webnovel

KABANATA 30

PINAGMAMASDAN KO ANG sarili ko – ang katawan kong nakahiga sa sahig sa gitna ng bilog. Parang natutulog lang, na mababakas ang kagustuhang makuha ang gustong makamit. Dahil iyon talaga ang iniisip ko ngayon. Kailangan kong umabot ng sampung minuto sa labas ng aking katawan – kailangan kong manatiling kaluluwa. Kailangan kong magawa 'to dahil kailangan kong mailigtas ang babaeng mahal ko. Gusto ko sanang maglaban kami ni Mang Pedro, pero sabi ni Cecilia mas dapat kong pagsanayan ang pagpapatagal ng sarili ko na isang multo.

Ipinikit ko ang aking mga mata nang may maramdaman akong puwersang humihila sa 'kin. Base sa pagbibilang ko sa isip ko sa minutong nagdaan, wala pang pitong minuto ang nagagawa ko. Nag-focus ako sa dapat kong magawa. Humakbang ako, kailangan kong isiping normal ang lahat na parang hindi ako kaluluwa. Pero ilang hakbang lang ang nagawa ko, hinigop na ako pabalik sa aking katawan.

Halos hindi ako makahinga at sobra ang aking panghihina. Pero pinilit kong tumayo. "Isa pa," hangos na sabi ko kay Cecilia.

"Bukas na lang po," sagot niya.

"Isa pa!" napalakas ang boses ko.

"Pero hindi ninyo na po kaya."

"Kaya ko pa!"

"Nanghihina na po kayo."

"Pero kaya ko pa! Katawan ko 'to. Alam ko kung kakayanin ko pa o hindi na."

"Pero – "

"Tatay mo ako, 'di ba? Kaya sundin mo ako. Isa pa! Kailangan kong magsanay. Kailangan kong magawa!" naupo ako sa sahig at nahiga. Hinanda ko ang sarili ko at ipinikit ang aking mga mata hindi pa man pumayag si Cecilia na muli niyang ilabas ang aking kaluluwa sa aking katawan – isinara ko na ang usapan. Hindi ko na siya binigyan ng pagkakataong tumanggi.

Ilang segundo rin ang lumipas na ang tahimik lang. Pero alam kong nasa tabi lang sila dahil nararamdaman ko sila.

"Gawin mo na," narinig kong nagsalita si Sunshine. "Sundin mo siya," muling sabi niya.

Ilang saglit pa, naramdaman ko ang malamig na pagdampi ng palad ni Cecilia sa aking noo at narinig ko ang dasal para ihiwalay ang kaluluwa at katawan ko. Sa pagdilat ko, nakalutang na ako at nasa ibaba ko ang aking katawan. Lumipad ako at hinarap sina Sunshine, Cecilia at Mang Pedro.

"Maglaban tayo, Mang Pedro," madiing sabi ko pagkaapak ko sa sahig. "Bigyan mo siya ng bulaklak," utos ko kay Cecilia. Bakas ang lungkot sa mukha ni Ceclia nang maglaho siya. At sa muling paglitaw niya ay may hawak na siyang bulaklak ng sunflower at walang imik na ibinigay ito kay Mang Pedro.

Humakbang si Mang Pedro. Nakita ko sa mukha niya na hindi siya magpapatalo. Seryoso siyang nakatitig sa 'kin. Pinaparamdam niya sa 'kin na isa akong kalaban. Pero kung handa siya, mas handa ako! Kailangan kong manalo! Wala nang oras. Ilang araw na lang ang natitira. Ni hindi ko na mahawakan si Sunshine. Hindi na siya nagkakaroon ng katawan. Natatakot akong hindi ko na muling mahawakan siya.

"Sandali!" sigaw ni Sunshine nang handa na sana akong sumugod kay Mang Pedro. Pinukol ako ng matalim na tingin ni Sunshine. "Tayo ang maglaban, Lukas," madiing sabi niya.

"Ano ba'ng sinasabi mo?" tanong ko.

"Mas malakas ako kay Mang Pedro. At alam nating lahat na mas malakas sa 'kin si Emelia maging kay Ceclia. Kaya ako ang mas dapat mong kalabanin kung gusto mong matalo ang itim na multo."

May punto si Sunshine. Kahit paulit-ulit kong matalo si Mang Pedro, walang silbi 'yon dahil hamak na mas malakas si Emelia sa kanya. Para kong mina-master ang paglangoy, eh, akyatan pala ang labanan. Isang pagsasayang ng oras sa walang kabuluhang bagay.

"Pedro, ibigay mo kay inay ang bulaklak," utos ni Cecilia na agad namang sinunod ni Mang Pedro.

Hinarap ako ni Sunshine. Hawak niyang mahigpit ang bulaklak, nakahanda siyang labanan ako upang hindi ko maagaw sa kanya 'yon. Mas seryoso siya kay Mang Pedro. Mas agresibo. Nakaramdam ako ng kaba. Bukod sa ayaw kong mapahiyang matalo niya ako, ayaw ko ring masampal ako ng katotohanan. Na kapag natalo ako ni Sunshine, maaring walang pag-asang matalo ko si Emelia.

"Hindi ako si Sunshine. Iyon ang isipin mo. At 'wag kang maaawa sa 'kin, Lukas. Dahil hindi kita kakaawaan." Tila may pagbabanta si Sunshine na sasaktan niya ako ng todo at papahirapan. Bakit ba biglang naging ganyan siya? Hindi niya ba nagustuhan 'yong ginawa kong pagpupumilit kanina sa pagsasanay na 'to? O takot din siya sa posibleng mangyari kaya niya ginagawa 'to para magpursigi ako na gawin ang lahat para magtagumpay sa misyon ko?

"Hayaan mo. Hindi kita kakaawaan, Sunshine. Tatalunin kita. Kukunin ko ang bulaklak," buong loob na sabi ko. Dahil iyon ang dapat kong isipin – dapat kong gawin.

"Dalawang minuto lang, tapos ka na," may pangmamaliit na sabi niya. Iyon ang haba ng oras na dapat magawa ko nang maagaw kay Emelia ang sunflower kapag nagharap na kaming dalawa. Napangisi na lang ako. Mukhang dapat na muna naming isantabi ang pagmamahal namin sa isa't isa upang labanan ang isa't isa gamit ang buong lakas namin.

"Pambihira!" impit ko. Pahaba pa lang ang mga kamay ko para atakehin siya, pero naunahan niya ako. Sinakal ako ni Sunshine nang mahigpit at inangat. Anyong halimaw na siya. Talaga yatang balak niyang tapusin ang laban na 'to sa loob ng dalawang minuto. Sinupalpal niya ang plano ko na kung magharap kami ni Emelia, una akong aatake. Pero hindi naman talaga gano'n kadali 'yon. Dahil paano kung ako nga talaga ang unang atakehin ni Emelia at 'di na ako bigyan ng pagkakataon para makasugod. Pinapakita sa 'kin ni Sunshine na sa misyon ko, 'expect the worst'. At kailangan ko 'yong paghandaan. At hindi ako dapat umasa sa plano ko, dahil hindi ko naman kontrolado ang mga mangyayari.

Pinahaba ko pa rin ang mga kamay ko para sakalin si Sunshine. Magkasubukan na! Pero nang masakal ko siya, pinahaba niya ang leeg niya. Napasigaw na lang ako at nasaktan, at nabitiwan ko ang leeg niya nang kagatin niya ang kamay ko. Tapos pinagtawanan niya ako. Pinahaba ko rin ang leeg ko para kagatin ang kamay niyang sakal ako at pasimple kong pinahaba ang kamay ko para kunin ang bulaklak sa isa pang kamay niya. 'Yon nga lang, parang hindi naman siya nasaktan sa pagkagat ko sa kanya – binalibag niya ako sa sahig at tinapik ang kamay kong kukunin na sana ang bulaklak. Nasaktan ako sa pagbagsak ko sa sahig at ang lakas pa nang pagkakahampas niya sa kamay ko, na kung hindi siguro ako multo ngayon namaga na ang kamay ko. At nginisian niya lang ako. Pambihirang babae 'to!

"Sunshine!" sigaw ko na dinadaing ang sakit ng kamay ko at pagbagsak ko sa sahig. Ni 'di pa ako makatayo.

Sinamaan niya lang ako ng tingin at bigla siyang nawala – bigla siyang napunta sa harapan ko. "Mahina ka, Lukas. Pa'no mo ako ililigtas kung ganyan ka lang?" Para akong inilubog sa lupa at sobra akong nanliit sa sinabi niya. Malungkot niya pa akong tinitigan habang unti-unting nagiging normal ang anyo niya.

Tumayo ako at mabilis kong dinakma ang bulaklak na hawak niya. Pero 'di ko ito nakuha – hawak ko ito at hawak niya pa rin. At isang malakas na pagtulak sa dibdib ko ang ibinigay niya sa 'kin. Tumilapon ako. Tumagos ako sa pader patungong kusina.

Sumugod ako. Mabilis akong lumipad. Pero bigla akong nawala at napunta ako sa likod niya. Sinakal ko siya gamit ang braso ko tulad ng ginawa sa 'kin ni Mang Pedro. Pero sadyang malakas si Sunshine. Lumipad siya kasama ako at gamit lamang ang isang kamay niya, natanggal niya ang pagkakasakal ko sa kanya, at muli akong hinagis sa sahig diretso sa katawan ko.

Sa pagdilat ko, nasa katawan ko na ako. Hinang-hina ako na halos 'di ko maigalaw ang aking katawan. Halos hindi rin ako makahinga at 'di ko maidilat nang maayos ang mga mata ko. Nakita ko ang pagluha ni Sunshine nang bitiwan niya ang sunflower sa harap ko. Nasa harap ko rin sina Cecilia at Mang Pedro. Malungkot silang tatlong nakatingin sa 'kin at unti-unti silang naglaho. Nakaramdam ako ng galit sa sarili ko. Dumaloy ang luha sa mga mata ko. Hindi ko napigilang umiyak. Nakakaawa ako! Wala akong kuwenta! Napakahina ko! Hindi ko alam kung makakaya ko pa. Hindi ko alam kung maililigtas ko si Sunshine sa kamatayan. Nawawalan ako ng pag-asang masagip siya.

***

IKA-21 NG OKTUBRE

PAGKAGISING KO, WALA sa tabi ko si Sunshine. Inaasahan ko na sa pagdilat ko makikita ko siya, pero wala siya. Kahapon, matapos kami magsanay, hindi ko na siya muling nakita nang maglaho siya. Maging sina Cecilia at Mang Pedro hindi rin nagpakita. Pero nararamdaman kong nand'yan lang sila. Hindi ko na maitago ang epekto ng mga nangyayari. Pakiramdam ko, unti-unti na akong nadudurog. Ni 'di ko makuhang ngumiti sa bagong umagang 'to.

Tahimik akong nag-almusal. Pasimple akong patingin-tingin sa kung saan – umaasang makikita ko si Sunshine. Pagkatapos kong mag-almusal, lumabas ako at nagpahangin sa labas. Naupo ako sa hagdan ng terrace at pinagmasdan ang paligid...

Hindi ko alam kung gaano na ako katagal lang na nakaupo at kung ilang buntong-hininga na ang napakawalan ko. At ni 'di ko alam kung ano ba ang pinagmamasdan ko... Hanggang sa makaramdam ako ng malamig na hangin sa tabi ko. At nakita ko sa gilid ng aking mga mata ang dilaw na bagay. Alam kong siya 'yon. Nararamdaman siya ng puso ko. Paglingon ko, hindi nga ako nagkamali – si Sunshine, nakaupo siya sa tabi ko.

"Hinahanap mo ako, tama?" tahimik na tanong niya. Tumango akong nakayuko. Hindi ko siya matingnan sa mga mata. "Ano'ng iniisip mo?" muling tanong niya.

Hinarap ko siya. Hindi ako agad nakasagot. Nakatingin lang ako sa kanya. "Hindi ko alam," mahinang nasabi ko kasabay nang pagdaloy ng luha sa mga mata ko.

Ipinikit ko ang aking mga mata nang haplusin niya ang mukha ko para pawiin ang mga luha ko. "Sorry, kahapon..." narinig kong mahinang sabi niya.

Sa pagdilat ko, nakita kong may luha rin sa mga mata niyang dumaloy sa malungkot niyang mukha. "Natatakot ako... Natatakot akong mawala ka. Ilang araw na lang. Pa'no kung 'di ko magawa?"

"Natatakot din ako. Natatakot akong mapahamak ka, Lukas. Kung puwede nga lang sanang ako na lang ang humarap kay Emelia para kunin ang lunas na bulaklak. Pero hindi puwede. Ang sabi ni Cecilia, imposibleng makapasok ako sa gitnang dimensyion dahil hindi niya mahihiwalay ang katawan at kaluluwa ko."

"Parang sinabi mo namang talagang napakahina ko at wala kang tiwala sa 'kin?" sinimangutan ko siya na napangiti lang siya.

"Hindi sa gano'n," nakangiting sabi niya.

Napangiti na rin ako at pinunas ang luha ko sa mukha nang umayos kami ng upo at tiningala ang kalangitan. Napawi bigla ang emosyon namin pero nando'n pa rin ang takot. Hawak namin ang kamay ng isa't isa. At hindi na talaga siya nagkakaroon ng katawan.

"May tiwala ako sa 'yo, alam mo 'yan. Ayaw ko lang talaga kasing mapahamak ka, Lukas." Muling naging seryoso ang tinig ni Sunshine. "Kung ano ang takot na nararamdaman mo, gano'n din ang takot ko. Dahil hindi lang ang buhay ko ang nakataya rito, maging ang buhay mo."

Niyakap ko siya – hindi ko siya nayakap. Nagtayuan ang mga balahibo ko. Tumagos siya sa katawan ko. Bumilis ang tibok ng puso ko sa muli na namang pag-atake ng takot sa dibdib ko. Kinalma ko ang sarili ko at nakangiti ko siyang pinagmasdan. Wala akong ibang pagpipilian ngayon, kundi ang gawin ang lahat nang makakaya ko. Dahil ang kamatayan niya ay kamatayan ko na rin. Napalingon kami sa mga sunflower sa gilid ng bahay – may dalawang bulaklak na natuyo.

Nagkatinginan kami. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko upang iwaksi ang kabang naramdaman ko. "Magiging matatag ako," nasabi ko. Nakangiting tumango siya. Naniniwala siya sa 'kin. Hindi. Hindi nawala ang tiwala niya sa 'kin, mula no'ng unang nangako ako sa kanyang mabubuhay siya, na mabubuhay kaming dalawa at magsasama. Sadyang naging mahina lang ako – ako ang nawalan ng tiwala ko sa sarili ko. Pero ngayon hindi na. Hinding-hindi na.

***

NANG ARAW NA 'yon, ginalingan ko sa pagsasanay. Muli kaming naglaban ni Sunshine. Hindi ko pa rin nakuha sa kanya ang bulaklak, ngunit nakasabay naman ako sa laban naming dalawa. Tumagal nang halos limang minuto ang aming agawan sa bulaklak ng sunflower. At nang araw ding 'yon, umabot ako sa sampung minuto bilang isang multo.

Sa sumunod na mga araw, naging normal na lang sa 'kin ang pagtagal ng kaluluwa ko sa labas ng aking katawan sa loob ng sampung minuto. At sa wakas, naagaw ko na rin ang sunflower kay Sunshine. Pero talagang pinapahirapan niya ako. Kaya sa pagbalik ko sa katawan ko, parang galing ako sa isang buwang lakaran na walang pahinga at pagkain. 'Yong pakiramdam na para pa akong lalagnatin. Sa tuwing multo ako ramdam ko ang kakaibang lakas na magagawa ko ang mga imposible. Nagkaroon ako ng lakas ng loob at 'di na nawala ang tiwala ko sa aking sarili. Pero kasabay din no'n ang takot sa papalapit na takdang araw na dapat ay buhay na si Sunshine – na maari ding kamatayan na niya. Kaya naman sinusulit namin ang mga oras na magkasama kaming dalawa. Hindi man namin sabihin at ayaw man naming iparamdam sa isa't isa, 'di pa rin maiwasang maramdaman na tila may pagpapaalam na sa aming mga kilos at galaw. Na anumang oras, maaring huling pagkakataon na para makita namin ang isa't isa. Kapwa nasa hukay ang isa naming mga paa. Para kaming may malubhang sakit na wala nang lunas at hinihintay na lamang ang aming kamatayan. Literal na may taning na ang aming mga buhay. At sa loob na lamang iyon ng ilang araw. Gusto ko na sanang pumunta sa gitnang dimensiyon para makuha na ang bulaklak ng sunflower kay Emelia na lunas sa sumpa ng kamatayan ni Sunshine, pero sabi ni Cecilia, hindi pa ako handa.

Hanggang sa dumating ang araw na hindi namin inaasahan...

Próximo capítulo