Matagal akong nakatulala lang sa aking silid, habang iniisip kung ano ba ang pinaka-mabuting gawin para mapigilan ang sakunang malapit nang dumating.
Nakatadhana ba talagang magustuhan ni Arturo ang isang babaeng mula sa kasalukuyan? Parte ba talaga ito ng history? Batid kong hindi tama ang mga nagaganap. At mas lalo pa itong naging mali, dahil... hindi ko maitatangging may malaking posibilidad na magustuhan ko din siya.
Dahil ganito ang mga nangyayari, isa na lang ang maaari kong gawin... kailangan ko nang umalis sa tahanang ito. Iyon lang ang paraan upang mapigilan ang pagtibok ng dalawang pusong hindi naman para sa isa't-isa.
Hindi rin naman magiging matagumpay ang aking misyon kung mananatili ako sa piling nila. Kailangan kong lumabas at maghanap. Kailangan ko nang kumilos. Sapat na ang isang linggong naging masaya ako. Oras na para pagtuunan ko muna ng pansin ang aking misyon, para sa aking mga ninuno na umaasa sa akin.
Subalit, paano ako magpapaalam sa kanila? Isipin pa lamang ito'y nasasaktan na ako ng husto? Paano nga ba?
Tama! Isang sulat.
Kumuha ako ng isang papel at panulat upang simulan na ang pagsasatitik ng aking mensahe.
Mahal kong Mayumi, Ginoong Arturo, at Ina,
Nais kong sabihing lubos ang aking pasasalamat sa kabutihan at pagmamahal na ipinadama ninyo sa akin. Salamat dahil itinuring ninyo akong bahagi ng inyong pamilya. Hindi ko ito makakalimutan.
Patawad kung hindi ko kayang personal na magpaalam sa inyo. Mas magiging masakit sayo mahal kong Mayumi na marinig ang mensaheng ito mula sa aking mga labi at masubaybayan akong lumisan. Hinihiling ko ang patuloy mong pag-galing. Patuloy kang maging maligaya, ganon din po sana kayo mahal na ginoo at ina.
Napagdesisyunan kong gawin ito, hindi dahil nais ko, kundi dahil kailangan. Kung ako lamang ang masusunod ay gusto kong manatili sa piling ninyo bawat araw. Ngunit, dapat akong umalis, baka sakaling matagpuan ko ang ala-alang sa aki'y nawala. Sana ah maintindihan po ninyo ang aking dahilan. Masaya akong nagkakilala tayo. Sana'y hayaan ng tadhanang muling magtagpo ang ating mga landas.
Nagmamahal,
Callista
Nagsinungaling ako nang banggitin ko ang tungkol sa aking ala-ala. Subalit ito lamang ang tanging paraan upang hindi sila lubos na masaktan pa, lalong higit si Mayumi.
~*~
Kinagabihan ay sinubukan kong lumabas sa kanilang tahanan nang hindi nila namamalayan. Matapos iwan ang sulat sa aking silid ay unti-unting akong humakbang palayo sa pamilyang kumupkop sa akin habang walang patid ang pagtulo ng aking mga luha.
Matagumpay akong nakaalis sa poder ng pamilya Cruz kagaya ng aking balak, ngunit saan ako dapat na magtutungo ngayon? Wala naman akong kakilala o kahit sinong malalapitan dito. Ang aking iba pang misyon, nasaan kaya sila?
Lola, aking mga ninuno, gabayan ninyo po sana ako.
Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa tuluyan nang mapagod ang aking mga paa. Natanaw ko sa di kalayuan ang mga mamamayan sa bayang ito na wari ko'y wala ding tirahan. Ayos lang kaya kung sa kanila muna ako sumama?
Hayst! Poor time traveller.
Naki-upo ako sa ilalim ng puno kung saan sila nagpapahinga. Malayo na ang aking nilakad, kailangan ko na rin siguro ng kaunting pahinga. Pumikit ako at unti-unti nang nakatulog.
~*~
Mataas na ang sikat ng araw nang ako'y magising. Oras na upang magpatuloy. Ang layunin ko ngayong araw ay mahanap ang kapareha ni Mayumi o ginoong Arturo, pati na din ang iba ko pang mga misyon.
Magsisimula na sana akong maglakad nang madinig ko ang nakakahiyang tunog mula sa aking tiyan. Oo nga pala! Nakakaramdam na ako ng gutom ngayon. Bakit kasi nakalimutan kong magdala ng makakain kahit pang-ilang araw lang.
"Bilisan mo, alipin. Nadinig kong naroroon muli ang ginoo upang tumugtog. Kailangan kong gumawa ng paraan upang mapansin niya." Saad ng binibining bumangga sa akin.
Uso din pala ang pagpapapansin at pagpapa-cute sa panahong ito. Na-curious tuloy ako sa patutunguhan niya.
Pinalilibutan ng may karamihang mamamayan ang isang ginoong tumutugtog ng sa palagay ko ay gitara, hindi ko agad siya nakita dahil sa dami ng kanyang manonood.
Ang mga kastila ang nagpakilala sa mga Pilipino ng instrumentong ito. At magpahanggang sa kasalukuyan ay ginagamit nating mga Pilipino ang gitara.
Patuloy akong nakipagsiksikan hanggang sa tuluyan ko nang makita ang mukha ng ginoo na sobrang pamilyar sa akin. Tila hindi sa panahong ito ko siya unang nakita.
Napaka-gwapo ng mukha niya upang makalimutan ko, at napaka-kisig niyang tingnan habang nag-
WHAT THE F@¢*! Nakasabit sa leeg niya ang kwintas na may kulay rosas na pendant. Panibagong kulay na naman ang nahanap ko, mukhang naka-tadhana talaga akong mabaliw kahahanap ng mga kapareha nila. Ngunit sa kabila nito, swerte pa din ako kung tutuusin, mapapalapit ako sa mala-Adonis na mga ginoo ng panahong ito.
Matapos ang pagtugtog ng ginoo'y inabutan siya ng mga manonood ng Pesos Fuertes, ang kauna-unahang salaping papel na ginawa sa ating bansa.
"Ginoo, maari bang isang pagtatanghal pa?" Hiling ng isang ginang.
Napaka-husay ng paggigitara niya, idagdag pa ang kanyang kagwapuhan ay aasam-asamin talaga ng madla na paulit-ulit siyang mapanood.
Binilang ng ginoo ang kanyang kinita. Mukhang kontento na siya rito.
"Sa mga susunod na araw na lang po ulit. Maraming salamat sa inyong panonood."
Bago pa siya maka-alis sa gitna ay kaagad ko siyang hinarang.
"Ginoo, maaari ko bang mahiram ang iyong instrumento? Ako naman ang tutugtog para sa kanila."
"Napaka-ganda mo naman binibini. Tiyak ka bang marunong kang humawak niyan?" Tanong ng ginang na siyang humiling ng isa pang pagtatanghal.
"Opo. Maari ko din ba kayong tugtugan?"
Sabay sabay silang tumango.
Iniabot sa akin ng ginoo ang gitara niya.
"Paghusayan mo, binibini."
Umayos ako ng pwesto at nagsimula nang magtanghal. Kinalabit ko ang kuwerdas ng gitara at ipinikit ang mga mata habang dinadama ang tunog na aking nililikha.
Ibat-ibang positibong komento ang aking narinig mula sa manonood. Mukhang nagustuhan nila.
Matapos ang ilang minuto ay huminto na ako. Sapat na siguro 'yun.
Masigabong palakpakan ang naging tugon nila. Matapos iyon ay isa-isa nila akong inabutan ng Pesos Fuertes. May silbi din pala sa panahong ito ang talent ko.
"Mahusay kang tumugtog, binibini." Ang ginoo iyon.
Ibinalik ko sa kanya ang instrumento niya.
"Maraming salamat sa iyong papuri at sa pagpapahiram sa akin ng iyong gitara, ginoo."
Gumuhit sa kaniyang labi ang isang matamis na ngiti na siyang lalong nagpatingkad ng kanyang ka-gwapuhan.
"Walang ano man. Matagal ka na bang tumutugtog nito?" Tanong niya.
"Hindi po, ginoo. Ngayon ko lang ito nasubukan. Plauta ang instrumentong lubos kong alam ang pag-gamit."
Minsan na akong nabigyan ng pagkakataong lumahok sa isang theatrical play. Grade-10 ako noon. Gumanap ako bilang isang diwatang may mahiwagang plauta. Dahil doo'y natutunan ko kung paano ito gamitin.
Subalit, ang tungkol sa aking kakayahang humawak ng gitara ay isang hiwaga. Totoong hindi ko pa ito nasusubukan, ever. Napanood ko lang sa YouTube ang tutorial kung paano ito gamitin at agad kong nasaulo ang itinuro nila.
"Isa kang natatanging binibini."
Pinuri niya ako? Marahil hindi niya batid ngunit ang totoo'y mas higit siyang natatangi. Nasa ginoong ito ang isa sa mga mahihiwagang kwintas, ibig sabihi'y hindi pangkaraniwan ang maari niyang magawa sa kasaysayan kung sakaling hindi ako nagtagumpay sa aking misyon.
"Ganoon ka rin, ginoo."
"Nais ko pa sanang makipag-usap sa iyo ng mas matagal ngunit tumataas na ang araw. Magtutungo pa ako sa pamilihan upang bumili ng mga pagkain, kaya't magpaalam na ako. Hanggang sa muli, binibini."
Pagkain?! Naramdaman kong muli ang matinding gutom.
"Ginoo, bibili ka ng pagkain? Kung ayos lang sayo, maari ba akong sumama?"
"Walang problema. Mas ikatutuwa ko kung ganoon nga."
Sabay kaming namili ng mga tinapay. Sa dami ng pamimiliang pagkain ay hindi ko na batid kung alin sa mga ito ang impluwensya ng mga espanyol sa atin.
Napukaw ng dalawang malaking supot na dala ng ginoo ang aking pansin.
"Napakarami mo yatang biniling tinapay, ginoo."
"Hindi para sa akin ang mga ito. Halika, samahan mo akong ipamigay ito sa mga batang lansangan."
Ang kinita niya ngayong araw ay nakalaan sa mga batang walang tirahan?
Sumunod ako sa pinatunguhan niya. Malayo pa kami'y kumakaway at nagsisigawan na sa tuwa ang mga bata. Hindi ito ang unang beses na ginawa niya ito kaya't kilalang kilala siya dito.
"Ginoo, aalis lang ako sandali. Hintayin mo ako rito."
Ibinili ko na lang din ng tinapay ang natitira kong salapi. Para naman ito sa mga bata, kaya't bakit hindi ko gagawin?
Mula sa malayo ay natanaw ako ang ginoong tumutugtog ng gitara habang masayang kumakain ang mga batang nasa paligid niya. Nakakatunaw ng puso ang eksenang nasasaksihan ko. Napaka-buti din niya, walang dudang karapat-dapat siya sa isang tunay na pag-ibig. Huwag kang mag-alala ginoo, hahanapin ko ang babaeng para sayo.
Lumapit ako sa kinaroroonan nila.
"Mga bata tanggapin din ninyo ito. Tiyak akong gutom pa kayo. Paghati hatian ninyo."
Iniabot ko sa kanila ang mga binili ko. Simula pagkabata ay kasiyahan ko na ang tumulong. Dahil labis-labis naman ang baon ko sa school, inipon ko ito at siyang ipinambibili ko ng makakain upang kahit papaano'y maibsan ang gutom ng mga batang lansangan sa aming lugar.
"Maraming salamat po, magandang binibini."
"Walang ano man. Magpaka-busog kayo ah."
Ang kasiyahan nila'y kasiyahan ko na din. Tiyak akong ganito din ang nadarama ng ginoo.
Matapos ang isang oras na pagkain at kulitan ay isa-isa nang lumisan ang mga bata upang kumita ng salapi sa iba't-ibang paraan. Pinaalalahanan namin sila na huwag gumawa ng ano mang ilegal at masamang bagay nang hindi sila mapahamak.
"Ang pagtulong sa mga bata, ilang beses mo na rin ba itong nagawa, binibini?"
"Ilang beses na rin, ginoo. Ang mga ngiti nila, nais kong parati itong nakikita."
"Ibig sabihin ba nito'y parati kitang makikita dito?"
"Sa totoo lang ay hindi ko alam. Wala akong permanenteng matutuluyan sa lugar na ito."
"Kung ganon ay sumama ka sa akin."
Patutuluyin din niya ako? Bakit kay bubuti ng mga sinaunang tao?
"Ginoo?"
"Hindi ako doon tumutuloy at wala ring ibang naninirahan. Kaya't kung nais mo, maari ka munang doon mamalagi."
"Kailangan ko talaga ng matutuluyan, kaya't nakakahiya man ay tatanggapin ko ang alok mo, ginoo."
"Kung gayo'y halika na."
Habang naglalakad ay hindi namin naiwasang pag-usapan ang iba't-ibang bagay.
"Binibini, kanina pa tayong magkasama ngunit hindi mo pa nababanggit sa akin ang iyong pangalan."
Oo nga pala. Nakalimutan ko.
"Tawagin mo na lang akong Calli, ginoo."
"Cali? Ngayon ko lang narinig ang pangalang ito. Kakaiba."
Hayst! Gusto ko lang namang pagandahin sa pandinig ang ngalang Callista. Sige na nga, mukhang hindi talaga maaring ipilit.
"Calli, mula sa ngalan kong Callista, ginoo."
"Huwag mo nang pa-iksiin ang iyong pangalan sapagkat kaaya-aya naman ang kahulugan nito. Ngalang mula sa mga kastila na nangangahulungang pinakamaganda, bagay sa iyo."
Pinakamaganda ang kahulugan ng Callista? Hayst! Bakit ba naisipan ko pa itong paikliin?
"Mayroon, at napaka-ganda ng kahulugan nito. Totoo nga ang usap-usapang nabighani sa iyo ang aking kapatid." Biglang pumasok sa aking ala-ala ang sinabing ito ni Mayumi. Naiintindihan ko na ngayon ang dahilan kung bakit simula't sapul ay naniniwala siyang gusto ako ng kapatid niya.
Sa susunod naming pagkikita ay dapat akong magpasalamat kay ginoong Arturo sa napaka-makahulugang pangalang ibinigay niya.
"Ikaw, ano ang iyong pangalan, ginoo? May kahulugan din ba ito?"
"Mateo na nangangahulugang regalo mula sa diyos. Hindi ko nais sayangin ang aking pangalan, kaya't bata pa lang ay hilig ko na ang tumulong. Gusto kong panindigang isa akong regalo ng diyos para sa sangkatauhan."
Tumingin siya akin at ngumiti. May tao pa lang kasing perpekto niya.
Matapos ang kalahating oras na paglalakad ay narating din namin sa wakas.
"Ipagpaumanhin mo kung hindi ito kalakihan. Ang bahay na ito'y tinitigilan ko lamang sa tuwing ginagabi ako sa labas."
Tama ang hinala ko.
"Isa kang maharlika, hindi ba?"
Bakas ang pagkabigla sa mukha niya. Nagpapanggap siyang karaniwang tao sa pamamagitan ng pagsusuot ng hindi marangyang kasuotan. Bakit kaya?
"Paano mo nalaman, binibini?"
"Ginoo, una sa lahat, ang iyong instrumento ay hindi basta basta. Gawa ito sa pinaka-magandang uri ng kahoy, kaya't kahit napakagaan ay napaka tibay nito. Sa panahong ito, imposibleng isang hamak na mamamayan lamang ang magmamay-ari ng isang gitara. Bukod doon, kanina lamang ay iyong nabanggit na dito ka sa tahanang ito tumutuloy sa tuwing inaabot ka ng gabi sa labas. Ibig sabihin, sa loob ka ng isang hacienda naninirahan. Lihim ang iyong paglabas, kaya't hindi ka maaring umuwi sa pagpatak ng dilim dahil mas maigting ang nagiging pagbabantay sa mga oras na iyon. Tama ba, ginoo?"
"Kahanga-hanga ka, Callista. Napaka-talas ng iyong isipan. Ngunit, maari bang huwag mo na akong tawaging ginoo? Dito sa labas ng palasyo, isa lang akong hamak na mamamayan."
"Kung iyon ang nais mo, Mateo."
"Kilala mo na ang aking totoong pagkatao. Kung iyong mamarapatin, maari ko bang malaman ang sayo? Kanina ko pa nais itanong kung bakit wala kang tahanan."
"Iyon ba? Nagising ako sa loob ng hacienda Cruz mahigit isang linggo na ang nakararaan. Hindi ko sila kaano-ano, ngunit hindi ako makabalik sa aking pinagmulan dahil nawalan ako ng ala-ala. Kinupkop nila ako magmula noon, subalit kahapon ay napagdesisyunan kong lumisan na upang mag baka sakaling matutuklasan ko ang aking pagkatao."
"Nawa'y bumalik muli ang iyong mga ala-ala. Ngunit habang hindi pa nangyayari iyo'y palagi mong tatandaang ang bahay na ito ay parating bukas para sayo."
"Natutuwang akong marinig muli ang mga salitang iyan."
Nagpalitan kami ng matamis na ngiti.
"Kailangan ko nang lumisan, binibini. Hindi dapat malaman ng aking pamilya ang lihim kong paglabas. Ipadadala ko rito ang isa sa aking mga tagapaglingkod upang mabantayan ka. Mapanganib kung ang binibining tulad mo ay mag-isa lamang dito."
"Maraming salamat sa kabutihan mo, Mateo."
Isang oras matapos siyang umalis ay dumating ang isang lalaking tagapaglingkod.
"Binibini, ako ang tagapaglingkod mula sa tahanan ni ginoong Mateo. Ipinadala ako dito upang kayo ay pagsilbihan." Magalang na pagpapakilala niya.
"Tumuloy ka sa loob. May isa pang silid na para sayo."
"Hindi maari, binibini. Isang kalapastanganan ang pagpasok sa tahanan ng ginoo kung hindi niya ipinahihintulot."
"Hindi ba't sinabi mong naririto ka ngayon upang ako'y pagsilbihan sa utos ng ginoo? Kung gayo'y ako ang iyong amo. Iniuutos kong pumasok ka sa loob at tumuloy sa silid. Kalapastanganang maituturing ang iyong pagtanggi. Tama ba?" Walang siyang ibang nagawa kundi ang sumunod. "Huwag ka nang mailang o mahiya sa akin. Ginagawa ko ito sapagkat nais kong ibalik ang kabutihan ng iyong amo."
~*~
Malalim na ang gabi subalit gising na gising pa din ang aking diwa. Hindi naman ako nagugutom dahil parating may padalang pagkain si Mateo. Hayst! May insomnia na yata ako.
Naisipan kong lumabas upang makapagpahangin. Baka sakaling dalawin ako ng antok.
Ilang minuto pa lang akong nakatingin sa mga bituin nang marinig ang tinig mula sa kung saan.
"Sino ka? Anong relasyon mo sa aking kapatid?"
Boses ito ng isang lalaki, ngunit nasaan siya? At sinong kapatid ang tinutukoy niya? Ang tagapagsilbi ba ng ginoo o si Mateo mismo?
"Kapatid? Si Mateo ba ang tinutukoy mo?"
"Ako ang naunang nagtanong. Sagutin mo muna ang akin bago ko sagutin ang sayo."
What is this behavior? Napaka-childish niya.
"Callista ang ngalan ko. Kaibigan ako ni Mateo kaya't pinababantayan niya ako dito."
"Kaibigan lang? Ngunit bakit pinahintulutan ka niyang matulog sa kanyang lihim na panuluyan at pinabantayan ka pa niya sa kaniyang pinaka-pinagkakatiwalaan tauhan?"
Kilalang-kilala niya ang ginoo. Tiyak akong si Mateo ang kapatid niya.
"Sa palagay ko'y hindi ko na kailangan pang sagutin ang katanungan mo. Ni hindi naman lang kita nakikita, ginoo. Ipagpaumanhin mo ngunit papasok na ako. Magandang gabi."
Dumiretso ako sa loob ng bahay habang hinihiling na sana'y kumagat siya sa pa-in ko. Matapos ang sampung segundo ay lumabas akong muli. Huli ka! Sinasabi ko na nga ba, nasa taas siya ng puno.
"Sa wakas ay bumaba ka na rin, ginoo."
"T-teka, alam m-mong naroroon ako?"
Ang mga tao rito, nakakatuwa pala silang asarin minsan.
"Napaka-bata mo pa ngunit napaka pilyo mo na. Tamang asal ba iyan ng isang ginoo?"
"Nahihibang ka na ba? Mas mataas ang katayuan sa buhay ng kausap mo kaya't gumalang ka!"
Napaka-bilis naman yata niyang mapikon.
"Umaakyat ka sa puno sapagkat hindi mo nais na malaman ni Mateo na sinusundan at minamatyagan mo ang mga kilos niya. Tama ako, hindi ba?"
"A-anong sinasabi mo?"
"Kagaya ng sinabi mo, ang lugar na ito ay lihim na panuluyan ng ginoo, kaya't paano mo nalaman ang tungkol dito? At bakit alam mong may nagbabantay sa akin gano'ng wala namang tao dito sa labas?"
"IKAW!"
Mukhang naasar ko siya ng husto. Kung maliwanag lang ngayon ang paligid ay mas masisiyahan ako dahil siguradong makikita kong umuusok ang kaniyang ilong sa sobrang inis.
"Huwag kang mag-alala ginoo, hindi ko naman sasabihin sa iyong kapatid ang mga natuklasan ko tungkol sa ginagawa -"
Lumisan siyang mabibigat ang mga yabag. Nagalit siya? Bakit? Siya kaya ang nauna. Nakikipaglaro lang din naman ako sa kaniya ah. Mukhang kailangan ko pa ngayong humingi ng tawad. Hayst! Buhay talaga, parang life.
~*~
Kinaumagahan ay personal na dinala ni Mateo ang aking agahan at binigyan pa niya ako ng isang napaka-espesyal na regalo. Isang plauta. Tiyak na may mapapagkakitaan na ako nito.
"Hindi ba't alam mo kung paano ito gamitin, binibini? Maari mo bang subukan habang tumutugtog ako ng gitara?"
"Maganda 'yang naiisip mo. Maraming salamat sa regalong ito, ginoo."
Isang oras din kaming nag-ensayo. Pagdating sa paghawak ng gitara ay magaling talaga si Mateo. Ang kumbinasyon ng tunog na nagmumula sa dalawang instrumento ay nakakarelax at masarap sa pandinig. Mas makaka-enganyo kami ng mga manonood, sigurado ako diyan.
Habang kasama ang ginoo ay may napansin akong kakaiba. Para sa akin ay halos walang pinagkaiba si Mateo at Arturo, kaya't nahihiwagaan ako kung bakit sobrang magkasalungat ang aking nadarama sa tuwing kasama ang dalawang ginoo. Kinakabahan ako at nahihiya kay Arturo dahil nga sa mga paru-parong nagliliparan sa aking tiyan kapag siya ay aking kasama. Sa kabilang banda'y sobrang komportable ako sa presensya ni Mateo. Mas mabuti na siguro ito. Ngayo'y hindi ko na kailangan pang mangamba na baka mahulog kami sa isa't-isa.
Habang patungo sa lugar kung saan kami magtatanghal ngayong araw ay hindi naiwasan ng ginoong magtanong ng mga bagay na ipinagtataka niya.
"Callista, huwag sanang sasama ang iyong loob sa aking itatanong, talaga lamang na gusto ko itong malaman."
"Sige lang, Mateo. Pangako, ano man ito'y hindi ako magdaramdam."
"Hindi ba't wala kang maalala, kung gayo'y bakit marunong ka pa ring humawak ng plauta at gitara? Maging ang dati mong pagtulong sa mga bata ay natatandaan mo."
Nagdududa si Mateo sa akin. Hindi ko siya masisisi. Dapat lamang na maramdaman niya ito dahil hindi naman talaga totoo ang aking mga sinasabi.
"Sa tingin ko'y bumabalik ang aking mga ala-ala sa tuwing ginagawa kong muli ang mga nakasanayan ko noon. Humawak ako ng instrumento, kaya't naalala kong dati na akong tumutugtog, ganon na rin noong ako'y tumulong."
Hindi ko nais na magsinungaling subalit wala na akong iba pang pagpipilian.
"Kung sakali mang bumalik na ang iyong mga ala-ala, hiling ko na sana'y makasama pa din kita, kagaya ngayon."
Ako lang ba ang nag-iisip na parang may something yung sinabi niya? Loh! Assumera level 101.
"Bakit hindi? Magkaibigan naman tayo, hindi ba?"
"Magkaibigan?" Sandali siyang napaisip. "Oo tama. Magkaibigan nga tayo."
~*~
Maghapon kaming magkasama ni Mateo. Nagtatanghal sa ibat-ibang lugar at tumutulong sa mga mamamayang nagugutom. Ginawa namin ito sa loob ng tatlong sunod sunod na araw. Dahil sa mga nagaganap ay mas lalo kaming nagkagaanan ng loob.
Sa aking ika labing-isang araw sa panahong ito ay ipinadalang muli ni Mateo ang kanyang pinaka-pinagkakatiwalaang tagapaglingkod upang dalhin ang aking agahan.
"Si Mateo? Hindi po ba siya makakarating ngayon?"
"Bininini, may mahalagang gawaing iniatas sa aking amo. Hindi niya kayo mapupuntahan ngayon. Kung kaya't naririto din ako upang iparating sa inyo ang kaniyang paghingi ng paumanhin."
"Gano'n ba? Pakisabi sa kaniyang naiintindihan ko ang rason niya. Salamat sa pagdadala ng pagkain at mensahe, ginoong tagapaglingkod."
"Walang ano man, binibini. Sa labas ng panuluyan na lang po ako mamamalagi. Pag-utusan niyo po ang inyong lingkod." Yumuko siya sa harap ko.
"Kung iyan ang iyong nais."
Lumabas ang tagapaglingkod ni Mateo. Nagtungo naman ako sa hapagkainan upang mag-agahan. Sa totoo lang, nalulungkot ako ngayon sa di ko malamang dahilan.
Akmang isusubo ko na ang kanin at ulam nang marinig ang pagkatok ng kung sino. Marahil ang ginoong tagapaglingkod iyon. Naging gawi na niya ang pagkatok kahit pa hinayaan ko na siyang pumasok at lumabas ng hindi nagpapaalam.
"Maari kang pumasok."
"Binibini, naririto po si ginoong-"
Naririto na si Mateo. Sinasabi ko na nga ba't hindi niya ako matitiis.
"Talaga? Naririto siya?"
Kaagad akong tumayo at lumabas ng pinto.
"Natutuwa ako dahil naririto ka Mat-"
Hindi si Mateo ang aking panauhin kundi isang ginoong masasabi kong maitsura din. Mabilis na napukaw ng kaniyang kwintas ang aking atensyon. Sa wakas ay nakita din kita!
Suot niya ang kwintas na kulay puti ang pendant. Siya ang nakatakda para kay Mayumi, ang pinaka-iingatan kong binibini.
Sandali lang, kung hindi ako nagkakamali, siya din ang kasintahan ni Courtney, ang binibining kamukhang-kamukha ni Mayumi sa kasalukuyang henerasyon. Kung gano'n, ang lalaking nakatayo sa harap ko ay ang ninuno ni Damien Lauder? Matagal nang may relasyon si Courtney at Damien, nakita ko 'yun sa relationship status nila sa Facebook. Ngunit paano nangyari iyon? Kung magiging mag-asawa sa panahong ito si Mayumi at ang ginoong ito, dapat ay magkamag-anak si Courtney at Damien sa present, hindi ba? Hayst! Mababaliw lang ako kaiisip. Bahala na nga si destiny sa gusto niyang mangyari. Basta ako, gagawin ko lang kung anong misyon ko.
"Carlos ang ngalan ko, hindi Mateo. Hindi siya makakarating ngayon sapagkat may mahalagang gawaing iniatas si ama sa kaniya."
Ang boses na ito! Siya 'yung lalaki sa itaas ng puno, ang kapatid ni Mateo. At siya lang din naman ang ginoong... inasar ko ng husto.
Bakit kasi hindi glow in the dark ang kwintas, naturingan pa naman itong mahiwaga. Nagkamali tuloy ako ng taong binangga. HANUBAYAN LAVIAH!
Humingi ng tawad. Iyon na lang ang maari kong gawin ngayon.
"Ginoo, dahil naririto ka na rin lang nama'y bakit hindi ka muna tumuloy?"
Bait-baitan mode, on.
"Hindi na kailangan. Halika, sa akin ka muna sasama ngayon."
Napaka-bossy naman niya. Talaga bang para siya kay Mayumi? Kahit saang anggulo mo tingnan, hindi sila bagay. Pero sino naman ako para kalabanin ang tadhana?
"Saan tayo magtutungo, ginoo."
"Tss! Tumigil ka na nga sa pagpapanggap."
Ang childish! Sapakin ko kaya 'to.
"Kalma, Laviah. Misyon mo yan, ikaw din." Bulong ng inner self ko.
Hayst! Buti na lang mataas ang pasensya ko.
"Ginoo, anong ibig mong sabihin? Hindi kaya ako nagpapanggap."
"Hindi ba't Mateo ang tawag mo kay kuya? Kung gayo'y tawagin mo na lang din akong Carlos. Ipakita mo sa akin kung sino ka talaga. Tss!"
Nagsimula na siyang maglakad palayo kaya't wala akong ibang nagawa kundi ang sumunod sa kaniya.
May naaamoy akong kakaiba sa kanya. Don't take it literally, hindi ko sinasabing amoy putok siya, ang ibig kong sabihi'y tila may kakaiba sa kilos at pagsasalita niya. Kung tama ako ng hinala, nakasisigurado akong malapit na kaming magkasundo.
"Carlos, hintayin mo ako." Dinahandahan na niya ang paglalakad. Kunwari pa siyang rude E nang hindi niya namamalayan ay napalabas ko ang kanyang gentle side. "Kung nais mong magpakatotoo ako sayo, sana'y gano'n ka rin sa akin. Huwag mo na akong sungitan, hindi naman uubra sa akin ang pagpapanggap mong iyan."
Dahil sa aking sinabi'y bigla siyang napahinto sa paglalakad, dahilan para mapatama ako sa kaniyang likod.
"Aray! Masakit 'yun ah."
"A-ano ulit ang sinabi mo?"
"Sabi ko, masakit. Ang tigas kaya ng liko-"
"Hindi 'yan. Yung sinabi mo bago iyan."
"Ang sabi ko, ang pag-arte mo ay hindi kapanipaniwala. Kung nais mong magpanggap, dapat ang iyong emosyon, salita, at aksyon ay magkakatugma."
"Iba ka talaga."
Sa pinaka-unang pagkakatao'y nakita ko siyang nakangiti. See. Tama ako ng pagkakakilala sa kanya.
"Kahanga-hanga ako, hindi ba?"
"Hindi ako nagkamali sa iyo. Alam kong magkakasundo tayo."
Inakbayan niya ako na para bang matagal na kaming close.
"Saan mo nga pala ako dadalhin? Alam mo bang hindi pa ako kumakain?"
"Batid ko 'yon. Kaya nga dadalhin kita sa isang sikat na kainan dito sa bayan. Matanong ko lang, paano mo nga pala nasabing nagpapanggap lang ako? Alam mo bang ilang beses akong nag-ensayo bago humarap sa iyo?"
"Ipinakita mo ang pagiging seryoso at masungit, kaya't normal bang umaakyat ka sa puno at minamatiyagan ang bawat kilos ng iyong kapatid? Gawain lang iyon ng mga taong may itinatagong kapilyuhan sa katawan. Kagaya ng sinambit ko, hindi magkakatugma ang iyong sinasabi at ginagawa. May pa tss, tss, ka pang nalalaman. Ang arte mo."
"Kung gano'y huhusayan ko na sa susunod."
"Kailangan pa bang magpanggap?"
Mapait na ngiti lang ang isinagot niya sa akin, ngunit sapat na iyon para maintindihan ko ang nais niyang iparating.
Dinala ako ni Carlos sa isang sikat na kainan. Ang lugar na ito ay para sa mga ordinaryong tao, ngunit hindi naman ako maarte at ganon na rin ang ginoo.
Binigyan niya ako ng bagong karanasan noong sinubukan naming gamitin ang aming kamay sa pagkain sa halip na kutsara at tinidor.
Masaya pa lang makasama si Carlos, kahit minsan ay may pagka-isip bata siya. Naaalala ko sa kanya ang kakulitan ni Mayumi. Bigla ko tuloy siyang na miss.
"Matanong ko lang Carlos. Ikaw ba ang bunso sa inyong magkakapatid?"
"Ako nga, dalawa lang naman kami ni kuya Mateo. Bakit mo naitanong, interesado ka ba sa akin?
Natawa ako sa banat niya. Joker din ang isang 'to.
"Hindi ako interesado sayo, kapansin-pansin lang talaga."
"Ganon ba? Napakadaya mo naman."
"Ako? Madaya? Sa paanong paraan naman kita dinaya?"
"Batid mo bang interesado ako sayo, higit pa sa iniisip mo. Marahil iyon ay dahil unang pagtatagpo pa lang nati'y nagustuhan na kita. Samantalang ikaw, ni hindi ka man lang interesado sa akin kahit kaunti."
Na naman?!
Panibagong problema ito. Pinaglalaruan niyo po ba ako lola? Ang misyon ko ba talaga'y maging matchmaker ng mga ginoong ito? Kung ganoon nga ay bakit sa akin sila nagtatapat? Padalawang beses na ito kaya't hindi maaring nagkataon lang ang lahat.
Author's Note: Good day. Salamat sa patuloy na pagsuporta. Hindi ko po alam kung kailan ang next update dahil busy ako sa mga susunod na araw. Hanggang sa susunod na mga kabanata <3