webnovel

KABANATA 29

IKA-15 NG OKTUBRE

MAAGA MULI KAMING nagsanay sa paghihiwalay ng kaluluwa ko sa aking katawan. Nag-focus ako at 'di ko hinayaang mawala ang malay ko sa mga nangyayari. Ang pagpapatagal ng kaluluwa ko sa labas ng aking katawan at ang misyon kong makuha sa multong si Emelia ang bulaklak ng sunflower upang tuluyang buhayin si Sunshine ang nasa isip ko. Pero wala pa man, bumalik din agad ako sa katawan ko. Tumagal lang akong kaluluwa nang mga isang minuto o lagpas pa. At sobra akong nanghina – mas malala kaysa kahapon.

***

MARAMING LAKAS ANG nauubos ko sa paghihiwalay ng kaluluwa at katawan ko. Malakas ang puwersang kailangan para magawa ko 'yon. Kaya sabi ni Cecilia, hindi lang dapat ang isip ko ang handa, maging ang katawan ko. Kinabukasan, hindi muna kami nagsanay para maihanda ang sarili ko sa susunod na mga araw.

Pero sa sumunod na araw, hindi pa rin ako tumagal sa labas ng katawan ko. Pero kahit paano, nagawa ko nang makapaglakad sa sahig at nasubukang pahabain ang mga kamay ko na maari kong magamit sa pagkuha ng bulaklak kay Emelia. Kinabukasan, umabot ako ng lagpas tatlong minuto na isang kaluluwa. Marami na akong nagagawa tulad ng pagtagos sa pader. Pero ang sabi ni Cecilia, higit sa mga kakayahang iyon ang dapat kong pagsanayan, ang patagalin ang kaluluwa ko sa labas ng aking katawan. Dahil oras ang kalaban namin. Sa pagbalik ng kaluluwa ko sa dalawang araw na pagsasanay na iyon, sobrang panghihina pa rin ang nararanasan ko. Maaring hindi pa raw ganoong kahanda ang katawan ko, kaya hindi rin nagtatagal sa labas ang aking kaluluwa. Kaya ipinagbawal ni Cecilia na hawakan ko si Sunshine. Alam niyang nagdudulot iyon ng panghihina sa aking katawan. Pasaway siyang anak! Pinagbabawalan niya ang tatay at nanay niyang maglambingan!

***

IKA-19 NG OKTUBRE

PAGDILAT KO, ISA na akong kaluluwa. Agad akong lumapag sa sahig. May pagsasanay kaming gagawin – maglalaban kami ni Mang Pedro, para paghahanda sa paghaharap namin ng multong itim na si Emelia. Bukod sa pagsasanay kong patagalin ang kaluluwa ko sa labas ng aking katawan, ang pakikipaglaban ang dapat ko pang isang isipin. Sabi ni Cecilia, maaring makatulong na isipin kong tatalunin ko ang kalaban anumang mangyari. Sa paaraang 'yon, baka makisama ang katawan ko at 'di niya kailanganin ang kaluluwa ko. Pero kailangan ko ring tandaan na 'wag nga masyadong magtagal ang kaluluwa ko sa labas ng aking katawan, hindi dapat lumagpas ng sampung minuto, dahil maaring hindi na tanggapin ng katawan ko ang aking kaluluwa na maari kong ikamatay at posible pang makulong ako sa gitnang dimensiyon. Ang gulo lang! Buhay nga naman. Pero basta, kapag nakuha ko na ang bulaklak ng sunflower na pakay ko kay Emelia, agad na akong lumabas sa gitnang dimensiyon at bumalik sa katawan ko.

Nagharap kami ni Mang Pedro. Binigyan ng bulaklak na sunflower ni Cecilia si Mang Pedro na kailangan kong kunin. Nasa isang minuto na akong kaluluwa, at 'di ko alam kung ilan pang minuto ang itatagal ko. Pero nararamdaman kong lalagpas ako ng tatlong minuto – at kailangang lumagpas talaga ako do'n. Ilang araw na lang ang natitira – nauubusan na kami ng oras. Sa 'kin nakasalalay ang buhay ni Sunshine at ang pagpapalaya sa mga kaluluwa. Hindi pala gano'n kadali ang pakiramdam nang may nakaatang sa 'yong misyon, lalo pa't nakasalalay ang mahal mo sa buhay. Gustuhin mo mang maging positibo, bubuhos pa rin ang mga negatibong bagay. Maiisip mo pa rin, paano kung 'di mo magawa at mabigo ka? Mapanghihinaan ka at mababawasan ng tiwala sarili mong kakayahan.

"Galingan mo, Lukas," narinig kong sabi ni Sushine. Nasa likuran ko sila ni Cecilia. Nakangiting nilingon ko si Sunshine. Siya ang lakas ko. Siya ang dahilan kaya ginagawa ko ang lahat ng ito – kapalit man ng kaligtasan ko. Hindi ko dapat hayaang masakop ako ng pagiging negatibo ko at kawalan ng tiwala sa sarili. Dahil iyon mismo ang magpapahina sa 'kin na ikakatalo ko sa misyong ito.

Naalala ko ang sinabi ni papa, "Kung may sampung tao, at isa lang ang may gusto sa 'yo at 'yong siyam ay ayaw ka, hindi mo dapat patunayan sa siyam na taong ayaw ka na mali sila, bagkus, patunayan mo sa isang taong 'yon na gusto ka, na tama siyang gustuhin ka. Maraming negatibong bagay sa mundo, anak. At kapag nagpatangay ka sa mga 'yon, isa lang ang kahahantungan mo, kasawian o ang pagkatalo. Pero kapag niyakap mo ang pagiging positibo, marami kang direksiyong pagpipilian," pahayag ni papa, at iginuhit pa niya no'n ang pahigang linyang sumisimbolo sa negatibo na isa lang ang direksiyon at ang linyang pakrus na sumisimbolo sa positibo na may apat na direksiyon. Mas naunawaan ko no'n ang gusto niyang sabihin. "At dapat anak, lagi kang magdasal. Dapat nasa puso mo siya lagi..." dinagdagan ni papa ang babang linya ng positibo at nagmukha itong krus na sumisimbolo kay Kristo.

Bigla kong na-miss sina mama at papa nang maalala ko ang pangaral sa 'kin ni papa. Diyos ko, tulungan N'yo po ako. Sana magawa ko ang misyon ko. 'Wag N'yo pong hayaang matangay ako ng mga maling naiisip ko... Pa, ma, gabayan n'yo po ako, dasal ko. Kailangan kong galingan ang pagsasanay ko. At nang sa gano'n, malaki ang tsansang matalo ko si Emelia.

Hinanda ko ang aking sarili. Pinaplano ko sa isip ko kung pa'no ko kukunin ang bulaklak sa kamay ni Mang Pedro. Gagamitin ko ang mga kakayahang nagagawa ko bilang isang multo at una akong susugod. Iyon ang nakikita kong mangyayari kapag magkaharap na kami ni Emelia. Kailangan kong maging agresibo dahil ako ang may pakay at maikli lang ang oras na meron ako. Hindi ko na kailangan maghintay ng pagkakataon, ako mismo ang kukuha sa pagkakataon ni Emelia na maipagtanggol ang sarili niya.

Pinahaba ko ang kanang kamay ko diretso sa direksiyon ng bulaklak sa kamay ni Mang Pedro. Pero nakaiwas siya at lumipad, at bigla siyang napunta sa likod ko at sinakal ako gamit ang kanyang braso. Mukhang wala sa hitsura ni Mang Pedro ang pinamalas niyang kakayahan. Wala atang matanda pagdating sa multo. At mukhang katulad ko rin, seryoso si Mang Pedro sa pagsasanay na 'to. Ang pakiramdaman ngayong magkadikit kami, parang pagtama ng malakas na hangin sa 'yong katawan, parang pagsalpukan ng mga puwersa dahil wala naman kaming solid na katawan. May hawak ka na parang wala naman, pero nasasaktan ka. Nararamdaman ko ang higpit na pagsakal ni Mang Pedro sa leeg ko. Pero sa sitwasyong 'yon, nabigyan ako nang pagkakataong mahawakan ang bulaklak at naagaw ko 'to kay Mang Pedro. Gusto kong lumipat sa ibang lugar tulad ng nagagawa ng isang multo, pero 'di ko magawa. Tama si Sunshine, ang multo ay hindi makakalipat sa ibang lugar kapag hawak siya ng multo. Hinigpitan ko ang hawak sa bulaklak ng sunflower at siniko ko si Mang Pedro, at nagawa kong maialis ang braso niyang nakapulupot sa leeg ko. At mabilis akong lumipat ng lugar para makalayo. Napangisi ako at nagyabang sa sarili ko. Nagawa ko!

Sa larong agawan, kung sino ang may hawak ng bagay, siya talaga ang may mas tsansang matalo. At mababaliktad ang sitwasyon kapag ang nakaagaw naman ang may hawak ng bagay, siya naman ang kakabahan at maaring maagawan. At mas doble ang kaba ng nakaagaw na siya ngayong may hawak ng bagay. Bukod sa ayaw niyang maagawan tulad ng ginawa niya sa kanyang kalaban, ayaw niya ring muli pang mawalan. Parang kuwentong pag-ibig lang, mapa-paranoid ka. Mawawalan ka ng tiwala sa mahal mo na inagaw mo sa iba. At habang buhay nang kaaway ang turing mo sa taong inagawan mo.

Nahawakan ako ni Mang Pedro sa kamay kung saan hawak ko ang bulaklak. Hindi ko napansin ang bilis nang kilos niya. Pero mabilis ko namang naalis ang kamay niya at muli akong lumipat ng lugar. Nang susugod sana ako sa kanya para atakehin siya at patumbahin, biglang may puwersang humigop sa 'kin at bumalik ako sa aking katawan.

Hinang-hina akong napatagilid ng higa sa pagpasok ng kaluluwa ko sa aking katawan, pero nakangiti ako dahil nagawa kong maagaw ang bulaklak kay Mang Pedro at naprotektahan ko na muli niyang makuha. Paluhod akong gumapang palabas ng bilog na nakasulat sa sahig na may asin. Dinampot ko ang bulaklak ng sunflower na nabitiwan ko nang papasok na ako sa aking katawan.

"Nagawa ko!" pagmamalaki kong sabi kina Cecilia at Sunshine at itinaas ko ang bulaklak. Dahan-dahan akong tumayo na ramdam ang panghihina. Ngunit dahil sa tagumpay ko sa pagsasanay, parang nagkaroon ako ng instant na lakas para magawang makatayo. Gano'n talaga siguro kapag nanalo ka sa laban o sa laro, lahat ng pagod at paghihirap ay mawawala at mapapalitan ito ng tuwa, lalo pa't alam mo sa sarili mong ginawa mo ang lahat at tinapos ang laban nang walang pandaraya. "Para sa 'yo, Sunshine." Nakangiting inabot ko kay Sunshine ang bulaklak. Matamis ang ngiti niyang tinanggap ito at nagpasalamat.

"Mahusay, itay. Ngunit umabot ka lamang po ng halos limang minuto. Ang paglalakbay ninyo po para marating si Emelia ay halos tatlong minuto. At hindi natin masasabi na magtatagal lamang ang inyong sagupaan ng dalawang minuto. At babalik pa po kayo palabas ng gitnang dimensiyon," seryosong pahayag ni Cecilia.

Napabuntong-hininga ako. Basag trip namang 'tong si Cecilia. "Naguguluhan pa rin talaga ako. Hindi ba puwedeng limang minuto lang ang halimbawang kayang itagal ng kaluluwa ko sa labas ng aking katawan? Halimbawa, naglakbay ako ng tatlong minuto, tapos nakuha ko 'yong bulaklak sa loob ng dalawang minuto, tapos kusang bumalik na lang ako sa katawan ko, eh, 'di, tapos. 'Di ba?"

"Hindi ganoon kadali iyon, itay. Hindi po kayo kusang makakabalik kapag nasa loob na kayo ng gitnang dimensiyon. Kaya kailangan ninyong pag-aralan ang pagpapatagal ng inyong kaluluwa sa labas ng inyong katawan na hindi naman hihigit sa sampung minuto. Dahil kapag humigit doon, maaring ikasawi ninyo. At isa pa, sa ganoon katagal ko lang din mapipigilan ang pagsasara ng lagusan ng gitnang dimensiyon. At kailangang masanay ang katawan ninyo na wala ang inyong kaluluwa sa loob ng sampung minuto, para walang maging problema kapag bumalik na kayo. Alam naman ninyong nagkakaroon ng masamang epekto sa inyo ang paghihiwalay ng katawan at kaluluwa ninyo, hindi ba?" seryosong sagot ni Cecilia. Tatay ang tawag niya sa 'kin pero kung kausapin niya ako 'yong tipong nakukulitan na siya sa 'kin at pinagsasabihan ako na parang batang hindi makaintindi. Pero siguro tagalang nakukulitan na siya. Pinaliwanag niya na kasi sa 'kin 'yon, eh, ang kulit ko rin, eh.

Napatikhim na lang ako at nilingon ko si Sunshine. Hahawakan ko sana ang kamay niya na inaabot niya naman sa 'kin, kaso hinadlangan kami ni Cecilia.

"Sinabi ko nang bawal muna kayong maghawak," madiing sita niya sa 'min. Napakuyom na lang kami pareho ni Sunshine – parang mga batang pinagalitan. Sinamaan niya pa kami ng tingin bago siya naglaho sa harap namin.

Nakayukong tinalikuran ako ni Sunshine tapos naglaho na lang siya. Si Mang Pedro pailing-iling nang lingunin ko tapos naglakad patungong kusina at naglaho. Napabuntong-hininga na lang ako. "Pambihira," mahinang nasabi ko. At napangiti ako nang maalala ko 'yong masamang tingin sa 'min ni Cecilia. Nagmana siya sa nanay niya. Gano'n din makatingin si Sunshine, na malamang maging sa una niyang buhay bilang si Susan gano'n din siya.

***

IKA-20 NG OKTUBRE

PAGDILAT KO, NAKITA ko sa tabi ko si Sunshine. Napakatamis ng ngiti niya at binata niya ako ng 'magandang umaga'. Hahawakan ko sana ang maamong mukha niya, pero pinigilan niya ako.

"'Wag ka ngang pasaway, Lukas. Bawal tayong maghawak, 'di ba? Magsasanay ka mamaya," saway niya sa 'kin at napabangon-upo siya sa kama.

"Miss na kasi kita," patampong sabi ko at naupo na rin ako.

"Para kang ewan! Araw-araw kaya tayong magkasama sa iisang bahay." Inirapan niya lang ako.

"Magkasama nga, pero 'di naman nagkakahawak. Parang long distance relationship lang," pagmamaktol ko. "Hinahanap mo?" tanong ko nang mapansin kong palingon-lingon siya sa kung saan.

"Hindi naman siguro siya nakatingin?" pabulong na sabi niya – si Cecilia ang tinutukoy niya. Hinarap niya ako at dahan-dahan niyang inangat sa hangin ang palad niya na tila nanunumpa, at inalok niya ito sa 'kin.

Napangiti ako at ginawa ko rin ang ginawa niya – naglapat ang mga palad namin sa ere. Naramdaman ko ang lamig ng palad niya. Hinintay ko ang pagliwanag ng magkadikit naming palad at pag-init no'n hanggang sa magkaroon siya ng katawan. Pero lumipas ang halos isang minuto, walang nangyari. Pinagkrus na namin ang aming mga daliri, pero tila hangin lang ang hawak ko. Nakita ko ang pag-aalala sa mukha ni Sunshine. Maging ako, 'di ko natago ang pag-aalala ko. Hindi siya nagkakaroon ng katawan, pero may panghihina akong nararamdaman.

"A-Ano'ng nangyayari?" tanong ko. Napailing si Sunshine – nakita ko ang takot sa kanyang mukha. Takot na tila wala nang pag-asa. Na huli na ang lahat. Na wala ka nang magagawa pa. Takot sa posibilidad na nalalapit na pagkawalay sa taong mahal mo.

Próximo capítulo