webnovel

Ang Pagsasamantala

Hindi kumibo si Ana sa hiling ng Ama. Gusto niyang hindi sumang-ayon sa gusto nitong mangyari pero parang hindi rin naman yatang tama na hindi niya payagan ito. Nais nitong makipaglamay at makipaglibing sa pumanaw nilang kapit- bahay matapos ang ilang buwang pakikipaglaban nito sa sakit na colon cancer. Ang labi nito ay dinala sa lalawigan ng Batangas. Naroon kasi ang mga magulang nito at iba pang mga kapatid kayat doon ito ipinasyang ibinurol ngmga malalapit na kamag- anak. Gusto ng tatay niyang makipaglamay sa huling gabi nito bago ilagak sa huling hantungan kinabukasan. Kayat kung pasasamahin niya ang kanyang ama ngayon ay bukas na ito makababalik pagkatapos ng libing. Kung sa bagay, bukas din naman ng umaga ay naroon na ang kanyang ina at day off na nito sa araw ng sabado.

"Si Bea at si Noli ang makakasama mo rito,.." sabi ng kanyang ama. " sasama rin kasi ang mga tiyo at tiya mo sa Batangas kaya pinakiusapan kong dito na lang din sila matulog sa bahay para may kasama ka."

Ang tinutukoy ng kanyang ama ay ang kanyang mga pinsan. Kasundo naman niya ang mga ito kayat ayos lang naman kung ito ang makakasama niya magdamag. Nasa ikaapat na baitang na si Bea sa high school samantalang ang kapatid nitong si Noli ay nasa kolehiyo na. Halos magkatugma naman ang kanilang mga interes ng pinsang babae kung kayat alam niyang hindi naman ito maiinip kasama siya. Gayunpaman, hindi siya sanay na hindi kasama ang kanyang ama kayat parang alinlangan siyang umalis ito.

"Sama na lang ako sa inyo,.."nakiki-usap na sabi niya.

NIlingon siya ng Ama. "Yung kasing inarkelang sasakyan ang problema 'nak. Hindi tayo kakasya sa sasakyan. Kaya nga si Bea iwan din dito…wala na kasing pupuwestuhan nak, eh."

Napabuntong- hininga siya. Wala na talaga siyang magagawa kundi ang magpa-iwan.

"Hindi naman pwedeng hindi man lang ako sumilip dun, alam mo naman kung gaano kabuti sa atin si Pareng Sammy, di ba?"

Totoo naman ang sinasabi ng kanyang ama. Si Mang Sammy ay walang ipinakita sa kanilang masama. Tandang- tanda pa niya noong magkasakit siya noong nasa ikaapat na baitang pa lamang siya. Wala ang kanyang ina noon ng inaapoy siya ng lagnat isang hating- gabi. Nagpasiya ang kanyang ama na dalhin siya sa ospital kahit wala itong kapera- pera. Eksakto naman sa kanilang paglabas sa kalsada ay nakasalubong ng kanyang ama si Mang Sammy na noo'y kadarating pa lamang galing sa trabaho nito sa Maynila. Nagtanong ito kung saan sila tutungo at ng mapag-alaman nito sa kaniyang ama na sila'y papunta sa ospital ay agad itong nag-abot ng tulong sa kanilang mag-ama. Kayat tama lamang na makiramay ang kanyang ama bilang sukli sa kagandhang- loob nito.

"Alangan naman, paupuiin kita sa estribo ng sasakyan, hehehe" biro ng kanyang ama habang bahagya siyang kinurot sa may pisngi.

Pilit na ngumiti si Ana. Wala pa namang isang araw na hindi niya makikita ng ama. Maging mabilis sana ang pagpitik ng orasan, tangi niyang naidalangin.

"Anong oras kayo dadating doon?" tanong niya sa ama.

" Kung makakaalis kami ng alas- singko ngayong hapon, nandun na kami ng mga alas- siyete o alas- otso, depende sa trapik.."

"Tapos, anong oras kayo makakabalik dito?"

"Mga ala- una ng hapon nandito na kami. Alas- otso kasi ng umaga ang libing kaya mga alas-diyes, aalis na din kami dun." sagot nito habang dumudukot ito sa bulsa. Iniabot kay Ana ang isang-daang pisong papel. "pambili nyo ng almusal bukas,."

Napangiti siya at kinuha ang iniabot ng ama. Hindi talaga siya nakakalimutan ng ama. Sobra ito para sa almusal nilang tatlong magpipinsan. Binuksan na nito ang pinto para lumabas ngunit muli itong bumaling sa kanya.

"Papupuntahin ko na lang sila Bea dito, ha," sabi nito." isarado 'nyong maigi itong pinto kapag matutulog na kayo, sige na, alis na ko.."

Bahagya siyang nalungkot sa pag- alis ng kanyang ama. Parang biglang nabalot ng katahimikan ang buo niyang paligid. Nakakapanibago ang pakiramdam. Na wala siyang kasama ni isa sa kanilang bahay. Ito na nga marahil ang hindi magandang bunga ng pagiging nag-iisang anak. Mag-isa siya ngayong gagawa ng mga gawaing- bahay. Nang may bigla siyang naalala. Ang mga pinakamahalagang posesyon ng kaniyang ama, ang mga manok nito. Lumabas siya ng bahay. Wala na ang kanyang ama sa kanilang bakuran. Kayat tumakbo siya upang habulin ito. Mabuti't hindi pa naman gasinong nakalalayo ang kanyang ama.

"Tay!" tawag niya dito.

Tumigil sa paglalakad ang kanyang ama.

"Iyong mga manok ninyo, anong gagawin dun?" tanong niya rito.

"Oo nga pala, pinatuka ko na naman iyon. Bukas na lang pagbalik ko iyon papatukain ulit. Painumin no na lang ng tubig bukas ng umaga. Lagyan mo ng tubig 'yung mga lalagyan ng bahog dun sa kulungan." bilin nito.

Tumango siya sa ama habang nagpatuloy na ulit ito sa paglalakad. Maya- maya'y natanawan niya si Tonying na makakasalubong ng ama. Nang magkasalubong nga ang dalawa ay muling nahinto sa paglalakad ang kanyang ama at nakipag-usap ito sa kumpare. Tinalikuran na niyang tuluyan ang ama. Ayaw na ayaw niya talagang makita ang pagmumukha nito. Matindi ang pagkasuya niya rito.

"Kaw na lang sana ang namatay,." bulong niya sa sarili. Nakaramdam siya agad ng kurot sa dibdib na para bang paalala sa kanyang hindi tama ang humiling ng ganoon. Napatingala siya na tila humihingi ng tawad sa langit.

"Hi, Ana.."

Napatingin siya sa nagsalita. Si Nonoy na kasalukuyang nakatambay sa may tindahan ang bumati sa kaniya. Nakangisi ito sa kanya. Malayo sa hitsura nito noong huli silang magkita sa parehong lugar.

Agad niyang iwinaksi ang tingin at nagpatuloy sa paglalakad. Lalo siyang nakaramdam ng inis. Kung bakit kapag nakakakita siya ng mga ganitong uri ng tao ay tila kumukulo ang kaniyang dugo. Naisip na naman niya ang kanyang nahiling kanina ng makita si Tonying saka agad na sinaway ang sarili. Hindi siya dapat mag-isip ng masama sa kanyang kapwa kahit pa yamot na yamot siya dito.

Nang masapit niya ang bukana ng kanilang bakuran ay may isa pa siyang namataang nagpapainit din ng ulo niya. Ang lalaking nagpahayag sa kanya ng pagmamahal. Walang iba kundi si Pandoy. Nakaharap ito sa kanilang pinto at tila kumakatok samantalang may hawak namang isang bote ng alak na nasa long neck ang isa pa. Bagaman may kaunting kaba ay mas nananaig ang inis niya dito.

"Wala dito si tatay,.." sabi niya habang nakahalukipkip ang dalawang kamay. Sinimangutan niya ito ng todo upang ipakitang naiinis siya dito. Kaharap niya ito pero nakabaling ang tingin niya sa paligid. Ayaw niyang tingnan ito ng diretso at baka kusa na namang kumurap ang isa nitong mata.

"Wala ba?" sagot nito. "Saan nagpunta?"

Lalo pang tumindi ang pagkainis niya sa pag-uusisa nito. Sa tono naman ng boses nito, masasabi niyang hindi pa ito nakakainom kaya magiging malinaw dito kung anong sasabihin niya. Sa katunayan, hindi pa nabubuksan ang hawak nitong alak at kung nagkataong naroon ang kanyang ama ay marahil yayayain na naman nitong makipag-inoman ito sa kanya. Mabuti na lamang at nakaalis ang kanyang ama. Ngunit dapat nga ba niyang sabihin na wala ang kanyang ama? Baka kapag nalaman nitong umalis ang kanyang ama at bukas na ang balik nito ay pumunta na naman ito sa likod ng bahay nila sa dis oras ng gabi? O baka mas malala pa, pasukin na siya nito?

"M-may binili lang,.b-bumili ng patuka ng manok sa, sa palengke.." sagot niya.

"Ah, sige, hintayin ko na lang dito…" sagot naman nito.

Naalala niya ang pangyayari noong nagdaan araw ng mga patay. Na kung saan ay naghintay nga ito sa kaniyang ama noong nagtungo sila sa sementeryo. Naabutan nila itong lasing na nakahandusay sa harap na kanilang pinto. Ayaw na niyang maulit ang tagpong iyon.

"H-hindi, hindi ka pwede maghinta dito…uhmm, p-parating si nanay,, ngayon. Ngayong gabi papauwi na si nanay dito.."

"Ay ganun ba,.." matagal ito bago nakasagot.

"Kaya hindi kayo pwedeng mag-inuman dito ngayon.." dagdag pa niya.

Pinagpawisan siya sa pagsisinungaling. Maigi na lamang at nakapag-isip siya agad ng ganitong palusot sa paglalayong mapigilan ang lalaki sa paghihintay sa kanyang ama na sa kinabukasan pa talaga ang balik. Dalangin niyang huwag sana ito makatagpo ng taong alam kung nasaan talaga ang kanyang ama at siguradong malalaman nitong nagbubulaan siya.

Nanatili itong nakatindig sa harapan ng kanilang pinto. Gusto man niya itong ipagtabuyan ay pinipigilan niya ang kanyang sarili. Ayaw naman niyang maging bastos sa harap nito kahit pa ito ay hindi naman talaga dapat pang irespeto.

"Pero, Ana, malaki talaga ang gusto ko sa'yo.." biglang sambit nito.

Napatigagal siya sa sinabi nito. Bigla na namang lumakas ang sikdo ng kanyang dibdib. Nangilabot siyang bigla. Tama nga ang hinala niya dito, isa itong pedopilya. Isang taong nananamantala sa mga batang tulad niya.

"Kapag sinabi mong hiwalayan ko ang asawa ko, hihiwalayan ko talaga,… mahal kasi kita." mahinang imik nito.

Nakapandidiri ito sa pandinig ni Ana. Yuck! Sigaw ng kanyang isip. Bagaman nasa isang metro ang layo niya dito ay parang pakiramdam niya ay may kung anong virus ang taglay nito na kumapit sa kanyang balat at ngayo'y nababalutan siya ng kahila- hilakbot na mikrobyo. Hindi man lamang kababanaagan ng kaunting hiya ang lalaki. Seryoso ang hitsura nito sa mga salitang binitawan. Kailangan niyang ipakita ditong matapang siya at ipamukha dito ang sobrang kakapalan ng mukha nito.

"Mang Pandoy, ang tanda- tanda 'nyo na, parang anak 'nyo na lang ako, mahiya- hiya nga kayo! " biglang sabi niya.

Nagsimula siyang lumakad papunta sa pinto at kahit pa nakahara ito sa daraanan ay pinilit niyang makadaan sa gilid nito. Iwas na iwas na hindi man lamang dumait ang anumang parte ng kanyang katawan.

"Anak? Iyon nga ang gusto ko,.." hirit pa nito. "hindi ako magka-anak sa asawa ko kaya gusto ko magsama tayo,.."

Nagpanting ang tenga niya sa narinig. Binuksan niya ang pinto at saka pumasok siya sa loob.

" Huwag ako, ang kapal ng mukha mo! " biglang singhal niya sabay trangka ng pinto.

Hindi niya alam kung saan siya humugot ng tapang upang masabi ang mga katagang iyon. Marahil dahil na rin sa pagkamuhi na nararamdaman niya para rito. Wala siyang ideya kung anong naging reaksyon nito sa sinabi niya at hindi na rin ito mahalaga pa para sa kanya. Maigi nga't naipamukha niya rito kung ano ang nasasaloob niya.

Animo'y hinabol siya ng kung anong maligno matapos niyang mapagsalitaan si Pandoy. Hiningal siya ng todo dala ng nagpupuyos niyang galit. Sandali siyang nakiramdam mula sa likod ng pinto kung naroon pa rin ang lalaki. Sa pakidinig niya ay lumakad na ito papalayo sa kanilang tahanan. Nanatiling tahimik ang labas ng bahay. Bagaman natutukso siyang silipin ito mula sa bintana ay hindi niya ginawa at baka hindi pa nakakaalis ang lalaki't matagpuan na naman niya itong nagmamatiyag sa kanilang bakuran ay lalo lamang sumama ang kanyang timpla.

Bigla siyang nakaramdam ng dagling pangangailangan sa isang kakampi. Tila ba gusto niyang magsumbong sa sinumang maaaring makinig sa kaniyang hinaing. Gusto niyang idetalye ang bawat pangyayaring sa palagay niya ay ginipit siyang maigi. Naisip niya ang kanyang ina. Gusto niyang humilig sa mga bisig nito ngayon at marinig itong magsabing wala siyang dapat ipangamba. Gusto niyang maramdaman ang pag-aalagang iginagawad nito sa kanya tulad noong paslit pa lamang siya kapag nadadapa o nasusugatan. Na kung saan ay papayapain ng kanyang ina ang kanyang damdamin upang tumigl siya sa pag- iyak at sabihing hindi magtatagal at iyon ay maghihilom.

Sumagi rin sa kanyang isipan ang kanyang ama. Nais niyang aluin siya nito ngayon at sabihing wala siyang dapat ipag- alala. Na ipagtanggol siya nito tulad ng pagtatanggol nga ginawa nito sa kanya noong minsan'y nilagyan siya ng mga langgam ng kanyang kalaro sa kanyang likod. Umuwi siyang umiiyak noon sa kanilang bahay dahil sa mga makakating kagat ng guyam sa kanyang balat. Hindi nag-atubili ang kanyang amang puntahan ang batang gumawa nito sa kanya noon at saka pinagsabihan ito. Nakaramdam siya noon ng tunay na pagkakandili. Na siya ay hindi hahayaan ng kaniyang ama na mapahamak o malagay sa isang hindi ligtas na sitwasyon.

Napaupo siya sa sahig. Biglang dumaloy ang luha sa kanyang mga mata. Hindi niya na rin napigilan ang mahinang paghikbi. Ang impit niyang iyak na tanging ang apat na sulok ng kanilang bahay ang nagsilbing saksi. Sa kanyang pagdadalamhati ay kanyang mahinang nasasambit ang pagtawag sa mga magulang. Wala ang mga taong sa kanya'y sumasaklolo sa oras na kailangang- kailangan niya ang mga ito. Tuluyan siyang nalugmok sa kalungkutan. Mistula siyang sisiw na naiwang nag-iisa sa pugad at ngayon ay sisiyap- siyap.

"Hmmm,.. hmm…na-nay,… ta-tay,…hmmm, hmmm…"