// chapter theme song : Kahit Sandali by Jennylyn Mercado
Kabanata 21
"Fine."
Pagkasabi niya noon ay kaagad ko nang tinungo ang cabinet na pinaglalagyan ng first aid kit nila. Pagkakuha ko noon ay tumabi ako sa kanya sa sofa.
"Teka, marunong ka bang manggamot?" tanong niya at napaayos ng upo.
Medyo nasaktan naman ako sa tanong niya na 'yon. Gano'n ba talaga kapag mahirap ka? Mamaliitin ka ng mga tao. Kahit naman ganitong mahirap kami at 'di nabigyan ng edukasyon, may mga kaya pa rin naman kaming gawin. Mga bagay na 'di na kailangan pa ng libro para matutunan.
Pero hindi ko makuhang magalit sa kanya. Nasasaktan ako, oo. Pero mas nangingibabaw pa rin ang pag-alala ko sa kanya. Kaya sa huli ay ngumiti na lang ako.
"Wag po kayong mag-alala. Kaya ko po ito," sagot ko na lang.
Napatango-tango naman siya at ipinatong ko naman ang first aid kit sa mesa nila doon sa sala. Doon ko rin binuksan 'yon para makuha ang bulak at betadine.
"Patingin nga po ng mga sugat n'yo," sambit ko at para bang may sariling isip ang mga kamay ko at dumampi sa malambot niyang pisngi.
Sinuri-suri ko ang mga sugat niya ngunit hindi lang 'yon ang nakita ng mga mata ko. Unti-unti ay para bang nahiwagaan ako at napatingin sa magaganda niyang mga mata. Hindi rin nakaligtas sa paningin ko ang matangos niyang ilong. Ang ganda-ganda. . . Lalo na ang mga labi niyang mapupula at parang ang lalambot. . .
"Marami ba 'kong sugat?" tanong niya kaya naman natauhan ako. Kaagad kong inalis ang kamay ko sa pisngi niya.
"Ah—opo, e," sagot ko. Pagkatapos ay napaupo ako nang maayos. Unti-unti ko nang inilapit ang bulak na may betadine sa mga sugat niya.
Nahihirapan akong ituon ang atensyon ko sa paggamot ng sugat niya. Paano ba naman kasi napakagwapo ng hitsura niya. Paano ba naman ako makakapagpokus n'yan sa mga sugat niya? At sumabay pa ang puso kong parang lumulundag-lundag.
Ngayon lang yata kami nagkalapit nang ganito. Sobrang lapit namin sa isa't isa na ilang pulgada lang ang layo ko sa kanya. Nagkakadikit pa ang mga hita namin. At nakikita ko pa na nakatingin siya sa akin.
Sir Zeus, 'wag ka namang ganyan! Nakakakaba!
"Grabe po siguro talaga ang galit sa inyo ng kaibigan n'yo ano?" nasabi ko na lang habang ginagamot ko ang sugat niya. Para sana mawala ang tensyon na nararamdaman ko. Pero lalo lang lumala.
Sa totoo lang, hindi ko alam kung magagalit ba ako o matutuwa dahil doon, e. Oo, labis-labis ng galit ko kay Blake dahil sa ginawa niya kay Zeus. Pero, hindi ko rin maiwasang isipin na dahil doon ay nagkaroon ako ng pagkakataong makalapit nang ganito kay Sir Zeus.
Kahit pa sabihin na saglit lang 'tong pagkakataon na 'to, masaya na rin ako. Dahil parang abot ko na rin si Sir Zeus. Para bang nabibilang na rin ako sa mundo niya—kahit hindi naman talaga.
"Kasalanan 'to ni Marquita, e," inis na sabi niya.
Bahagya naman akong napatigil dahil doon. Nabawasan kasi ang sayang nararamdaman ko sa pagbanggit niya ng pangalan ng babaeng 'yon. Akala ko sa akin na ang sandali na ito, pero naisingit pa rin talaga siya.
"Ang kulit kasi ng babaeng 'yon, e!" inis na sabi pa niya kaya gumalaw na akong muli.
"B-Bakit po? A-Ano po ba'ng nangyari?" tanong ko sa kanya. Alam kong hindi ako dapat nakiki-usyoso sa buhay niya, pero hindi ko na napigilan ang sarili ko sa pagtatanong.
"Pinagpipilitan niya kasi 'yung sarili niya sa'kin!" inis na sagot niya.
"May dalawang bagay: isang tama at isang mali. Mas masaya ka sa isa, but alam mong mali 'yon. So, ano'ng pipiliin mo?"
"...dapat piliin natin 'yung. . . 'Yung mas makakabuti sa atin. . .kahit pa. . . Makakasakit sa atin."
"So, pa'no kung hindi ka naman masaya?"
"Alam mo, pakiramdam ko talaga, napipilitan lang si Sir Zeus kay Marquita. E, pa'no ba naman kasi! Panay ang tulak ni Ma'am Helen sa kanya!"
Bigla ko namang naalala 'yung tanong sa akin noon ni Sir Zeus tungkol sa tama at mali. Pagkatapos ay sumagi rin sa isip ko ang mga konklusyon ni Danica tungkol doon. Ano nga kayang ibig sabihin no'n? May kinalaman nga kaya 'yon kay Marquita?
"Teka po. . . Ito po ba 'yung tinanong n'yo sa'kin dati? Y-Yung tama at mali?" Hindi ko na napigilan ang sarili ko at nagtanong na ako sa kanya.
Napabuntong-hininga naman siya. Ibinaba ko muna ang kamay ko at hinayaan siyang magsalita.
"Pilit kasi sila nang pilit sa'kin kay Marquita, e. Pakiramdam ko tuloy, iyon 'yung mas tama. Pero iba naman ang mahal ko, e," paliwanag naman niya sa akin.
Iba ang mahal niya? Teka, nabanggit niya kanina na nandito daw ang taong mahal niya! Sino kaya? At ano kaya ang tinutukoy niya na "dito"? Ang mansyon ba o ang Doña Blanca?
"Sino naman po?" Nabitawan ko ang bulak at napatakip sa bibig ko nang maitanong ko 'yon. Mayamaya naman ay nataranta ako at muli kong kinuha ang bulak at betadine. "Ah—N-Naku! Pasensya na po! G-Gagamutin ko na lang po ang mga sugat n'yo."
"Hindi mo na kailangang malaman kung sino," malamig na sabi niya sa'kin.
Muli akong napayuko. "Pasensya na po."
"Ayos lang," sagot niya.
Nang mapatingin ako sa kanya ay nakangiti siya. Kaya napaawang na naman ang mga labi ko at napatanga sa kanya.
"Sa mga oras na 'to, wala akong ibang mapagsasabihan ng saloobin ko. Kaya ayos lang. Mabuti, nandito ka," paliwanag niya sa akin.
Dahil doon ay unti-unti akong napangiti nang malawak. Ibig sabihin noon, natutuwa siya sa presensya ko. At kung kakapalan ko na ang mukha ko, iisipin kong tinuturing na niya akong kaibigan.
"Wala po 'yun, Sir. Sana po, sa susunod, piliin n'yo na po kung sa'n kayo masaya," sabi ko pa sa kanya.
"Alam mo kasi, minsan mahirap din 'yon, e. Lalo na kung alam mong maraming tututol," malungkot na sabi naman niya.
Napatango na lang ako at nagpatuloy sa ginagawa ko. Naging tahimik na rin kami nang mga sandaling 'yon, pero ang isip ko ay ginugulo ng isang tanong : kung hindi niya mahal si Marquita, kung ganoon, sino nga kaya ang tunay niyang mahal? Bakit hindi niya pwedeng piliin ito?
Ilang sandali pa ay natapos na rin kami. Iniligpit ko na ang first aid kit at tinipon ang mga nagamit naming bulak.
"Ayan, Sir Zeus! Tapos na po," sabi ko sa kanya. "Magpahinga na lang po muna kayo."
Nagulat naman ako at halos hindi makagalaw nang hawakan niya ang kaliwang balikat ko. Napaawang pa ang mga labi ko at napatingin nang diretso sa mga mata niya. Kaagad naman akong nailang nang sandaling magtama ang mga paningin namin. Kaya dali-dali akong nag-iwas ng tingin.
"Maraming salamat ha?" sabi niya sa akin.
"Ah, naku, ano, wala po 'yon. Trabaho ko naman po na alagaan kayo," sabi ko at napangiti sa kanya.
Ginantihan naman niya ako ng isang napakatamis na ngiti, kaya halos magwala na naman ang puso ko.
"Sige, akyat na 'ko sa kwarto ko," sabi naman niya, kaya tumango ako. Noon din ay tumayo na siya.
Nang mawala naman siya sa harapan ko ay napakagat ako sa labi ko. Hindi ko na yata kayang pigilan ang labis na tuwang nararamdaman ko ngayon! Hindi ko na mapigilan ang pagngiti nang malawak.
"Ah nga pala. . ."
Nagsalita siyang muli kaya napatayo ako sa sofa para harapin siya.
"Po?" tanong ko, habang nagpipigil ng ngiti.
"Ayoko sanang makarating pa 'to kay Mommy, okay?"
Tumango-tango ako. "Opo."
Pagkatapos naman noon ay tuluyan na siyang umakyat. Naiwan naman ako doon na nakangiti habang pinagmamasdan siya. Hay. . . Hindi ko alam kung ilang segundo o minuto ko ba siyang nakasama. Pero hindi na mahalaga 'yon. Basta, ang alam ko, sobrang saya ko!
Sinong mag-aakala na makakalapit ako nang ganoon kay Sir Zeus? Na mangyayari 'yon! Walang pagsidlan ang sayang nararamdaman ko ngayon. Ni hindi nga naalis ang ngiti sa mga labi ko. Napakagaan sa pakiramdam. Para akong nasa alapaap!
"Ay, 'te? Abot langit ang ngiti?" puna ni Danica. Pagkatapos ay bumulong pa siya, "Ano kayang nakakatuwa sa pagtitiklop ng mga damit?"
"Wala, Danica. Masaya lang ako. Sobrang saya ko," sabi ko sa kanya sabay ngiti pa.
"Hmm. Mukhang nahuhuli yata ako sa balita ah. Anong nangyari?" tanong niya sabay ngisi.
"Ginamot ko kasi ang sugat ni Sir Zeus," sagot ko. Ayos lang naman na magkwentuhan kami dahil kami lang naman ang tao ngayon dito sa kwarto.
"Tapos? Ano pa'ng nangyari?" excited na tanong niya.
"Napag-usapan namin 'yung nangyaring pambubugbog sa kanya ni Blake."
"Tapos?"
"Nasabi niyang hindi niya talaga mahal si Marquita at napipilitan lang siya."
"Tapos? Sige! Ano pa?"
Napaisip naman ako at inalala ang nangyari kanina. Nasabi ko naman na yata lahat ng nangyari. "Hmm. . . Ano pa nga ba? Wala na yata, e."
"Wala na? 'Yun lang?! 'Yun lang ang nangyari?!" paghihisterikal niya.
Napakunot naman ang noo ko. "Bakit? Hindi pa ba okay 'yon? Danica, ang saya-saya ko na nga do'n, e!" Napangiti na naman ako.
"E. . . Hindi ba kayo nag—" Ngumuso siya "—Kiss?"
Lalong napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Pagkatapos ay natawa rin naman ako at napailing. Itong babaeng 'to talaga! Napaka-malisyosa ng utak!
"Danica, ano ba 'yang iniisip mo? Syempre, hindi!" sabi ko sa kanya. "Ang babata pa natin. . ."
"Kala ko naman kasi, e," inis naman na sabi niya. "Pero teka, ano nga uli 'yung sinabi mo?"
"Alin? 'Yung ang babata pa natin?" tanong ko naman sa kanya.
"Hindi!" Umiling-iling siya. "Yung kanina pa. Yung kaninang-kanina."
"Alin do'n?" takang tanong ko naman. Minsan ang gulo rin talagang kausap nitong babaeng 'to.
"Ano nga 'yon? Hindi mahal ni Sir Zeus 'yung maldita na 'yon?"
"Ah!" Naalala kong nasabi ko nga pala 'yon sa kanya. Tignan mo, sa paghahangad niya ng ibang eksena, hindi na niya napansin agad na sinabi ko 'yon. "Yon ang sabi niya sa'kin, e."
"E, pa'no nangyari 'yon?" takang tanong niya pa.
"Hindi ko nga rin alam, e," sagot ko naman.
"Ikwento mo nga!"
Dahil nga kami lang namang dalawa ang nasa kwarto na 'yon, ikinuwento ko na lang sa kanya ang buong pangyayari. Mula sa dumating si Sir Blake, sa pagsasagutan nila, at hanggang sa paggamot ko sa mga sugat at galos ni Sir Zeus.
Mukha rin namang hindi halos makapaniwala si Danica sa mga nangyari. Pati na rin sa mga rebelasyong nalaman namin.
"Para akong nakikinig sa radyo! O kaya nanonood ng teleserye!" reaksyon niya nang matapos ko ang kwento.
"Ano ka ba, Danica? Totoo 'yon. Nahihirapan na nga 'yung tao, natutuwa ka pa," sabi ko naman sa kanya.
"Pero sabi ko na nga ba, e! Hindi niya talaga mahal si Marquita. Buti na lang! Arte-arte pa naman no'n," sabi pa niya.
"Pero sino nga kaya 'yung taong mahal niya, ano? Bakit parang nahihirapan siyang piliin 'yon?" tanong ko habang nakatingin sa isang sulok ng kwarto. Masyadong nababagabag ang isip ko.
"Pa'no kung ikaw pala 'yon?" tanong niya kaya naman kaagad akong napatingin sa kanya.
"Ano ka ba? Hindi ako umaasa ano!" sabi ko sa kanya. "Masyado na yatang makapal ang mukha ko para isipin 'yon."
"Kung lang naman, e!" giit pa niya.
Napabuntong-hininga ako. "Hay ewan! Basta, masaya ako sa nangyari. Na nilabas niya sa'kin ang saloobin niya kahit papa'no. Pakiramdam ko, tinuturing na niya 'kong kaibigan."
"Kaibigan lang? Lungkot naman no'n," reklamo pa niya.
"Bakit? Ganyan ba nararamdaman mo kay Jacob?" tanong ko pa na nang-aasar.
"Galing mo rin, e, 'no?" inis na sabi niya sa'kin. "Halika nga! Tapusin na natin 'to at maghahanda na tayo ng hapunan."
Napangiti na lang ulit ako. Hindi 'yon dahil sa pagbibiro ko sa kanya. Dahil 'yon sa pag-alala ng gwapong mukha ni Sir Zeus kanina. Pati na rin ang mga ngiti niya sa'kin.
Hay. . . Nakakahumaling talaga siya.
Itutuloy. . .