Mayroon akong bagong kwento
magkaibigang sa isa't isa'y nagkagusto
Ngunit nararamdama'y di pinansin at tinago
Dahil sa takot na husgahan ng mundo
Isa't isa'y palihim na iniibig
Sa bawat ngiti ay tinatago ang kilig
Sa bawat kilos ay gustong ipahiwatig
Ngunit nag-aalinlanga't tututulan ng daigdig
Sinubukang magtapat ng isa sa kanila
Ngunit nang magsasalita na'y biglang naalala
Mga magulang nila'y masasama nga pala
Kung magtatapat siya'y baka itakwil pa
Nasa dulo na ng dila, ngunit muling nilunok
Paano niya lalampasan itong pagsubok?
Mag-mumukmok na lang ba siya sa sulok?
O narararamdama'y tatabunan ng alikabok?
Sinubukan ring magtapat nitong isa pa
Ngunit nang magsasalita na'y biglang naalala
Baka pagtingin sa kanya'y mag-iba pa
Baka kamuhian siya ng kaibigan niya
Pinigil ang sarili, pinag isipang mabuti
Ang lihim kaya niya'y paano masasabi
Ang pagtatago yata ay mas makakabuti
Pero pagiging totoo ang kanyang pinili
Sa muling pagkikita'y malulungkot ang mata
Halatang may bigat sa pusong nadarama
"May gusto akong sabihin" nagkasabay pa
Si lalaki at lalaki sa pagsasalita
"Gusto kong sabihing gusto kita"
Wika ng isa na may halong kaba
"Gusto ko namang sabihing gusto rin kita"
Tugon naman ng isa pa na may ngiti sa mukha