webnovel

Kabanata Sampu [4]: Katapusan

At isang hila lang ng gatilyo at umalingawngaw sa kaniyang tainga ang nakakabinging putok ng baril at tinamaan naman ang gulong ng pinupuntiryang sasakyan, agad itong nagpagewang-gewang sa pagtakbo at diretsong lumiko paalis ng kalsada hanggang sa ito'y bumangga sa kalapit na nakaparadang sasakyan. Akmang aasintahin na naman sana ang kasunod na patrol car nang maunahan siya nito at pinagbabaril ang kaniyang sinasakyan pabalik; nabasag ang salamin nito sa pinakalikurang bahagi ng kanilang sasakyan at naalis din ang side mirror sa tabi ni Tobias. Sa takot na matamaan nito ay dali-daling umatras at bumalik sa pagkakaupo si Kariah ta humahangos na napasandal sa kinauupuan.

"Kariah ano ba 'yang iniisip mo't hindi ka ba natatakot tamaan?!" bulyaw ni Tobias na hindi na nag-abala pang tapunan siya ng tingin.

"Ano pa ba ang maitutulong k---."

"Yuko!"

Agad na napayuko si Kariah habang hawak-hawak ang sariling ulo nang paulanan sila ng bala, naroon pa rin naman ang windshield ng sasakyan pero may bakas ito ng mga bilugang pagkabiyak matapos tadtarin ng bala, hanggang sa isang putok pa ay tuluyan na rin itong nabasag at bumuhos pababa ang salamin na shatterproof; hindi sila natalsikan nito ngunit damang-dama naman nila ang malamig bugso ng hangin na may halong mga insekto at alikabok na humahampas sa kaniya-kaniyang mukha at siya ring nagpapahirap para kay Tobias sa pagmamaneho.

Hindi pa rin tumitigil sa pagpapaputok ang mga pulis na humahabol sa kanila at todo-yuko pa rin silang dalawa upang 'di tamaan ito, kasalukuyan pa nilang tinatahak ang kahabaan ng kalsada sa mga kabahayan na nangambala ang mapayapang pagpapahinga dahil sa putukan at mabilis na pagpapatakbo ng kaniya-kaniyang sasakyan. Mistulang tinakasan na ng boses si Kariah at natulala lamang siya habang tinitignan sa katabing side mirror ang mga pulis na desidido talaga silang dakpin o patayin, nangangamba siya sa tsansang 'di nila ito malulusutan o matatakasan.

Sa kabila ng putukan at sirena ng mga patrol car ay rinig na rinig naman niya ang pagmumura ni Tobias dahil sa hirap buhat ng iilang mga insekto na nahihilamos ng sariling mukha, naaawa na siya para rito lalo na't may natamong sugat din ang lalake sa hita na paniguradong napakahapdi. At nang matahimik ang kabilang panig ay agad niyang nilingon ang humahabol upang sipatin, ngunit laking-gulat naman niya nang napakalapit na pala ng isang patrol car at walang hesitasyon at malakas silang binubunggo nito. Naramdaman na lang niya ang pag-alog ng sasakyan at muntikan na siyang nasubsob kung 'di kaagad siya nakakapit sa inuupuan, pero sa kabila naman nito ay isang bagay na kumislap mula sa backseat ang kumuha sa kaniyang pansin.

Sa kaniyang galak ay agad siyang gumapang at inabot ang shotgun na nakalapag lang sa upuan kalakip ang isang maliit na kahon ng bala nito. Dali-dali niya itong hinila at saka mahigpit itong hinawakan habang kinakabahan sa ideyang nakahawak ulit siya ng ganito, binuksan niya kaagad ang kahon at isa-isang isinilid ang bala sa lalagyan. Anim na bala na ang nalagay niya at husto pa sana niyang magdagdag nito nang bigla na naman silang binunggo ng patrol car; natapon ang natitirang bala at wala na siyang oras pa upang pulitin ang mga ito, kung kaya't dali-dali na lang niyang kinasa ito at nagpakawala ang armas ng anim na sisidlan ng bala na agad na nahulog at gumulong sahig.

"Puntiryahin mo ang nagmamaneho 'Riah." Utos ni Tobias nang mapansin siyang may tangan-tangan na isang shotgun.

"Gagawin ko talaga 'yan," at kinasa niya nang kinasa ang shotgun at apat na sisidlan ng bala bilang paghahanda.

Nang hindi pa rin bumabaril o gumaganti ang mga pulis na nakasunod sa kanila ay agad niyang itinutok ang hawak-hawak na armas sa sasakyang nasa kaliwang bahagi at nangunguna't halatang bubungguin na naman sila. Inasinta niya ang kanang bahagi ng sasakyan nang maaninagan ang seryosong mukha ng pulis na nagmamaneho rito, sa hudyat nya, nang masiguro ang kaniyang pinupuntong direksyon ay agad niyang binaril ito at umalingawngaw sa kaniyang tainga ang nakakabinging putok kalakip ang puwersa na bahagyang tumulak sa kaniya paatras. At nasaksihan naman niya kung paano bumunggo sa kalapit na poste ng tabing-kalsada ang patrol car na nabasag na ang windshield at wasak na rin ang ulo ng nagmamaneho.

Pero sa 'di inaasahang pagkakataon ay nabatbat naman kaagad siya sa katabing bintana nang biglang lumiko pakaliwa si Tobias na hindi man lang nagbigay-babala o binabagalan ang takbo, dahil nga sa 'di niya ito napaghandaan ay nabagok talaga ang kaniyang ulo sa salamin, pero mabilis namang napawi ang sakit na dinulot nito agad-agad na napaupo nang muling nagpaulan ng bala ang mga pulis na nakasunod pa rin sa kabila ng basag nitong salamin sa windshield. Nasa pampublikong highway na sila at kitang-kita na nila ang nagtataasang mga gusali sa paligid na may matitingkad na liwanag, mangilan-ngilan na rin ang mga sasakyang nakakasalubong nila at pawang nagambala ito nang mapansin ang eksenang dinudulot nila. Tanging isang patrol car na lang ang humahabol sa kanila, pero hindi talaga ito magawang takasan ni Tobias kahit na anong overtake nila sa mga nakakasabay na sasakyan, sa halip ay medyo bumagal na ang lalake at mas nahirapan.

Hanggang sa muli na naman silang pinaulanan ng bala ng mga pulis na nakasunod pa rin sa kanila na hindi man lang nag-aalala sa mga inosenteng madadamay sa putukan. Sa puntong ito ay pinuntirya ng mga pulis ang gulong ng kanilang sinasakyan, kung kaya't mas lalong nahirapang kontrolin ni Tobias ang kotse nang pumutok ang dalawang gulong sa likod at gano'n na rin sa dulong-kanan na bahagi; muli na naman itong napamura sa galit, naliligo na sa pawis at namumutla habang pilit na iniiwasan ang mga sasakyang kasabay o nakakasalubong sa malawak na kalsada.

At lubos na nagimbal si Kariah nang bigla siyang napahiyaw sa sakit nang matamaan siya sa tagiliran ng tatlong bala na halatang tumagos sa kaniyang kinauupuan, hindi niya alam kung anong klaseng baril ang ginagamit ng mga pulis at ramdam niyang para bang nabiyak ang kaniyang tadyang sa lakas nito na tumalab talaga sa suot-suot niyang bulletproof vest. Nanlalanta siyang namilipit sa sakit at dumausdos pababa ng kinauupuan habang iniinda ang 'di mawaring kirot sa tagiliran; kagat-labis siyang napapikit at daing nang daing dahil sa tindi nito, at panay rin siya sa pagpisil ng bahaging tinamaan sa kagustuhang mapawi kaagad ito upang gumanti.

Hanggang sa namalayan na lang niya kalaunan ang biglaang paggewang ng sasakyan na ikinagimbal niya, bago pa man niya mabalingan ng tingin si Tobias ay niyanig na ang kanilang sinasakyang kotse ng malakas na pagbunggo ng sasakyan mula sa likod na paniguradong mga pulis; muling nahampas ang kaniyang mukha sa harapan ng kotse at nalasahan na lang niya ang dugo matapos pumutok ang kaniyang labi at gano'n na rin ang kaniyang 'di gaanong matangos na ilong. Hilong-hilo na siya at hindi na niya gaanong naririnig ang paligid, bigla na lang nandilim ang kaniyang paningin kalaunan nang maramdamang bumunggo ulit sila sa matigas na bagay. Nais man niyang labanan ang nakakabulag na dilim na lumukob sa kaniyang paningin ay 'di na niya nakayanan pa at tuluyan na rin siyang nawalan ng malay.