. . . Wala ka nang kaibigan!" mariing sabi ni Blake bago umalis at tumungo sa motor niya. Pagkasakay doon ay kaagad na rin siyang umalis.

Pinanood lang namin siyang umalis. At siya na rin ang nagbukas ng gate. Naiwan niyang bukas 'yon, dahil humarurot na siya ng takbo.

Matapos 'yon ay hinarap ko si Sir Zeus.

"A-Ayos ka lang po ba?" tanong ko sa kanya.

Bago pa man din siya makasagot ay siya namang pagdating ni Danica at ni Jacob.

"Sir! Maureen! Ano pong nangyari?" tanong ni Jacob.

"Wala na. Tapos na," inis na sabi ni Sir Zeus.

Tinignan ko lang ang dalawa, pagkatapos ay mabilis kong sinundan si Sir Zeus.

"Teka po! Gamutin po natin 'yang sugat n'yo!"

Hindi siya sumagot, kaya nanatili lang akong nakatayo sa may pintuan. Pinanood ko siyang umupo at sumandal sa sofa nila.

"Maureen, ano ba'ng nangyari?" tanong ni Danica nang makapasok siya sa mansyon. Kasunod na rin niya si Jacob.

"Pasensya na ho, Sir, hindi po kami kaagad nakarating," paumanhin ni Jacob.

"Ikaw kasi! Sabi ko, 'wag ka nang mag-radyo!" paninisi pa ni Danica kay Jacob.

Napabuntong-hininga naman ako kaya napatingin sila sa akin.

"Sinugod ni Bla—Sir Blake si Sir Zeus," sagot ko sa kanina pang tanong nila.

Napasinghap si Danica at Jacob. Mayamaya ay taranta namang lumapit si Danica sa harapan ni Sir Zeus.

"Naku, Sir! Sorry po talaga! Nabugbog pa po tuloy kayo! Nalinis nga po namin ang pool n'yo kayo naman po ang nadumihan," sabi ni Danica kay Sir Zeus.

Hindi ko alam kung nagpapatawa ba siya o ano, e. Pero sa mga sandaling ito, hindi ko makuhang tumawa. Naghahalo-halo ang emosyon ko. Nag-aalala ako kay Sir Zeus, ngunit nababagabag pa rin ako ng napakaraming tanong sa isipan ko.

"It's okay," sambit ni Sir Zeus. "Wala 'to. Malayo sa bituka."

"E, Sir! Kahit na po! Ang dami n'yo pong sugat!" sabi pa ni Danica.

"Sige na. Bumalik na kayo sa mga ginagawa n'yo," sabi na lang ni Sir Zeus. Napatingin sa amin si Danica, pero wala rin kaming naisagot ni Jacob. Siguro, katulad ko, hindi rin nila alam ang gagawin.

Tumayo na rin si Danica, at sinenyasan si Jacob na lumapit sa kanya. Kaagad naman iyong sinunod ni Jacob.

"Pasensya na po uli, Sir," sabi ni Jacob at yumuko. "Sige ho, balik na po kami sa pool."

Nakaalis na't lahat ang dalawa, ngunit ako ay nananatili pa rin sa kinatatayuan ko. Ayokong iwan si Sir Zeus. Ayaw ko siyang pabayaan!

"S-Sir. . ." sabi ko at bahagyang lumapit sa kanya.

"Iwan mo na 'ko. Gusto kong mapag-isa," sabi niya sa akin.

Gusto kong umatras dahil sa lamig ng boses niya at dahil sa sinabi niya sa akin. Pero hindi. . . Mas lamang sa akin ang kagustuhan na magamot si Sir Zeus.

"Hindi po kita iiwan hangga't hindi po nagagamot 'yang mga sugat n'yo," buong tapang na sabi ko sa kanya.

Napapikit naman siya at napabuntong-hininga. "Fine."

Itutuloy. . .

Próximo capítulo