KABADONG-KABADO si Jane. Iyon ang gabi na muli silang magkikita ni Charlie para manood ng stage play. Nag-usap sila sa cell phone kahapon at napagdesisyunan nilang susunduin siya ng binata sa bahay nila.
Tiningnan niya ang sarili sa salamin. Ang dating mahaba at itim niyang buhok ay pinabawasan nila ni Cherry nang kaunti. Pinalagyan din niya ng brown highlights at pina-cellophane. Nagpa-spa rin sila ng kaibigan kahapon kaya mas makinis nang tingnan ang kanyang kutis kaysa dati. Pinaayos din nila ang kanilang mga kilay at sa tulong ng kaunting eyebrow pencil ay mas nagmukhang defined.
Nakamamanghang isipin na sa kaunting pagbabago lang ng buhok at tamang paglalagay ng makeup ay parang nag-iba ang hitsura ni Jane. Sa tingin niya ay lumabas ang kanyang ganda. Medyo nadagdagan ang kompiyansa niya sa sarili.
Napaigtad si Jane nang tumunog ang kanyang cell phone. Sumikdo ang kanyang puso nang makitang si Charlie ang tumatawag. Huminga muna siya nang malalim bago sinagot ang tawag. "Charlie?"
"Hey. Nasa labas na ako ng bahay ninyo. Should I go in?" tanong ng binata sa baritonong boses.
"Ah, hindi na. Lalabas na lang ako," mabilis na sagot niya. Wala rin naman kasi sa bahay ang kanyang mga magulang. Umalis ang dalawa at kung saan nagpunta ay hindi niya alam.
"Okay. I'll wait for you."
Nang tapusin ni Charlie ang tawag ay napangiti si Jane. Kinikilig pa rin siya kapag naiisip na nakakausap niya nang ganito ang binata. Parang kailan lang, ni hindi alam ni Charlie na nag-e-exist siya. Subalit ngayon, nakakausap niya ito sa phone at makaka-date pa linggo-linggo.
Nakangiti pa ring lumabas siya ng silid at dumeretso palabas ng kanilang bahay. Nakita kaagad niya ang binata na nakasandal sa gilid ng sasakyan nito. Pormal pa rin ang kasuotan ni Charlie subalit wala nang suot na coat at ang mga manggas ng polo ay nakatupi hanggang siko. Nakabukas din ang unang dalawang butones ng polo nito. Sa mga mata ni Jane, mas guwapo ang binata kapag ganoong hindi masyadong pormal tingnan. Sa katunayan, pinakagusto niya si Charlie noong mga bata pa sila, kapag nakikita niya ito sa mansiyon ng mga Mariano na nakasuot lang ng simpleng T-shirt at kakhi shorts at ang alon-along buhok ay hindi naka-set na gaya ng palaging hitsura nito ngayon.
Bumalik sa kasalukuyan ang atensiyon ni Jane nang magtama ang mga mata nila ni Charlie. Nahigit niya ang hininga. Wala sa loob na bumagal ang paglalakad niya palapit dito. Lalo na nang makita niya ang saglit na pagkagulat sa mukha ng binata na agad din namang nawala. Humagod ang tingin ni Charlie sa kanyang kabuuan at muling bumalik sa mukha niya. Nag-iinit pa rin ang kanyang mga pisngi at parang may humahalukay sa sikmura niya nang makalapit dito.
Bahagyang ngumiti si Jane. "Hi."
Nanatiling nakatitig lang ang binata sa mukha niya. "You've changed your hair," mayamaya ay puna nito.
Magsasalita pa lang sana si Jane subalit tila bumikig sa lalamunan niya ang mga salita nang umangat ang kamay ni Charlie at marahang sinuklay ng mga daliri ang kanyang buhok. Nang kaunti na lang ay nasa dulo na ng mga hibla ang mga daliri ay ikinuyom nito ang kamay, gripping her hair lightly. Hinuli ng mga mata ni Charlie ang kanyang tingin.
"You did this for me?" halos pabulong na tanong ng binata.
Pakiramdam ni Jane ay kakapusin siya ng hangin sa bilis ng tibok ng kanyang puso. "Yes," ganting bulong niya.
His eyes darkened. Nabasa niya roon ang emosyong saglit na nakita noong huli silang nag-usap. Noong pinag-uusapan nila kung ano ang kanilang gagawin sa loob ng dalawang buwan at naging intimate ang usapan.
Namilog ang kanyang mga mata nang yumuko si Charlie at ginawaran ng halik ang buhok niyang nasa kamay pa rin nito.
"Sweet Jane," usal ng binata na tila sarili lamang ang kausap. Humampas ang hininga nito sa kanyang leeg.
She could feel the kiss right down to the roots of her hair and the tips of her toes. May palagay rin siya na naririnig at nararamdaman ni Charlie ang mabilis na tibok ng kanyang puso.
"Charlie…" Pakiramdam ni Jane ay naging pagdaing ang kanyang tono at hindi siya makapaniwalang nanggaling sa kanya.
Nag-angat ng tingin ang binata at muling nagtama ang kanilang mga mata. Hindi niya alam kung ano ang nabasa ni Charlie sa kanyang mga mata subalit sa kung anong dahilan ay napakurap ito at tila nagising na dumeretso ng tayo at binitawan ang kanyang buhok. Nag-iwas din ito ng tingin. "Well, let's go," kapagkuwan ay tumalikod upang buksan ang pinto ng front passenger seat. "Get in."
Tumalima si Jane na mabilis pa rin ang tibok ng puso. Nang makaupo na siya at maisara na ni Charlie ang pinto ng sasakyan ay wala sa loob na napahawak siya sa kanyang buhok na kanina lamang ay hinalikan ng binata. Huminga siya nang malalim upang kalmahin ang sarili. Nang mapatingin sa bintana sa gawi ng driver's seat, nakita niyang huminga muna nang malalim si Charlie bago buksan ang pinto. Para bang maging ang binata ay kinakalma ang sarili. Ibig bang sabihin, hindi lang siya ang naapektuhan ng sandaling namagitan sa kanila kanina?
Pakiramdam ni Jane ay may nagliliparang paruparo sa kanyang sikmura. Nang buksan ni Charlie ang pinto sa driver's seat ay mabilis siyang nag-iwas ng tingin. Walang salitang binuhay ng binata ang makina ng sasakyan at pinaandar palayo sa lugar na iyon.
MARAMI nang tao nang dumating sina Jane at Charlie sa Resorts World subalit hindi pa naman nagsisimula ang palabas. Medyo nakaramdam lang ng pagkailang si Jane dahil halos lahat ng nadadaanan nila ni Charlie ay napapatingin sa kanila. O mas tamang sabihin na ang mga babaeng naroon ay napapasunod ang tingin sa binata. Pasimpleng sinulyapan niya ang kasama na tila walang pakialam sa atensiyong nakukuha. Sa katunayan, para ngang sanay na sanay ito roon.
Napabuntong-hininga si Jane, na naging singhap nang biglang maramdaman ang braso ni Charlie sa kanyang baywang at hinigit siya palapit sa katawan nito upang iiwas sa isang lalaki na dapat ay makakabangga sa kanya.
"Be careful," usal ng binata sa kanyang tainga.
Sumikdo na naman ang puso ni Jane at marahang lumayo upang tumayo nang maayos. Inalis ni Charlie ang braso nito sa kanyang baywang. Napatingala siya nang hawakan ni Charlie ang kamay niya at ipinaikot iyon sa isang braso nito.
"Hold on to me hanggang makapasok tayo."
"Okay," naiusal niya at hinigpitan ang kapit sa braso ni Charlie, halos payakap na. Saglit na napatitig ang binata sa kanyang mukha bago marahang tumango at inakay na siya sa entrance ng theater.
Napangiti si Jane nang malamang malapit sa stage ang puwesto nila. Maaasahan talaga si Cherry pagdating sa ganoon. Nakaupo na sila ni Charlie at hinihintay ang pagsisimula ng palabas nang maramdaman niyang na-tense ang binata.
"Damn," mahina ngunit marahas na bulong nito.
Nagtatakang napatingala siya sa mukha ni Charlie. May tinitingnan ito sa kung saan.
"Hindi mo sinabi sa akin na nandito rin ang mga magulang mo."
Gulat na napakurap siya. "Ano'ng sinasabi mo?"
Tumingin ang binata sa kanya na bakas ang frustration sa mukha. "At nandito rin ang buong pamilya ko. Did you plan this?" nanggigigil na tanong nito.
Namilog ang mga mata ni Jane at napatingin sa direksiyong tinitingnan kanina ni Charlie. Umawang ang kanyang mga labi sa pagkabigla nang makita ang mga magulang niya at ang buong pamilya ni Charlie kasama si Cherry. Sumulyap sa direksiyon nila ang kaibigan niya at nang magtama ang mga mata nila ay nag-thumbs-up pa ito at ngumisi bago muling nagbawi ng tingin na para bang walang nangyari.
Nabuo ang realisasyon sa kanyang isip. My God, pinlano talaga ito ni Cherry.
"H-hindi ko alam na nandito rin sila!" manghang sambit ni Jane, ibinalik ang tingin sa binata na titig na titig sa kanya. Sinalubong niya ang mga mata nito. "I swear, hindi ko alam." May bumikig sa kanyang lalamunan at nagbaba siya ng tingin nang ma-realize kung bakit ganoon ang reaksiyon ni Charlie na makita roon ang kanilang mga pamilya. Marahil ay ayaw ipaalam ng binata sa pamilya nito ang tungkol sa kasunduan nila; dahil talagang wala pa rin itong balak na pakasalan siya. Pagkatapos ng dalawang buwan, magpapaalam na si Charlie sa kanya na parang walang nangyari.
"I'm sorry kung hindi ka komportable na makita ka nilang kasama ako," usal ni Jane. Sa susunod, hindi na niya hihingin ang opinyon ni Cherry para sa date nila ni Charlie. Siya na ang mag-iisip at magdedesisyon na mag-isa.
Humugot ng malalim na hininga si Charlie. "Hindi mo kailangang humingi ng tawad."
Tumango si Jane pero hindi pa rin nag-angat ng tingin. Napasinghap siya nang maramdaman ang paglapat ng kamay ng binata sa kanyang baba at marahang iniangat ang kanyang mukha hanggang magtama ang kanilang mga mata.
"Nagulat lang ako na makita sila rito. But it's fine. Let's just enjoy the show, okay?"
Seryoso ang boses ni Charlie pero may nahimigan si Jane na kaunting suyo sa tinig ng binata. May palagay siya na mismong ito ay hindi iyon napansin. Bahagya na siyang napangiti dahil may munting init na humaplos sa kanyang puso dahil doon. "Okay," sagot na lamang niya.