Sa paglipas ng sandali ay unti-unting naramdaman ni Kariah ang kahirapan sa paghinga. Mas lumalalim na ang kaniyang pagsinghap at mas lalo pa siyang nanghina.
Alam niyang iilang sandali na lang ay malalagutan na siya ng hininga. Nabasa na niya ito noon na hanggang dalawang oras lamang ang kaniyang tatagalin 'pagkat naaubos na ang hangin sa loob ng kabaong. Ang masama nga lang ay hindi niya alam kung ilang oras na siyang nakakulong sa loob nito, pero kung ibabase sa dinaramdam niya ay hindi na talaga siya magtatagal pa.
Alam niyang wala na siyang pag-asa pa sa ilalim at hihintayin na lang niya kung kailan siya babawian ng buhay.
Pero ang mukha ng kaniyang mga magulang at kapatid, pati na rin ang paghihirap niya sa kamay ng mga nanggahasa sa kaniya'y sapat na para palakasin ang kaniyang loob upang sumubok at lumaban.
Pinilit ni Kariah na pakalmahin ang sarili; lumalanghap siya ng maraming hangin gamit ang ilong at ibinubuga ito ng dahan-dahan sa kaniyang bibig. Paulit-ulit niya itong ginagawa habang nag-iisip ng plano, hanggang sa nagbalik sa normal ang tibok ng kaniyang puso at 'di na siya gaanong nahihirapang huminga.
At kasama sa nalalanghap niya ay ang amoy ng lupa at ang kakaibang amoy ng kung anong nabulok sa loob, pero balewala ito sa kaniya sapagkat ang importante ay ang plano niyang iligtas ang sarili.
Hangga't hindi pa huli ang lahat ay kumilos kaagad siya at sinubukang hubarin ang napunit niyang damit. Ngunit sadyang napakahirap nito dahil sa hindi niya gaanong nagagalaw ang kaniyang sarili dulot ng kasikipan ng kabaong.
Imbes na hubarin ay buong lakas niyang pinunit ang sariling damit hanggang sa tuluyan nang lumantad ang kaniyang dibdib at tiyan, sa ginawa niya'y napahiyaw siya nang maramdamang parang nabanat ang buto niya sa balikat.
Pero hindi alintana ni Kariah ang sakit nito at kumilos pa rin siya. Tinulak niya ang sarili pakaliwa saka sinubukang alisin ang parteng kanan ng damit. Naging maayos naman ito at madali lang niyang naalis sa kaniyang katawan ang manggas at kanang bahagi ng damit.
Matapos ito ay nagpalit agad siya ng pwesto at sa kaliwang bahagi naman ang inalis niya, nang tuluyang maalis ito ay bahagya siyang lumiyad saka hinila ang damit paalis ng likod niya. At tuluyan nang tumambad ang katawan niyang hubad sapagkat ang bra niya'y hindi na niya suot pa.
Tumigil si Kariah at hinayaan ulit na pakalmahin at pahingahin ang sarili. Gamit ang damit niya ay pinahid niya ang pawis sa kaniyang mukha at sa katawan na sadyang nanlalalagkit at nangangati. Saka niya tiniklop ito at itinakip sa kaniyang mukha bilang proteksyon sa mahuhulog pang mga lupa.
Sa kadiliman, muling kinapa ni Kariah ang tabla sa ibabaw niya at dinama ang tekstura nito. Base sa kagaspangan nito at iilang nakakapa niyang maliliit na butas sa iilang bahagi ay nalaman niyang pinaglipasan na ng panahon ang kabaong na kinalalagyan niya---maaaring nagamit na ito at siya lamang ang ipinalit.
Ilang kapaan pa ay naramdaman niyang marami-rami ang butas sa may bandang gitna ng tabla, kinatok niya ito at parang mas marupok ito kumpara sa iilang bahagi.
Upang alamin ay ginamit niya ang buong lakas at tinuhod ng paulit-ulit ang gitnang bahagi ng tabla. Kahit masakit ay tiniis niya ang lahat at inisip ang pag-asang makakalabas pa siya roon. Iyon ang nagbigay-lakas sa kaniya't mas naging determinado na lakasan pa ang pwersa niya.
Ilang banggaan pa ay narinig niya rin ang bahagyang pagkabiyak nito. Hindi siya tumigil at nagpatuloy pa rin sa pagtuhod nito ng makailang beses, hanggang sa isang kurap lang ay biglang tumagos ang tuhod niya. At nang hilain niya ito pabalik ay malakas siyang napadaing dahil sa nahiwa ang balat niya sa paligid ng tuhod, ngunit sa kabila nito'y laking-pasasalamat naman niya nang biglang bumaha ang mga lupa papasok ng kabaong.
Ibinaba agad niya ang kaniyang tuhod at mabilisang tinulak papunta sa paanan ang lupa na bumabagsak sa may bandang puson niya. Inalis niya lahat ng lupang bumuhos sa kaniyang katawan hanggang sa matigil na rin ito sa pagpasok.
Muling kinapa ni Kariah ang bahaging nabiyak at tinignan kung bakit tumigil sa pagbuhos ang lupa. Isinilid niya ang daliri sa butas at naramdaman kaagad niya ang matigas na bagay na nakaharang dito---isang bato.
Isinilid pa niya ang iilang daliri sa butas at kumapit ng mahigpit sa tabla. Nang masigurong maayos na ang kapit niya ay pwersahan niya itong hinila pababa. At sa isang kisap-mata ay biglang nagsibagsakang mga lupa na may halong bato sa kaniyang puson.
Napasigaw si Kariah sa sakit nang mabagsakan ng bato at nang matusok ng tablang bumigay, ngunit ininda lang niya ito 'pagkat ang buong atensyon niya sa mga oras na iyon ay nakapukos lamang sa paghawi ng mga lupang nakadagan sa katawan niya. Hangga't maaari ay itutulak niya ang mga ito sa espasyo ng kabaong.
Nang matigil na ang pagbuhos ng lupa ay saglit na napanatag na ang loob ni Kariah. Pero sa kabila nito'y mas lalong lumala naman ang sitwasyon niya; mas pinagpawisan siya't basang-basa na ang buong katawan niyang nanlalagkit, nuubo na rin siya na mas nagpapahirap sa kaniya sa paghinga ng maayos, at sumisikip na ang dibdib niya't sobrang bilis na ng tibok ng puso nito.
Inalis niya kaagad ang takip sa mukha at pinunasan ang mukha at katawan. Matapos ito ay itinabi na lang niya ng damit dahil sa basang-basa na ito.
Wala nang sinayang pa na oras si Kariah at kinapa niya ang mga nakaharang na nabiyak na tabla sa may puson niya at itinulak ito pabalik sa itaas, nang masigurong walang hahagip sa kaniya ay saka siya kumilos at dahan-dahang dumausdos patungo sa paanan niya't mas itinulak pa ang lupa na nagsiksikan doon.
Kasabay ng pagtagilid ng mga binti niya ay ang dahan-dahang pagtiklop din ng mga hita at binti nito, hanggang sa tumigil siya nang saktong nakaharap na sa gawing kanan ang tuhod niya at dumikit na rin ito sa tabla.
Muli niyang binalikan at kinapa ang butas sa ibabaw at saktong diretsong nakatutok na ang butas nito sa may bandang dibdib niya. Dinama niya ito at malaki-laki na rin ang butas na nagawa matapos bumigay ang bato at lupa kanina.
Mabilis siyang kumilos at inikot ang katawan sa gawing kanan upang dumapa kahit na hindi niya nagagalaw ang mga binti; dahan-dahan niyang itinukod ang kaniyang kamay bilang alalay sa pagbangon at lumiyad ng kaunti habang gumugulong paikot. Ginawa niya ito sa mabagal na kilos hanggang sa tuluyan na siyang nakadapa na humihingal.
Hindi nagtagal, ang paghihirap ni Kariah sa paghinga ay nadagdagan nang makaramdam siya ng pananakit sa may balakang at likod na pangunahing dulot ng posisyon niya. Nanginginig na rin ang braso niyang tanging suporta sa katawan niya. Pero ininda lang din niya ito, kahit naiiyak na siya ay dahan-dahan pa rin siyang kumilos at tumingala hanggang sa saktong nakaharap ng mukha niya ang butas.
Nang tignan niya ito ay purong kadiliman pa rin ang nakikita niya at may iilan pang lupa na nahuhulog sa mukha niya, kung kaya't pumikit na lang siya't paunti-unting isinilid ang sariling ulo sa butas habang iniiwasan na matusok ang sariling leeg niya sa matutulis na bahagi nito. Nagawa nga niya ito na hindi nasusugatan, ngunit hindi na niya kayang magpatuloy dahil sa tanging ulo lamang niya ang sumakto sa butas.
Sa labas ng kabaong ay ramdam pa rin ni Kariah ang kasikipan ng espasyo; ang malakas niyang paghinga ay tumatama pabalik sa kaniya at sa pagsinghap niya'y may iilang lupa siyang nalalanghap pabalik.
Bawat segundong lumilipas mas lalong tumitindi ang pangangalay ng likod niya't leeg, lalo rin siyang naghirap sa paghinga't parang sasabog na ang katawan niya sa bilis ng tibok ng kaniyang puso, bagay na naghatid sa kaniya ng matinding alarma na kailanman hindi pa niya naramdaman.
Kung kaya't dulot ng matinding takot niya ay malakas siyang bumwelo at hinila paakyat ang sarili. Gigil na gigil niyang pinagdidikdik ang sariling balikat sa tabla hanggang sa tuluyan itong nabasag at nagawa niya ring ilabas ang katawan. At gaya ng inaasahan niya ay hindi siya makakaligtas sa mga matutulis na dulo ng tablang nabiyak at ramdam niya talaga ang hapdi ng nahiwang balat niya.
Saglit na yumuko si Kariah dahil sa nangangalay na ang leeg niya, subalit mas lalo naman siyang nahirapan sa paghinga; may kung anong tunog na ang lumalabas sa bibig niya sa tuwing siya'y sumisinghap at bumubuga ng hangin. Nakakatakot ito pakinggan at parang tunong ng paparating na kamatayan.
Agad na naghukay na si Kariah sa lupang nakaharang sa ibabaw niya't ipinagsawalang-bahala na ang sakit ng mga sugat niya. Pilit niyang tinitibag ito habang siya'y nakayuko't malalim na sumisinghap.
Ilang saglit pa ay nagsimula nang bumuhos ang lupa sa ulo niya at tuluyan na itong bumigay. Nababagsakan na siya nito. Ngunit bago pa man siya matabunan ng lupa ay pinigilan niya kaagad ang paghinga at mabilis niyang inilabas ang natitirang binti sa loob ng kabaong at sinalubong niya ang lupang nagsibagsakan habang ang kamay niya'y tanging nakasuporta sa ibabaw.
Hirap na hirap na siya't nananakit na ang kaniyang sikmura't dibdib. Pero patuloy pa rin siyang naghuhukay kahit matutuklap na ang kaniyang kuko't nangangalay na ang kaniyang braso.
Hanggang sa tuluyan na siyang nakatayo habang ang buong katawan niya'y baon pa rin ng malambot na lupa maliban na lang sa kaniyang ulo. Ang kamay naman niya'y nakaalalay sa ibabaw at pinigilan muna ang pagbagsak ng lupa habang siya'y mabilisang suminghap ng hangin, saka siya bumitaw at hinayaang bumagsak sa katawan niya ang lupa.
Sa pagbagsak ng makapal na bulto ng lupa ay tuluyan na siyang natabunan. Wala ng espasyo upang siya ay suminghap; ramdam niyang para siyang pinipiga ng lupang nakapaligid sa kaniya. At mas tumindi na rin ang pananakit ng kaniyang sikmura't dibdib dahil sa pagpigil ng kaniyang hininga at hindi na niya kaya pang patagalin ito ng ilang segundo.
Ngunit sa kabila nito'y namalayan na lang niya ang malamig na simoy na hangin sa humahaplos sa kaniyang braso. Bigla siyang nabuhayan ng loob at bago pa siya malagutan ng hininga ay dali-dali siyang tumingala at hinawi ang lupang nakaharang sa buong mukha niya.
At napanatag na ang loob niya nang siya'y makahinga na ng maayos, muli niyang nalanghap ang malamig na hangin na ipinagkait sa kaniya at labis ang pasasalamat at tuwa dahil dito.