webnovel

Mi Príncipe: Preludio

MI PRÍNCIPE: PRELUDIO

[Aking Prinsipe: Pasimula]

"INA! Ayoko po!" Reklamo ko kay ina habang ipinapadyak ko pa ang aking mga paa sa sahig.

"Anak, para rin naman sa iyo 'tong ginagawa namin!" Ani ni ina habang inaayos niya ang nagagandahang mga bestidang kanyang binili kahapon at inilalagay iyon ng maayos sa isang malaking maleta.

Nakasimangot lamang ako habang tinitingnan siya sa kanyang ginagawa. Sa kabilang banda, mababakas sa mukha ni ina ang kasiyahan. Napangiti na rin ako. Umupo ako sa sahig habang pinapanood siya. Kahit papaano ay nawala ang aking pagkainis. Hindi ba't ganoon naman talaga, masarap sa pakiramdam ang makitang masaya ang mga magulang natin?

Nang isasara na ni ina ang maleta ay napatingin siya sa akin.

"Oh anak, anong ginagawa mo diyan sa lapag? Halika nga rito" Nakangiti niyang wika.

Lumapit naman ako at umupo sa higaan kung saan siya nag-aayos kanina ng mga damit. Niyakap ako ni ina ng mahigpit at gumanti rin ako.

"Ang unica hija ko, ang laki-laki na" Pagkatapos niyon ay hinalikan niya ako sa noo.

"Ina, bakit ho kasi roon pa ako mag-aaral?"

"Anak, bukod sa maganda talaga ang turo roon ay gusto kong makapangasawa ka ng isang maharlika para guminhawa ang buhay mo"

Napahiwalay ako sa pagkakayakap kay ina.

"Ina! Ang bata ko pa ho para mag-asawa"

Napahagikhik siya. "Hindi ko naman sinabing mag-asawa ka kaagad. Mag-aral ka ngunit huwag mong palalampasin ang karanasang umibig"

Nakangiti lang si ina sa akin habang sinasabi iyon samantalang ako naman ay pinipilit iyong intindihin.

"Oo nga po pala ina, paano po ninyo ako nai-rehistro roon? Hindi naman po ako isang prinsesa at wala po tayong kaharian"

"Anak, hindi ka man totoong prinsesa, ikaw naman ang nag-iisang prinsesa namin ng ama mo at itong simpleng bahay natin ang ating kaharian" Wika ni ina at saka niya iniangat ang aking mukha sa pamamagitan ng paghawak sa aking babâ.

"At sikreto na namin kung paano ka namin nai-rehistro roon" Pinakitaan ako ni ina ng isang tusong ngiti.

"Si ama nga po pala, saan po siya naroroon?"

"Baka hindi pa siya tapos sa kanyang sinasaka sa bukid. Ang mabuti pa Catalina ay matulog ka na lang at bukas ay maaga ka pang gagayak patungo sa academia"

"Good night, my dear princess" Sambit ni ina at tuluyan na siyang lumabas na aking silid.

Nag-ingles pa talaga si ina. Napailing na lang ako habang nangingiti. Inilapat ko ang aking likuran sa higaan. Kagagaling ko lamang sa aking trabaho sa bayan kung saan ako ay isang barista sa isang kapehan. Ayos naman ang suweldo ko at kahit papaano ay alam kong nakatutulong ako kina ina.

Isang pribadong guro si ina. Siya mismo ang pumupunta sa bahay ng kanyang mga kliyente. Si ama naman ay isang magsasaka sa kabukiran na pag-aari ng hari. Sobrang simple lamang ng pamumuhay namin. Hindi karangyaan ngunit masaya naman kaming tatlo.

Sa di malamang dahilan, ngayong magkokolehiyo na ako, nais nila ina na sa Academia del Reino ako mag-aral. Ang mga prinsipe't prinsesa lamang mula sa malalayong kaharian ang nag-aaral doon. Sila rin ay tinuturuan ng tamang pamumuno sa kanilang mamanahing kaharian at kung paano dapat kumilos ang isang maharlika.

Napabuga ako ng hangin. Kinakabahan ako para bukas. Si ina naman kasi! Naiintindihan ko naman na nais nilang magkaroon ako ng magandang kinabukasan at maaari ko iyong matamasa kung ako ay mag-aaral ng husto sa isa sa mga unibersidad dito sa Isla del Reino Hindi 'yong mag-aasawa pa ako ng isang prinsipe!

Ipinikit ko ang aking mga mata. Bahala na bukas. Nawa ay pagpalain ako ng Panginoon sa magiging buhay ko roon sa loob ng academia.

""♡""

"Paalam aking mahal na prinsesa" Niyakap ako ni ama.

"Ama, may oras pa po kayo para magbago ng isip"

"Napakakulit mo talaga, Catalina" Nakangiting wika ni ina habang tinitingnan akong nakayakap pa rin kay ama.

Nakarinig kami ng umiiskapeng mga kabayo at napatingin kaming tatlo roon. Nakangiting pinatigil ng kutsero ang karwahe.

"Naririyan na pala ang nirentahan kong karwahe, anak" Nakangiting sambit ni ama.

Halos malaglag ang panga ko dahil sa ganda ng karwaheng ito. Lumapit ako roon at hinawakan ang palibot nito. Simple lang ang mga disenyo niya ngunit napaka-eleganteng tingnan.

Humarap ako kila ina at ama.

"Magsabi po kayo ng katotohanan sa akin, saan niyo po nakuha ang mga perang ipinanggastos niyo rito sa karwaheng ito, sa koronang ito at sa mga magagandang bestidang binili niyo para sa akin?"

Nagkatinginan sina ama't ina na tila hindi nila inaasahan ang aking katanungan.

Lumapit naman sa akin si ina at hinawakan ang magkabila kong balikat.

"Anak, matagal naming pinag-ipunan ito ng ama mo. Kahit papaano, sa loob ng academia ay maranasan mo ang isang marangyang buhay"

"Kaya anak, sana pagbutihin mo ang pag-aaral mo roon. Huwag mo kaming bibiguin, ha?" Dagdag pa ni ama.

Halos matunaw ang puso ko sa emosyong bakas sa mata nila ama at ina.

"Opo! Gagalingan ko po sa aking pag-aaral at sisikapin ko pong makapangasawa ng maharlika" Tumawa kaming tatlo sa huli kong sinabi.

Niyakap ako ng mahigpit nila ama at ina. Nang humiwalay ako ng yakap sa kanila ay nakita ko ang kanilang mga mata na namumula na. Tumulo na rin ang luhang pinipigilan ko.

Sumakay na ako sa karwahe kasama ng maleta ko. Sa kabila ng luhang lumalandas sa aking pisngi ay pinilit ko pa ring ngumiti at kumaway sa kanila bago tuluyang humayo ang karwahe. Niyakap ni ama si ina habang kumakaway pabalik sa akin.

Nakakaiyak naman talaga. Sa tanang buhay ko, ngayon lamang ako mapapahiwalay kina ina at ama ng matagal.

Kaya mo 'yan Catalina! Para kila ama at ina! Kakayanin mo!

""♡""

Maraming naggagandahang karwahe ang nakapila sa tarangkahan ng academia. Ang bawat prinsipe't prinsipeng bumaba sa kani-kanilang karwahe ay nagsusuot ng makalaglag pangang kasuotan.

Ang mamahal siguro ng mga 'yan! Naku diyos ko! Baka nga barya lang sa kanila ang pambili niyan.

Nang ang karwahe ko na ang huminto sa malaking tarangkahan ng academia ay agad akong bumaba. Nagpasalamat ako sa kutsero at bilang ganti siya ay ngumiti ng maaliwalas sa akin.

Tinanggal niya ang kanyang sumbrero at bahagyang yumukod sa akin.

"Nawa'y ang kapayapaan ng Panginoon ay sumainyo mahal na prinsesa"

Nanlaki ang mga mata ko roon. Mahal na prinsesa? Naku naman, hindi ako sanay.

Umalis na ang karwaheng nirentahan ni ama. Hinarap ko ang malaking tarangkahan ng academia at sa taas noon ay may arko. Sa arkong iyon nakasulat ang mga katagang "Academia del Reino" at talaga namang kumikinang-kinang pa. Yari yata sa ginto iyon at may aporong pilak.

Hindi pa man din ako nakakausad ay may biglang bumangga sa akin. Bumungad sa akin ang nakabusangot na mukha ng isang prinsipe.

"Huwag ka ngang humarang-harang sa daan!" Inis niyang wika sa akin.

Biglang bumilis ang ritmo ng puso ko dahil sa kaba. Naku naman! Isang prinsipe ang naperwisyo ko.

Agad akong yumukod sa kanya.

"P-patawad po mahal na prinsipe" Kinakabahan kong sambit ngunit naramdaman kong nahulog ang aking korona.

Hala! Hindi maaaring magasgasan 'yan! Ipinagawa pa 'yan ni ama!

Mula sa pagkakayukod ay aabutin ko na sana ang korona ko nang biglang may dumampot nito. Unti-unti kong iniangat ang paningin ko sa pumulot niyon.

"Heto na mahal na prinsesa" Nakangiting inilagay ng isa ring prinsipe ang aking korona.

"Sino ba itong si Kashen para yukuran mo ng ganoon? Pare-pareho lang naman tayong maharlika dito" Natatawang ani niya.

"P-pero mga prinsipe po kayo mula sa ibang kaharian kaya nararapat kayong igalang"

"At prinsesa ka rin naman, hindi ba?" Nakangiti pa ring wika ng gwapong prinsipe sa harapan ko.

Napangiwi na lamang ako. Oo nga pala...prinsesa...ako.

Pasensya naman at hindi pa rin ako sanay.

"Bakit ba kasi tila tuwang-tuwa ka sa arkong iyan? Wala bang ganyan sa kaharian ninyo? Tss." Wika ni Prinsipe Kashen at naunang maglakad palayo.

"Napakasungit talaga ng lalaking 'yan sa ibang tao ngunit kapag kami-kami na lang na magkakaibigan ang magkakasama napakapilyo" Umiiling-iling na komento ni...este ng prinsipeng nasa tabi ko.

"Ah...siya nga pala! Ako si Príncipe Alexus de Ocampo at iyong masungit na prinsipeng 'yon ay si Príncipe Kashen de Quintos. Mula kaming dalawa sa Isla del Paraiso"

"Ako naman ay si..." Hanggang sa pagkakataong ito, hindi pa rin ako sanay.

"Si...?" Nag-aabang na tanong ni Príncipe Alexus.

"...si Princesa...Catalina, mula sa Isla del Monte"

"Ikinagagalak kong makilala ka, mahal na Princesa Catalina" Inabot niya ang kanang kamay ko at hinalikan ang likod ng palad ko.

Ikinagulat ko ito at halos nawala na sa tamang tulin ang tibok ng puso ko. Pagkatapos niyon ay ngumiti siya sa akin.

"Halina sa loob ng academia?" Nakangiti niyang pag-aya sa akin.

Ngumiti rin ako sa kanya at tumango. Sabay kaming pumasok sa academia na may malawak na kalupaan na nasapinan na ng marmol.

♡♡♡

Hindi ko alam na sa pagkakataong iyon ko pala makilala ang lalaking magpapatibok ng puso ko hanggang ngayong ikaapat na taon namin sa academiang ito. Sa loob ng tatlong taong pamamalagi ko rito nasanay na akong umaktong prinsesa kahit hindi naman talaga ako maharlika. Nakikisama ako sa mga dugong bughaw na sa paligid ko at ang ilan sa kanila ay naging kaibigan ko. Naging masaya naman ang karanasan ko sa academia. At sa huling taon na ito, sana ay matapos ito ng matiwasay.

Nawa ay huwag ng mabuking na hindi naman talaga ako prinsesa at isang simpleng mamamayan lang ng Isla del Reino.

Ngunit nanatili iyong isang kahilingang hindi natupad. Ang akala kong mapayapang pag-aaral at pamumuhay sa Academia del Reino ay hindi na rin pala magtatagal sapagkat sa huling taon ko rito ay maraming hindi magandang mga pangyayari.

Itutuloy...

(Sundan sa Capítulo Uno)