"WALANG maingay, ha? Mag-ingat kayo sa mga kilos ninyo. Oras na mabuko tayo, pare-pareho tayong lagot. Act like professionals. Walang titili. Behave!" mariing bilin sa kanila ng nurse na kaibigan ni Fridah Mae habang naglalakad sila sa hallway ng ospital. Nakasuot sila ng nurse's uniform at nagpapanggap na nag-o-OJT.
"Yes, Nurse Ada," sagot niya habang nakasunod dito.
Iyon ang naisip na paraan ni Fridah Mae upang makapasok sila sa kuwarto ni JED nang hindi basta-basta nasisita ni Eunice o ng mga bantay. Tiniyempuhan din nilang gumabi at wala si Eunice o kahit sinong tagabantay kay JED para walang sagabal sa mga plano nila. Kailangan kasi nilang mag-ingat.
Malapit na sa kuwarto ni JED nang ipatawag sa nurse's station si Ada. "Naku! Kayo na munang dalawa ang bahala. Basta huwag kayong magtatagal sa kuwarto niya, ha? Baka bumalik na ang PA niya na laging nakabantay sa kanya."
"Opo, Nurse Ada," sagot niya. "Salamat, ha?"
"Walang anuman iyon. Parents kasi ni Fridah Mae ang nagpaaral sa akin kaya gagawin ko ang lahat para tulungan siya."
May dalawang bodyguard na nakabantay sa pinto ng kuwarto ni JED. Talagang guwardiyado ang lugar at di makakapasok ang karaniwang fans.
"Ako na ang unang magbabantay sa pinto," aniya kay Fridah Mae pagpasok nila ng kuwarto ni JED. Pakikiramdaman kasi nila kung may ibang taong dadating.
Si Fridah Mae muna ang lumapit kay JED. Binigyan niya ito ng limang minuto. "Hay! Ang guwapo talaga niya. Parang masarap siyang halikan habang natutulog. Sleeping Prince Charming. Matutupad ko na ang aking pangarap."
"Hoy! Huwag mo siyang pagsamantalahan!" mahinang saway niya dito.
"Oo na. Hanggang flying kiss na lang ako."
"Tapos na ang five minutes mo. Ako naman diyan!" aniya at nilapitan si JED.
"Ang bilis naman. Dinaya mo yata ako."
Pinanlakihan niya ito ng mata. "Sige na. Magbantay ka na."
Awang-awa siya habang pinagmamasdan si JED. Naka-dextrose ito at may pasa sa mukha. May neck brace din ito at benda sa balikat. Natutulog kasi ito nang mangyari ang aksidente. Inaantok ang driver ng kasabay nilang sasakyan at sumadsad ang tagiliran sa kanila.
"Kung pwede lang sana kitang maalagaan, ginawa ko na sana. Kaso inilalayo ka sa akin," bulong niya.
Umungol si JED at dumilat ang mata. Ngumiti ito nang makita siya. "Hello, my fairy! Anong ginagawa mo dito? Bakit naka-nurse's uniform ka lang?"
"Ah, nananaginip ka lang." He was sedated. Pwede naman siguro siyang magpalusot na naghahalusinasyon lang ito dahil sa gamot.
Hinaplos nito ang pisngi niya. "I wonder if this is really a dream. Hindi ko rin alam kung dapat kang magpakita kahit sa panaginip."
Ginagap niya ang kamay nito. Gusto sana niyang magpaliwanag subalit hahaba lang ang usapan. "Get well soon, JED. I hope you are really okay."
Hinila siya ni Fridah Mae. "Halika na! Nandiyan na si Witch."
"Oh, no! We have to go. Sana huwag mong sabihin kahit kanino na nandito kami, JED. Please?" pakiusap niya sa binata.
Ipinikit nito ang mga mata. "Don't worry. This is just a dream."
"Huwag kang lilingon sa hallway na pinanggalingan natin kanina," bilin sa kanya ni Fridah Mae nang nagmamadali silang naglakad palabas ng kuwarto. "Nandoon si Witch. Lagot tayo kapag nakita niya tayo."
Malakas ang kaba niya nang makalabas ng silid. Sana hindi kami mapansin.
"Nurse ! Nurse!" tawag sa kanila ni Eunice at hinabol sila.
"Tuloy-tuloy lang tayo. Huwag kang lilingon," utos ni Fridah Mae.
"Hey, you two! Kayong dalawa ang nurse ni JED, hindi ba?"
Tumango si Fridah Mae subalit di ito nilingon. "Oo, Miss. Kung may tanong kayo, mamaya na lang. Kasi may iba pa kaming pasyente na aasikasuhin."
Subalit pumunta na sa harap nila si Eunice. Nagulat ito nang mamukhaan sila. "Kilala ko kayong dalawa! Hindi kayo nurse dito. Pinuntahan ninyo si JED, hindi ba? I told you to stay away from him. Security! Dalhin ang dalawang ito sa presinto!"
Sino dito ang pupunta sa Manila International Book Fair? Please visit Precious Hearts Romances booth para sa latest novel ko na Valle dela Luna Rojo: Destined by Blood. May Stallion books po doon na pwede n'yong mabili at iba ko pang books under PHR and Reb Fiction.
I will be there on September 15, 1PM for a book signing. See you there!