Unang laro ni Kenneth sa basketball team ng CPRU. Kahit na isa siya sa mga rookie ay isinama pa rin siya sa line up. At kahit first time niya maglaro ay punong-puno pa rin siya ng confidence na matutulungan niya ang team para magkaroon ng magandang resulta ang larong ito para sa kanila.
Sa CPRU ang venue ng unang game nila. Dahil doon ay nakanood lahat ng mga schoolmates nila, lalong-lalo na ang mga kaklase nila. Isa si Sam sa mga nag-atubiling manood ng nasabing laro. Bukod kasi sa lalaban ang kanilang school, at isa nga sa mga team members ay kaklase nila, mahilig din talaga siya sa basketball.
Dahil inter-school ang labanan, binigyan ng pagkakataon ang mga estudyante hindi lang sa high school, kundi maging sa elementary na rin na manood at sumuporta sa mga kaeskwela nila. Kaya naman nagkaroon ulit ng pagkakataon si Sam na makasama iyong mga dati niyang kaklase at kaibigan, partikular na ang magkapatid na Stan at Jared Fontanilla.
"Buti na lang na-excuse tayo ngayon, ano?" ang sabi ni Jared. Dalawang taon ang tanda nina Sam sa kanya.
"Tinatamad ka na namang pumasok, ano?" ang sabi ni Sam sa kanya.
"Uy! Hindi, ah! Gusto ko lang i-support ang school natin," palusot pa ni Jared.
"By the way, Sam. Where are your classmates?" tanong naman ni Stan.
"Well..." Nilibot ni Sam ang kanyang paningin sa paligid. "Kalat-kalat, eh."
"Wala ka bang friends sa mga classmates mo?" tanong ni Jared. "That's so unusual of you."
"I don't quite like them." Which is kind of true. Naiinis kasi si Sam dahil ang yabang-yabang ng karamihan ng mga kaklase niya, porket nasa first section sila. Pero gaya nga ng observation niya, hindi naman talaga sila bagay doon.
"Why? Because they're maarte?" tanong naman ni Jared. "I heard that high school girls are maarte na daw."
"Kanino mo naman narinig iyang chismis na iyan?" tanong ni Stan sa kapatid.
"Well, my friends. Kapag daw nag-high school na yung girls, maarte na daw kasi feeling teens na daw."
"Sinasabi lang iyon ng mga friends mo kasi hindi sila pinapansin ng crush nilang high schoolers," ang sabi naman ni Sam kay Jared.
Napangisi naman ang nakababatang Fontanilla. "Well, some of my friends are kind of lame. They are losers!"
Natawa sina Sam at Stan sa sinabi nito.
"Grabe ka sa mga friends mo," ang sabi ni Stan.
"Baka mamaya katulad ka rin nilang loser, ha?" ang sabi ni Sam dito.
"Excuse me! John Alfred Fontanilla will never ever be a loser," ang sabi ni Jared. "Sila pa ang magiging loser sa akin, eh."
Napapailing na napapangiti na lamang si Sam sa sinabi ni Jared. Hanggang sa mapalingon siya sa labasan ng mga players papuntang court. That time kasi ay palabas na sa court ang team nina Kenneth. Kasama nito ang mga teammates nito, at pagkakakita sa kanila ay nagsimula nang magtilian at magsigawan ang mga taga-CPRU. Nagsimula nang mag-cheer ang mga estudyante para sa kanilang mga pambato.
Bigla naman na-excite si Sam. Na-excite siya hindi lang dahil sa hype ng laro, pero dahil na rin sa kaklaseng si Kenneth Oliveros. Excited siyang makita kung paano nga ba ito maglaro sa court. Magaling din kaya itong maglaro kagaya ng galing nito sa mga klase nila? Matalino din kaya ito sa court? Swabe mag-execute ng mga plays gaya ng pagsagot nito ng Math problem?
Lihim na naihiling ni Sam na sana ay magaling din sa paglalaro ng basketball ang matalino nilang kaklase.
Samantala, nagsimula na ring mag-warm up si Kenneth kasama ang mga ka-team nito. Paglabas pa lang ng kanilang team ay ramdam na niya ang suporta ng kanilang mga kaeskwela. Ang sabi ng mga teammates niya, first time daw na sa school nila gaganapin ang isang game sa inter-school competition. First time daw na pumayag ang school admin sa pangungumbinsi na rin ng coach nilang is Cesar Corpuz.
Napatingin siya sa nasabing coach. Mukhang malakas ang kumpyansa nitong magiging maganda ang resulta ng game na iyon para sa kanila para hikayatin nito ang buong Admin na doon gawin ang game na iyon. Sana nga lang ay matupad niya at ng team ang expectations nito pati na ng buong CPRU Admin.
"Hoy, Isko!"
Napatingin si Kenneth sa may kanan niya. Andun sina Ryan Arcilla, kasama iyong apat nitong alagad. Nakangisi ito habang nakatingin sa kanya. Mukhang siya talaga ang puntirya ng mga ito sa pagpunta ngayon, at hindi ang sumuporta sa buong team ng school nila.
"Galingan mo sa paglalaro, ha? Baka mamaya ikaw ang magpatalo sa team natin!" ang sabi ni Ryan. "Nakakahiya naman sa iyo. Libre ka na ngang nag-aaral dito, at nakakapaglaro ka pa sa maganda naming basketball court. Tapos ipapatalo mo pa ang team natin?"
Tawanan iyong apat na alipores. Sobrang lakas ng tawa nila na napatigil sa pagchi-cheer iyong ibang estudyante at napatingin na lang sa kanila.
"Huwag mong gamitin iyong pagiging nerd mo dito sa court, ha? Baka mamaya singlampa ka ng mga babae nating classmates. Naku! Lumayas ka na lang diyan kung ganoon ka nga!" dagdag pa ni Ryan.
Tawanan ulit sila ng mga kabarkada nila. Na natigil lang nung lapitan sila ni Coach Cesar mismo.
"Hoy! Kung wala kayong sasabihing maganda, umalis na kayo dito sa court! Nakakaistorbo kayo ng matitinong tao!"
Hindi nakasagot si Ryan at ang mga alipores nito.
"Kapag iyang si Kenneth, hindi nakapaglaro ng maayos dahil sa pambubully ninyo, kayo ang may kasalanan. Kaya kaysa mapahiya itong team at school natin sa mga bisita natin, lumabas na lang kayo bago ko kayo ipakaladkad sa mga guwardiya."
Walang nagawa sina Ryan kundi ang umalis na lang. Pero hindi sila tuluyang lumabas ng court. Nagtago lang sila doon sa sulok kung saan hindi sila makikita ni Coach Cesar. But in the process, napalayo na rin sila kay Kenneth at hindi na nila magagawa pa ang talagang ipinunta nila sa larong iyon.
"Paano na iyan, Ry?" tanong nung isa niyang kasama.
"Dito muna tayo," ang sabi ni Ryan. "Hahanap ako ng tiyempo para makaganti tayo diyan sa dakilang isko na iyan."
Hinding-hindi nya palalampasin ang pagkakataong mapahiya si Kenneth sa harapan ng lahat.
Pagkaalis naman nina Ryan ay kinausap ni Coach Cesar si Kenneth.
"Was he the one who did that sa gym dati?" tanong nito kay Kenneth.
Hindi nakasagot ang huli. Nakalapit naman na noon ang iba nitong teammates.
"Is he the reason kung bakit hindi ka na doon nagla-lunch?" tanong ulit ni Coach Cesar.
"Binu-bully ka ba ng Ryan Arcilla na iyon?" tanong naman ni Christian.
"Ang kapal talaga noon, ano?" ang sabi naman ni isa pa nilang teammate. "Kahit sino na lang talaga, ibubully niya."
"Kailangan mo ba ng tulong sa kanya?" ang sabi naman ng isa nilang senior member. "Sabihin mo lang at tutulungan ka namin para maturuan iyan ng leksyon."
"Hoy!" saway ni Coach Cesar dito. "Iyan ba ang tinuturo ko sa inyo? Ang maging basagulero?"
Natameme naman ang lahat.
"Hayaan ninyo ang mga bully. Huwag papatulan kasi matutulad lang kayo sa kanya. Kung kailangan ninyo ng tulong laban sa kanila, sabihin ninyo sa akin at ako ang gagawa ng paraan para matigil iyong ginagawa nila."
Tinignan ni Coach Cesar si Kenneth. Tumango na lamang ang huli.
"O siya! Continue your warmup!"
Nagpatuloy na nga ang lahat sa pagwa-warmup.