"Good evening…." Natigil siya sa pagbati nang makita si Gino. Nakahalukipkip ito at nakangiti sa kanya. Binati siya nito. Luminga siya at naghanap ng iba pang Miles. Pero wala namang customer sa likuran niya nang mga oras na iyon. Lahat ng guests nila ay nasa loob ng restaurant. Itinuro niya ang sarili. "Ako po, Sir?"
Naglakad ito palapit sa kanya. "Yes. You are Miles, right?"
Tumango siya at umiwas ng tingin dito. Ano kaya ang nakain nito at bigla siyang binati? Kilala pa rin siya nito. Samantalang di na siya nakasuot nang uniform. Sino ba naman makakalimot sa eskandalo kanina? Natural alam na nito kung sino ang palpak na service crew na ineskandalo ng girlfriend niya.
"Papasok ba kayo, Sir?" Ipinagbukas niya ito ng pinto. "Happy dining and good night." Tumalikod siya at naglakad palayo. Takas na! Baka eskandaluhin din siya nito tulad ng girlfriend nito dahil walang skim milk ang kape nito.
Hinarangan nito ang dinadaanan niya. "Wait! Can we talk?"
"Talk?" Luminga siya. Hinahanap ang girlfriend nito.
"Mitchell is not with me so you have nothing to worry about."
"Good." Na-phobia na kasi siya sa eskandalo. "Tatawagin ko lang po ang manager ko kung gusto ninyo akong makausap tungkol sa nangyari kanina."
"Nakausap ko na siya. Ikaw na lang ang hindi pa."
Ipapatanggal na ba niya ako sa trabaho? Di siya nakisabay sa pagwawala ng girlfriend niya. Pero malay ko ba kung ano ang kaya niyang gawin.
Bigla siyang nanlambot. "Upo tayo, Sir. Gusto ninyo ng coffee?"
He was smiling at her. "Gusto mo ba?"
Umiling siya. Ninenerbiyos na nga siya, iinom pa siya ng kape. Naiilang siya sa kangingiti nito. Huwag kang ngingiti-ngiti diyan. Kahit guwapo ka, papatulan kita. Sasakalin ko kayo ng girlfriend mo kapag nawalan ako ng trabaho.
"Look, I just want to apologize."
"Ha? Mag-a-apologize kayo?"
"Yeah! Dapat lang naman, hindi ba? Mitchell did you wrong. Hindi ka niya dapat ipinahiya sa maraming tao."
She couldn't believe it. Gino Santayana was apologizing to her. Sa isang hamak na service crew lang tulad niya? "Hindi ninyo ako irereklamo?"
"Bakit naman kita irereklamo? Si Mitchell ang may kasalanan sa iyo. Wala siyang binanggit tungkol sa skim milk. I heard it. So I told your manager to disregard the complaint against you. Hindi lang masabi sa harap ni Mitchell dahil lalo siyang nagwawala kapag siya ang sinasabihan nang mali."
Nag-aksaya pa ito ng oras para lang mag-apologize sa kanya. Samantalang ang ibang mga tao ay wala nang pakialam kapag ineeskandalo sila. Na kahit mali ang ginawa ng mga kasama ay hinahayaan na lang. Na parang malaking kabawasan sa pagkatao ng mga ito na mag-sorry. But not Gino Santayana.
"Nagtatrabaho ako nang maayos. I am very keen with our customer's demands. Di niya ako dapat ipinapahiya at pinagbabantaan na tatanggalin sa trabaho ko. And I love my job."
He smiled as he stared at her. "And I won't allow that to happen. Wala ka naman kasing kasalanan. Why should you lose a job you love? Am I forgiven?"
"Apology accepted. Girlfriend mo ang may kasalanan at hindi ikaw. Bakit hindi na lang siya ang mag-apologize sa akin?"
"Mitchell won't apologize to anyone. I asked her to. Pero kung pipilitin ko daw siyang mag-sorry, magagalit siya sa akin."
"Kaya ikaw na lang ang nag-sorry?"
"Ayaw din niyang mag-apologize ako sa iyo. Kapag ginawa ko daw iyon, break na daw kami."
"Ha? At nag-sorry ka pa rin kahit na magbe-break na kayo?"
Di niya maiwasang makonsensiya. Kailangan ba talagang humantong sa ganoon ang relasyon ng mga ito dahil sa kanya? Okay lang iyan! Impakta naman ang girlfriend niya. Dapat lang na maghiwalay sila.
Tumawa lang ito na parang balewala ang pakikipaghiwalay ng nobya. "Okay lang. Hindi ko naman talaga siya girlfriend."
"Hindi mo siya girlfriend pero super sweet kayong dalawa. Ganyan ba talaga kayong mga lalaki?" Natutop niya ang bibig. Masyado na siyang nagiging madaldal. "Sorry, Sir. I mean it's none of my business really. Huwag na ninyong isipin iyon, Sir. Alam ninyo, marami pang babae diyan."
"Alam ko," kaswal nitong sabi at tumayo. "Ihahatid na kita."
"Naku! Huwag na po, Sir." Ayaw niyang gumawa pa ng tsismis. Kanina lang ay kaaway niya ang girlfriend nito tapos ngayon ay nagpapahatid na siya.
"Please call me Gino."
"Gino." It was so unusual. Di siya sanay na sabihin ang pangalan nito. Pero parang ang sarap banggitin. "Sige, Sir Gino. Sana bumalik pa rin kayo sa restaurant namin kahit na ganoon ang nangyari."
"Siyempre naman. At gusto ko ikaw ang magse-serve sa akin." Lumapit ito sa kanya. "Because you are so pretty when you smile."