"Sa ibang bansa ako titira?"
Marahang tumango si Doctora Vallero at may kung anong larawang ipinakita sa akin. Naka-print na iyon sa papel kaya't mataman ko iyong tiningnan. Picture iyon ng bahay… na hindi ko naman alam kung para kanino at kung anong dahilan at ipinakita niya iyon sa akin. "A-Ano 'to?"
"Bahay mo. Diyan ka titira for the whole year. Bahala ka kung gusto mong isama ang kapatid mo o kung gusto mo siyang iwan dito. It's up to you. Basta sagot ng pinsan ko ang lahat ng pangangailangan mo at ng pamilya mo… just bear his child and everything would be all right."
Napalunok ako dahil sa sinabi niya. Hindi ko alam kung gaano kayaman ang pinsan niya at pati ang tutuluyan kong bahay ay siya rin ang magssponsor. Nakakahiya man pero hindi na ako tumanggi pa lalo pa't pinalayas nga ako sa tinutuluyan kong bahay.
Saka isa pa, mayaman sila. Papayag nga ba naman sila na sa masikip, marumi, at magulong iskwater ko ipagbuntis ang magiging anak nila.
Muli kong ibinalik ang tingin ko sa picture ng bahay na ipinakita niya. Kahit kailan ay hindi pa ako nakakatuntong sa ganitong klaseng bahay kaya't hindi ko mapigilang kabahan. Tama ba 'tong mga pinagaggagawa ko sa buhay?
"Puwede ko namang isama ang kapatid ko, hindi ba?"
Agad siyang tumango. "Oo naman. I know that his support will help you psychologically. Alam mo 'yon, moral support, ganoon. Saka kasama mo rin naman ako sa ibang bansa kaya wala kang dapat na ikapag-alala. I'll guide you. Expert na ako sa mga ganito, ano," nakangiting tugon niya.
Wala akong nagawa kung hindi ang tumango bilang pagsang-ayon sa sinabi niya. "K-Kailan ba magsisimula ang lahat ng 'to? Kailangan ko pa kasing balikan si Thirdy sa hospital---"
"Nasa hospital ang kapatid mo?" Bahagyang tumaas ang boses niya kaya't hindi ko maiwasang mapatingin sa ibang customer ng coffee shop. "Don't tell me, kaya bigla kang pumayag dahil kailangang-kailangan mo ng pera para sa kaniya… Oh, God. Lyana, hindi kita pinipilit. I-I can lend you some money if you really need it. I mean, oo at gusto kong ikaw ang maging surrogate ng anak ng pinsan ko pero hindi kami namimilit. That's illegal."
Kahit papaano ay napanatag ang loob ko dahil sa sinabi niya. Sabagay, magkakilala na naman kami noon pa man kaya't alam ko naman na mabuti siyang tao at dapat ko siyang pagkatiwalaan.
Tipid akong ngumiti. "Gusto ko ring makatulong sa 'yo at sa pinsan mo. Saka isa pa, tinulungan mo ako noong ako ang nangangailangan. Malaki ang utang na loob ko sa 'yo at gusto kong suklian ang kabutihan ng loob mo sa akin."
"Lyana, hindi mo naman ako kailangang bayaran o ano pa man. K-Kung gagawin mo ang trabahong 'to, gusto ko na bukal sa puso mo—"
"Sino ba naman kasing nagsabi na napipilitan ako?" Pagputol ko sa sasabihin niya. "Sabi mo nga kanina, mapapaganda nito ang buhay ko at ng buhay ng kapatid ko. Saka isa pa, minsan lang ang ganitong oportunidad sa buhay ng tao—ni hindi nga lahat ay nabibigyan ng ganito. Kung makakatulong ako, ayos lang sa akin dahil parehas naman kaming matutulungan."
Malakas na bumuntong hininga si Doctora Vallero at marahang tinapik ang aking kamay. "Thank you. Thank you so much," mahinang sambit niya.
"Ako nga ang dapat na mag-thank you sa 'yo dahil sa ibibigay mong trabaho. Pangako, hindi ko kayo bibiguin."
Nag-angat siya ng tingin sa akin at taka akong tiningnan. "Ibig sabihin mo ba, pumapayag ka na sa offer ko? Iyon bang ibig mong sabihin?" Tila hindi makapaniwalang tanong niya sa akin.
"Kailan ko ba pipirmahan ang kontrata?"
**
"Sinasabi mo bang hindi ko man lamang makikilala kung sinong magiging magulang ng sanggol na dadalhin ko?"
Hindi makapaniwala akong nag-angat ng tingin kay Doctora Vallero ngunit malakas lamang siyang bumuntong hininga at nag-iwas ng tingin sa akin kaya naman mas lalong nagtagpo ang aking dalawang kilay.
"Bakit ayaw nila akong makilala? Hindi man lamang ba sila nag-aalala? Ayaw nilang kilatisin kung sino ako? Alam mo na, hindi naman ako masamang tao pero..."
"Kilala naman kita," pagputol niya sa sasabihin ko bago nag-angat ng tingin sa akin. "Saka hindi kasi puwedeng malaman ng pamilya ng asawa ng pinsan ko na hindi siya makakapagbuntis kaya gusto nilang itago ang tungkol sa pags-surrogate mo."
Bahagyang kumunot ang noo ko at nagduda sa sinabi niya ngunit pinili ko na lamang na manahimik at marahang tumango. Gagamitin lang naman nila ang tiyan ko… parang ganoon lang. Saka sila naman ang magpapalaki sa bata kaya wala na akong dapat pang ipag-alala dahil anak naman talaga nila iyon.
"Uh, here's the contract by the way." Inabot niya sa akin ang papel na kinuha niya sa dala niyang brief case na agad ko namang tinanggap. "Puwede mo na 'yang pirmahan kung kailan mo gusto para maayos na rin natin ang flight mo—"
"Nga pala, tungkol sa pagtira sa ibang bansa." Pinutol ko ang dapat na sasabihin niya bago ako nag-angat ng tingin sa kaniya. "Puwede bang huwag na tayong pumunta sa ibang bansa?"
"Huh? Pero kasi Lyana, naplano na ng pinsan ko ang lahat kaya…"
"Please? Pakiramdam ko kasi ay hindi magiging maayos ang pagbubuntis ko kapag nasa ibang bansa ako. Baka mas lalo akong mahirapan dahil hindi ako sanay at pakiramdam ko ay maninibago ako sa lugar. K-Kung pwede lang naman sana."
"All right. I'll talk to my cousin about that. Kung saan ka kumportable, iyon ang mahalaga. But Lyana…"
"Hmm?" mahinang tanong ko nang makitang parang hindi siya kumportable nang tawagin ang pangalan ko at animo'y may mahalagang bagay na gusto niyang sabihin ngunit hindi niya masabi.
Nagpakawala muna siya ng malakas na buntong hininga bago nagpatuloy sa pagsasalita. "Hindi mo naman itatakbo ang magiging anak ng pinsan ko, hindi ba?"
Umawang ang mga labi ko at hindi makapaniwalang tumingin sa kaniya. "Ha? Siyempre hindi. Alam ko na ang trabaho ko lang dito ay ang magbuntis sa magiging anak nilang dalawa. Alam kong iyon lang," paliwanag ko.
Tila nakahinga naman siya nang maluwag nang marinig ang sagot ko. Hindi ko naman maiwasang kagatin ang aking ibabang labi at magbaba ng tingin dahil iyon din ang problema ko—hanggang ngayon, kahit pumayag na ako sa alok niyang trabaho, hindi ko pa rin mapigilang mag-alala na baka magawa ko ang bagay na iyon. Iyon ang bagay na tingin ko ay hindi ko naman magagawang gawin pero may posibilidad pa rin.
"Anyway, nakalabas na ba ang kapatid mo sa hospital?" tanong niya matapos ang ilang segundong katahimikan sa pagitan naming dalawa.
Tumango ako at tipid na ngumiti. "Maraming salamat. Tatanawin kong malaking utang na loob ang pagtulong mo saka ng pinsan mo sa kapatid ko. Huwag kang mag-alala dahil gagawin ko ang trabaho ko nang mabuti bilang kabayaran sa pagtulong niyo," mahinang sambit ko.
"If that's the case then… you can now sign the contract. Naipaliwanag ko na naman sa 'yo ang lahat ng laman niyan, hindi ba?"
Ibinalik ko ang aking tingin sa ilang papel na hawak ko at ilang beses na napakurap. Matagal ko nang napaghandaan ang pagpirma ng kontrata pero hindi ko pa rin maiwasang kabahan dahil ito ang unang beses na pipirma ako nang ganito.
Mariin kong ipinikit ang aking mga mata upang maikalma ang aking sarili dahil sa kaba. Naramdaman ko naman ang paglapag ni Doctora Vallero ng ballpen sa lamesa kaya't dahan-dahan ko nang iminulat ang aking mata. Saglit na nagtagpo ang aming mga mata ngunit agad akong nag-iwas ng tingin.
Kinakabahan man ay kinuha ko pa rin ang ballpen na bigay niya. Nakasulat sa ilalim na parte ng papel ang pangalan ko at tanging pirma ko na lamang ang hinihintay at magkakaroon na ng bisa iyon. Kapag pinirmahan ko iyon, ibig sabihin, handa na akong magbuntis ng anak ng iba… at hindi ako ang ina.
Malakas akong bumuntong hininga bago tuluyang pinirmahan ang kontrata habang tahimik na umuusal ng mahinang dasal na sana ay walang mangyaring masama sa loob ng isang taon na dinadala ko ang bata. Magbubuntis lang ako. Iyon lang ang trabaho ko.
----