NAKANGANGA lang si Marist habang nakatitig sa kabayong si Dust. "Iyan ang sasakyan natin? Hindi iyong kabayong maliit tulad sa Manila Zoo?" tanong niya. It was a black Arabian horse. Parang kayang-kaya siyang talampakin.
"We don't have a pony here. At lahat ng kabayo dito, puro first class." Emrei touched Dust's mane. "He is a pure bred Arabian. Ang mga ninuno ni Dust ay gamit din ng mga Sheiks na ninuno namin. His ancestors are like king of the desert. Galing pa mismo siya sa Al Ashiq."
Napalunok siya. "Pwede bang huwag na lang sumakay?"
"Natatakot ka ba kay Dust? He is gentle."
"Mahal siya, hindi ba? Baka mamaya may masamang mangyari sa kanya pagsakay ko. Naku! Wala akong pambayad."
Hinaplos nito ang noo niya para hawiin ang ilang hibla ng buhok. "Hanggang ngayon ba ayaw mo pa rin sa mga bagay na may mataas na value ng pera? You will just ride a horse. Kung anu-ano pa ang iniisip mo."
"Okay naman ako kahit di ako makasakay ng kabayo. Masaya na ako sa carousel na nasakyan ko noong bata ako."
"Hindi pa ako nakakasakay ng carousel," seryoso nitong sabi.
"Ha? Bakit naman?"
"Kasi di pa ako naglalakad, sa kabayo na ako isinakay. Sabi ni Papa, marami kaming totoong kabayo kaya bakit pa ako sasakay sa machine lang. Gusto ko mang sumakay ng carousel, hindi na pwedeng dahil matanda na ako."
Ngumiti siya. "Mag-carousel na lang tayo."
Sinimangutan siya nito. "Parang inuuto mo na ako. Sige na. Sumakay ka na. Libre iyan. Hindi kita sisingilin dahil walang mangyayaring masama kay Dust habang sakay ka. Gusto ko lang naman na ma-enjoy mong sumakay ng kabayo. Gusto kitang ipasyal sa mga lugar dito sa riding club na kabayo lang ang pwedeng makadaan. Ayokong ma-miss mo iyon."
"Maganda ba ang pupuntahan natin?"
"Yes. Doon sa may waterfalls." Inabot nito ang kamay. "Come."
Tinanggap niya ang kamay nito at inalalayan siya nitong makasampa sa kabayo. Wala siyang planong I-appreciate ang kagandahan ng Stallion Riding Club. Hindi niya gustong ang mga bagay sa mundong iyon na di naman siya kabilang. But Emrei made her feel welcome.
Kinabig siya ito at isinandal sa dibdib nito. "Relax and enjoy."
Bahagya siyang pumikit nang magsimulang tumakbo si Dust. Relax and enjoy? Paano ako magre-relax? Parang mahuhulog na nga ang puso ko. But she was content with her back against Emrei. Parang safe na safe siya.
"Iba pala ang riding club kapag nakasakay sa kabayo," komento niya. "Parang mas maganda at mas mararamdaman mo ang lugar."
"Marist, may tanong ako sa iyo. Pwede mong sagutin. Pwedeng hindi."
"Ano iyon?" nakapikit niyang tanong. Pinapakiramdaman niya ang magaang hangin na dumadapo sa balat niya. Parang nakakaantok. Nakakahipnotismo.
"Bakit galit ka sa mga lalaki lalo na sa mga mayayaman?"
Dumilat siya at itinuon ang tingin sa dinadaanan nila. "Kasalanan ng tatay ko ang lahat. Mayaman ang pamilya nila at tindera lang si nanay. Sabi niya na mahal niya si nanay at magpapakasal sila. Pero nang mabuntis si Nanay, pinaaasa lang niya na pananagutan niya. Nagpakasal siya sa iba. Nagkasakit si Nanay. Post natal depression. Kung tutuusin, normal naman siya. Maliban na nga lang hanggang ngayon, iniisip niya na babalik pa si Tatay. Parang baliw siya. Paulit-ulit siyang naghihintay. Araw-araw. At masakit iyon para sa akin. Na naghihirap si Nanay dahil sa isang walang kwentang lalaki na pinaglaruan lang siya."
"I am sorry," usal nito. "So you don't like people like your father or anything that he represents. Tulad ng mararangyang bagay. And even love."
"Love is a luxury. Wala akong oras para doon. Ayokong magsayang ng emosyon. Nakita ko ang nanay ko kung paano siya masira."
"She loved the wrong man."
Umiling siya. "Parang ayokong maranasang magmahal."
Hinawakan nito ang kamay niya na nakakapit sa renda. "Ayaw mo bang may mag-aalaga sa iyo? Magmamahal? Magpapasaya?"
Tiningala niya ito. "May lalaki bang ganoon?"
Tumingin ito sa mga mata niya na puno nang emosyon. "Ako."
Ibinaba niya ang tingin. "Swerte naman ng magiging girlfriend mo." Hindi siya ang maswerteng babaeng iyon.
"Naririnig mo ba ang lagaslas ng tubig? Malapit na tayo sa waterfalls."
She never wished for her own happiness. She never wished for love. Pero nang mga oras na iyon, gusto niyang ito ang lalaki na magpapasaya, mag-aalaga at magmamahal sa kanya. Gusto na niyang maniwala sa fairy tale at sa dulo ng istorya ay magiging masaya din siya.
Ngumiti pa rin siya kahit na alam niyang matatapos din ang lahat. Wala sigurong masama kung hahayaan ko muna ang sarili kong mangarap ngayon. Iisipin ko na posibleng mahalin din niya ako. Na di niya ako sasaktan.
Hindi siya matutulad sa nanay niya. Kung maramdaman man niyang mahal niya si Emrei, hindi siya masasaktan. Dahil tanggap niyang di ito magiging kanya.
NAGTAKA siya nang lumabas sila ni Emre sa Stallion Riding Club sa huling araw niya doon. "Akala ko ba sa riding club lang tayo pwedeng pumunta?" tanong niya. "Saan ba tayo pupunta?"
"I have a surprise for you," anito at di na muling nagsalita.
So far, she enjoyed their date during the third day. Nag-horseback riding sila at sa huli ay natuto na rin siyang sumakay mag-isa. Nangako si Emrei na kapag may oras na sila sa araw na iyon ay magho-horseback riding din sila. Nakilala din niya ang ibang member ng Stallion Riding Club. Yes, they were egotistic and most them blatantly declared that they were womanizers. Pero marunong ding makisama ang mga ito. Not all men were as bad as they seemed.
Maya maya pa ay pumasok sila sa isang lugar na ang pangalan ay Haven. Nasa lugar lang iyon ng Tagaytay City at ilang minuto mula sa Stallion Riding Club.
Sinalubong sila ng isang babae na sa maamo ang ngiti. "Good morning, Mr. Rafiq. Mabuti at napadalaw kayo ulit sa amin."
"This is Miss Marist Davillo."
"Hi, Marist! I am Dra. Peachy Cordero, your mother's doctor."
Nagulat siya. "Doctor po kayo ng nanay ko?"
"Oh, yes! This is Haven. It is a special treatment and rehabilitation clinic for people who experience emotional problems. Iyong mga may anxiety, depression at iba pa ay dito naming ginagamit sa special facility naming. We guarantee that your mother will be well soon. Hindi naman malala ang depression niya. May kaunti lang bahagi ng nakaraan niya na hindi siya maka-recover."
"Kailan pa po nandito ang nanay ko?"
"Right after you left your house for Stallion Riding Club, idinala na namin siya dito para masimulan na ang paggamot sa kanya," paliwanag ni Emrei.
Hindi siya makapaniwala. Maghahanap pa lang sana siya ng magandang facility sa nanay niya at magaling na doctor oras na makaipon siya ng pera. Pero heto at nasa espesyal na lugar na iyon ng nanay niya at tinitingnan ng propesyunal. At malapit na ang paggaling nito. Parang nananaginip lang siya.
"Pwede ko po bang makita ang nanay ko?"
Don't forget to comment, vote, and rate this chapter.
To be updated on my latest books, events, promos, and more news, send me a "Hi" message to Sofia PHR Page on Facebook.