webnovel

Rowan's Odyssey

May tatlong dahilan kung bakit hindi makatawid si Rowan sa kabilang-buhay: Una, nawalan siya ng alaala. Pangalawa, may isang bagay pa siya na kailangang gawin sa lupa. At pangatlo, kailangan niyang malaman kung paano siya "namatay" Sa tulong ng misteryosong lalaki na nagpakilalang si "Jack", magagawa kaya ni Rowan na makatawid sa kabilang-buhay sa tamang oras? O tuluyan na bang magiging huli ang lahat para sa kaniya?

Rosencruetz · ホラー
レビュー数が足りません
19 Chs

Kabanata XIV: Simula

Darating ang oras na maniniwala kang tapos na ang lahat.

Iyon ang magiging simula

~ Louis L'Amor ~

-----

"Papatayin kita, Jack!"

Namilog ng husto ang mga mata ni Jack matapos siyang atakihin mula sa likod ng binatang si Rowan na sa mga oras na iyon ay isa ng ganap na mapaghiganting kaluluwa.

"R-Rowan..."

Lalo pang ibinaon ni Rowan ang kaniyang kamay sa katawan ni Jack at hinayaan niya ang kadiliman na nakabalot sa kaniya buong katawan na kainin ang lalaking sinusubukan siyang iligtas.

"P-pakiusap, gumising ka!"

Mabuti na lang at may dumating ang tulong kay Jack. Isang grupo ng mga itim na ibon ang nagpakita sa eksena at pagkatapos ay mabilis na lumipad ang mga ito para tangayin si Jack at ilayo mula sa nag-aamok na si Rowan.

"Oh, ano? Ayos ka lang ba, Jack?"

"S-Sluagh?"

Matapos tangayin ng mga itim na ibon si Jack ay nagsama-sama't nagbagong-anyo ang mga ito hanggang sa maging kamukha ito ni Sluagh.

"Ang akala ko'y hindi na kita aabutang buhay eh. Ipagtitirik na sana kita ng kandila."

Napaismid ng bahagya si Jack habang hawak niya ang kaniyang sikmura na napinsala mula sa ginawang pag-atake ni Rowan.

"Ano ka ba, ang masamang damo, mahirap mamatay."

Subalit naputol ang kumustahan nina Jack at Sluagh ng biglang kumapal ang madilim na ulap na nakapaligid sa kanila. Mas tumitindi ang lakas ng hangin at mas nagwala pa ang naglalakihang mga alon sa dagat. Lubhang nakakaalarma ang masamang enerhiya na nasa paligid, isang hudyat na kinakailangan na ni Zephiel na tapusin ang kaniyang misyon sa lalong madaling panahon bago pa kumalat ang masamang enerhiya sa kalupaan at magdulot pa ng mas malaking pinsala sa mundo ng mga buhay.

Mapipilitan akong gamitin sa kaniya ito.

Itinaas ni Zephiel ang kaniyang espada at itinutok niya ito sa kalangitan. Biglang nahawi ang mga ulap at tumutok sa espadang hawak niya ang isang gintong liwanag. Walang anu-ano'y nagbagong anyo ang sandata ni Zephiel, mula sa pagiging espada'y naging pana't palaso ang hawak niyang armas.

"Tatapusin ko na ito sa isang tira lang."

Hindi na nag-alinlanhan pa si Zephiel at agad niyang inunat ang palaso mula sa bagting ng hawak niyang pana at itinutok niya ito sa nag-aamok na si Rowan. Subalit muli na namang humadlang si Jack at walang takot nitong hinarang si Zephiel kahit nakaamba ang palaso nito sa kaniya.

"Huwag! Pakiusap!"

Hindi ugali ni Zephiel na mawalan agad ng pasensya, ngunit sadyang sinasagad ng sunud-sunod na pangingialam ni Jack ang pagiging likas na kalmado niya.

"Ayaw kong sayangin ang palaso na ito sa walang kuwentang nilalang na gaya mo. Pero kung gusto mo talagang mabura sa mundo kasama niya, pwes, pagbibigyan kita!"

"Pakiusap, makinig ka muna!"

"Wala akong oras makinig sa iyo, isinumpa!"

Desidido na si Zephiel na pakawalan ang palaso, ngunit nagpumilit parin si Jack na bigyan siya ni Zephiel ng pagkakataon para sagipin ang kaluluwa ng binatang si Rowan.

"Hindi isang mapaghiganting kaluluwa ang batang 'to!" paglilinaw ni Jack kay Zephiel. "Biktima lang siya rito. Ako! Ako ang responsable sa lahat ng ito!"

Agad naman na nagbago ang isip ni Zephiel na ituloy ang balak niyang pakawalan ang palaso matapos niyang marinig ang mga sinabi ni Jack.

"Anong sinasabi mong ikaw ang responsable sa lahat ng ito? Magpaliwanag ka."

At isa-isang inamin ni Jack ang lahat sa tagatugis na si Zephiel.

"Ako ang salarin sa pagkawala ng siyam na pu't walong kaluluwa sa Hantungan ng mga Kaluluwa. Ninakaw ko silang lahat para ibayad sa ginawang pagpapalaya sa akin ni Mephistopheles sa kawalan. Pero ang batang 'to...hindi siya dapat na madamay. Biktima lang siya rito."

"Kung gano'n, sinasabi mo ba sa akin na..."

"Oo." Inunahan na ni Jack na sagutin ang haka ni Zephiel. "Ang lahat ng ito'y isang malaking patibong lang para sa akin. Tama ba? Mephistopheles!"

Alam ni Jack na kanina pa nasa paligid si Mephistopheles at naghihintay lamang ito ng tamang pagkakataon para magpakita sa eksena.

"Lumabas ka na! Alam kong narito ka lang!"

Isang makapal at maitim na usok ang nabuo sa kalawakan kasabay ng isang malakas na halakhak. Hindi nagtagal, ang maitim na usok ay nagkahulma't nag-anyong si Mephistopheles na nakasuot ng purong itim na damit, may mahaba't masutlang itim na buhok at nagbabagang pulang mga mata.

"Nagustuhan mo ba ang patibong na inihanda ko sa para iyo, mahal kong Jack?"

Gitil na gitil si Jack na nakatitig kay Mephistopheles.

"Pakawalan mo si Rowan! Huwag mo siyang idamay sa kasunduan nating dalawa!"

Napangisi si Mephistopheles sa mga sinabi ni Jack at nagwika...

"Huli na para gawin ko 'yon, mahal kong Jack."

"Anong...ibig mong sabihin?"

Walang anu-ano'y lumapit si Mephistopheles kay Rowan para haplusin ang pisngi nito na kasing lamig ng nyebe.

"Ipinakita ko sa kaniya kung paano mo niloko't inalay sa akin ang kaluluwa ng kaniyang namayapang Ina. Alam narin niya ang tungkol sa kasunduan nating dalawa at ang pagsisinungaling mo na isa kang gabay. Sa ngayon, wala siyang ibang nararamdaman para sa iyo kundi purong pagkamuhi, at wala ka ng magagawa pa para sagipin ang kaluluwa niya. Ikaw, at ang batang 'to ay parehong mapapasaakin, Jack!"

Halos magngalit ang mga ngipin ni Jack sa tindi ng kaniyang galit kay Mephistopheles.

"Napakasama mo!"

Umarko ang matalim na ngiti sa labi ni Mephistopheles habang nakatitig siya sa galit na galit na mga mata ni Jack.

"Iyan mismo ang gusto kong marinig sa iyo, mahal kong Jack."

Itinaas ni Mephistopheles ang kaniyang kanang kamay at sinenyasan niya si Rowan na sugurin si Jack. Mabilis naman ang naging reaksyon ni Rowan at agad niyang inatake si Jack gamit ang nakabalot na itim na awra sa buo niyang katawan na parang mga galamay na may sariling buhay. At dahil walang balak si Jack na saktan si Rowan kung kaya panay lamang ang pag-iwas na kaniyang ginawa. Tinanggap niya ang ilan sa mga pag-atake para sana makalapit sa binata, ngunit hindi sapat ang mga iyon para magawa niyang pigilan si Rowan sa pagwawala.

Hindi pwedeng umiwas lang ako ng ganito! Kailangan kong gumawa ng paraan!

Ngunit bago paman nakaisip ng plano si Jack ay naunahan na siya ng isang surpresang pag-atake mula kay Rowan. Bigla itong nagpakawala ng isang malaking bola ng itim na enerhiya na direktang papunta sa direksyon niya. Mabuti na lang at naroon si Sluagh at agad nitong kinontra ang atake sa pamamagitan ng isang malaki at matibay na harang na pumalibot sa kanilang dalawa ni Jack kasama ang tagatugis na si Zephiel. Pansamantala rin nitong pinahinto ang oras sa labas ng harang, ngunit limitado lamang ito sa loob ng isang minuto.

"Ano na, Jack?!" Aligagang tanong ni Sluagh habang abala ito sa pagprotekta sa kanilang lahat sa pamamagitan ng ginawa niyang harang. "Kung may naiisip ka man na gawin, bilisan mo't gawin mo na agad!"

Mabilis na nababawasan ang oras para sa kanilang lahat na naiipit ngayon sa pagitan ng buhay at kamatayan.

"Itutuloy ko ang orihinal nating plano, Sluagh."

"T-teka, ano?!"

Iyon ang kauna-unahang beses na napatitig ng matagal si Sluagh sa mga mata ni Jack na puno ng kahandaan at walang anumang bahid ng takot o pangamba.

"Alam mo na ang gagawin." Ani Jack sa kaniya. "Ito na ang huling bagay na gagawin mo para sa akin. Umaasa ako sa iyo."

Pakiramdam ni Sluagh ay napunta sa kaniyang mga balikat ang isang mabigat na responsibilidad, na tipong nahirapan siyang lunukin ang sarili niyang laway dahil sa matinding pigapit na inatang sa kaniya ni Jack.

"O-oo na, sige na!"

"Magaling!"

Inihanda na ni Jack ang kaniyang sarili. Ngunit para maging matagumpay ang kaniyang plano ay kakailanganin niya ng tulong mula sa isa pang nilalang na kasama nila na naroon.

"Zephiel, tama ba?"

Pumihit ang tingin ng seryosong si Zephiel kay Jack.

"Kailangan ko ng tulong mo." Walang paliguy-ligoy niyang saad. "Hindi para sa akin, kundi para sa bata."

"Hindi ako narito para magligtas ng kaluluwa." Prangkahang sagot ni Zephiel sa kaniya. "Narito ako para puksain siya. Trabaho ko na burahin ang mga tulad niyang mapaghiganting kaluluwa na sumisira sa balanse ng buhay at kamatayan."

"Hindi siya isang mapaghiganting kaluluwa." Giit ni Jack kay Zephiel kasabay ng pananariwa ng mga alaala niya tungkol kay Rowan, magmula sa araw na una silang nagkita sa lupain ng mga puting liryo hanggang sa sandali na muli silang nagkita't nagkasama sa paglalakbay sa Hantungan ng mga Kaluluwa. "Siguro nga'y masungit siya't mabilis mapikon, pero isa parin siyang bata na mapagmahal sa kaniyang Ina, tapat at totoo sa kaniyang sarili. Hindi tulad ko na puro kasinungalingan at panloloko lang ang alam. Hindi nararapat ang batang 'yan na sapitin ang parehong karanasan na dinanas ko. Gusto ko siyang sagipin. Maniwala ka man o hindi, pero ngayon pa lang ako gagawa ng tama sa buong buhay ko, kaya kung pwede lang...tulungan mo ako na sagipin siya."

Walang itinugon si Zephiel sa pakiusap ni Jack. Ni hindi siya nagpakita ng kakaibang reaksyon o kahit na magpakita manlang ng kaunting interes.

Hindi ko alam kung nagawa ko siyang makumbinsi sa mga sinabi ko. Hindi na bale, bahala na.

Hindi nagtagal ay nawala na ang epekto ng ginawang pagpapahinto ni Sluagh sa oras, ganoon din sa harang na inilagay niya para protektahan sila mula sa mga pag-atake ni Rowan.

"Malaki ang tiwala ko sa iyo, Sluagh. Oras na."

Napakamot na lang ng kaniyang ulo si Sluagh at dismayadong sumagot kay Jack.

"Problema mo 'to eh! Nadamay lang ako!"

"Suportahan mo naman ako kahit ngayon lang, pwede?"

"Oo na, sige na. Ito na nga oh!"

Mabilis na paghahanda ang ginawa nina Jack at Sluagh para isagawa ang kanilang plano. Ngunit kasabay nito ay ang patuloy na pagpapamalas ni Rowan ng kaniyang bagsik na ramdam ng mga ordinaryong tao sa pamamagitan ng malalakas na bugso ng hangin at malalaking patak ng ulan. Sinabayan pa ito ng gumuguhit na liwanag mula sa magkakasunod na kidlat at dumadagundong sa lakas na mga kulog. Napilitan tuloy ang mga tindahang malapit sa puwerto na magsara ng maaga. Nakatabi narin sa gilid ng mga daungan ang mga maliliit na bangkang pangisda na pag-aari ng ilang mga lokal na residente sa Killybegs. Ngunit sina Fiann at Allan ay nagpatuloy parin sa pagpunta nila sa nasabing lugar. Kahit ang maladelubyo sa lakas na unos ay walang nagawa para pigilan ang dalawa na magpunta sa lugar kung saan 'di umano huling nakita ang nawawalang si Rowan.

"Narito na tayo, Fiann."

Naramdaman ng batang si Fiann ang pagtalbog ng kaniyang puso dulot ng kaba. Naroon ang takot na baka mabigo siyang mahanap ang nawawala niyang kapatid, ngunit naroon din ang maliit na pag-asa sa kaniyang puso na sa lugar na iyon niya mahahanap ang kasagutan tungkol sa misteryosong pagkawala ng kaniyang Kuya Rowan. Kaya naman pagbaba nila sa estayon ng Donegal ay agad silang bumiyahe diretso sa Fintra kung saan matatagpuan ang sinasabi ni Allan na dalampasigan na huling napagkitaan kay Rowan. Pagdating nila sa lugar ay sumambulat sa kanila ang nakakakilabot na tabing ng maitim na ulap, galit na galit na mga alon at nakabibingi sa lakas na hampas ng hangin. At sa gitna ng nasabing dagat ay makikita ang pamumuo ng isang buhawi na habang tumatagal ay lumalaki at lumalakas.

"M-mukhang hindi magandang ideya na dito tayo pumunta, Fiann!" hindi halos maimulat ni Allan ang kaniyang mga mata dahil sa lakas ng hangin na nagmumula sa dagat. "Ang mabuti pa'y ipagpaliban na lang natin ang paghahanap sa Kuya mo!"

Ngunit hindi nakinig si Fiann sa payo ni Allan. May kung ano sa loob ni Fiann ang kumukumbinsi sa kaniya na manatili sa dalampasigan at lapitan ang nagngangalit na dagat.

Hanggang sa...

Fiann...

Isang mahina ngunit klaradong tinig ng babae ang narinig ni Fiann na bumulong sa kaniyang kanang tainga. Ang akala ni Fiann noong una'y guni-guni lang niya ang narinig, na dulot lamang iyon ng malakas na sipol ng hangin mula sa dagat. Ngunit sa ikalawang pagkakataon ay muli niyang narinig ang tinig, at sa pagkakataon na iyon ay nagsalita na ito sa kaniya at nagsabi...

Tawagin mo ang iyong kapatid, Fiann...

Nagitla ng husto si Fiann at pagdaka'y napaatras siya. Mabilis na nilibot ng mga mata niya ang paligid ngunit wala siyang nakita na tao roon maliban sa kaniyang kasama na si Allan.

"Anong problema, Fiann?"

Sinita na ni Allan si Fiann. Ngunit imbis na sumagot ay nagtuluy-tuloy lang ang bata sa paglapit nito sa tubig. Sinubukan ni Allan na sawayin si Fiann, subalit may kung anong puwersa ang humarang sa kaniya na naging dahilan para mabigo siyang pigilan si Fiann sa paglapit nito sa nagngangalit na dagat.

"Fiann!"

Lalong nagwala ang mga alon sa dagat nang ilapat ni Fiann ang kaniyang mga paa sa tubig. Humahampas sa katawan niya ang mga alon, ngunit balewala ito sa bata. Nakatutok lang ang kaniyang mga mata sa namumuong buhawi sa gitna ng karagatan na para bang naroon mismo ang kaniyang hinahanap.

"Kuya...Rowan..."

At mula sa gitna ng dagat ay kumawala ang napakalakas na bugso ng hangin. Galing iyon sa tumitinding puwersa na ipinapamalas ni Rowan dahil sa matindi niyang galit. Ginawa naman ni Jack ang lahat ng kaniyang makakaya para makapasok sa malaking buhawi. Naroon ang makailang beses siyang itinaboy palabas, nabugbog ng malalakas na hampas ng hangin at pinatalsik ng kidlat. Ngunit hindi nagpaawat si Jack. Ipinagpatuloy niya ang paglapit hanggang sa distansya na kaya niyang makausap ng sarilinan ang binata.

"R-Rowan!" Isinagad na ni Jack ang lakas ng kaniyang tinig upang labanan ang ingay ng nagwawalang hangin na nakapaikot sa kanila. "Rowan! Ako ito, si Jack!"

Ngunit mukhang hindi nagustuhan ni Rowan ang presensya ni Jack at mas lalo itong nagpakita ng dahas. Lumabas mula sa katawan ni Rowan ang napakaraming hibla ng lumot na nagsama-sama hanggang sa maging isang matibay na lubid na agad pumulupot sa buong katawan ni Jack.

"Isa kang manloloko!" binulyawan ni Rowan si Jack gamit ang malahalimaw nitong boses. "Niloko mo ako! Niloko mo ang aking Ina! Sinungaling ka, Jack! Manloloko ka!"

Bagama't hirap sa pagkilos ay nagawa parin ni Jack na makapagsalita at sagutin ang mga sumbat ni Rowan sa kaniya.

"I-inaamin ko, nagkamali ako." Sinserong pag-amin ni Jack sa binata. "Nagkakilala kami ng iyong Ina at niloko ko siya. Pinaasa ko siya sa isang pangako na makita niya ang kaniyang mga anak sa mundo ng mga buhay, pero hindi ko 'yon ginawa. Sa halip, ibinigay ko siya kay Mephistopheles bilang pambayad-utang. Ginawa ko lang naman 'yon dahil sa kagustuhan ko na makalaya mula sa sumpa. Kaya naman ganoon na lang ang pagkagulat ko noong makita kita sa lupain ng mga liryo na matiyagang naghihintay. Una pa lang kitang nakita, alam kong espesyal ka. May kakayahan kang makatawid sa pagitan ng buhay at kamatayan, at alam 'yon ng iyong Ina. Pero ginamit ka ni Mephistopheles laban sa akin. Ginamit niya ang lamat na nilikha ng konsensyang nabuo sa loob ko para pasunurin ako sa gusto niyang mangyari. Ginamit ka lang niya bilang pain para sa akin, Rowan. Ako ang totoong kailangan niya, hindi ikaw."

Dahan-dahan na lumuwag ang lubid na nakapulupot sa katawan ni Jack. Dahil doon kaya nailabas niya ang kaniyang mga kamay para abutin ang mga kamay ni Rowan.

"Hindi ko hinihiling sa iyo na patawarin mo ako, pero pakiusap...huwag mong hayaan ang sarili mo na maglaho ng dahil sa galit. Isipin mo na lang sana ang iyong Ina. Malulungkot siya ng husto kung pati ikaw ay mawawala na tulad niya."

Matapos marinig ni Rowan ang mga paliwanag ni Jack ay unti-unti nang nagbalik sa normal ang kulay ng kaniyang mga mata. Sumilip ang luha mula sa mga iyon at dumausdos ito sa kaniyang pisngi. Hindi naglaon ay humupa narin ang dilim na nakapalibot kay Rowan at napalitan ito ng liwanag. At sa loob ng liwanag na iyon ay narinig ni Rowan ang tinig ng kaniyang Ina at ang matamis nitong pagtawag sa kaniyang pangalan.

Rowan, anak ko.

Walang anu-ano'y kumawala mula sa loob ni Rowan ang napakalakas na puwersa na naging dahilan para mabuwag ang pamumuo ng malaking buhawi sa gitna ng dagat. Naramdaman ng lahat ang malakas na puwersang iyon sa anyo ng isang malakas na bugso ng hangin, ngunit mas naramdaman ito ni Fiann kasabay ng matinding kutob na nasa malapit lang ang nawawala niyang kapatid.

Kaya naman hindi na nag-alinlangan pa si Fiann na umusad sa mas malalim na bahagi ng dalampasigan para isinigaw ang pangalan ng kaniyang kapatid.

"Kuya Rowan!"

At mabilis na naglakbay ang tinig ni Fiann sa hangin hanggang sa marinig ito ng kaluluwa ni Rowan.

Fiann?

Sa isang iglap ay tuluyan nang lumisan ang kadiliman sa buong katauhan ni Rowan. Para iyong isang usok na dahan-dahang naglalaho hanggang sa wala na itong naiwan na bakas. Para lang ding nagdahilan ang kalangitan at ang dagat pagkatapos ng mga nangyari. Nawala ang madilim na ulap na nakasuklob sa nag-aagaw na pula't asul na kalangitan mula sa papalubog na araw at pumayapa na ang tubig na kanina lang ay parang halimaw na dadakmalin ang sinomang mangangahas na kalabanin ang kaniyang mga alon sa dalampasigan.

At pagkatapos ng lahat ng iyon, lahat sila'y napunta sa lugar kung saan nagsimula ang lahat...

Sa lupain ng mga puting liryo.

"I-imposible..."

Hindi lang basta nagtagumpay si Jack na isalba si Rowan mula sa tuluyang pagkawala, bagkus ay nagawa rin niyang matagpuan at buksan ang liwanag kung saan maaaring makatawid ang kaluluwa ng binatang si Rowan patungo sa kabilang buhay.

"N-nagawa mo, Jack." Maski si Sluagh ay hindi makapaniwala sa nagawang himala ni Jack para kay Rowan. "Nahanap mo ang liwanag, maitatawid mo na si Rowan sa kabilang buhay!"

Ngunit hindi pa ganap na makapagsasaya si Jack. Oras ang kalaban niya at kailangan niyang maitawid si Rowan sa liwanag bago tuluyan na magsara ang lagusan.

"Rowan, gising. Gumising ka."

Napilitan si Rowan na imulat ang kaniyang mga mata kung saan ang unang bagay na bumungad sa kaniya ay ang nagliliwanag na lagusan na nasa tabi niya. Kasing ganda at kasing kinang iyon ng araw. Hindi nakakasilaw sa mata, mainit-init sa pakiramdam at maaliwalas pagmasdan.

"L-liwanag?"

"Oo, Rowan." Inalalayan ni Jack si Rowan na makabangon hanggang sa kaya na nitong tumayong mag-isa para lapitan ang liwanag. "Oras na para tumawid ka sa liwanag na 'yan."

"P-pero...p-paano mo..."

Walang akma na salita ang maaaring itumbas para maipahayag ni Rowan ang tunay na nasa loob niya. Hindi siya makapaniwala na sa kabila ng lahat ng mga nangyari ay tinupad parin ni Jack ang pangako nito sa kaniya kahit wala na sa mga kamay niya ang mga relikya na susi para mabuksan ang liwanag. At dahil hindi niya lubos na maipahayag ang mga nais niyang sabihin gamit ang kaniyang bibig, ang mga luha na lang na umahon mula sa kaniyang mga mata ang nagsalita para sa kaniya.

"Ano ba 'yan..." Sita ni Jack sa umiiyak na binata. "Hindi mo naman kailangan na maging emosyonal."

Pinunasan ni Rowan ang kaniyang mga mata at galit na itinulak si Jack palayo sa kaniya.

"Hindi ako umiiyak dahil emosyonal ako. Umiiyak ako dahil naiinis ako sa iyo! Nagsinungaling ka sa akin na isa kang gabay! Tapos ang Mama ko...si Mama...tapos ako..."

Nagtuluy-tuloy ang paghikbi ni Rowan hanggang sa hindi na siya nakapagsalita pa. Hindi narin nagkaroon ng pagkakataon si Jack na ipaliwanag ang kaniyang panig. At sa halip na magpaliwanag ay idinaan na lang ni Jack ang paghingi niya ng tawad sa pamamagitan ng pagpahid niya sa mga luha ng binata gamit ang kaniyang kamay.

"Tahan na." Ani Jack sa binata. "Hindi ako sanay na may umiiyak na bata sa harapan ko eh."

"Sinong umiiyak? Hindi ako umiiyak no!" Sabay tapik ni Rowan sa kamay ni Jack.

"Oo na, oo na. Sabi mo eh."

Subalit ang masayang kaganapan sa pagitan nina Rowan at Jack ay biglang nauntol dahil sa presensya ni Mephistopheles na handang gawin ang lahat ng paraan upang hadlangan si Jack na maitawid sa liwanag ang binatang si Rowan.

"Hindi ako makakapayag..." Matinding pagkamuhi kay Jack ang laman ng matatalim na tingin ni Mephistopheles. "Hindi ako makakapayag na maisahan mong muli, Jack the Smith!"

Isang mapangahas na pag-atake ang ginawa ni Mephistopheles para pigilan ang pagtawid ni Rowan sa liwanag. Ngunit bago paman niya nagawang ilapat ang kaniyang mga kamay kay Rowan ay napigilan na siya ng espada ni Zephiel. Bumaon ito sa sikmura ni Mephistopheles, at ang banal na liwanag mula sa gintong espada ang siyang pumigil sa kaniya na makagalaw sa kaniyang kinalalagyan.

"Naiintindihan ko na ngayon ang lahat. Ikaw ang puno't dulo ng lahat ng ito, tama ba?"

"I-ikaw?!"

Siniguro ni Zephiel na hindi na makakawala pa si Mephistopheles sa mga kamay niya at pagkatapos ay saka niya tinawag ang pansin ni Jack at nag-utos na...

"Gawin mo na ang balak mong gawin, Jack the Smith!"

At sa wakas, dumating narin ang sandaling pinakahihintay ni Jack. Ang araw na tutuldukan na niya't itatama ang mga pagkakamaling nagawa niya sa nakaraan na kakabit ng kasunduang binuo niya kay Mephistopheles sa loob ng matagal na panahon.

"Ito na 'yon, Sluagh."

Seryosong tumango si Sluagh kasunod ng kaniyang maikling tugon.

"Sige. Maghanda ka na."

Inalis ni Sluagh ang suot niyang kulay pulang sombrero at saka niya inilabas mula sa loob nito ang isang maliit na bolang kristal na may itim na likido sa loob. Walang anu-ano'y binasag niya ang kristal at hinayaan niyang sipsipin ng lupa ang itim na likido. Makalipas lang ang ilang segundo'y naramdaman nila ang sunud-sunod at malalakas na pagyanig sa buong lupain hanggang sa tuluyang nahati sa dalawa ang lupa kung saan sa ilalim nito'y naghihintay ang walang hanggang kadiliman na mas kilala ng lahat sa tawag na kawalan.

"Inaamin ko, ayaw ko na sanang bumalik pa sa lugar na 'yon." Lumabas mula sa ilalim ng nabuong hukay sa lupa ang limang naglalakihang kadena na pumulupot sa buong katawan ni Mephistopheles. "Pero kung may makakasama ako kahit isa manlang sa lugar na iyon, siguradong hindi ako makakaramdam ng pagkabagot kahit habang buhay pa ako na manatili roon."

"Jack the Smith!" Hindi makawala si Mephistopheles mula sa mga kadena at sa gintong espada ni Zephiel na nakatarak sa kaniyang katawan. "Humanda ka sa akin! Sisiguruhin ko na pagbabayaran mo ang ginawa mong ito!"

"Oo na, oo na." Halatang nang-aasar pa ang tono ng sagot ni Jack kay Mephistopheles. "Para namang hindi ito ang gusto mong mangyari sa simula pa lang."

At walang babala na hinatak ng mga kadena si Mephistopheles papunta sa ilalim ng hukay kung saan ang naghihintay sa kaniya ay walang hanggang kadiliman, isang mundo na walang simula at walang hangganan. Pagkatapos kuhanin ng hukay si Mephistopheles ay si Jack naman ang isinunod nito. Muling lumitaw mula sa hukay ang mga kadena at pinuluputan nito si Jack sa buong katawan.

"T-teka! Huwag!" Sinubukan ni Rowan na hatakin si Jack kahit pilit ito na hinihila ng mga kadena papunta sa malalim na hukay na nabuo sa lupa. "Huwag, Jack! Pakiusap!"

"Ayos lang ako, Rowan." Tiniyak ni Jack kay Rowan sa pamamagitan ng isang kalmadong ngiti na magiging ayos lang siya. "Huwag mong sayangin ang oras mo sa akin, tumawid ka na sa liwanag hangga't may oras pa."

"P-pero!"

Mahigpit na hinawakan ni Jack si Rowan sa mga balikat. Sa huling pagkakataon ay pinagmasdan nila ang isa't-isa't inalala ang kanilang mga pinagdaanan, na kahit sa maikling panahon lang ay nagawa nilang makabuo ng isang kakaiba ngunit 'di malilimutang samahan na pareho nilang hindi makakalimutan kailanman.

"Masaya ako na pinagtagpo ng kapalaran ang landas nating dalawa, Rowan. Ipagdarasal ko na maging masaya ka sa lugar na pupuntahan mo."

"J-Jack..."

At kasabay ng isang matamis na ngiti ng pamamaalam na namutawi sa mga labi ni Jack ay ang pagtulak niya kay Rowan papunta sa liwanag kung saan unti-unti siya nitong hinihigop hanggang sa hindi na niya kayang abutin pa ang mga kamay ni Jack.

"Jack!"

Tuluyan na ngang kinain ng liwanag si Rowan. Pagkatapos niyon ay naramdaman niya ang mabilis na pagbulusok ng buo niyang katawan sa ere na para siyang babagsak sa lupa anumang oras.

Hanggang sa...

"Ah!"

Isang malakas na pagkabog mula sa dibdib niya ang kaniyang naramdaman, dahilan para bigla niyang imulat ang kaniyang mga mata kasabay ng sunud-sunod na mabibigat at malalalim na mga paghinga. Lumabas ang malamig na pawis na nagbutil sa kaniyang noo at naramdaman niya ang pamamanhid ng kaniyang mga kamay at paa na para bang napakatagal na panahong hindi niya naigalaw ang mga ito.

"K-kuya?!"

At isang batang lalaki ang nakita ni Rowan na nakatayo sa kaniyang tabi. Umiiyak ito sa labis na tuwa habang hawak ng mahigpit ang kaniyang mga kamay.

"Salamat sa Diyos, gising ka na, Kuya Rowan!"