webnovel

Chapter 15

Sakay na kami ngayon ng kotse ko. Pagkagaling sa presinto papunta naman kami ngayon sa children's heart center para puntahan ang kapatid niya.

"Okay ka na ba?" Tanong ko kahit ang bobo na tanungin ko pa siya. Halata namang hindi. Hapong-hapo ang itsura ni Yssa ngayon.

"Salamat sa pagpunta, hindi ko inaasahan na darating ka nga," sabi niyang gumaralgal ang boses. Alam kong lumuluha na naman siya kahit hindi niya ibaling ang tingin sa akin. Nakaramdam tuloy ako ng awa sa kanya.

"Magkaibigan tayo, kunsensiya ko na rin naman kung pababayaan kita," sabi kong itinutok muli ang mata sa daan.

"Salamat, magiging okay rin ang lahat. Hindi mo na rin kailangan pang tuparin ang pangako mo kay itay. Kaya ko pa naman."

Napabaling ako sa kanya nang mag-red light at tumigil ang mga sasakyan.

"Ano'ng gagawin mo? Paano mo bubuhayin ang kapatid mo? Paano mo ilalaban ang kaso ng itay mo?" Kuryoso kong tanong. Bakit parang dismayado akong ayaw niya sa tulong ko. "Paano ang pagpapalibing mo sa inay mo?"

Hindi siya umimik. Alam kong wala siyang ibang maisip na paraan.

"My proposed plan is still valid. Dodoblehin ko ang perang ibabayad ko. Kung gusto mo magsasama tayo kasama ang kapatid mo para may magbantay na rin..."

"Inayawan ko na ang offer mo at hindi ko na babalikan pa. May iba pa namang paraan para maka-survive kaming mag-aama." Bumaling siya sa akin. Nakitaan ko ng determinasyon ang mga mata niya. Positibo siyang mag-isip.kahit nararamdaman kong bibigay na siya.

"At anong ibang paraan?" Muling tanong ko, muli rin siyang tumahimik. "Don't tell me na magpapakababa ka na rin. Magpapabayad para magkapera!" Hindi ko mapigilan ang pagtaas ng boses ko. Ayaw niya ng offer ko pero okay siya na makiteybol kung kani-kanino. Ibang klase rin ang babaeng ito eh. Nakakairita.

"Hindi ko sinabing..."

"Eh ano?" Muli kong pinaarangkada ang sasakyan dahil go signal na. "Sa anong paraan?" Iritable na talaga ako. Wala naman siyang maapuhap na sasabihin kundi mas gustong tumahimik. Hindi ko mabasa kung anong tumatakbo sa isip niya.

"Kailangan mo ng tulong, Yssa. Kailangan mo ng matutuluyan. Kailangan mo ng pera para sa tatay at kapatid mo," muli kong saad, medyo huminahon na ang pananalita ko.

"Kaya nga hahanap ako ng paraan!" Siya na ang iritable ngayon. Napabuntong hininga ako at kinapa ang selpon ko sa bulsa. Kinuha ko iyon at inilahad sa kanya. "Heto, tawagan mo ang taong gusto mong tawagan para makahingi ng tulong."

Tinitigan niya lang ang selpon ko. Makaraan ng ilang saglit na pag-aalinlangan kinuha niya iyon. Pero hawak niya lang at hindi pumipindot.

"Hindi ko alam ang mga numero nila. Wala ako ni isang memoryadong numero," pinatulis niya ang kanyang labi. Napailing ako at muling inagaw ang selpon.

"Ako lang ang puwedeng makatulong sa iyo, Yssa," napatitig siya sa akin ng husto. Binabasa niya ang kinikilos ko.

"Bakit nga kasi ako?" Asik niya.

"Bakit hindi ikaw?" Singhal ko.

Nagsukatan kami ng titig pero agad akong napabawi dahil nagmamaneho ako.

"Ano bang dahilan mo at ayaw mo ang suhestiyon ko?"

Nilingon ko siya. Namumula siya. Napatawa tuloy ako na ikinalingon niya sa akin.

"Ano'ng nakakatawa?" Inirapan niya ako at muli siyang bumaling sa labas.

"Wala!" Tumahimik na ako dahil malapit na kami sa hospital. Ipinarke ko ang kotse ko at sinamahan siya sa loob.

Hindi pa siya nagtatanong ay tinuturo na kung nasaan ang kapatid niya. Napagtanto kong suki sila sa hospital na ito. Mabilis ang kilos ni Yssa na tuntunin ang kanyang kapatid. Nakasunod lang ako sa kanya habang natataranta siya.

Nang makarating kami sa isang kuwarto, bumungad sa amin ang siksikang pasyente. Halos hawiin na ni Yssa ang mga nagbabantay para makita niya ang kapatid.

"Ashley!" Tawag niya sa kumpulan ng pasyente at mga nagbabantay. Nangibabaw pa rin ang isang hagikgik ng bata. Iyon ang tinumbok ni Yssa. Sa pinakadulo. Sa may bintana.

Nakaupo ang may limang taon sigurong bata sa monoblock chair. Nakatanaw ito sa bintana

"Ash?" Muling tawag ni Yssa. Lumingon ang bata. Pero nagtaka ako dahil parang blanko ang mga mata nito.

"Ate," tawag nito at parang ikinapa ang kamay sa hangin. Kuot-noo akong napatitig kay Yssa na ngayon ay palapit na sa kapatid. Lumuhod ito para mahagilap ng bata ang kanyang mukha. Hinayaan ni Yssa na haplusin siya nito sa mukha.

"Ate," nakangiti na nitong tawag at inalis na ang kamy sa mukha ni Yssa.

"Okay na ba ang pakiramdam mo?" Gumaralgal ang boses ni Yssa. Alam kong pinipigilan niya ang maiyak.

"May kasama ka ate?" Imbes na sumagot ay tanong nito. Napalingon sa akin si Yssa. Tumayo siya at pinalapit niya ako.

"Ipapakilala na muna kita," bulong niya sa akin at iminuwestra na lumuhod ako sa harap ng bata.

Sinunod ko siya. Hinawakan ni Yssa ang kamay ni Ashley saka inilapat sa mukha ko. Naglakbay ang kamay ni Ashley sa buo kong mukha. Mula mata, ilong, labi at hindi na rin pinalagpas ang aking teynga. Paulit-ulit niyang ginawa iyon na para bang minememoryado niya ang mukha ko.

Napakunot-noo ako nong humagikgik ito.

"Ate, guwapo. Boyfriend mo?" Maging ako ay napangiti sa sinabi at tanong nito. Napalingon ako kay Yssa na pulang-pula ang mukha. Hindi makatingin sa akin.

"Ah hin..."

"Soon, Ashley," singit ko sa pagtangging gagawin ni Yssa. Nabigyan niya tuloy ako ng tampal sa braso. Pinandilatan niya ako ng mata.

Nginitian ko lamang siya at kinindatan.

"Ah, okay po. So kuya na rin kita?"

Napangiti ako dahil napakalambing nitong magsalita. Hindi katulad ng ate niyang parang tigre. Ngayon nga para na akong lalapain dahil sa paraan ng pagkakatitig niya sa akin.

"Ashley..."

Humagikgik muli ang bata. Napangiti ako habang pinagmamasadan sila. Muling kinausap ni Yssa ang kanyang kapatid. Pagkatapos ay bumaling siya sa akin.

"Puwede bang pakibantayan si Ashley. May aasikasuhin lang ako," tinaasan ko siya ng kilay. Pero tumango rin lamang ako. Ayaw ko nang dagdagan pa ang nararamdaman niya ngayon.

"Alis na, ako na ang bahala kay Ashley," pagtataboy ko sa kanya. Muling humagikgik si Ashley habang hawak na niya ang kamay ko.

Umalis si Yssa para asikasuhin ang pagpapalibing ng kanyang ina. Ang sabi, ililibing daw agad ito dahil halos hindi na makilala dahil sunog na sunog. I offer her money pero lantaran niyang tinanggihan iyon gaya ng pagtanggi niya sa plano ko.

Naiwan kami ni Ashley sa gilid. Nakaupo ito habang nakatayo ako. Buti na lamang at may nagkusang loob na pahiramin ako ng isa pang upuan kaya ngayon magkaharap na kaming nakaupo. Hawak pa rin niya ang kamay ko.

Mukha siyang mabait na bata. Malambing magsalita at katulad ng ate niya, puno ng pag-asa ang mga kilos niya. Naiinggit tuloy ako dahil hindi ko magawa ang ganoon.

"Bakit hindi ka pa po boyfriend ng ate ko?" Inosenteng tanong niya. Napakamot ako sa batok. Buti na lang talaga at hindi niya ako nakikita. Kung hindi, huli ako sa kasinungalingan.

"Ayaw pa akong sagutin ng ate mo eh. Hindi niya yata ako gusto!" Ika ko na lalo nitong ikinahagikgik.

"Gusto ka ni ate, ikaw lang po kasi ang lalaking ipinakilala niya sa akin. Nakilala mo na po ba si Inay at Itay?" Napatigil ako sa tanong niyang iyon. Mukhang wala pa itong alam sa pangyayari.

"Ah...oo." Takte, patong-patong na ang kasinungalingan ko sa isang araw pa lang. "Pero hindi mo sila makakasama kasi may pinuntahan sila. Sa akin kayo sasama ng ate mo kaya narito ako." Natawa na lang talaga ako sa sarili sa mga kasinungalingan ko.

"Weh, hindi nga po? Pumayag ate ko?" Hindi naniniwalang bulaslas nito. Napakunot ang noo ko.

"Bakit naman hindi?" Untag ko sa kanya.

Napalabi ito. Parang nag-iisip kung sasabihin ba sa akin ang nalalaman. Parang malaking sikreto.

"Hindi ka pa nga boyfriend ni Ate eh. Imposibleng sasama siya. Isa pa, si ate ang pangarap niya makasal muna bago sumama sa lalaki!"

Napatango-tango ako. Kaya pala ganoon na lamang ang pagtanggi niya sa akin.

Napangisi ako nang may planong nabuo sa utak ko. Kasal lang pala eh...