Nang makita ng lider na naisakay na ng mga kasamahan niya si Kariah sa kotse nila ay agad siyang bumalik sa loob at binuksan ang mga container na dinala niya kanina.
Ibinuhos niya ang laman nitong gasolina sa bangkay nina Criston, Glyza at sa anak nitong si Mikael; ipinaligo niya ang malamig na likido sa katawan nila hanggang sa humalo ang gasolina sa nagkalat nilang naninigas ng dugo.
At ang natira pang gasolina ay ikinalat niya sa sala ng bahay; binasa niya ang sofa, kurtina at iilang kagamitan na madaling kapitan ng apoy.
"Paalam, Criston." Pahayag ng lalake nang maglabas ito ng posporo, "Salamat sa alahas at maraming salamat sa anak mo."
At walang pag-aatubiling hinagis nito ang sinindihan niyang posporo sa tatlong nakabulagtang bangkay. Isang kurap lang ay biglang sumiklab ang napakalaking apoy na kumalat at lumamon sa mga katawan ng pamilyang Velasquez.
Dali-daling umalis ang lalake at mabilis nitong tinungo ang nag-aabang na kotse sa may liblib na parte ng kalsada. Sumakay siya sa likurang bahagi at sa huling pagkakataon ay binalingan niya ng tingin ang bahay.
Napangiti lamang siya 'pagkat isang matagumpay at malinis na namang trabaho ang nagawa niya.
▪ ▪ ▪
Nagsimula sa malabong imahe ang nakikita ni Kariah nang imulat nito ang sariling mga mata. Hinang-hina siyang gumalaw dahil sa parang tinakasan na siya ng lakas. Dumadaing din ito dahil sa pananakit ng ulo. Sa kabila ng tinitiis ay ramdam naman niya ang malamig na sementong kinahihigaan, ang lamig nito'y nanunuot sa balat niya't laman.
"Gising na siya, bilis."
Nang maging malinaw na ang kaniyang paningin ay wala siyang ibang nakikita kung hindi ang kalangitan na tadtad ng mga bituwing kumikislap. Ngunit hindi niya ito matignan ng maayos 'pagkat siya'y mabilis na gumagalaw.
May gumagalaw sa kaniya.
Nang alamin niya ito ay para siyang tinamaan ng kidlat sa gulat. Isang lalakeng may takip sa mukha ang nakadagan sa kaniya't walang tigil na umuungol habang pinagsasamantalahan ang kaniyang katawan; mahigpit ang kapit nito sa kaniyang balikat habang sinasakal siya ng kamay nitong tadtad ng tattoo.
At sapat na ang liwanag ng bilog na buwan upang maaninagan ni Kariah ang grupo ng mga kalalakihan na nakaupo sa mga sementadong puntod sa kanilang paligid; nag-iinuman ito habang pinapanood sila animo'y naghihintay ng pagkakataon.
Napakarami nila.
Sa galit at takot ni Kariah ay akmang itutulak na sana niya ang lalakeng nakadagan upang itigil na ang kababuyan nito. Ngunit, sa kasamaang-palad ay hindi niya magawa 'pagkat ang kamay niya'y nakatali sa dalawang makakapal na haligi.
Ninais niyang sumigaw, pero ang makapal na telang nakabalot sa bibig niya'y pumipigil sa kaniya upang bumigkas ng salita at purong daing lang ang nagagawa niya.
Sa kalagitnaan ng pangmo-molestiya ng katawan ni Kariah ay isang lalakeng may dala-dalang digital camera ang lumapit sa kaniyang kinahihigaan at pinagkatuwaan siya nito; mas inilapit nito ang camera sa mukha ni Kariah animo'y gustong klaruhin ang mukha niya sa kinukuhang video.
Isang lalake pa na may takip din sa mukha ang lumapit at marahas nitong hinawakan sa pisngi si Kariah. Mariin nitong pinabuka ang bibig niya ipinakita ang isang tableta na kulay dilaw.
"Lunukin mo 'to kung ayaw mong mamatay," banta ng lalake't nakipagtitigan sa kaniya.
Hinang-hina na siya't hindi niya kayang manlaban man lang. Sa takot niya'y wala siyang magawa kung hindi ang lunukin ang isinilid na tableta sa bibig niya. Habang hinihintay kung ano ang magiging epekto nito sa kaniyang katawan ay umaasa naman siya na sana'y lason na lang iyon upang matapos na itong kalbaryo niya.
Ilang saglit pa'y napansin kaagad ng grupo ang biglaang pagbabago ng kilos ni Kariah; lumiliyad ito habang pangiti-ngiti. Nawala na ang bakas ng iyak niya't napalitan na ito ng tawa habang binibigkas ang pangalan ng mga taong 'di kilala ng grupo.
"Tumama na ang Molly! Magiging masaya ang gabing ito!" Sigaw ng isa na nasundan ng hiyawan.
▪ ▪ ▪
Pagdilat ng mga mata ni Kariah ay naramdaman kaagad niya ang malamig na hinihigaan habang binubulag siya ng walang hanggang kadiliman na unang bumungad sa kaniya.
Kahit anong pikit at dilat ng mata niya'y hindi talaga nawawala ang kadiliman sa kaniyang paligid at parang mabibingi naman siya sa katahimikan.
Kalaunan ay biglang nadama ni Kariah ang 'di mawaring sakit sa kaniyang pagkababae, parang pinupunit ito at napakahapding igalaw. Ang ulo naman niya'y parang sasabog sa sakit animo'y pinagdikdik ng malaking bato. At ang buong katawan niya'y parang binugbog at pinahirapan ng matindi.
Sa mga oras na iyon ay hindi niya lubos na maintindihan ang sariling damdamin. Ang kaloob-looban niya'y punong-puno ng sari-saring emosyon; takot, pighati, lumbay, at poot.
Ngunit ang isipan naman niya'y binabagabag ng mga tanawing naghatid ng kilabot sa kaniya; ang kamatayan ng magulang at kapatid at ang panggagahasa sa kaniya ng mga nanloob ng kanilang bahay at no'ng grupo sa sementeryo.
Lungkot na lungkot siya't purong masasalimuot na kaganapan ang bumabagabag sa isipan niya. 'Di na niya napigilan ang sarili at naiyak ito ng lubos. Kahit wala na siyang luha pa na iluluha ay 'di pa rin niya napigilang ang sariling hindi humikbi.
Sa kabila ng nanyari ay sinubukan pa ring bumangon ni Kariah. Pero napadaing siya sa sakit nang mauntog siya sa isang nakaharang na kahoy nang subukan niya ito. Bumalik na lang muna sa pagkakahiga saka kinapa ang napag-untugan niya.
Hindi man siya sigurado sa kaniyang nahahawakan 'pagkat purong kadiliman ang nakikita niya, pero ramdam niyang isang tabla ang nakaharang sa ibabaw niya.
Kinapa at kinapa niya ito upang sundan kung hanggang saan lamang ang sakop nito, nais niyang hanapin ang walang harang na parte upang sumuong at nang makaalis na siya sa kinahihigaan niya.
Ngunit parang 'di na iyon mangyayari pa nang makapa niyang napapalibutan siya ng tabla.
Sinubukan niyang sumipa upang kumpirmahin kung tama nga ba itong iniisip niya. Unang sipa niya'y tumama rin sa tabla ang paa niya sa ibabaw, sinubukan niya sa gilid at gano'n pa rin, huling subok niya'y roon na sa dulo, ngunit pati roon ay may tabla.
Lubos siyang nagimbal nang makumpirma niyang nasa loob nga siya sa isang kahon sa pagkakataong iyon---nakakulong. Kahit anong kalampag niya'y hindi talaga naaalis ang mga nakaharang na tabla sa paligid niya.
"Tulong!" Sigaw niya.
Nagsimulang lumakas ang kabog ng puso niya sa takot. Sumisikip na rin ang kaniyang dibdib at parang kakapusin siya ng hininga. At ang katawan niya'y biglang nanlalamig at wala nang tigil pa sa panginginig.
"Tulungan n'yo ko! Palabasin n'yo ko!" Sigaw niyang puno ng hilakbot.
Gamit ang natitira niyang lakas ay wala pa rin siyang tigil sa pagkalampag, umaasang maaalis niya ito o may makakarinig nito. Pero wala pa rin silbi, parang may nakapatong o nakadagan sa ibabaw ng tabla na pumipigil sa pagbukas nito.
Napagod lang siya't nahulugan pa siya ng maraming alikabok sa mukha; napuwing siya nito at may iilan siyang nalasahan sa labi. Mariin siyang napapikit at hinagod ang mata upang alisin ang alikabok. Madali lang naman itong naalis 'pagkat kasalukuyan siyang umiiyak.
Ngunit napatigil siya nang may malasahan siyang kakaiba sa alikabok. Sinubukan niyang tikman ulit ito at doon lamang niya napagtanto na masyadong malalaki ang piraso nito upang maging isang alikabok.
Lupa, ang nahulog sa kaniyang bibig at mata ay lupa. Parang tinakasan ng kaluluwa si Kariah nang mapuna niyang nakalibing siya sa mga oras na iyon.