GULAT na gulat ang mga dating kaklase ni Jane nang lapitan siya ng mga ito. Nasa reception na sila at abala pa ang mga bagong kasal sa pictorials at kung ano-ano pa kaya hindi pa sila nakakalapit kay Farah.
"Blooming ka, Jane, ha? Dahil ba sa lalaking kasama mo?" tudyo ni Terry.
Nag-init ang mukha ni Jane pero ngumiti lang. Saglit kasing nagpaalam si Charlie dahil may natanggap itong tawag kaya wala sa tabi niya ang binata. Tinanong din ng mga dating kamag-aral kung bakit hindi pumunta si Cherry at ipinaliwanag niya sa mga ito na may kailangang asikasuhin ang kaibigan. Hindi na lang niya binanggit na may anak na si Cherry dahil siguradong magtatanong ang mga ito kung sino ang ama. Pero hindi na rin naman nagkaroon ng pagkakataong magtanong ang mga dating kamag-aral dahil naagaw na ang atensiyon nila ng paglapit ni Farah kasama ang groom nito.
"Hello, everyone. Masaya akong nakarating kayo. This is my husband. He's a very successful businessman. That's why we were able to have this grand wedding," proud na bulalas ni Farah, pagkatapos ay isa-isang bineso ang mga dati nilang kamag-aral. Subalit nang makalapit na ito kay Jane ay bahagya itong napaatras at tila nagulat. "Wow, plain Jane, nakarating ka pala. `Good to see you."
Kahit nakangiti ay bahagyang dumiin ang pagkakalapat ng mga labi ni Jane dahil sa pagbanggit ni Farah ng tawag nito sa kanya upang asarin siya noon. Napagtanto niyang hindi maganda ang dahilan ni Farah kung bakit siya inimbitahan nito.
"Of course, imposibleng hindi ako magpunta. This is your wedding, after all," sabi na lang niya.
Lalong naging mapang-inis ang ngiti ni Farah. "Yes, well, bilang bisita ka lang naman kasi makaka-attend ng weddings. I bet you're still single, right? Wala kasi akong nabalitaang ikinasal ka na, plain Jane."
Naramdaman ni Jane ang tensiyon ng mga dati nilang kaklase pero hindi niya inalis ang tingin sa mukha ni Farah. Bakit ba may mga ganitong klase ng tao? Kahit mukha namang nasa kanila na ang lahat, gumagawa pa rin ng paraan upang makasakit ng kalooban ng iba?
Gusto ko nang umuwi. Hindi ko kayang makipagsabayan ng plastikan sa babaeng ito.
Tila sagot sa hiling ni Jane ang presensiyang bigla niyang naramdaman na lumapit sa kanila. Lumampas sa kanya ang tingin ni Farah at ng asawa nito na nanlaki ang mga mata. Pagkatapos ay naramdaman ni Jane ang pamilyar na init ng braso na pumaikot sa kanyang baywang. Nahigit niya ang hininga at napatingala kay Charlie na nakayuko sa kanya at tila walang pakialam sa mga tao sa paligid.
"I'm sorry to cut your reunion short, sweetheart, but I think we have to go. I need to go back to the firm, sabi ng sekretarya ko," sabi ng binata.
Umawang ang mga labi ni Jane at hindi kaagad nakapagsalita. Sweetheart? Iyon ang unang beses na ginamitan siya ni Charlie ng endearment.
Humarap si Charlie kay Farah at sa groom nito. "Congratulations."
Tila namamalikmata pa rin si Farah na ibinuka ang mga labi pero hindi nakapagsalita. Si Dominic naman ay namutla habang nakatingin kay Charlie.
"B-bakit ka nandito?" manghang bulalas nito.
Suminghap si Farah at bumaling sa asawa. "Kilala mo siya?"
Umangat ang gilid ng mga labi ni Charlie subalit napansin ni Jane na humigpit ang braso nito sa kanyang baywang. "Sinamahan ko lang dumalo sa kasal na ito ang girlfriend ko. Hindi ko alam na kasal mo ito, Mortel. Congratulations. Hindi na kami magtatagal pa. Enjoy your special day."
Iyon lang at hinila na siya ni Charlie patalikod sa mga bagong kasal at iginiya palayo. Nang muli siyang tumingala sa binata ay nakita niyang nakatiim na ang mga bagang nito at tila galit na galit. Nakaramdam siya ng pag-aalala. "Charlie? May nangyari ba? You look angry," mahinang puna niya nang makalabas sila ng venue ng reception at nasa tahimik na hallway na ng hotel.
Ilang metro pa ang nilakad nila bago bumuga ng hangin si Charlie at inis na huminto sa paglalakad. Humarap ang binata kay Jane. "That woman was mocking you! Paano ako hindi magagalit? I don't understand why she invited you if she was just going to make fun of you like that."
Napamaang si Jane sa galit na nasa mukha ng binata. Pagkatapos ay may humaplos na init sa kanyang puso at hindi niya naiwasang mapangiti. "Nagagalit ka para sa akin?" usal niya.
Kumunot ang noo nito. "Yes. Bakit ka nakangiti?"
Lumuwang ang kanyang ngiti at hindi na nakatiis, yumakap siya kay Charlie. Natigilan ang binata at tila ipinako sa kinatatayuan pero humigpit pa ang yakap niya rito. "Salamat. For getting angry on my behalf. Pero okay lang ako. Sanay na ako sa ugali ni Farah. Mali rin ako. Dapat ay hindi na ako nagpunta. Dapat ay hindi ko na lang pinansin ang imbitasyon ni Farah dahil alam ko ang ugali niya. Idinamay pa kita sa pagpunta rito at nakita mo ang mga taong sa tingin ko ay ayaw mong makita. Sorry, Charlie," usal niya sa balikat nito.
Humugot ng malalim na hininga ang binata at naramdaman niyang pumaikot din ang mga braso nito sa kanyang katawan at gumanti ng yakap. "Never mind. Huwag na natin silang isipin."
Ilang segundo ang lumipas bago marahang kumalas si Jane at tumingala kay Charlie. Alanganin siyang ngumiti. "`Kaso umalis tayo nang hindi pa kumakain. Nagugutom na ako."
Bahagyang natawa ang binata. "Then let's just go on a proper date this time. May restaurant sa top floor ng hotel na ito."
"Ha? Pero akala ko ba, kailangan na nating umalis dahil tumawag sa `yo ang sekretarya mo?" nagtatakang tanong niya.
"Hindi `yon importante. May ibinalita lang siya sa aking dumating na matagal ko nang kakilalang abogado. Let's go."
Hinawakan ni Charlie ang kanyang kamay at hinatak siya. Nakangiti at sabik na nagpahila siya sa binata. After all, mas gusto niyang makasama si Charlie kaysa magtagal pa sa reception ng kasal ni Farah.