webnovel

Wild Blood

Nasa peligro ang buhay ng mga estudyante ng seksyon Euclid sa kamay ng gumagalang killer sa loob ng kanilang eskwelahan. Subalit napag-alaman nilang isa sa kanilang mga kaklase ang pumapatay. At wala silang maaaring gawin kung hindi ang unahan na matukoy at mapaslang ito, dahil baka maubos na lamang sila nito ng walang kalaban-laban. Mapapatay pa kaya nila ang naturang killer gayong hindi nila alam ang tunay na katauhan nito? Mapatay pa kaya nila ang puno't-dulo ng lahat? Pero paano kung hindi lang pala isang normal na patayan ang nagaganap sa loob ng paaralan nila? Paano kung matuklasan nila na nakasalalay pala ang kanilang mga buhay sa isang programa sa telebisyon?

IcyDominance · ホラー
レビュー数が足りません
18 Chs

First Blood

"PLEASE welcome our very energetic principal, Mr. Hector Natividad," masiglang pagpapakilala ng emcee sa kanilang punong-guro.

Kasalukuyang nagtitipon ang lahat ng mga estudyante at guro ng Academia de Adler sapagkat 57th Orientation Day ng naturang eskwelahan at para na rin pormal na ipakilala ang kanilang butihing prinsipal sa mga bagong estudyante.

Tumayo ang isang matangkad na lalaki na nasa mahigit-kumulang kwarenta anyos at saka kumaway sa lahat na sinabayan naman ng palakpakan ng mga estudyante. Nagitla si Hazel nang makitang kumindat sa kanya ang kanilang punong-guro.

Sa kalagitnaan ng pagsasalita ng emcee tungkol sa mga batas at alituntunin na ipinaiiral ng akademiya ay bigla na lang may sumigaw sa may pintuan ng bulwagan.

"May patay!" sigaw nito tapos ay mabilis itong tumakbo palabas. Agad naman itong sinundan ng mga estudyanteng dumadalo sa pagtitipon, papalabas. Hindi na nagawang pigilan ng mga guro ang mga estudyante sapagkat maging sila ay hindi rin makapaniwala sa nangyayari. Dahil dito ay tinapos na lang ng emcee ang naturang pagtitipon-tipon.

Habang nagtutulakan ang mga estudyante palabas ng awditoryum ay biglang nadapa si Hazel, dahil sa may aksidenteng tumulak sa kanya. Mabuti na lang at agad siyang nasalo ni Lawrence. Mabilis namang iniwas ni Hazel ang kanyang tingin sa mga mata ng binata dahil sa hiya. Nagpasalamat na lamang ang dalaga sa ginawang pagsagip sa kanya ni Lawrence.

Pagdating nina Hazel at Lawrence sa malawak na espasyo ng paaralan ay nagtaka ang babae sa kasalukuyang tanawin. Marami ang nagkukumpulang mga estudyante habang umiiyak naman ang karamihan sa mga babaeng mag-aaral. Unti-unti siyang lumapit sa pinagkakaguluhan ng kanyang mga ka-eskwela. Gayon na lang ang hilakbot niya nang makita ang patay na katawan ng kanyang kaklase. Ito'y walang iba kung hindi si Gian!

Halos masuka si Hazel nang makita ang lasog na lasog na katawan ng binata gawa ng napakaraming mga saksak na natamo nito. Makikitang may mga saksak ito sa dibdib, sa hita, sa leeg, at sa tiyan. Maging ang kaliwang mata rin ng kanyang kaklase ay hindi rin nakaligtas. Sariwa pa ang dugo kaya kung pagbabasehan ay malamang sa malamang, nitong umaga lang nangyari ang brutal na pagpatay.

Agad namang nakaagaw sa pansin ng dalaga ang plywood na may nakapinta na mga letra.

HKTHQKT YGK DN VKQZI TXESOR

Walang anu-ano'y bigla niyang narinig ang malakas na palahaw ni Hugh.

"Brrroooo! Sabi mo walang iwanan!"

Napapikit si Hazel dahil nagsisimula na rin siyang umiyak, matapos ay tumakbo papalayo ang dalaga, papunta sa kanilang dormitoryo. Naisip niyang tawagan ang kanyang mga magulang.

Ngunit nang akma na sana niyang bubuksan ang pintuan ng kanilang silid ay isang anunsyo ang kanyang narinig sa pamamagitan ng mga speaker na nakakalat sa iba't ibang mga lugar sa loob ng eskwelahan.

["This is an emergency warning. Please proceed to your respective classes as soon as possible. We are currently doing our investigation in order to find the culprit. I repeat, please go to your respective classes. Thank you."]

Tatawagan na sana ng dalaga ang kanyang mga magulang nang makita niyang walang signal na nakakalap ang kanyang cellphone. Isinukbit niya ito sa kanyang bulsa at ang kamera naman na nakapatong sa kanyang kama ay isinabit niya sa kanyang leeg, pagkatapos ay tuluyan na siyang bumaba papunta sa kanilang klasrum.

Matamlay na mga pagmumukha ang naabutan ni Hazel nang makapasok siya sa loob ng kanilang silid-aralan. Wari bang nagmumuni-muni ang lahat. Maging si Miss Dorovan ay tila ba wala rin sa wisyo na magturo. Samantala, ang grupo naman nina Eliza ay parang hindi apektado ng pangyayari. Mukha kasing nagkakasiyahan silang apat. Hindi tuloy maiwasang maisip ni Hazel na baka isa sa kanilang apat ang pumatay kay Gian.

Nahagip rin ng kanyang paningin si Rixxtan, habang kausap nito sina Miko at Hugh.

Naalala niya ang pag-uusap nila ng lalaki kagabi, at ang hawak nitong kutsilyo. Ngunit isinawalang-bahala na lang 'yon ng dalaga. Naniniwala kasi siyang hindi magagawa ni Rixxtan na pumatay ng tao nang dahil lang sa alaga nitong pusa na walang awang binaril.

Nang tuluyan na siyang makaupo sa kaniyang puwesto malapit sa may bintana ay naaninag niya sa kanyang likuran ang kakambal ni Gian na si Kian. Nagtaka siya nang makitang parang hindi naman nagluluksa ang binata sa pagkamatay ng kakambal nito. Alam niyang likas na masayahin itong si Kian dahil na rin sa madalas siyang tuksuhin at kulitin nito. Pero ang labis niyang ipinagtataka ay tila ba parang nasisiyahan pa ata ang binata sa sinapit ng kakambal nito?

Ikinipit-balikat na lang niya ang kanyang iniisip patungkol kay Kian at naisipan niyang damayan na lang ang naturang lalaki.

"Sorry for your loss, Kian. Condolences," mahinang sambit ni Hazel sabay marahang hinaplos ang balikat ng binata.

"Loss?" usal ng binata habang hindi pa rin ito lumilingon sa dalaga. "Deserved nga niya yun e," dagdag pa ng binata matapos ay bigla itong ngumiti dahilan upang mandilat ang mga mata ni Hazel.

•••••

SA HARDIN. Aliw na aliw si Hazel sa pagkuha ng mga litrato ng iba't ibang mga bulaklak na kanyang maibigan. Pinauwi kasi sila nang maaga ng kanilang guro kaya naisipan niyang tumambay muna sa hardin, tutal ay wala naman siyang gagawin sa kanilang silid. Mala-kahel ang kulay ng kalangitan, isa sa mga bagay na nakapagpapasaya sa isang simpleng babae na tulad niya. Tila ba'y nakalimutan niya ang nangyari sa kanyang kaklaseng si Gian.

Sandali niyang kinunan ng litrato ang langit. Napangisi siya nang makitang napakaganda ng kuha niyang iyon.

Nang ibababa na dapat niya ang kanyang dalang kamera ay agad na pumukaw sa kanyang atensyon ang isa sa kanyang mga kaklase na tulad rin niya ay nasa hardin at mukhang nag-sisiesta. Naalala niya bigla ang ginawang pagligtas sa kanya ng binata nitong umaga lang. Ang malagkit nilang tinginan matapos siyang masalo nito. Ang nangungusap nitong mga mata at ang mga mapupula nitong mga labi na tila ba'y inaakit siyang halikan ito. [Landi mo talaga, Hazel.] Napatawa siya bigla sa kanyang naisip. Agad niyang kinunan ng litrato ang naturang binata.

Nagitla siya nang makitang nakatingin na pala sa kanya ang binatang kasalukuyan niyang linilitratuhan. Tatakbo na sana siya paalis nang tawagin siya bigla nito.

"Hazel!" Napahinto si Hazel sa paglalakad at humarap sa kanyang kaklase.

"Sorry! Di na kita sinabihan na pi-picturan kita. Pasensya ka na talaga, Lawrence," pagpapaumanhin ng dalaga.

"Ha? Okey lang 'yun. Wala naman sa akin yun e," saad ng binata sabay kamot sa kanyang noo.

Napahagikhik si Hazel sa inasal ni Lawrence.

"Sige, Lawrence. Aalis na ako," pagpapaalam ng babae ngunit pinigilan siya ni Lawrence.

"Teka lang, Hazel," saad ng binata. "Naaalala mo pa ba yung code na iniwan ng killer kanina sa bangkay ni Gian?" sabi pa nito.

Sandaling napatigil ang babae at pilit na inalala ang mga letrang nakita niya kanina na nakapinta sa isang plywood. Hindi niya sukat-akalain na isa pala yong clue.

"Oo naman. Bakit? Nasagot mo na ba 'yung code? May clue ba yun kung sinong pumatay kay Gian?" sunod-sunod na tanong naman ng dalaga at agad na hinarap si Lawrence.

"'Di naman ganon kahirap yung code e. Actually, Keyboard Cipher lang ang ginamit ng killer," ani ng binata. "Palitan mo lang 'yung mga letra sa code ng katumbas nitong letra kung anong order nila sa isang qwerty keyboard," dagdag pa niya.

"Wait—'di ko maintindihan. Pakiulit nga," pakiusap ni Hazel sa lalaki.

"Sa madaling salita... ang letrang Q ay A, ang W ay B, ang E ay C, ang R ay D. And so on and so forth," paliwanag ni Lawrence.

Nagawa nang intindihin ni Hazel kung paano sagutin ang iniwang code ng pumatay kay Gian. "May kopya ka ba nung code kanina?" Iminuwestra pa niya ang kanyang kanang kamay upang iabot sa kanya ni Lawrence ang papel na kasalukuyang hawak ng lalaki. Marahan niya ring tinignan ang oras sa kanyang pulang relo sapagkat napansin niyang nagsisimula na ring dumilim ang kalangitan.

Nang akma na sana niyang sasagutan ang code ay hindi sadyang napatingin siya sa mga nakasulat sa bandang ibaba ng papel.

"Nga pala Hazel, may sagot na diyan sa baba ng papel," utal ng binata. "Mukhang may matinding galit ang killer sa section natin," dagdag na imporma pa ni Lawrence.

[PREPARE FOR MY WRATH, EUCLID.]

Nalaglag ang puting papel mula sa nanginginig na mga kamay ni Hazel.

•••••

KINAGABIHAN, dalawang tao ang nagpasyang lumabas muna ng kanilang mga silid dahil sa nararamdaman nilang kumakalam na naman ang kanilang mga sikmura. Mahigit tatlong oras na rin kasi ang lumipas simula nang makakain sila ng hapunan na inihahatid lamang ng mga serbidora ng kantina, tuwing alas syete y trenta. Kasalukuyan nilang tinatahak ang daan pababa ng hagdan habang pabirong naghahabulan patungo sa unang palapag—kung saan matatagpuan ang kantina ng gusali. Suot nila ang kanilang mga damit na pantulog sapagkat patulog na sila nang bigla na lang silang makaramdam ng gutom.

Nang makarating ay nagtaka sila nang makitang nakapatay ang mga ilaw sa paligid at walang nagbabantay sa naturang kantina. Agad naman nilang hinagilap ang switch ng ilaw upang makita nila ang kanilang buong sitwasyon.

"'Te Van, punta lang ako ng vendo ha? Magju-juice na lang siguro ako," pagpapaalam ng mas nakababata sa tinawag niyang ate. Nahagilap kasi nitong bukas pa ang vending machine ng kantina.

"Sige, Krystall. Basta bilisan mo ha?" ani Vanessa kahit na hindi niya nakikita ang pagmumukha ng dalaga. Nagsisimula na kasi siyang mangilabot dahil aaminin niyang takot siya sa dilim.

"Takot ka lang ata e," panunukso naman ni Krystall sa dalaga.

"Che!" Taboy ni Vanessa kay Krystall na natatawa pa.

Nang sa wakas ay mahanap na ng dalaga ang switch ng ilaw ay nagitla siya nang maramdamang may iba pang kamay ang nakahawak dito. Napasigaw siya sa gulat at agad na binawi ang kanyang kamay ngunit maagap namang pinindot ng kamay na iyon ang switch dahilan upang kumalat sa buong lugar ang liwanag.

Nahiya bigla ang dalaga ng makilala kung sino ang nagmamay-ari ng kamay na iyon.

"Ikaw lang pala! Muntik pa tuloy akong atakihin sa puso," natatawang sambit ng dalaga habang pinipigilan pa rin ang mabilis na tibok ng kanyang dibdib. Hindi niya batid kung dahil ba ito sa takot o 'di kaya ay dahil sa may sikreto siyang nararamdaman sa taong kaharap niya ngayon.

Dahil sa maliwanag na ang loob ng kantina ay agad na nakita ng dalaga ang dalawang mga serbidora na natutulog sa kanilang mga outlet.

Nilapitan niya ang mga ito at akma na sana niyang gigisingin ang mga ito nang makitang may tumutulo na mga pulang likido sa sementong tinatapakan niya. Nagmumula ito sa katawan ng mga babae! Agad siyang napahawak sa kanyang bibig dahil sa takot at pagkagulat. Umatras siya... nang umatras. Hanggang sa mabangga niya ang taong kasa-kasama niya na nasa kanyang likuran.