"STAGE play? Ang bilis mong nakapag-isip ng gagawin, ah," sabi ni Charlie kay Jane na kausap niya sa cell phone habang papasok siya sa common area ng Bachelor's Pad. Dahil hindi masyadong maingay sa lugar nang gabing iyon kaya hindi na siya lumabas at doon na sinagot ang tawag ng dalaga. Nahagip ng tingin niya sina Rob, Ross, Jay, at Keith na nasa mahabang sofa kaya naglakad siya palapit sa mga ito.
"Matagal ko na kasing gusto panoorin `yon. May nagbigay sa akin ng tickets," sabi ni Jane sa kabilang linya. "Ahm… ayaw mo ba?" Naging alanganin ang tinig nito.
Katulad noong huli silang nag-usap, para na namang may kumudlit na guilt sa dibdib ni Charlie. Hindi pa rin niya alam ang sagot kung bakit palagi siyang nakakaramdam ng ganoon pagdating kay Jane kahit hindi naman niya iyon dating nararamdaman kahit kanino. Dapat ay matigil na iyon. After all, sa mga balak niyang gawin sa susunod na dalawang buwan, dapat ay walang puwang ang guilt. Iyon lang ang paraan para tuluyan na siyang tigilan ni Lolo Carlos.
"No, okay lang sa akin. I'll call you the day before the play," sagot niya.
"Okay."
Kahit hindi nakikita ang dalaga, alam niya na tila nakahinga ito nang maluwag. He could even imagine her soft smile and the light dancing in her innocent eyes. Ipinilig niya ang ulo upang pawiin ang imaheng iyon sa kanyang utak.
"Sige, bye na. See you next week." Iyon lang at pinutol na ni Jane ang tawag.
Saglit na napatitig si Charlie sa kanyang cell phone bago huminga nang malalim at ibinulsa iyon.
"Charlie, may problema ba? Masyadong seryoso ang mukha mo," nagtatakang puna ni Jay na pumukaw sa kanyang atensiyon.
Tuluyan siyang sumalampak ng upo sa sofa at sumandal sa backrest. "Walang problemang hindi ko kayang solusyunan," sagot niya.
"Kliyente mo ba ang kausap mo?" tanong naman ni Ross na kapag ganoong weekday na lang nila nakikita roon. Kapag weekend, pinupuntahan nito ang girlfriend na nag-aaral sa Cebu.
Girlfriend. Marahil iyon din si Jane sa kanya ngayon. They would be dating for two months after all. Marahil sa iba, mabilis lamang ang dalawang buwan. Subalit sa buong buhay ni Charlie, wala pa siyang naging relasyon sa kahit sinong babae na tumagal ng dalawang buwan. He was not the type to nurture relationships. Sa totoo lang, hindi niya alam kung bakit napapayag siya ni Jane sa ganoong setup.
Siguro, dahil nakita niya kung gaano katinding lakas ng loob ang kinailangan ng dalaga para i-suggest iyon. Namumula ang mukha nito at hindi nakaligtas sa kanya ang bahagyang panginginig ng mga kamay habang nagsasalita. At kahit akala ni Charlie ay matigas na ang loob niya sa mga ganoong eksena, pakiramdam pa rin niya nang mga sandaling iyon ay may sumusuntok sa kanyang sikmura habang pinagmamasdan si Jane. Ang sunod na lang niyang nalaman, pumayag na siya sa two-months dating setup.
"Nope. Hindi ko kliyente. I guess you could call her my girlfriend," sagot ni Charlie. At least for two months.
"Girlfriend?" sabay na bulalas nina Ross at Jay na halatang gulat na gulat. Kahit si Rob ay umangat ang mga kilay at si Keith ay nag-angat ng tingin mula sa laptop.
"Ikaw? Magkaka-girlfriend? Anong kalokohan `yan?" gulat pa rin na sabi ni Jay.
"Hey, Jay, that's rude. Lahat ng lalaki, darating sa punto na makakakilala ng babaeng seseryosuhin nila. Tingnan mo nga sina Rob at Ross," saway ni Keith.
Napaderetso ng upo si Charlie sa sinabi ni Keith. Being compared to Rob and Ross, who were now both grinning stupidly, made him uncomfortable. Hindi katulad nang sa dalawa ang sitwasyon niya. Hindi iyon magiging ganoon. "Sino'ng maysabi na seryoso ako?" medyo inis na bulalas niya.
"And what do you mean by that?" nagtatakang tanong ni Rob.
Napabuga siya ng hangin at sinuklay ng mga daliri ang buhok. "Kailangan ko lang siyang pagbigyan sa loob ng dalawang buwan para umatras siya sa kasal na gusto ng mga pamilya namin. She's my so-called fiancée." Sinabi niya sa mga ito ang kinasusungang sitwasyon at napatitig lang sa kanya ang apat na lalaki hanggang matapos siya sa paglalahad.
"Pero pumayag ka sa gusto niya? Ikaw na mas gustong nasusunod kaysa sumusunod? Why?" nagtataka ring tanong ni Jay.
Natigilan si Charlie. Hindi niya puwedeng sabihin ang tunay na dahilan kung bakit siya napapayag. Ikinumpas niya ang kamay. "I just wanted to get the conversation over and done with it. Besides, hindi naman ako basta magpapadala lang sa mga gusto niyang mangyari. Sa loob ng dalawang buwan, ipapakita ko sa kanya na hindi ako ang lalaking nababagay na maging asawa niya. I'm going to show her the worst kind of man she's ever going to meet. Sa ganoong paraan, baka nga hindi na tumagal ng dalawang buwan ang setup namin. Mas mabilis siyang aatras sa kasal, mas mapapabilis ang pagbalik sa normal ng buhay ko," katwiran niya.
Napatitig sa kanya ang apat.
"Wait, huwag mong sabihin na sasadyain mong pasakitan ang isang inosenteng babae para umatras siya sa kasal ninyo?" manghang tanong ni Keith.
Nagkibit-balikat si Charlie dahil iyon ang balak niyang gawin.
"Bakit hindi mo na lang siya pakasalan? Sa ganoong paraan, makukuha mo ang mana mo," katwiran ni Jay.
Umiling siya. "Sagrado ang kasal sa pamilya ko. Once you say your vows, hindi mo na `yon mababawi. She will be bound to me forever and believe me, she will become miserable in the long run. Ayoko lang siyang bigyan ng delusions tungkol sa akin ngayon pa lang. I cannot handle a relationship right now. Hindi siya ang magiging priority ko at hindi ko alam kung kailan pa iyon mangyayari. Maybe never. Objectively speaking, I think she's a nice girl. I don't want to corrupt that sort of girl."
Natahimik ang apat na lalaki at napatitig lang sa kanya.
Kumunot ang kanyang noo. "What?"
Si Rob ang unang nagsalita. "Well, kung naiisip mo ang mga ganyang bagay, then maybe you can still be saved, Charlie. Go and date that girl. Baka magbago ang isip mo bago matapos ang dalawang buwan," nakangiting sabi nito. "Ahm, pero huwag mo akong uunahang magpakasal, okay? Nasa planning stage na kami ni Daisy kaya dapat mauna kami."
Sina Rob, Ross, at Keith ay kapwa mga nakangiti na para bang may alam na hindi niya alam. Si Jay naman ay napapailing at kung tingnan siya ay parang naaawa sa kanya na hindi mawari.
Napasimangot si Charlie sa reaksiyon ng mga ito. Nakaramdam siya ng inis, tumayo at nag-walk-out.