webnovel

You're Nothing But a Second Rate, Trying Hard, Copycat!

HIMALA: HINDI MAN LANG SIYA PINAGALITAN NI MRS. SANTOS. Siguro dahil late din si Camille—kapag ito kasi ang na-late, may matinding dahilan. Sobrang sipag kasi ni Camille pumasok—kahit bumabagyo at bumabaha, maaasahan mo itong sumulpot sa klase. Kaya pagkakita sa kanya ni Mrs. Santos, tumango tango lang ito, saka itinuloy and diskusyon.

Ilang beses niyang nahuhuli si Camille na pasulyap-sulyap sa kanya. Matalim ang titig nito, galit. Pinipilit itratong normal yun ni Jack. Dahil—teka nga—wala naman siyang kasalanan ah? Ano'ng magagawa niya e captive audience lang siya? Nakatayo lang siya dun, at sa bilis nga ng pangyayari, ni hindi na niya nagawang tulungan si Camille. Alangan namang magtatakbo siyang palayo para lang hindi ma-feel ni Camille na jina-"judge" niya ang suot na Hello Kitty panties nito? Saka wala naman talaga siyang malisya eh.

Wala nga ba?

Nung recess, hinihintay ni Jack na lumabas ng room si Camille. Plano niya sana'y makausap nang masinsinan ang kaibigan—este, dating kaibigan—at pagusapan ang nangyari in private. Hindi ganitong andito lahat ng mga alaskador nilang mga kaklase. Pero hindi tumatayo ng upuan niya si Camille—nakamukmok lang dun, kunwari'y nagbabasa ng libro. Maniniwala na sana si Jack na seryosong nagbabasa ito, pero libro nila sa English ang binabasa—yun pa naman ang subject na sobrang kinatatamaran ng dalaga. Pero nape-pressure si Jack na makausap si Camille—it's now or never, 'ika nga—dahil kapag pinatagal niya ito, lalo lang magiging awkward. Baka eventually hindi na talaga sila magpansinan. OK lang kung di na sila magiging magkaibigan, pero huwag naman sana na parang ni hindi sila magkakilala.

Alanganing lumapit si Jack. Sariwa pa kasi sa isip niya kung paano sobrang passionate na binigkas ni Camille ang salitang "MANYAK!" kanina lang. Tutoo kayang inisip ni Camille na may pagnanasa siya dito? Dahil kung ganun, lalo lang na dapat makausap niya ang dalaga.

"Camille?" Parang tuyong tuyo ang lalamunan ni Jack—halos ayaw lumabas ng boses niya. "Tungkol sa nangyari kanina…"

Hindi siya nililingon ni Camille; tuloy-tuloy lang na nagbabasa ito, akala mo wala si Jack sa tabi.

"Camille, ano ba? Yung nangyari kanina, hindi ko sinasadya yun."

Bato si Camille, isang rebulto.

"Ano ba?" Pikon na si Jack. "Hindi ako manyak!"

Dun gumuho ang pagpapanggap ni Camille. "Ah ganun ba? Eh bakit titig na titig ka sa panty ko?"

Pagkarinig ng salitang "panty," naglingunan ang mga usiserong mga kaklase, nakaamoy ng giyera. Naglapitan na akala mo'y naghihintay ng magandang palabas sa sine.

"What? Ano ini-expect mo? Nakabuyangyang sa harap ko, natural napatingin ako."

"Iba ang 'napatingin' sa 'nakatitig.' Enjoy na enjoy ka eh!" Namumula sa galit ang mukha ni Camille. "Hindi mo na nga ako tinulungan. Tiningnan mo lang ako habang nakasalampak ako dun!"

"Enjoy na enjoy?" Sa puntong ito, nauubusan na ng sasabihin si Jack—inis na inis na rin kasi siya. Hindi naman talaga siya mananalo kay Camille pagdating sa pagtatalo—parang abugado ang dalaga, laging may come-back. Sa isang split-second, naisip ni Jack na umiba ng tactic. "Eh ano kung nakita ko yang panty mo? Gusto mo ipakita ko rin sayo ang brief ko? Para quits na tayo?"

Naghiyawan ang mga kaklase. "Pakita mo nga naman para patas!" kantiyaw nila.

"Ganun? Bastusan na lang?" Medyo nabubulol na rin ang dalaga. "Anong pakialam ko diyan sa brief mo? Na sinusulatan pa ng nanay mo ng 'Property of Jack Ramos' samantalang dadalawa lang naman kayo sa bahay nyo!"

"Hoy, huwag mong idadamay ang nanay ko ha!"

"Ikaw ang nagsimula! Manyak ka kasi! Hindi ka gentleman! Manyak!"

"Hindi ako manyak! Nabigla lang ako! Sino ba naman kasi mag-aakalang nagsusuot ka pa ng Hello Kitty panties? Ano ka, bata?"

"Hoy, hindi lang pambata ang Hello Kitty, ano? Maraming nagsusuot ng Hello Kitty dito." Sabay dakma ng palda ng katabi niyang si Marissa, biglang itinaas ang laylayan nito. "Ayan o! Hello Kitty din."

Napasigaw si Marissa sa pagkabigla. Hindi nga naman niya binigyan ng permisyon si Camille na ibandera ang suot niyang underwear.

May biglang sumigaw ng, "Dora the Explorer panty ni Marissa!" Sumabog ang tawanan. Nag-walk-out si Marissa sa inis, kasama ang mga tropa nito.

"Ano ka ba Camille? Nandamay ka pa," sabi ni Jack.

Saglit na hindi nakapagsalita si Camille, biglang na-realize ang ginawa niya. Pero mabilis ding bumalik ang galit sa mukha, saka hinarap ulit si Jack. "Hindi mangyayari yun kung ginawa mo ang tama."

"Ang kulit mo naman eh. Kasalanan ko ba na nadulas ka? Kasalanan ko ba na tatanga-tanga ka—"

BOOM!

Hindi nakapagsalita ang lahat. Si Jack, sapo ang pisngi na nasampal ni Camille. Kahit si Camille, nabigla sa nagawa niya; napatingin siya sa kamay niya na parang hindi sa kanya yun. Saka lang biglang bumalik ang ingay ng room nang mag-walk-out si Camille. Naiwan si Jack sa gitna ng sobrang excited na mga kaklase.

"Anong nangyari?"

"Bakit kayo nag-away?"

"Sinilipan mo ba si Camille, dude?"

Mga tanong na nakaka-irita lang sagutin. Kung bagay lang sana kay Jack na mag-walk-out din, ginawa na rin sana niya. Kaso saan rin ba sya pupunta? Napasalampak na lang siya sa upuan ni Camille, hinihimas ang masakit pa ring pisngi. Ang sarap naman ng Lunes ng umaga niya. At kung ang mga nakaraang lingo ang pagbabasehan, malamang isang lingong malas na naman ito. Ganito na lang ba lagi? Sa Biyernes na ang Prom. Ngayon pa lang hindi na siya aasa—sigurado na siyang miserable lang ang Prom Night niya.