"JED!" Pumunit ang sigaw ni Fridah Mae sa buong Rider's Verandah. "JED, I am here!" wika pa nito at kumaway.
"Oh, God!" usal niya at muntik nang ibaon ang ulo sa tablecloth. Sabi na nga ba't malaking pagkakamali na ilapit ito kay JED. Isa iyong malaking kahihiyan. Lalo siyang yumuko nang nakangiting tumingin si JED sa direksiyon nila.
Kinalabit siya ni Fridah Mae sa braso. "Napansin na niya ako." Impit itong tumili. "Palapit na siya dito." Pasimple nitong hinaplos ang buhok. "Iba talaga ang kagandahan ko. He can't resist me."
"Paglabas natin dito, kalimutan mo nang magkaibigan tayo," aniya at tinitigan ang flower arrangement na nasa gitna ng table. Magkukunwari na lang siya na walang nakitang JED. At wala siyang kasamang Fridah Mae.
"Hi, Jen!" bati sa kanya ni JED. "Mabuti naman may time ka na lumabas sa boutique mo. Lagi ka lang daw kasing nagpapa-deliver."
"Busy kasi ako. Lumabas lang ako dahil dinalaw ako ng friend ko."
Tumayo si Fridah Mae at kinamayan si JED. "Hi, JED! I am Fridah Mae. Natatandaan mo ba ako? Ako ang number one fan mo. I protected you during the stampede. It is really good to see you again."
Kumunot ang noo ni JED. "Fridah Mae?"
Hinampas nito si JED sa balikat na parang close na close na ang mga ito. "Don't tell me you don't remember me anymore? Farrah Mae pa nga ang tawag mo sa akin. Sweet na sweet ka pa sa akin dahil dinalaw mo ako sa ospital."
"Oh, yes! I remember now. Magkasama pa nga kayo ni Jen nang dalawin ako sa ospital dahil sa car collision. Thank you."
Yeah, right! Ang sarap naman ng thank you mo samantalang ipinakulong mo kami. How grateful!
"I am afraid I have to go back to my bandmates. May importante kasi kaming pag-uusapan," sabi ni JED. "But would you like to go to Forest Trail later, Jen? Masarap mag-horseback riding ngayon dahil di mainit."
"Busy ako, eh! Si Fridah Mae na lang ang yayain mo."
"That is a lovely idea!" Yumakap si Fridah Mae sa braso nito. "Matagal tayong di nagkita kaya sa palagay ko marami tayong pagku-kwentuhan. Excited din akong malaman ang tungkol sa commercial ninyo na dito isu-shoot."
"I'll fetch you later then." Saka pasimpleng tinanggal ni JED ang nakapulupot na braso ni Fridah Mae. "Enjoy your lunch."
"Anong nangyari sa damit mo?" tanong niya kay JED. Nang iangat kasi nito ang kamay ay napansin niya ang punit sa gilid ng shirt nito. Hindi kasi nito suot ang conventional riding uniform ng riding club. "Bakit may punit?"
"Ah, this one?" anito at tiningnan ang nisnis sa tagiliran. "Sumabit siguro kanina nasa Forest Trail ako. Pumasok kasi ako sa mismong forest. Hindi ako nag-stay sa trail. Marami pa mandin akong nadaanan na mga sanga-sanga kanina."
"Dalhin mo sa boutique ko mamaya. I'll fix it."
"But you are busy. Makakaabala pa ako sa iyo."
Nagkibit-balikat siya. "It won't take long to fix your shirt. Bagay kasi sa iyo ang shirt mo. Sayang naman kung sira."
He laughed lightly. "Yes, you are right."
"You still look good even with a torn shirt," wika naman ni Fridah Mae.
"Iba pa rin ang pakiramdam ng may nag-aalaga," malapad ang ngiting sabi ni JED at sinulyapan siya. Di niya alam kung bakit nginitian rin niya ito. Sinundan pa niya ng tingin si JED hanggang makarating sa table nito.
That feels so good. Masarap siyang ngitian kaysa sungitan.
Ipinitik ni Fridah Mae ang daliri sa mukha niya. "Ano iyon? Ano iyon? Di ka na nasiyahan na itinahi siya ng damit, may pangiti-ngiti pa kayong dalawa. I thought you really, really hate him?"
"I do. Pero naawa lang ako dahil may punit ang damit niya."
"Maaawa ka sa kanya? Kayang-kaya nga niyang bumili kahit sampung damit pa na ganoon. Ni hindi na niya kailangan ng punit na damit."
"As a designer, masakit sa akin na makitang di na maisusuot ang damit na tinahi ko. I empathize with the dress itself. Sayang naman kung di na magagamit samantalang maliit lang naman ang sira." Isa pa, naisip niya ang sinabi ni JED. Iba daw ang pakiramdam nang may nag-aalaga. The thought made her smile. Kung si JED ang tipo ng lalaki na nakaka-appreciate ng mga simpleng bagay, tiyak na masarap din itong alagaan.
"For now, I will accept your reason. Kahit na di ko alam na dapat maki- empathize sa isang damit. Wala naman iyong pakiramdam." Humalukipkip ito. "Basta tiyakin mo sa akin na hindi ka interesado kay JED."
"Hindi nga. Interesado akong tahiin ang damit niya at hindi sa kanya."
"Hindi ka magseselos kahit na mag-date kami?"
"No! No! No!" mariin niyang tanggi.
Here are my social media handle:
Instagram: sofiaphr
Facebook: Sofia PHR Page
Facebook store: My Precious Treasures
Shopee: Sofiaphr