MARAMI nang tao nang makarating sina Jane at Charlie sa entrada patungo sa hardin ng hotel. Halatang magarbo ang gaganaping kasal. Lumapit sila sa isang nakaunipormeng concierge upang iabot ang imbitasyon. Pagkatapos ay tuluyan na silang nagtungo sa hardin.
Halos umawang ang mga labi ni Jane nang makita ang pagkakaayos ng hardin. Magarbo ang disenyo niyon, tila galing sa fairy tale. Pink at white ang motif, ang mga bulaklak na nasa aisle ay may nakaadornong tila mga kumikislap na diyamante. May red carpet pa sa gitna na dadaanan ng bride. Sa itaas ay may mga nakalutang na white paper lanterns. Marami nang bisita ang nakaupo sa mga puti ring silya.
"Talk about grand wedding," narinig ni Jane na usal ni Charlie sa tabi niya.
Tiningala niya ang binata at bahagyang ngumiti. "Sinabi mo pa. Ang ganda, `no? Farah outdid herself this time. Big-time siguro talaga ang mapapangasawa niya."
Napatitig si Charlie sa kanya at tila may naisip. "Gusto mo rin ba na garden wedding?"
Umawang ang kanyang mga labi sa pagkabigla. Mukhang kahit ang binata ay nagulat sa tanong na lumabas sa mga labi nito. Nang magtama ang kanilang mga mata ay napagtanto ni Jane na pareho nilang naisip na may kasunduan ang kanilang mga pamilya na magpapakasal sila. At hindi gusto ni Charlie ang plano na iyon. So asking her about her dream wedding was a little inappropriate.
Si Jane ang unang nakabawi. Tumikhim siya at ngumiti. "No. Kung ako ang papipiliin, mas gusto ko sa simbahan. Mas sagrado ang dating," sagot niya.
Marahang tumango si Charlie at mukha pa ring hindi komportable kaya kumapit na si Jane sa braso nito habang hindi pinapalis ang ngiti. "Tara na at humanap na tayo ng mauupuan. Sa likod na lang tayo," yaya niya.
"Mariano? Charlie Mariano, ikaw ba `yan?" manghang sabi ng boses-lalaki mula sa kanilang likuran nang hinahatak na ni Jane ang binata.
Pareho silang natigilan at sabay pang napalingon. Isang grupo ng bagong dating na mga bisita ang nakita ni Jane. Ang marahil nagsalita ay isang lalaki na mukhang kaedad lang ni Charlie at nanlalaki ang mga mata habang nakatingin sa binata. Maging ang tatlong babae at dalawang lalaki pa na kasama ng tumawag kay Charlie ay nanlalaki rin ang mga mata habang nakatingin sa binata.
"Oh, my God, si Charlie Mariano nga!" bulalas ng isang babae na tila nakakita ng artista.
"Invited ka rin sa kasal ni Dominic? Hindi niya sinabi sa amin," sabi pa ng isang babae na ngayon ay malagkit na ang tingin kay Charlie. Halatang may gusto sa binata.
Dahil doon ay bahagyang naningkit ang mga mata ni Jane at humigpit ang pagkakakapit sa binata. Dahil nakakapit sa braso ni Charlie ay naramdaman niya na na-tense ang binata. Nang tingalain niya ay nakita niyang walang ekspresyon ang mukha nito. Subalit masyado na niyang kilala si Charlie para malaman ang nasa likod ng maskarang iyon. Hindi ito komportable sa mga bagong dating.
Sino kaya ang mga taong ito?
"Charlie?" bulong ni Jane.
Mukhang natauhan naman ang binata at yumuko sa kanya. "Sino ang groom ng kaklase mo?" bulong nito sa kanyang tainga.
Sinulyapan ni Jane ang hawak na imbitasyon at binasa ang pangalan ng groom. "Dominic Mortel."
Napabuntong-hininga ang binata kaya muli siyang napatingala sa mukha nito. "May problema ba?" nag-aalalang bulong niya.
"I know him. Magkaklase kami noong high school," sagot ni Charlie sa resigned na tono.
Namilog ang mga mata ni Jane at napasulyap sa grupo na nakamata pa rin kay Charlie habang nasa mga mukha ang magkakahalong pagkamangha, paghanga, at iba pang emosyon na hindi siya komportable. May pakiramdam siya na hindi maganda ang relasyon ni Charlie sa mga ito kaya na-tense ang binata.
She suddenly felt protective of him, kahit alam niyang hindi kailangan ni Charlie ng proteksiyon dahil kaya nitong ipagtanggol ang sarili. Lalong humigpit ang hawak ni Jane sa braso ng binata at nakangiting bumaling sa mga dati nitong kaklase. "Malapit na yatang magsimula ang seremonya. Mauna na kami sa inyo, ha?"
Hindi na niya hinintay na may magsalita sa grupo. Hinatak na niya palayo si Charlie. Naramdaman niya ang pagtitig sa kanya ng binata kaya napatingala siya. Nakita ni Jane ang pagkabigla at iba pang emosyon sa mga mata ni Charlie na noon lang niya nakita. It was as if he was trying to figure her out or something.
"Bakit?" nagtatakang tanong ni Jane, pagkatapos ay natigilan at bahagyang nataranta. "Oh. Mali ba ang ginawa ko na inilayo kita sa kanila?" pabulong na usal niya.
Sa pagkamangha ni Jane ay may sumilay na ngiti sa mga labi ni Charlie. It was a soft and affectionate smile that took her breath away.
Umangat ang kamay ng binata at marahang pinisil ang kanyang baba. "It's fine." Sa pagkakataong iyon, ito na ang humatak sa kanya.
Natulala kasi siya sa affection na biglang ipinakita ni Charlie sa kanya. Tuloy, kahit tuloy nakaupo na sila ay patuloy pa rin sa tila pagliliparan ang mga paruparo sa kanyang sikmura.
Kumalma lang si Jane nang magsimula ang seremonya. Kahit hindi maganda ang naging relasyon nila ni Farah noon, hindi niya naiwasang humanga sa babae nang maglakad ito sa aisle. Napakaganda ni Farah sa suot na wedding gown. Ang groom na kahit medyo mataas na ang hairline sa noo at may suot na makapal na salamin sa mga mata ay mukha namang mahal na mahal ang babae. Nang magsimula nang magsalita ang magkakasal sa dalawa ay hindi na naiwasan ni Jane ang maging emosyonal. Hindi niya maialis ang tingin sa altar.
Gusto ko ring ikasal nang ganito. I want to say my vows together with the man I love. Please, Lord, make Charlie fall in love with me…
WALA sa seremonyang nagaganap ang isip ni Charlie. Lalo pa at hindi nakaligtas sa kanya ang manaka-nakang pagsulyap ng mga dating kaklase noong high school. Alam niya na imposibleng hindi niya makita uli ang kahit sino sa mga kaklase. Still, he hadn't expected to see them today. Worse, hindi niya inaasahang si Dominic Mortel pala ang ikakasal.
Dominic considered him his mortal enemy back in high school. Palagi silang magkalaban sa rankings pero palaging number two lang si Dominic kay Charlie. Sa normal na private high school lang nag-aral noon si Charlie dahil na rin sa kagustuhan ng kanyang lolo. Ayaw ni Lolo Carlos na palakihin silang magkakapatid sa mga exclusive institution dahil hindi raw sila matututo kung sa ganoon sila mag-aaral. Kaya noong high school, si Charlie ang pinakamayaman sa kanilang buong school. At alam iyon ng lahat ng estudyante at kanyang mga guro. His high school life had been hell because of it.
Ipinilig ni Charlie ang ulo upang ibalik sa kasalukuyan ang isip. Napabuntong-hininga siya. No need to think back on the past, it was all a very long time ago. Hindi siya ganoon ka-sentimental para magbalik-tanaw sa nakaraan. Mas mahalaga sa kanya ang hinaharap.
Hinaharap… Sa isiping iyon ay napasulyap siya kay Jane na tahimik na nakaupo sa tabi niya. Natigilan siya nang mapatitig sa mukha ng dalaga na titig na titig sa altar. There was a glint of sadness and wistfulness in her eyes. Parang may sumuntok sa kanyang sikmura dahil sa ekspresyong iyon sa mukha ng dalaga.
She really wanted to get married. Nakikita iyon ni Charlie. Subalit alam niya na hindi niya iyon maibibigay kay Jane. Ni wala nga sa kanyang list of priorities ang pag-aasawa. Makakagulo lang iyon sa kanyang mga ambisyon sa buhay. Building a law firm was not an easy task. Kailangan niyon ng dedikasyon at buong atensiyon. And Jane was starting to consume his time and concentration. Kahit ayaw ay naiisip niya ang dalaga. Kahit kung tutuusin ay may meeting dapat siya sa araw na iyon ay ipina-set niya sa ibang date dahil hindi siya nagdalawang-isip na pumayag na sumama kay Jane sa araw na iyon.
She would be better off finding a man who will marry her. Siguradong maraming lalaki ang gugustuhing pumalit sa posisyon ko ngayon bilang fiancé niya.
Ngunit nang maisip naman iyon ni Charlie ay may namuong pagrerebelde sa kanyang dibdib. Wala sa loob na naikuyom niya ang mga kamay. Noon tila napansin ni Jane ang atensiyon niya dahil bigla itong sumulyap sa kanya. Nagtama ang kanilang mga mata. Namilog ang mga mata ng dalaga at namula ang mukha na tila napahiya.
"K-kanina ka pa ba nakatingin?" bulong nito.
Marahil ay nahihiya ang dalaga na nakita ni Charlie ang ekspresyon sa mukha nito habang nakatingin sa altar. Napansin niya na hindi siya pine-pressure ni Jane. Kapag napupunta na sa nakakailang na topic ang usapan nila, katulad kanina nang hindi napigilan ang sariling itanong kung gusto ni Jane ng garden wedding, ang dalaga ang unang nag-iiba ng usapan. Na para bang sa sarili nitong paraan ay sinasabing hindi siya pine-pressure.
Subalit alam ni Charlie na hindi niya maaaring palaging samantalahin ang likas na kabaitan ng dalaga. Kaya hindi maaaring lumampas ng dalawang buwan ang kanilang ugnayan dahil kapag tumagal pa ay masasaktan lang niya ito nang husto. He could not marry her, but he did not want to hurt her.
"Charlie?" tawag ni Jane, nasa tono ang pagtataka.
Ipinilig ni Charlie ang ulo at bahagyang umiling. "Don't mind me," sabi na lang niya.
Ilang sandaling nanatiling nakatingin lang sa kanya ang dalaga bago marahang tumango at ibinalik ang tingin sa patapos nang seremonya. Ibinalik na rin niya ang tingin sa mga bagong kasal. Napabuntong-hininga siya nang maisip na may reception pa silang kailangang puntahan at siguradong lalapitan siya ng mga kakilala.
He hated himself back in high school, when he tried to be accommodating kahit pa alam niyang nasasamantala at sinasaksak siya sa likod ng mga taong lumalapit sa kanya. Ang karanasan niya noon ang dahilan kung bakit may itinatag siyang pader sa kanyang sarili at umiwas na mapalapit sa kahit na sino nang basta-basta. Kaya wala siyang balak magkunwari na masayang makita ang mga dating kamag-aral. Pero ayaw niyang mag-alala si Jane kaya titiisin niya ang ilang oras na ilalagi sa reception. Staying with her at a time like this was the least he could do for her.