webnovel

Repression

Kung may gusto akong kalimutan sa mga nangyari sa buhay ko, siguro ang pipiliin ko . . . wala. Tingin ko naman, bawat pangyayari sa nakalipas e naging malaking bahagi ng kung ano ako ngayon. Natuto ako sa bawat karanasan, pinagdaanan, at mga desisyong ginawa ko noon.

Parang pam-pageant.

"Gordon. Nagulat ba kita?"

Paulit-ulit na nag-register sa isip ko ang boses niya pero 'di ma-decode ng utak ko. Napakunot ang noo ko. Nakangiti pa rin siya habang nakatingin sa gwapo kong mukha. Nyay, walang gano'n!

Pero, seryoso, hindi ko talaga maintindihan. Tinitigan ko siyang mabuti. 'Di ko siya maalala. Wala akong maalala na nagkita na kami. Wala naman akong amnesia. Sure ako do'n. Hindi ako nabagok o naaksidente. Pero kung nagka-amnesia ako, maalala ko nga ba na nabagok ako o naaksidente? Ewan!

Selective amnesia?

Imposible 'yun. Bakit ang babaeng ito pa ang nakalimutan ko, h—hindi na lang siya . . . siya na hindi ko rin naman gustong kalimutan. Gulo!

Mabilis akong umiling para pagpapagin ang isipan ko.

"Gordon?" Napapanguso at naniningkit ang mata niya, "Di mo ko naaalala 'no?"

Tumango lang ako at pinilit na ngumiti. Bigla akong nakaramdam ng hiya. Ito 'yung pakiramdam na parang pumunta ka sa family reunion tapos ang daming bumabati sa'yo nang Don, binatang-binata ka na! Noon, ganito ka lang kaliit at Nakakatuwa naman na lumaki kang gwapo (Nyay, walang gano'n!), pero wala kang maalala sa kanila at kung ka-ano-ano mo nga sila.

Inabot niya ang kaniyang kanang kamay. "Primrose Dela Rosa. St. Jude Academy's Class 2012 Valedictorian."

Nanlaki ang singkit kong mga mata. 'Di ko man ma-imagine mukha ko pero nabigla talaga ako sa sinabi niya. Napatulala ako at napanganga.

"Gordon?" Kinaway niya ang kaniyang kamay sa mukha ko.

"P-primrose. Ikaw nga." Inabot ko ang kamay niya at nag-hand shake kami.

Classmate ko siya no'ng highschool. Pero no'ng third year lang nang napalipat ako sa section nila.

Hindi ko siya nakilala. Ibang-iba kasi talaga siya noon.

Dati, alam ko hindi siya nagpapahaba ng buhok, laging hanggang balikat lang. Ang dahilan niya no'n kapag tinatanong siya ng mga kaklase namin, para raw hindi masyadong alagain at more time para sa studies. Kakaiba 'di ba?

At saka noon, medyo chubby siya. Makapal ang salamin. Nerdy look. Malaki ang bag. Siya 'yung tipo ng estudyante na kumpleto lagi ang dalang notebooks at libro. 'Yung seryoso mag-aral. Siya 'yung estudyante na hindi nagpapakopya kapag may exam.

Ang laki talaga ng pinagbago niya. Ang babaeng nasa harapan ko, mahaba ang buhok, balingkinitan at wala nang salamin. Mamula-mula ang pisngi niya. 'Yung labi niya parang ang lambot. Medyo mahaba ang mga pilip mata niya na pansin na pansin tuwing kumukurap siya. 'Di ko lang din siguro napansin ang mga bagay na 'yun dati, ngayon ko lang kasi siya natitigan nang ganito.

At bakit ko pinagmamasdan ang mukha niya?

Sinuntok niya ng mahina ang braso ko. "Uy, kumusta ka na? Ano palang ginagawa mo dito sa Baguio?"

"Nag-aaral . . . pa rin." Ngumiti ako nang malaki, 'yung labas mga ngipin.

"Wow, masteral studies?"

Umiling ako. "Hindi. Fourth year college pa rin. Tumigil kasi ako."

"Ah, gano'n ba." Tumango siya. "May pupuntahan ka ba ngayon? Nagmamadali ka?"

"Wala naman."

"Good. Nagugutom na kasi ako. Bilang ako naman ang nagtatrabaho na, ililibre kita. Saan ba maganda kumain dito?"

Pumayag ako siyempre. Libre yun e. Choco-late de Batirol ang suggest kong kainan namin. Sabi ko masarap ang turon de langka do'n.

Yes, kahapon ko pa gustong kumain n'un.

+ + +

"Masharap nga 'to." Sabi niya habang ngumunguya. Lumunok siya at uminom ng tubig.

"Magkwento ka naman Gordon. Pa'no ka napadpad dito sa Baguio."

Napalunok ako. "Pinalad kasi na makapasa sa entrance exam kaya ginrab ko na yung opportunity. Pasensiya ka na kanina, 'di kita nakilala."

"Okay, lang 'yun. Alam ko, malaki ang pinagbago ko physically. Naiintindahan ko naman bilang 'di naman tayo close dati." Ngumiti siya at pinataas baba niya ang kaniyang mga kilay. "Kasi . . . kanino ka nga ba close dati? Kay bestfriend mo?"

Nang-aasar ba siya? Close ba kami? Parang ako lang ha.

Huminga ako nang malalim, alam ko namang wala siyang alam sa mga nangyari noon.

"Matagal na 'yun." Nagpilit ako ng ngiti.

"Kumusta na pala siya? Dito rin siya nag-aral, 'di ba? Ah, kaya dito ka rin nag-aral." Patango-tango niyang sabi.

Natahimik lang ako. Yumuko ako para mag-iwas ng tingin. Kinagat ang labi.

"Sorry." Napansin niya siguro na 'di ako komportable sa mga tanong niya. "Sorry, mali ata ako ng na-open na pag-usapan."

Nag-chin up ulit ako at bahagyang ngumiti. "Okay lang. Totoo naman 'yung sinabi mo. Siya 'yung sinundan ko dito. Hindi lang ako sanay na pag-usapan siya. Matagal na rin kasi."

"Ang dami ko na palang 'di alam tungkol sa'yo pati sa iba nating classmates noong high school. Sorry."

Ngumisi ako. "Okay lang. Sabi ko nga, matagal na 'yun."

"Sabi mo nga, okay lang. Okay lang din bang magk'wento ka? Na-curious kasi ako. Pero kung ayaw mo okay lang ha. Walang problema."

"Okay, sige." Ngumiti ako. Parang biglang nawala ang nararamdaman kong uneasiness na pag-usapan ang nakaraan. "Tama ka. Siya 'yung sinundan ko rito. Alam naman ng lahat 'yun di ba, na hindi lang bestfriend ang tingin ko sa kanya noon."

Napansin kong seryoso siyang nakikinig sa akin. Pinatong niya ang kaniyang siko sa table at sinalo ng palad ang baba, kaya itinuloy ko ang pagkukwento.

"Dito na ko sa kanya nagtapat. Niligawan. At siyempre sa gwapo kong 'to . . ." Natawa ako sa sarili kong biro. "Sinagot niya ko. Naging kami."

"Wow, congrats!" Bahagyang nanlaki ang mga mata niya at kaagad na kinagat ang labi. Mukhang agad niyang pinagsisihan ang sinabi. "Congrats sa'yo . . . dati."

Natawa na lang ako.

"Alam mo kanina no'ng binanggit mo 'yung pangalan ko tapos 'di kita makilala, nakakatawa, tinanong ko ang sarili ko kung may amnesia ba ako. Selective amnesia."

"Memory repression," sabad niya.

"Repression? Ano 'yun?"

"Psychology kasi course ko no'ng college. Repression sa pagkakatanda ko—it is an unconscious psychological mechanism in which painful or unacceptable ideas, memories, or feelings are removed from conscious awareness or recall." Nagsalubong ang mga kilay niya. "Sira, ba't mo naman ako kakalimutan e halos wala nga tayong memories together dati. Wala tayong painful memories."

Napangisi ako. "Kaya nga I ditched the idea right away, kasi kung magkakagano'n man ako, hindi ikaw ang pipiliin kong kalimutan, kundi siya."

"Talaga gusto mo siyang kalimutan?"

Umiling ako.

Sabay kaming tumawa.

"Change topic na nga tayo. Kumusta studies? Ano ba course mo ngayon?" tanong niya.

"BS Math ako."

"Wow nakaka-nose bleed naman pala course mo."

Napatawa ako sa reaksyon niya, tumingin ako sa kanya at ngumiti. "BS Math kinuha ko, ibig sabihin Bobo Sa Math."

Tumawa siya. Benta sa kanya ang joke ko. May future kaya ako sa comedy bar?

"Nakakatawa 'yun. Seryoso, ano nga course mo?"

"BS Math talaga," natatawa kong sagot.

Tumingin lang siya na para bang inaalam kung 'di na ko nagbibiro. "Seryoso nga?"

Tumango ako.

"Oo nga pala, maitanong ko na rin. Bakit ka nga pala tumigil sa pag-aaral noon?"

"Nakakatawa ka."

Kita sa mukha niya ang pagtataka. "Bakit, mukha ba kong clown?"

"Hindi. Nakakatawa kasi sabi mo change topic na pero ngayon babalik na naman."

"Ay, sorry. Kaya ka tumigil dahil sa kanya?" Pinalo-palo niya 'yung bibig niya. "Sorry ulit, pero ikuwento mo na nga rin. Baka hindi ako makatulog mamaya sa curiosity ko."

Tumawa ako nang mahina.  "Okay. 'Di nag-work 'yung relationship namin e. Bestfriend lang talaga ako para sa kanya. 'Yun ang sabi niya."

"Gano'n lang 'yun? Tapos naghiwalay na kayo?"

"Summer ng 2015, bakasyon noon, nagkataon na may summer classes ako kaya 'di ako nakauwi ng Manila. Pagbalik niya dito, poof . . . sorry na siya nang sorry."

"Uy, okay lang kung ayaw mo nang ituloy 'yung kwento," pagputol niya.

"Prim okay lang, naka-move on na ko huwag kang mag-alala."

No'ng sinabi ko 'yun, napansin ko ang ekspresyon ng mukha niya, parang nagsasabi ng Weh? Di nga?

"Oo nga, kaya nga naku-k'wento ko na nang ganito e."

"Naniniwala naman ako. Pero huwag na natin siyang pag-usapan. Isa na lang siyang history. Matanong ko lang." Biglang sumeryoso yung mukha niya. "Paano mo nasabing naka-move on ka na, e parang 'di mo pa nga siya nakakalimutan?"

Diretso ang tingin niya sa akin at nag-aabang na magsalita ako. Naramdaman ko na mukhang kailangan kong masagot ang tanong niya.

"Akala ko noon, kailangan ko siyang makalimutan para maka-move on. Kaya, no'ng naghiwalay kami, bumalik ako sa Manila kung saan wala siya."

"Nakatulong naman ba?"

"Oo . . . siguro, pero mahirap talaga. Halos isang taon akong nagmukmok sa bahay, tulog lang nang tulog, naglalaro ng online games. Nag-aalala na nga sakin si Mama noon sa Canada. Sabi ko susubukan kong magtrabaho muna para may pagkaabalahan. Nag-call center ako. Ayos din. Naging okay na rin ako. Hanggang sa naisipan kong mag-aral ulit sa pamimilit na rin ni Mama."

"Bakit dito ka ulit nag-aral e 'di ba, nandito 'yung mga memories niyo?"

"Naisip ko kasi, gusto kong malaman kung kaya ko na talaga. I-test ba kung naka-move on na talaga ako. No'ng una mahirap. Hindi ko pa rin pala siya nakakalimutan. Pero sabi ko nga, akala ko kasi kailangan ko siyang makalimutan para maka-move on. Pero hindi e. Imposible 'yun."

"E pa'no mo nasabing naka-move on ka na?" Usisa niya. Napangiti lang ako sa kanya. Kanina nagho-hold back pa siyang magtanong tungkol sa past ko, ngayon curious talaga siya.

"Naka-move on na ko kasi . . . sa tuwing naaalala ko siya, sa bawat sulok ng Baguio at sa bawat pine trees na nandito, napapangiti na lang ako. Napapangiti ako dahil alam ko, once upon a time nagkadaupang palad kami at masayang naglakad sa Session Road. Sabihin mang nandito pa rin siya. . ." Itinuro ko ang sintido ko, pagkatapos, itinuro ko naman ang dibdib ko. "Hindi ko na ramdam 'yung sakit dito."

Sa pagkakataong ito, siya naman ang unti-unting yumuko. Parang bigla siyang nalungkot.

"Prim?"

"Gordon?" Agad siyang tumingala, "Bakit?"

Nginitian ko siya, "Don na lang."

"O-okay, Don."

"Prim, tingin ko dapat ikaw naman ang mag-k'wento, dami ko nang na-k'wento sa'yo e. Mala-telenobela rin ba 'yang istorya mo?" Tumawa ako pero pinigilan ko bigla kasi nakita kong tumahimik lang siya sa sinabi ko.

"Sorry, Prim. May nasabi ba k—?"

Pinutol niya ang sinasabi ko, "Don ang totoo, pumunta ako dito para sa isang event bukas."

Naalala ko, kaya pala nasa Amphitheater rin siya kanina.

"Sa kasalan ba? Sa may Amphi? Invited ka pala do'n?"

"Hindi ako invited."

"Dumayo ka pa dito para pumunta sa kasal na 'di ka invited? Makikikain ka lang, sama mo naman ako diyan?" Pagbibiro ko pero hindi na bumenta sa kaniya. Seryoso pa rin ang mukha niya.

Isang malaking letter O ang mababasa sa bibig ko nang bigla siyang magsalita . . .

"Pupunta ako para sirain ang kasalan na 'yun."