webnovel

Ruined Heart

Hindi ginusto ni Maureen ang mahulog sa amo niyang si Zeus, ngunit nangyari pa rin. Ang hindi niya alam, pasakit pala ang aabutin niya sa pagkahumaling sa mayamang katulad nito. Matapos ang ilang taon, may himalang darating sa kanya na makakapagpabago ng buhay niya. Ang akala niya'y maayos na niyang mundo'y guguluhing muli ng unang lalaking minahal. Hahayaan ba niyang makapasok itong muli sa kanyang buhay at pati na sa kanyang puso?

elysha_jane · 若者
レビュー数が足りません
60 Chs

Kabanata 38

Kabanata 38

Hindi ko naging paborito noon ang istorya ni Cinderella. Si Danica ang mahilig sa mga kwentong 'yon. Siya 'tong bukambibig ang prince charming. Siya ang pangarap na yumaman nang sobra. Pero heto ako ngayon, parang si Cinderella na sa isang iglap ay nagbago ang buhay.

Mula sa parang tambakang bahay namin, heto na ako ngayon sa malaking bahay. Mula sa parang basahang mga damit, heto't nabihisan na ako ngayon ng mamahaling mga damit. Pero kung tatanungin ako kung masaya ba ako? Sigurado ako sa sagot ko—hindi.

Hindi ako masaya dahil hindi naman talaga ako tanggap sa bahay na 'to. Hindi man nila sabihin sa'kin, damang-dama ko 'yon. Damang-dama ko.

Tumayo ako nang may marinig akong katok mula sa labas ng kwarto ko. Kaagad akong lumapit sa pintuan at binuksan 'yon.

"Ma'am Maureen, pinapatawag ka po sa baba," sabi sa akin ng isa sa mga katulong nila.

Tumango-tango naman ako at tuluyang lumabas ng kwarto ko. Sinundan ko ang katulong pababa ng hagdan. Bawat hakbang ko sa matigas na kahoy na hagdan nila ay dinig na dinig. Pero mas ramdam ko ang pagkabog ng puso ko dahil sa kaba.

Nang makarating sa ibaba ay dumiretso kami sa sala nila at nasurpresa nang madatnang nandoon silang lahat. Kadalasan kasi, si Mommy at si Ma'am Adel lang ang nandito sa mansyon, dahil may kanya-kanyang mga show ang mag-aama. Medyo nasanay na rin akong tawaging Mommy si Ma'am Isabelle.

"Halika, Maureen, maupo ka rito," sabi ni Mommy sa akin. Nahihiya naman akong lumapit at naupo sa gitna nila ni Celestia. Tahimik pa rin ito at parang ayaw tumingin sa akin.

Sa harap namin ay nakaupo si Ma'am Adel. Sa gilid naman ay nakaupo ang mag-amang si Sir Frederick at Ma'am Mercedes.

Kahit pa nakasuot din ako ng mamahaling damit ngayon, hindi ko pa rin maramdaman na isa ako sa kanila. Para pa rin akong isang hamak na bisitang nakikituloy lang sa pamamahay nila.

"So, yesterday, we received the DNA test result. It was positive, right?" Si Ma'am Adel na ang unang nagsalita.

Tumango-tango naman ako dahil 'yon naman talaga ang totoo. Kasama rin ako nang basahin nila 'yon. At kumpirmado ngang anak ako ni Ma'am Isabelle. Isa nga akong tunay na Dela Rama.

"Napagpasyahan naming sabihin na rin sa'yo ang mga mangyayari," dagdag pa ni Ma'am Adel. "As you know, we are a family of artists. Kaya dapat maging artista ka rin."

Napaawang naman ang mga labi ko. Nitong mga nakaraang linggo, bukod sa pag-aaral ng English grammar ay inalam ko rin ang kwento ng pamilya nila. Sabi sa akin ni Mommy, kailangan ko rin daw malaman 'yon. Akala ko, pinagawa lang sa'kin 'yon para maging pamilyar ako sa bawat-isa sa kanila. Pero hindi ko inakalang ito pala ang rason.

"K-Kailangan ho ba talaga 'yon?" kinakabahang tanong ko.

Hindi nga bagay sa'kin ang maging mayaman—paano pa kaya ang pag-aartista? Hindi naman ako tulad nila. Hindi ko kakayanin 'yon!

"Yes. You 'must' do it. Sa ayaw mo man o sa gusto," tila nag-uutos na sagot ni Ma'am Adel. Tinaasan pa niya ako ng kilay, at hindi rin nakakatulong ang nakasimangot niyang mga labi.

"Hindi ka pa nga namin pinapakilala, may lumalabas nang mga news sa'yo," dagdag naman ni Ma'am Mercedes. "And hindi naman namin pwedeng pabayaan lang 'yon. We have to introduce you formally. Para matigil na rin ang rumors."

Hindi na ako nakasagot sa sinabi niyang 'yon.

"Maureen, I know this will be hard for you." Hinawakan ni Mommy ang kaliwang kamay ko at marahang pinisil iyon. "Pero kailangan talaga, e."

"And one more thing. I want you to listen carefully to this." Nagsalitang muli si Ma'am Adel. "We will change your surname from Calderon to Olivarez."

"Ano po?!" gulat na tanong ko. "Ayoko po!"

Oo nga't nakakatakot ang pagiging istrikta nj Ma'am Adel, pero hindi ko na napigilan ang sarili ko. Hindi naman yata pwede 'yung gusto nila! Calderon ang tatay ko! Calderon ako! Hindi nila pwedeng alisin sa akin ang pagkatao ni Itay. Para na rin nilang binago ang buong pagkatao ko! Wala na nga si Itay, tapos buburahin pa nila sa pagkatao ko? Hindi ako papayag!

"And who are you to disagree?" Muli akong tinaasan ng kilay ni Ma'am Adel. Kalmado nga ang pagkakasabi niya, ngunit damang-dama ko ang tapang niya.

Napaikom na lamang tuloy ang mga labi ko.

"From your head down to your toes; it all came from us. Kaya wala kang magagawa kung hindi ang sumunod sa amin," dagdag pa niya, kaya napayuko na lang ako.

"And do you think ginusto namin 'to? We don't want this either! You'll use our surname and benefit from it? Huh! Ang swerte mo ha! Kaya kung ako sa'yo, titigilan ko na ang pagrereklamo na parang bata!" sigaw pa sa akin ni Ma'am Mercedes. Akala ko ay tapos na siya pero may kasunod pa pala ito, "Ano na lang ang sasabihin ng iba kung hindi Olivarez ang aplido mo? Huh. I won't you ruin my family again!"

Parang mga patalim na sunod-sunod na tumutusok sa puso ko ang mga salita niya. Ito ba ang tingin nila sa akin? Tagasunod nila dahil utang na loob ko sa kanila ang lahat? Ano ba ako? Bagay na pwedeng gamitin? Laruan na gagawin nila kung ano'ng gusto nilang gawin?

Unti-unti ay nag-init ang dulo ng mga mata ko at mayamaya lang ay naramdaman ko na ang mainit na likidong tumulo sa mga pisngi ko.

Ayoko na dito. . . Umalis na lang kaya ako?

"There! You can be an actress naman pala, e! Unbelievable," komento pa ni Mercedes at sarkastiko pa siyang tumawa. Kaya naman lalo akong naiyak at napadiin pa ang pagkagat ko sa mga labi ko.

"Mercedes! Tama na! Grabe ka naman! Kapatid mo pa rin si Maureen!" pagtatanggol sa akin ni Mommy. Hinawakan pa niya ang dalawang balikat ko.

"That's enough!" sigaw ni Ma'am Adel, kaya muli kaming binalot ng nakabibinging katahimikan. "Hindi ko kayo pinapunta rito para magtalo sa harapan ko!"

"S-Sorry po, La."

"I'm sorry, Mama."

Halos sabay pang humimgi ng tawad si Ma'am Mercedes at si Mommy kay Ma'am Adel. Kahit sila, natatakot dito.

"I'm doing the best I could to fix this problem. So please, cooperate! Especially you, Maureen," mayamaya pa'y sabi ni Ma'am Adel. "Alam ko kung g'ano kahalaga sa'yo ang tatay mo. I won't blame you for that. But we don't have a choice. You'll have to be Olivarez, no matter what."

"I'm sorry, Maureen. I'm very, very sorry. Kung hindi lang delikado para sa image namin, hindi namin natin kailangang gawin 'to, e. Kaya lang, 'yun nga," paumanhin sa akin ni Mommy. Hindi na lang ako sumagot.

Ito ba? Ito ba ang kapalit ng yaman at marangyang buhay na 'to? Ang tuluyang burahin sa buhay ko ang Itay ko? Napakasakit naman palang sakripisyo nito. Bakit kailangang ito pa ang maging kapalit? Hindi ko naman ginusto ang buhay na 'to, a!

Ang gusto ko lang naman, makapagtapos ng pag-aaral at matulungan si Itay. Pero bakit naman ganito ang tadhana?

Labag man sa kalooban ay nanatili na lamang akong nakaupo roon. Sa totoo lang, gustong-gusto ko nang umalis at tumakbo papalayo—palayo sa kanilang lahat. Palayo sa bahay na 'to. Pero hindi ko rin magawa, dahil mahirap mang tanggapin, ngunit sadyang wala na akong matatakbuhan ngayon.

"Before I forgot, kailangan nga pala nating gumawa ng istorya na paniniwalaan ng mga tao. Palalabasin natin na anak ka talaga ni Frederick at inilayo ka lang sa'min ng Itay mo dahil sa matinding galit niya sa amin," pagpapatuloy pa ni Ma'am Adel.

Napaawang ang labi ko para sana tumutol, pero sa huli ay napagpasyahan kong huwag na. Ayoko sanang gawin 'yon. Ayokong pagmukhaing napakasama ng tatay ko at kamuhian siya ng mga tao, pero wala akong magagawam sa huli, pagbali-baliktarin man ang mundo'y may kasalanan naman talaga ang tatay ko. At hindi ko na 'yon mababago.

Napalunok na lang ako ng laway—tila nilulunok din ang mga katotohanan sa buhay ko na 'di na mababago pa.

"Naiintindihan mo ba, Maureen?" tanong pa ni Ma'am Adel sa akin.

Tahimik akomg tumango-tango.

"Speak! I want to hear your answer," utos pa niya.

"O-Opo, Ma'am Adel. Naiintindihan ko po," sagot ko habang bahagyang nanginginig ang mga labi ko.

* * *

"Oh. Hold this."

Wala na akong nagawa nang basta-bastang iabot sa akin ni Ma'am Mercedes ang mabigat na bag niya sa akin. Tahimik ko na lang iyong kinuha. Sa ginagawa niya, para pa rin tuloy akong katulong ngayon.

Mayamaya pa'y kinuha niya ang cellphone niya at itinapat sa tenga niya.

"Oh, Diego, baby!" bati niya sa kung sino mang tumawag. Kasingbilis ng kidlat ay bigla na lang nag-iba ang timpla niya. Mula sa pagtataray niya kanina ay napalitan iyon ng matingkad na ngiti.

"Yeah. I'm heading there" dinig ko pang sabi niya habag naglalakad kami papunta sa van. May tatlo talaga silang sasakyan, pero siya raw ang madalas gumamit ng van nila.

Simula nang araw na kausapin ako nila Ma'am Adel, halos lagi na akong nakabuntot sa kanya. Syempre, parehas naming hindi gusto 'yon, pero wala hindi naman kami pwedeng tumanggi dahil utos ni Lola 'yon.

Kung saan-saan na kami nagpunta: sa facial salon, sa hair salon, pati sa mga nagma-manicure at pedicure! Hindi ko alam kung para sa'n pa ang mga kaartehan na 'yon, pero siguro, gano'n talaga ang mga artista. May binigay pa sila sa akin na mga pamahid sa mukha. Kung minsan nga, halos nakakaligtaan ko ang mga 'yon.

Ngayong araw naman, sasamahan ko si Ma'am Mercedes sa photoshoot niya para sa isang brand ng bag. Gusto nina Mommy at Ma'am Adel na makita ko ang mga 'yon. Para raw may ideya ako kung ano'ng gagawin ko kapag ako na ang nasa sitwasyon na 'yon.

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubos maisip na mag-aartista ako. Sana nga ay hindi na lang. Sanay na ako sa tahimik na buhay, e.

"Please lang, Marina, 'wag kang magkakamaling tawagin akong Ma'am mamaya sa shoot. Kung hindi, ewan ko na lang kung ano'ng magagawa ko sa'yo," banta sa akin ni Ma'am Mercedes nang ibaba na niya ang cellphone niya. Nasa kasagsagan na rin kami ng byahe namin.

"M-Maureen po, hindi Marina," pagtatama ko naman.

"Whatever. Ang common kasi, e," sabi pa niya.

Hindi na lang ako sumagot.

"Siguro ang saya-saya mo ngayon, 'no?" sabi pa niya.

Tahimik akong umiling-iling.

"Oh, don't fool me. Alam kong tuwang-tuwa ka sa kinalalagyan mo ngayon. From rugs to riches. Sino ba namang 'di magse-celebrate no'n?" natatawang sabi pa niya.

Hindi naman talaga. Hindi naman talaga ako masaya. Siguro, kung nasa ibang sitwasyon ako, baka tuwang-tuwa na nga ako ngayon. Kaya lang, hindi, e. Kahit pa nasa karangyaan ako, may pasakit pa rin. Siguro sa mata ng iba, mayaman na ako. Pero sa kanila, isang hamak na anak sa labas pa rin ako.

Gusto ko mang sambitin lahat ng nasa isip ko ay pinigilan ko na lang ang sarili ko at tumahimik na lang. Hindi na rin naman siya nagsalita pa, kaya naging tahimik na rin ang buong byahe namin. Para bang walang katao-tao sa loob ng van.

Ilang sandali pa ay nakarating kami sa isang malaking building.

"Shades ko," saad ni Ma'am Mercedes.

"H-Ha?"

"My shades! 'Yung salamin ko!" sagot naman niya.

"Ah, o-opo!" sabi ko at kaagad na binuksan ang bag niya para kunin ang shades niya sa loob. Nang makuha ay iniabot ko na ito agad sa kanya. Sinuot naman niya ito.

"Follow me while you carry my bag," utos pa niya bago bumaba ng van.

Pero hindi ako kaagad na nakakilos noon, kaya bumalik pa siya at sinigawan ako.

"Ano pa bang ginagawa mo d'yan? Hindi mo ba naintindihan? My gosh! It's a simple English—"

"Naintindihan ko po," kaagad kong sabi. Hinahamak na naman niya kasi ako dahil sa pagiging tanga ko sa English. "Heto na. Bababa na po."

"Wait, galit ka ba sa'kin ha? Tandaan mo, wala kang karapatang magalit dahil—"

Sa pangalawang pagkakataon ay pinutol kong muli ang sasabihin niya. "Hindi po ako galit."

Sinamaan niya lang ako ng tingin, pero hindi na siya nagsalita pa. Tumalikod na rin siya at mas nauna nang maglakad sa akin. Napabuntong-hininga na lang ako bago ako bumaba sa van.

"Ma'am Maureen, tulungan na po kita d'yan," sabi sa akin ng driver na kaagad akong dinaluhan.

"Hindi, ako na po," sabi ko at hinigpitan ko pa ang hawak sa strap ng bag ni Ma'am Mercedes.

"Grabe talaga 'yang si Ma'am Mercedes. Ginagawa ka pang P. A," komento niya.

"Gano'n po talaga. Baliktarin man po natin ang lahat, may karapatan pa rin po talaga siyang magalit sa'kin," malungkot na sabi ko naman.

"Nandoon na nga tayo. E, 'di ba't nasa tamang edad naman na 'yang si Mercedes para umakto nang ganyan?" sabi pa niya.

Napangiti na lang ako nang pilit. "Sige ho, Manong. Baka ho magalit pa 'yon, e."

Matapos 'yon ay sumunod na ako kay Ma'am Mercedes. Mabuti at hindi pa nakakalayo si Ma'am Mercedes. Pumasok kami sa building at sumakay sa elevator, dahil nasa bandang taas pa ang kwartong paggaganapan ng photoshoot nila.

Pagpasok doon ay namangha ako sa dami ng ilaw at camera sa loob. Marami ring mga taong abalang-abala para sa shoot. Mukha ring hindi lang si Ma'am Mercedes ang modelo na nandoon dahil may iba pang binibihisan at nilalagyan ng make up.

Maraming mga tao doon ang nakabatian ni Ma'am Mercedes, habang ako ay parang tangang tahimik na sumusunod lang sa kanya kung sa'n man siya magpunta.

"Oh, who's this? Bago mong P. A?" Isang magandang babae ang nangahas na magtanong noon.

"Uh—no! No," mabilis na sagot ni Ma'am Mercedes. "She's my sister."

"Sister? May kapatid ka pa pala bukod kay Celestia?" gulat na sabi ng babae.

"Well. . . It's a long story, actually. But—" Napapitlag ako nag maramdaman kong inakbayan ako ni Ma'am Mercedes. "She's my long lost sister."

"Oh! Talaga palang may gano'n sa totoong buhay, ano?" manghang sabi naman nito.

"Y-Yeah. Well, let's catch up later. Kailangan ko nang maayusan," sabi na lang ni Ma'am Mercedes. Pumayag naman ang babae na umalis kami doon.

"Just stay near me. 'Wag na 'wag kang kakausap ng mga tao. Naiintindihan mo ba?" mariing bulong ni Ma'am Mercedes sa akin habang naglalakad kami papunta sa mga nagme-make up. Hinigpitan niya pa ang hawak sa braso ko at mas inilapit ako sa kanya. "And please, call me Ate. Kahit nakakasuka sa pandinig ko. Please."

"Opo. Naiintindihan ko."

* * *

Halos gabi na nang makauwi kami sa mansyon. Habang nandoon kami sa shoot, akala mong kung sinong anghel kung umasta si Ma'am Mercedes. Pero nang nandoon na kami ulit sa loob ng van, balik na naman siya pagtataray sa akin. Isa nga talaga siyang artista—magaling magpanggap. Magaling magkunwari.

Pero hindi rin magtatagal gano'n na rin ako. Magpapanggap. Puro pagkukunwari. Pilit na itatago ang katotohanan sa likod ng mga kasinungalingan. Hindi na rin ako magiging iba sa kanila.

Oo, parang mali nga kung magtatanim ako ng sama ng loob sa kanila. Ako itong nakasira sa kanila. Ako itong nagdala ng problema sa kanila. Pero kasi, pakiramdam ko, natatapakan ang pagkatao ko. Pakiramdam ko, nagiging laruan lang nila ako. At 'yon ang hindi ko talaga matanggap.

"Ah—pasok! Bukas 'yan," bahagyang sigaw ko nang marinig kong may kumatok sa kwarto ko.

Kapag nandito talaga ako sa mansyon, wala akong ginawa kung hindi ang magkulong sa kwarto. Siguro kasi pakiramdam ko, dito hindi ako masasaktan. Dito, kahit papa'no, para 'kong nasa ibang lugar.

"M-Mommy," sambit ko nang makita ko siya. Ilang araw ko rin siyang hindi halos nakikita. Nakakapanghina dahil siya lang ang tanging kakampi ko sa bahay na 'to.

"Hi," bati naman niya sabay ngiti. "Gusto lang sana kitang kamustahin."

"O-Okay lang naman po ako," pagsisinungaling ko. Kung minsan, ang kasinungalingang 'yon ay parang sinasabi na rin natin para lokohin ang sarili natin. Na kahit pa 'di tayo masaya, kunwari na lang, masaya tayo.

"Mabuti naman," sagot ni Mommy pagkatapos ay umupo siya sa gilid ng kama ko. "Sinama ka raw kanina ni Mercedes sa photoshoot niya?"

"Opo," sagot ko at tumabi sa kanya.

"So how was it? Nag-enjoy ka ba?" tanong ni Mommy.

"Hindi po masyado, Mommy," pag-amin ko sa kanya. Magsisinungaling pa ba ako sa kanya, e siya na lang ang tanging makakaintindi sa akin dito?

"Bakit?" nag-aalalang tanong niya.

"Hindi pa rin po kasi kami okay ni Ma'am—Ate Mercedes. Parang nakalaloko lang po na sa harap ng iba, kunwari ayos lang kami," paliwanag ko.

Marahan naman niyang sinuklay-suklay ang buhok ko na nasa likuran ko. "Oh, gano'n lang talaga ang ate mo. Hindi ka pa niya talaga matanggap sa ngayon. Magkakaayos din kayo."

Sana nga magkaayos pa kami. Sana nga, pagkatapos ng maraming taon, maramdaman ko rin na kabilang talaga ako sa pamilya nila.

"Mommy, gano'n po ba talaga ang mga artista? Puro pagkukunwari?" tanong ko naman.

"Hindi naman sa lahat ng oras, anak," sagot niya. "Kaya lang, syempre, may mga bagay talaga na dapat mong itago sa mata ng iba. Mahirap, oo. Pero kailangan, e."

Nag-iwas na lang ako ng tingin.

"Anak, alam mo sabi nila, 'yung mga malulungkot daw na pangyayari sa buhay natin, dinadaanan lang 'yan." Mas sumeryoso pa ang boses ni Mommy, kaya muli kong sinalubong ang tingin niya. "Kumbaga, oo, masakit. Mahirap tanggapin. Pero, hindi sa lahat ng oras kailangan magpakulong tayo sa lungkot na 'yon. Kailangan magpakatatag tayo at magpatuloy sa buhay natin.

"Kagaya ko. Halos mawasak ang mundo ko no'n nang dumating ka sa'kin. Pero tinatagan ko. Mahal na mahal kita, kaya hindi ko kinaya no'ng nawala ka sa'kin. Gusto kitang kunin ulit, pero pinigilan ako ni Mama. Kaya kahit ayoko no'ng una, nagpatuloy na lang ako."

Dahil sa mga salitang sinabi sa akin ni Mommy, hindi ko na napigilan ang paglambot ng puso ko para sa kanya. Hindi ko mapigilan ang maawa sa kanya lalo pa't narinig ko mismo mula sa kanya kung gaano siya nahirapan noon.

"Mommy, sorry. Sorry po. Palagi na lang akong nagdadala ng problema sa inyo," nahihiyang sabi ko.

"Anak, hindi!" Marahan niyang hinawakan ang pisngi ko at masuyo akong tinignan. "I told you, wala kang kasalanan. Sa amin na ng Itay mo 'yon. Kahit kailan, hindi ko sinisi sa'yo ang lahat. At walang araw na hindi ka sumagi sa isip ko."

Bahagyang humigpit ang hawak niya sa pisngi ko at napansin ko ang pagkislap ng mga mata niya. Para bang may luhang namumuo roon.

"Kaya nga sobrang saya ko na nakita kita ulit. No'ng malaman kong wala na ang tatay mo, hindi na ako nagpapigil kay Mama. Kasi kailangan mo ako at gusto rin kitang makasama," dagdag pa niya. Dahil doon, pati tuloy ako ay parang maiiyak na rin.

"Sorry po talaga, nagmatigas ako sa inyo no'ng una," paghingi ko ulit ng tawad.

"Shh. Napalagpas ko na 'yon. Naiintindihan naman kita," sabi naman niya sabay ngiti. "Ang mahalaga, nandito ka na ngayon."

Kasunod noon ay niyakap na niya ako nang mahigpit. Hindi ko na rin naman pinalagpas pa ang pagkakataon at niyakap ko rin siya pabalik. Mahigpit na mahigpit. Yakap ng isang anak na sabik na sabik sa nanay niyang matagal nawalay sa kanya.

Kung may maganda mang nangyari sa buhay ko ngayon, ito na 'yon. Sa wakas ay naranasan ko kung paano magkaroon ng isang ina.

Itutuloy. . .