Nang matapos niyang magamot ang sugat ko at mabendahan ito ay tahimik kaming pareho. Alam kong nakatitig lamang siya sa akin. Ako naman ay nakayuko lamang. Hindi ko maarok na tingnan siya.
Dapat ay nagagalit ako, dapat ay sumbatan ko siya! Dahil sa unang pagkakataon ay nagtagpo ang landas namin sa ilang taong nakalipas. Pero wala akong maapuhap na sasabihin. Tila ba kahit galit at mura ay pinagtaksilan ako at tinaguan. Hindi ko sila mahanap para sana ipamukha sa lalaking kasama ko ang sakit na dinanas ko simula noong iwanan niya ako at niloko.
"Elyssa..." tumindig ang balahibo ko sa katawan sa pagbanggit niya ng buo kong pangalan. Ngayon, tuluyan nang naglandas ang luha sa mga mata ko.
Nakakainis! Imbes na galit at poot. Luha! Bakit luha ang kumawala? Bakit kahinaan ko ang laging naipapakita sa tuwing kaharap ko siya. Bakit?
Ayaw kong makita niya ako na umiiyak at nasasaktan. Ayokong isipin niya na hanggang ngayon...
"Salamat sa pagtulong," ika ko habang pinapahid ang naglandas na luha sa aking mga mata. Kahit hirap ay binuksan ko ang pinto ng kotse niya. Bago pa man ako tuluyang makalabas ay nahawakan na niya ako sa braso.
"Where are you going?" tanong niya sa mababang boses. Puno iyon ng pag-alala.
Matalim kong tinitigan ang kamay niyang iyon. Kaya naman dahan-dahan siyang napabitiw. Kinuha ko ang pagkakataong iyon para tuluyang makaalis. Iwanan siya at hindi na muling lumingon pa.
Hindi pa ako nakakalayo sa parking lot nang marinig ko ang mabibilis na yabag na papalapit sa akin.
"Can you work with that hand?" Ngayon, kababanaagan na ng galit ang kanyang boses. Hinaklit niya ako para mapaharap sa kanya. "Please, Elyssa. Just go home and rest. Nasugatan ka. Baka lalo ka lamang madisgrasiya sa lagay ng kamay mo..."
"Kailangan kong magtrabaho. Kailangan kong kumita. Kahit pa ilang sugat, kahit mabali o maputol ang kamay ko magtatrabaho ako. Kaya pakiusap din, huwag mo akong pakialaman. Hindi kita kilala. Hindi tayo magkakilala!" Madiin ang pagkakasabi ko ng mga katagang iyon para ipaintindi sa kanya na ayaw kong magkaroon na muli ng ugnayan sa kanya. Hinila ko ang aking braso at muli siyang tinalikuran.
"How much? Magkano ang kailangan mo? I can help you!" sigaw niya na nagpatigil sa aking paglalakad.
Nakuyom ko ang aking kamay. Masakit ang may sugat pero wala nang sasakit pa na parang ginagawa niya akong bayarang babae. Kung makatanong siya kung magkano. Ano 'ng akala niya sa akin?
Hindi ko siya pinansin at nagpatuloy lamang ako sa paglalakad. Nararamdaman ko ang hapdi ng sugat ko sa palad. Pero kailangan kong tiisin iyon . Ewan ko kung makakapagtrabaho pa ako ng maayos sa lagay ng kamay ko.
Hirap man ako sa pagse-serve. Tinapos ko ang shift ko dahil sa pangangailangan. I-menos pa ang kabayaran ng nabasag ko at natapon na pulutan. Alas dose ng madaling araw nang matapos ako. Nakapagpalit na ako ng damit nang lapitan ako ni Boyet. Ang baklang manager namin.
"Yssa, may nagpapabigay. Tip mo raw sa magandang serbisyo," saad niya sabay abot sa akin ng isang sobre.
Nagsalubong ng husto ang kilay ko at inisip kung sinong customer ang magbibigay ng malaking halaga para sa tip ko. Nang buksan ko kasi ang sobre ay tumambad sa akin ang libo-libong papel na sa hinuha ko ay nasa dalawampung libong piso.
Nanginginig ang kamay kong naibaba iyon. Napatingin ako sa nakamatang manager sa akin. Nag-uusisa ang mga tingin.
"Hindi ko matatanggap ito," saad kong muling iniaabot ang sobre sa kanya.
Pinalis niya lamang ang kamay ko.
"Kunin mo na! Jusmiyo garapon, bilang lang sa customer ang mag-tip ng ganyang kalaki kaya kunin mo. Grasya iyan gaga!" maarteng bulaslas nito saka ako tinalikuran. Tuloy wala akong magawa kundi ilagay ang pera sa bag ko.
May hinuha na ako kung kanino galing ang pera. Nag-igting ang panga ko habang iniisip kung paano ko maibabalik ang perang iyon. Kung maaari, ayaw ko ng magkaroon ng anumang ugnayan sa kanya. Kaya lamang, gumagawa siya ng paraan at nagagalit ako dahil doon.
Napabuga ako ng hangin at malalim na napabuntong hininga habang kinukuha na ang ilang gamit sa locker.
Pagkatapos sa club naglakad naman ako para tumungo sa isang 24/7 na convenience store. Inaabot ako ng labin limang minuto sa paglalakad kaya mga alas dose na pasado ako nakakarating.
Ako ang next shift at tatao roon hanggang alas nuwebe ng umaga. Kahit pa nga pagod na at inaantok, kailangan kong gawin iyon para kumita. Dagdagan pa ng sugat sa kamay.
"Magandang umaga,Lucas," bati ko sa lalaking nag-aayos na ng gamit para umalis. Siya ang pang-hapong tao sa store. Tumingin siya sa akin at ngumiti.
"Elyssa, buti narito ka na. Kailangan ko nang umalis!" Isinara niya ang bag at isinukbit iyon sa balikat. Binigyan ko siya ng espasyo para makadaan palabas ng counter. Ako naman ay pumasok pagkatapos niyang makalabas.
"Mag-iingat ka pauwi!" sigaw na bilin ko nang malapit na siya sa pinto. Inayos ko naman agad ang gamit ko sa ilalim ng counter. Nakaka-boring ang magbantay lalo na at madalang lang naman ang bumibili.
Nakabukas lang iyon ng bente kuwatro oras dahil ang nakapalibot dito ay mga motel at inn kung saan nagchecheck-in ang mga tao. Karamihan ay mga nagsho-shorttime at kailangan ng makakain at maiinom.
Pinatay ko ang oras ko sa pagbabasa ng wattpad stories sa selpon ko. Naki-connect ako sa kapitbahay na motel kaya libre ako sa wifi.
Nakakatatlong istorya ako kapag walang bumibili. Pero sa pagkakataong ito hindi pa ako nakakalahati sa binabasa ay may pumasok na. Tumunog ang pintuan hudyat na may pumasok. Inangat ko ang aking ulo para sana batiin ang mamimili. Nakahanda na ang ngiti ko noong mapawi iyon dahil dalawang lalaki na nakatakip ng bonet ang mukha ang sumalubong sa aking tingin. Pawang mga mata at bunganga lang ng mga ito ang nakikita sa bonet.
Nataranta ako at lubos na kinabahan nang lumapit sa akin ang isa. Pasimpleng itinutok nito ang balisong.
Napalunok ako at talagang nanuyo ang aking lalamunan dahil sa takot.
Pinagpawisan ako ng malagkit. Butil-butil ang pawis na naglandas sa aking noo. Nababasa rin ang kili-kili ko dahil sa tensiyon na nakabalot sa katawan ko.
"Akin na ang pera riyan sa kaha!" Naamoy ko ang masangsang na amoy ng alak sa bibig ng lalaki noong magsalita. Mas lalo akong nilukuban ng takot dahil wala akong maibibigay na pera. Wala pa akong benta. Tanging naroon lang ay mga barya.
"Sabi nang ilabas mo ang pera!" mariin niyang sigaw sa akin kaya lalo akong nataranta. Ang isang kasama niya ay nililimas na ang mga pakete ng sigarilyo at iba pang paninda.
"W-wala pa akong benta, Manong!" gumaralgal ang boses na saad ko. Nanginginig ang kamay kong binuksan ang kaha. Dumungaw siya roon at nakita ngang mga barya lamang ang naroon.
Napalukso ako noong limasin niya bigla ang laman ng kaha. Wala siyang inaksaya na sentimo. Nang mahagip ng kanyang mata ang aking shoulder bag. Nanlaki ang mata ko ng abutin niya iyon. Agad akong nakipag-agawan. Nandoon ang malaking halaga na isasauli ko. Hindi puwedeng makuha ng magnanakaw iyon.
"Sandali! Kung pwede huwag na ang bag ko," naluluhang paki-usap ko. Ngunit hindi niya binitiwan ang pagkakahawak niya sa bag ko. Napangiwi ako nang pati ang kamay kong may sugat ay nagamit ko sa pakikipaghilahan.
"Ibigay mo na kung ayaw mong masaktan Miss!" babala ng lalaki pero hindi ako bumitiw. Nakipag-agawan ako at nakipaghilahan. Naramdaman ko ang pagkabasa ng palad ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang patak ng dugo mula sa aking kamay.
Natatakot rin ako at kabado. Halos panlambutan na talaga ako ng tuhod dahil anumang oras alam kong gagamitan nila ako ng dahas.
Pikit mata na lang akong nagmatigas at hinila ng buong lakas ang shoulder bag ko. Napunit iyon at lumabas ang mga laman. Pati na ang sobreng may lamang pera.
Ngumisi ang lalaki at agad na dinampot ang sobre. Nahuli ako sa pag-abot doon. Mas malapit kasi sa kanya ang sobre. Binuksan niya ang iyon at mas lalong napangisi ng makita ang limpak na salapi. Inamoy pa niya ang pera.
"Pare, tiba-tiba tayo rito. Malaking pera ito," deklarasyon niya sa kasama at napatawang parang demonyo. Maging ang kasama niya ay humalakhak din.
"Mister, please para sa kapatid kong may sakit ang perang iyan," umiiyak kong paki-usap. Kahit alam kong malabong ibalik nila iyon sa akin. Kahit sa anong paraan kailangan kong mabawi iyon. Kahit kasinungalingan lang dahil mas nanaisin kong isauli iyon.
"Miss, yung anak ko nasa hospital din," nakangising saad niya. Pagkatapos ay tumawa. "Nasa hospital ng mga patay!" bulaslas niya at humagalpak ng tawa.
Parang ulan na naglandas ang aking luha sa kawalan ng pag-asa. Nang biglang tumunog muli ang pinto. Hudyat na may taong pumasok. Napalingon din ang dalawang magnanakaw sa pinto. Kinuha ko ang pagkakataong iyon para agawin ang sobreng hawak ng magnanakaw na nasa harap ko. Kasabay ng pagsigaw ko ng tulong.
"Putang ina!" Nanlilisik ang mga mata ng lalaki sa ginawa ko. Iniamba nito sa akin ang balisong na hawak. Ginawa kong panangga ang kamay ko sa aking katawan at napapikit, inaasahan ang pagtama at pagkasugat ko sa balisong.
Taimtim akong napadalangin dahil alam kong nanganganib ang buhay ko ngayon. Kung bakit ang malas-malas ko sa gabing ito.
Nang biglang sumigaw ang magnanakaw na para bang nasasaktan. Iminulat ko ang aking mga mata at nakita ko na pinagbabato ng kung sino ang lalaki ng mga delata na naka-display. Muntik pa akong tamaan kaya napaupo ako para magtago.
"Putang-ina!" galit na sigaw ng isa. Hindi ko alam kung ano na ang nangyayari pero nakarinig ako ng mga kalampagan. Na para bang nakikipagbunuan na ang taong sumaklolo sa akin sa dalawang magnanakaw. Gusto kong tumayo at tulungan kung sino man iyon pero para akong nauupos na kandila dahil sa takot.
Ilang sandali lang ay tumahimik na ang paligid ko. Sisilip na sana ako ng biglang may kumalabog sa itaas ng counter kung saan ako nakatago.
Napasigaw pa ako dahil sa gulat.
"Miss, tumawag ka ng pulis!"
Isang baritono at pamilyar na boses ang narinig ko kung kayat agad akong tumayo.
Napaawang ang labi ko nang makita ko ang lalaki sa club. May dugo ito sa labi. Nakasandig ito sa counter at nakahawak sa kanyang tagiliran.
Nanlaki ang mga mata ko noong makita ko na may pulang dugo sa kanyang kamay.
"Nasaksak..."
"Call the police now!"
Agad akong tumalima sa sigaw niya.