webnovel

What the Eyes Can't See

Maria Amara was forced to work for the Sarmiento's in the stead of her sick mother. Her life as a maid and a student was then peaceful, not until Sebastian Sarmiento, the only son of the Sarmiento's, went home for a certain reason. Love bloomed. But fate was not on their favor. The star who promised to stay, later lose its light after a painful truth was revealed. Years passed, their paths crossed again. Would fate favor them this time? Would the heart see what the eyes can't? Started: August 18, 2020 Ended:

tyrmrcdjs · 都市
レビュー数が足りません
5 Chs

Kabanata 3

"Miss, miss, nandito na po tayo."

Nagising ako mula sa mahimbing na pagkakatulog nang makaramdam ako ng mahinang pagyugyog sa balikat. Iginala ko ang paningin sa paligid at nabusog ang mga mata ko sa luntiang tanawin. Nandito na nga kami. Mahina kong tinapik-tapik ang mga pisngi ko upang tuluyang magising ang kamalayan ko.

Pagkababa ng tricycle at pagkatapos na maibaba ang mga gamit ay ngumiti ako at nagpasalamat kay manong driver sa paghatid sa akin. Mayamaya ay naiwan akong mag-isa sa harap ng malaking gate.

Nakita kong may dalawang gwardiyang nakabantay doon kaya agad akong lumapit upang sabihing anak ako ng dating kasambahay na ngayon ay magtatrabaho na sa mansiyon. Pagkatapos nilang makumpirmang totoo ang sinabi ko ay agad din nila akong pinapasok.

Hindi ko maiwasang hindi mamangha sa mga nakikita ko. Kahit na minsan na akong nadala ng inay dito noong bata pa ako ay hindi pa rin nagbago ang reaksyon ko noong una kong makita ang lugar na to.

Sa gitna ng malawak na lupain, sa may di kalayuan dito ay nakatayo ang isang mansiyong itinayo ata noong panahon pa ng mga Kastila. Parang ganun din ang nakikita ko sa pelikulang pinapanood ko dati. Pero hindi ito nakakatakot tingnan gaya nung sa mga horror movies.

Malaki ito at halatang inaalagaan ang estilo at estruktura. Hindi halatang luma na ito at pinaglipasan na ng panahon. Pinalibutan ito ng matatayog na pader na kapag nasa labas ka ay hindi mo makikita ang kabuuan nito.

May malaking fountain sa bukana nito at ang paligid naman ng kabuuan ay napapalibutan ng nagtataasang mga puno na nakakadagdag sa taglay nitong kagandahan. Para itong nakatayo sa kalagitnaan ng kagubatan.

Patuloy kong binaybay ang daan hanggang sa marating ko ang malaking pintuan kung saan naghihintay si Nanay Thelma, ang mayordoma ng mansiyon na malapit na kaibigan ni inay.

"Mabuti at ligtas kang nakarating dito, Maria. Parang kailan lang noong dinala ka dito ni Helena noong bata ka palang. Ngayon ay ganap na dalaga ka na at lumaki kang sobrang maganda. Manang mana ka sa tatay mo," bati ni Nanay Thelma nang makita ako.

"Maraming salamat po, Nanay Thelma," iyon lang ang tanging naisagot ko sa kaniya.

"Halika at ng maipakilala kita sa ibang mga katulong dito at para makapagpahinga ka na rin," wika ni Nanay Thelma habang iminumuwestra ang malaking pintuan ng mansiyon.

Ngumiti ako at sumunod sa kaniya sa pagpasok. Nagpaalam muna siyang tawagin ang iba pang mga katulong kaya naiwan akong mag-isa sa sala. Inilibot ko ang tingin sa kabuuan nito. Medyo nakakalimutan ko na kasi ang itsura ng mansiyon dahil labing-isang taon na ang nakalipas simula noong dinala ako dito ni inay.

Dumako ang tingin ko sa engrandeng hagdan na siyang nagkokonekta ng una at ikalawang palapag ng mansiyon. Naalala kong doon ako nagmamadaling tumakbo dati nung sinigawan ako ng masungit na senyorito. Napangiti tuloy ako nang maalala yun. Iyon ata ang pinamalakas na iyak na nagawa ko sa buong buhay ko.

Nalipat naman ang tingin ko sa mga larawang nakasabit sa dingding. Nakita ko doon ang larawan ng isang pamilyang sa tingin ko ay ang mga Sarmiento. Namangha ako nang makita ang kagandahan ni Ma'am Louisse at kakisigan ni Sir Theodore. Hindi ko pa kasi sila nakikita sa personal dahil nasa Maynila sila noong dinala ako ni inay dito.

Bumaba ang tingin ko sa lalaking nakaupo sa gitna nila. Walang kangiti-ngiti ang mga mapupula nitong labi at seryoso lamang na nakatitig sa camera. Kahit na bata pa ay kitang kita na ang kagandahang lalaki nito. Mas lalo tuloy akong nasasabik na makita sa ulit. Ano na kayang itsura niya? Makikilala niya kaya ako?

Naputol ang pag-iisip ko nang marinig si Nanay Thelma.

"Ito na iyong sinasabi ko sa inyong anak ni Helena. Siya si Maria. Maria, sila ang magiging kasamahan mo. Sina Julienne, Abigail, Rita, at Zyra." Pagpapakilala ni Nanay Thelma sa apat na babaeng nasa tabi niya.

Ngumiti ako sa kanila at bahagyang kumaway.

"Ako po si Maria Amara, pero pupwedeng Maria nalang po ang itawag niyo sa akin. Ikinagagalak ko po kayong makilala," ani ko at yumuko pa nang bahagya.

"Naku, sa tingin ko ay makakasundo ka namin nitong si Abi. Ang ganda mo, Maria," iyong si Julienne ang nagsalita. Ngumiti naman ako sa naging papuri niya.

Naging maayos ang isang buwan kong pagtatrabaho sa mansiyon. Hindi naman kami masyadong abala dahil hindi pa naman umuwi ang mga Sarmiento. Kahit papaano ay hindi din ako nahihirapang balansehin ang trabaho at pag-aaral ko.

Kapag kasi weekdays ay pumapasok ako sa unibersidad. Tumutulong ako sa mga gawain sa mansiyon pagkauwi ko sa hapon. Tuwing Sabado at Linggo naman ay full time ako sa pagtatrabaho.

Noong una ay nababahala pa ako ngunit sinabi naman ni Nanay Thelma sa akin na ayos lang daw sa mag-asawang Sarmiento na nag-aaral ako habang nagtatrabaho. Malapit kasi sa kalooban nila ang ina ko dahil isa ito sa pinakamatagal na nanilbihan sa kanila.

Mabilis ko ding napaglagayan ng loob sina Julienne at Abi. Mas matanda sila sa akin ng tatlong taon ngunit hindi nila ako hinayaang tawagin ko silang ate. Sila ang palagi kong nakakausap sa mansiyon.

"Maria, ano bang sinabi ko sayo? Diba sabi ko isampay mo yung nabanlawan ko nang mga damit pagkatapos mong magluto? Bakit nakahiga ka diyan? Ano nagtrabaho ka ba rito para magpasarap sa buhay? Hoy, di ka senyorita kaya wag kang tatamad tamad."

Kalmado kong itinabi ang binabasa kong libro at tumayo mula sa pagkakahiga. Walang imik akong lumabas ng silid ko at hindi na pinansin si Zyra na nagtatalak pa rin habang nakasunod sa akin.

"Ano? Hindi ka magsasalita? Kahit kailan talaga ay napakabastos mo-"

"Anong nangyayari dito?"

Parehas kaming napatigil sa paglalakad nang marinig si Nanay Thelma. Nakita kong napababa ng tingin si Zyra nang tingnan siya nito ng masama. Kapagkuwan ay bumaling ang tingin nito sa akin.

"Ano na namang ginawa ni Zyra sayo Maria? Nitong nakaraang araw ay napapansin kong sinisigawan ka niya. May problema ba?" Agad naman akong umiling bilang pagsagot sa tanong ni Nanay Thelma.

"Wala po, may nakaligtaan lang po kasi akong gawain kaya pinagsasabihan niya po ako."

"Oh siya, gawin mo muna iyon at nang makapag-aral ka na. At ikaw Zyra, huwag mong ipapagawa sa iba ang gawain mo. Akala mo ba ay hindi ko alam na si Maria ang pinapatapos mo sa mga ginagawa mo? Oo at matagal ka na rito pero wala ka sa posisyon para mang-api ng kapwa mo." Mahinahon pero may diing sabi ni Nanay Thelma.

"Pasensya na po nay. Hindi na mauulit," sagot ni Zyra at mas lalong yumuko na tila nahihiya.

Isa si Zyra sa mga matagal nang naninilbihan dito sa mansiyon. Mas matanda siya ng limang taon sa akin ngunit ayaw niya ring tinatawag ko siyang ate. Simula pa noong unang araw ng pagtatrabaho ko dito ay ramdam ko na ang pagkadisgusto niya sa akin.

Palagi siyang galit at nakasimangot sa tuwing kinakausap ako at palagi niya akong iniirapan kapag nahuli niya akong nakatingin sa kaniya. Hindi ko nalang pinapansin at baka may problema siya sa pag-uugali. Hindi ko din siya pinapatulan kahit na minsan ay gustong-gusto ko nang sumabog.

Ngayon ay abala kami sa pagluluto dahil mamayang gabi na ang dating ng mga Sarmiento. Lahat ay nasasabik na makita ulit ang mag-asawa, lalong lalo na ang nag-iisang anak ng mga ito.

"Hala makikita na naman natin si senyorito. Ilang taon na ba ang nakaraan? Lima? Siguradong mas pumogi na siya ngayon at mas sumarap." Impit na tili ni Julienne at itinuloy ang pagluluto.

"Hinaan mo ang boses mo at baka marinig ka ni Nanay Thelma. Pero oo nga no, kahit masungit yun ay hindi ko pa rin maiwasang hindi siya hangaan. Ano kayang pakiramdam na maging isang anak ng mga Sarmiento?" bulong naman ni Abi na halatang nagpipigil ng kilig.

Napatigil ako sa paghihiwa ng rekados nang maramdaman kong nabaling ang tingin nila sa akin.

"Ano?" tanong ko.

"Hindi ka ba naeexcite, Maria? Hindi na magiging boring ang bawat araw natin dito. Sa wakas ay makakakita na rin ako ng gwapo, thank you, Lord." Tumingala pa si Abi habang sinasabi iyon.

"Hindi niya pa naman kasi nakita si Senyorito Seb kaya hindi siya nakakarelate sa excitement natin. Pero girl sinasabi ko sayo sobrang gwapo nun." Dagdag naman ni Julienne.

Ngumiti lang ako at hindi na nagsalita. Nagkakamali sila. Minsan ko nang nakita ang anak ng mga Sarmiento.

Nang matapos kami sa pagluluto ay nagsipuntahan na kami sa quarters para maligo at makapag-ayos. Magkasama sa iisang silid sina Julienne at Abi. Magkasama rin sa kabila sina Zyra at Rita. Mag-isa lang ako sa kwarto ko na siyang ipinagpapasalamat ko dahil nakakapagpokus ako sa pag-aaral.

Nakita ko nalang ang sarili ko sa labas ng mansiyon kasama sina Nanay Thelma na nakahilera habang hinihintay ang pagdating ng mga Sarmiento. Mayamaya pa ay nakita na namin ang paparating na sasakyan.

Bumukas ang pintuan ng driver's seat at iniluwa nun ang gwapo at makisig na Sir Theodore Sarmiento. Katulad ng nakita ko sa larawan ay ganun pa rin ang itsura niya. Bumaba ito at pumunta sa kabila upang pagbuksan ng pintuan ang asawa.

Namangha ako nang makita si Ma'am Louisse. Sobrang ganda niya rin. Parang hindi nadagdagan ang edad niya kahit ilang taon na iyong larawang nasa sala.

Bumukas naman ang pintuan sa backseat at nakita kong inalalayan ni Ma'am Louisse sa pagbaba ang isang matangkad at makisig na lalaki. Siya na ba iyon? Bakit niya pa kinailangan ng tulong? May pilay ba siya?

Sabay sabay kaming bumati at nagbigay galang sa pamilya Sarmiento. Bumati naman pabalik si Sir Theodore at inaanyayahan na kaming pumasok. Nagsipasok na silang lahat pero hindi pa ako gumalaw.

Hindi naalis ang tingin ko sa lalaking akay akay ni Ma'am Louisse. Hindi ako pwedeng magkamali, si Senyorito Sebastian iyon.

Tiningnan ko ang kabuuan niya. He changed, a lot. Wala na yung batang Sebastiang nakikita ko dati. What I'm seeing right now is an intimidating man. His whole presence is screaming ruthlessness and danger.

Naging maganda at makisig ang katawan niya. Ang tangkad niya naman ay nasa mga anim na talampakan yata. Ang buhok niyang may kahabaan ay umaabot hanggang sa may leeg niya.

Tiningnan ko ang iba pang nagbago sa kaniya. His aura changed. Kung nakakakot siya dati ay mas lalo na ngayon. Magkasalubong ang kaniyang mga makakapal na kilay at nag-iisang linya ang kaniyang mga labi. Tila ba'y may malaki siyang galit sa mundo. Yung tipong kapag nabangga mo ay bigla ka nalang sisinghalan.

Napakunot ang noo ko nang dumako ang tingin ko sa mga mata niya.

May mali doon.